Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 3

"Simpleng Pangarap"

Sanaysay ni: Arlan Manalon Camba

Naisip ko naikwento na kaya ng tao ang lahat ng kwento sa mundo? Nabulatlat na kaya ng
tao ang lahat ng misteryo ng sandaigdigan? Naisip na kaya niya ang hindi pa niya naiisip?
Natuklasan na kaya niya ang hindi pa niya natutuklasan? Ano pa kayang bagay ang hindi pa
naaabot ng karunungan ng tao?

Sa pakikinig ko sa isang namayapa ng broadkaster na nagbrodkas ng kahusayan ng "pitu-pito"


at cleansing diet at ang epekto ng pyramid kapag ipinatong ito sa bumbunan; ang karunungang
hindi pa raw nagagawa o naaabot ng tao ay ang tapusin niya ang lahat ng kurso sa mundo. Wika
niya, wala pang tao sa kasaysayan ang nagawang magkaroon ng diploma sa halos lahat ng
larangan ng karunungan.

Imadyinin mo, isa ka nang ganap na doktor. At hindi lamang basta doktor; nagpakadalubhasa
ka sa panggagamot ng mata, ilong, tenga at bibig. Minaster mo ang larangan ng internal
medicine. Kabisado mo ang pasikut-sikot sa laman-loob ng tao. At hindi lamang 'yan, dahil
ikaw rin ay isang neuro-surgeon, kayang kaya mo ang magbiyak ng bungo at tistisin ang
napakasensitibo at napakamaselang himaymay ng utak. Tinapos mo ang kursong ito with flying
colors sa isang kilalang medical school sa labas ng bansa. At hindi lamang 'yan, isa ka ring full-
pledge nurse. Sarili mo ang katu-katulong mo sa pag-oopera ng iyong mga pasyente. Bongga 'di
ba...?

Ikaw na rin ang nagtitimpla ng mga gamot na inirereseta mo sa 'yong mga parokyano. Kasi
naman, isa ka ring lisensyadong pharmacist at chemist. Ibitin ka man patiwarik, perfect mo ang
ganoon at ganitong formula. Saulado mo ang freezing at boiling point ng iba't ibang klaseng
chemicals. Sa katunayan, madalas kang maimbitahan bilang ispiker sa mga International
Conferences pagdating sa science. Eh, bakit naman hindi? Eh isa ka ring well-renown scientist.
Nakuha mo ang iyong pagkaduktorado sa larangan ng mathematics, physics, biology, botany,
zoology, genetics at engineering. Kamakailan lang nga ay ginawaran ka nang natatanging
pagkilala ng National Aeronautics and Space Administration o NASA dahil sa iyong pambihirang
kontribusyon sa larangan ng space science.

At oo; isa ka ring astronaut. Dagdag sa iyong naiambag ay ng tangkain mong puntahan gamit
ang dinisenyo mong space shuttle ang proxima centauri; ang bituing malapit sa mundo kasunod
ng araw. Piloto ka rin. Side-line mo ang pagpapalipad ng eroplano Domestic o International
flight man. Bahagi ka rin ng elite forces na nanguna sa opensiba laban sa mga Iraqui ni Saddam
noong kasagsagan ng Operation Desert Storm. Tama, isa ka ring sundalo. Isang distinguished
coronel sa ilalim ng tanyag na Navy Seal.

Nang magbuhos ng kahenyuhan ng langit ay pinalad kang masalo mo ang lahat. Dahil bukod
sa propesyon na nabanggit, nagpakadalubhasa ka rin sa propesyon ng pagsisinungaling! Yes, you
are also a lawyer by profession. Mantakin mo, minamani mo lang ang lahat ng uri ng batas.
Kayang-kaya mo itong paikutin, bilugin, ituwid ang baluktot at baluktutin ang tuwid. Gamay na
gamay mo ang mga pasikut-sikot lalo na sa larangan ng International Law. Matunog ang iyong
pangalan pagdating sa mga diplomatic relations sa iba't ibang nasyon sa mundo. Eh, bakit
hindi? Bukod sa pagiging de-kampanilyang abogado at de-kalibreng political scientist;
napapakinabangan mo rin ang mga natapos mong degree sa sociology, cultural anthropology,
history at economics. 'Wag nang isama rito ang kinagigiliwan mong libangan at ito ay ang
magsalita at makipag-usap sa iba't ibang lenggwahe at i-analyze ang etymology, phonology,
morphology at syntax ng mga lenggwahe sa mundo. Lintik... polyglot na nga lingguist pa!

