Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

DAHILAN NG PAGSIKLAB NG UNANG DIGMAANG PANDAIGDIG

Noong 1870 ay sumiklab ang isang digmaan ng Pransiya at ng mga estadong Aleman sa pangunguna
ng Prusya. Sa digmaang ito'y nasakop ng mga Aleman ang malaking bahagi ng Pransiya hanggang
sa tuluyang mapipilan ang mga Pranses. Nagbunsod ito sa pag-iisa-isa ng dating maliliit at
magkakahiwalay na mga estadong Aleman na kalaunan ay tinawag bílang Imperyong Aleman.
Napasakamay ng bagong imperyo ang Alsasya at Lorena - mga teritoryong Pranses, samantalang
buo naman ang pasya ng Pransiya na mabawi ang mga nasabing teritoryo. Mula noo'y lumakas at
umunlad ng gayon na lámang ang industriya't ekonomiya ng bagong tatag na imperyo.
Makalipas ang dalawang taon ay isang alyansang tinatawag na Liga ng Tatlong Emperador ang
pinasinayahan ng mga imperyong Aleman, Austro-Unggaryo at Ruso subalit hindi nagtagal nang
may namuong alitan sa dawalang hulíng nabanggit hinggil sa mga usapin sa Rehiyong Balkanika.
Dahil dito, noong 1879, ay bumuo ng sariling alyansa ang Imperyong Aleman at Austro-Unggaryo
na tinaguriang Dalawahang Alyansa. Kalaunan nama'y sumali ang Italya sa nasabing alyansa.
Magmula noong 1882, ang samahan ng mga imperyong Aleman, Austro-Unggaryo at Kaharian ng
Italya ay kinilala bilang Tatluhang Alyansa. Sa kabilang banda, nang mabuwag ang Liga ng Tatlong
Emperador, ay nakipag-alyansa ang Pransiya sa Imperyong Ruso noong 1894 at nang mga sumunod
na taon ay makailang ulit na lumagda ng kasunduan sa Imperyong Briton. Noon namang 1907 ay
nilagdaan ng mga imperyong Briton at Ruso ang Kasunduang Angglo-Ruso. Ang mga pangyayaring
ito'y nagbunsod sa pagtatatag ng Tatluhang Kasunduan ng mga imperyong Briton, Ruso at
Republikang Pranses. Noon din ay nagsimulang magparami at magpalakas ng sandatahang lakas ang
bawat bansang nabanggit pangunahin na ng Imperyong Briton at Aleman.

Noon namang 1908 ay sinakop ng Austriya-Unggarya ang Bosniya at Hersegobina samantalang


nagpahayag ng kasarinlan ang Bulgarya mula sa Imperyong Otomano. Ikinagalit ng Serbiya at ng
Imperyong Ruso ang naunang pangyayari sapagkat ang nasabing lugar ay tahahan ng mga
mamamayang Eslabo na kanilang mga kalahi. Pagsapit naman ng 1912 ay sinalakay ng Ligang
Balkanika na kinabibilangan ng Bulgarya, Gresya, Montenegro at Serbiya ang Imperyong Otomano
na dating nakasasakop sa kanila. Naging matagumpay ang nasabing liga at malaking bahagi ng
teritoryo ng Imperyong Otomano sa Rehiyong Balkanika ang kanilang napasakamay subalit may
namuong alitan sa pagitan ng Bulgarya't Serbiya hinggil sa isinagawang paghahati-hati ng liga
sa Masedonya samantalang kinilala naman ang pagtatatag ng Albanya. Nang sumunod na taon ay
sinalakay ng Bulgarya ang Gresya't Serbiya subalit napipilan samantalang sinamantala ito ng
Imperyong Otomano at Rumanya upang makakuha ng ilang teritoryo sa Bulgarya.
Noong 28 Hunyo 1914 ay binaril ni Gavrilo Princip, isang makabayang Serbiyo, si Archduke Franz
Ferdinand, tagapagmana ng trono ng Austriya-Unggarya at ang asawa nitong si Sophia sa Sarahebo,
kabisera ng Bosniya at Hersegobina. Naghain ng banta ang Austriya-Unggarya laban sa Serbiya ukol
sa nasabing pagpatay nang mapag-alamang si Princip ay kasapi ng Black Hand, isang kilusang
Serbiyo-Bosnyo na naglalayon ng kalayaan ng mga mamamayang Eslabo na nasasakop ng imperyo.
Nagpahayag ng pakikidigma ang Austriya-Unggarya laban sa Serbiya noong 28 Hulyo 1914, nang
hindi makontento ang nauna sa isinagawang pagtugon ng hulí sa naturang banta. Kinabukasan ay
iniutos ni Tsar Nikolas II ang bahagyang paghahanda ng sandatahang Ruso. Sinagot ito ng
pakikidigma ng Imperyong Aleman laban sa Imperyong Ruso noong 1 Agosto at noong 3 Agosto
laban sa Pransiya. Nagpahayag din ng pakikidigma ang Imperyong Briton laban sa Imperyong
Aleman noong 4 Agosto nang sakupin ng huli ang Belhika (na umapela naman ng tulong mula sa
Imperyong Briton) upang dumaan sa nasabing bansa patungong Pransiya.

You might also like