Hindi ko maipaliwanag ang sabik na nararamdaman ko sa sorpresang gagawin ko. Makalipas ang 26 taon, makikita ko na rin sa wakas ang tatay ko, makakabisita na rin ako sa tirahan niya. Kahit na hindi ko siya nakasamang lumaki, hindi pa rin siya pumapalya sa pagbibigay ng kuwento sa akin palagi. Ang daming kuwento at karamihan dito ay tungkol sa trabaho niya at sa tinitirahan niya. Habang nasa biyahe ako papunta sa tatay ko, sumariwa sa akin lahat ng kuwento niya. Tuwang-tuwa ako lalo na sa tuwing binabanggit niya kung gaano siya natutuwa sa mga kliyente niya sa trabaho. Ang dami raw niyang nakikilala sa araw-araw. May mayaman, may sosyal, at mga foreigner! Nakakainggit si tatay. Buti pa siya, nakakasalamuha ang ganoong uri ng mga tao. Sabik na rin akong Makita yung tirahan niya na sa paglalarawan niya ay malawak, maganda, maraming halaman at magara! Palagi nga raw binibisita ng mga tao ang bahay niya eh. At ngayon, isa ako sa mga bibisita sa tirahan niya. Hawak ko ang address na ibinigay sa akin ng tiyahin ko na sa buong buhay ko ay ngayon ko lang narinig dahil hinid naman ako maalam sa mga lugar lalo na sa maynila dahil hindi naman ako nakapag-aral.”Lapu-Lapu Monument, Rizal Park” ang nakalagay. Ang sosyal pakinggan. Habang naglalakad ako, at tinatahak ang daan patungo sa lugar na tinuturo sa akin ng mga taong napagtatanungan ko, bumagsak ang aking luha habang nakikita ko ang aking tatay, nanlilimahid habang dala-dala ang isang basket na puno ng sigarilyo’t kendi. Sa halip na si tatay ang sosorpresahin ko, ako ang nasorpresa.