Hindi lang 'yan, natapos mo rin ang Master's Degree sa Public Administration kasabay ng
pagkakamit ng titulong Doctors of Education at Doctors of Philosophy. Wala nang paglagyan
ang mga titulong nakakabit sa iyong pangalan. At hindi lamang d'yan natatapos ang lahat, dahil
sa hangarin mong maging ganap ang iyong mga pangarap, niyakap mo at tinanggap ang tawag
ng bokasyon ng PAGPAPARI; sapagkat naniniwala kang ito lamang ang paraan at katubusan sa
kahangalan ng sangkatauhan...

Kung bibilangin mo ang dekada, taon, araw, oras at minuto na iyong gugugulin para matapos
ang lahat ng karunungang ito siguradong ito na ang literal na pagsusunog ng kilay. At tinitiyak
kong hindi lang basta kilay ang masusunog o kung hindi man masunog ay siguradong mamumuti
na ang lahat ng buhok mo sa katawan para lamang mapagtagumpayan ang lahat ng propesyong
ito. Ilang lapis, bolpen, notbuk at papel ang makukunsumo para lagakan ng mga impormasyong
napag-aralan? Ilang quizzes, exams, projects at recitations ang dapat ipasa para ang lahat ng ito
ay mapagtagumpayan? Magkanong halaga ng kwarta ang uubusin para matustusan ang pag-
aaral? Anong uri ng sakripisyo ang pagdadaanan para makamit ang lahat ng ito?

Malamang kaysa hindi; limang pulgada na ang salamin mo sa mata ay wala ka pang natatapos
ni isa sa alin mang propesyon na nabanggit. Baka malimutan mo na rin ang maligo at
magsuklay. Baka pati ang paghihinuko ay malimutan mo na rin. Baka sa sobrang subsob mo sa
pag-aaral ay malimutan mo na ang itsura ng 'yong mga magulang, kapatid, kasambahay, kaibigan
at pati na ang iyong sarili. Paano na ang personal life? Ang 'yung love life? Ang 'yung social
life? Ang 'yung night life? Oh my God... pa'no na ang sex life?

Sadyang ang buhay ay walang katapusang pag-aaral ngunit hindi rin nangangahulugang
kailangan mo ang sangkatutak at sangkaterbang diploma para maunawaan mo ang buhay at
maintindihan mo kung paano ang mabuhay. Minsan, nagsisilbing pasaporte na lamang ito para
sabihing may pinag-aralan ka. Nagiging tatak para ituring kang matagumpay sa maraming taon
na iginugol mo sa pakikipagbolahan sa loob ng eskwelahan. Talaga bang solve na ang kahirapan
pag natapos mo ang BS at AB courses?

Mahirap kalaban ang gutom at kapag sikmura na ang nagtanong, nabobobo ang isip. Sa mga
nagtataasang presyo ng bilihin mula sa langis at kuryente hanggang sa mga basikong
pangangailangan ng tao tulad ng tubig, asukal at bigas; ano pang halaga ang may pinag-aralan?

Mahirap ang walang makain at ayaw kong magutom. Bukas, isusugal ko ang aking kapalaran
sa pakikipagbalyahan at pakikipagsiksikan sa napakahabang pila para maging studio contestant
sa isang game show. Dito, hindi kailangan ang diploma. Hindi ring kailangan ang form 137 at
form 138. Wala ring saysay ang transcript of records at wala ring bigat ang dami ng medalya o
titulong nakakabit sa pangalan. Gamit lamang ang tigas ng mukha, tapang ng hiya at kapal ng
apog; susungkitin natin ang suwerte. Gawin nating puhunan ang pagiging kawawa, ang pagiging
mangmang at walang alam. At sapagkat, tayo ang gumagawa ng ating kapalaran nasa ating
kamay ang pangarap na jackpot. Kaya nga sa katanungang "pera o bayong," magde-deal ka ba o
no deal? Nasa sa'yo ang pagpapasya!

O, ano? GAME KA NA BA?!

You might also like