Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Titulo: Ang Modernong Filipino

Programa: State of the Nation (SONA) with Jessica Soho

Episodyo: Assignment Pilipinas – Jejemon, Bekimon, patunay na buhay ang Wikang Filipino

Mula sa: GMA NewsTV

Program Creator: GMA Network

Iniulat ni: Cesar Apolinario

BUOD

Ang Wikang Filipino ay talaga namang mayaman at sumasabay sa uso. Ngayon nga ay naglipana
ang mga makabagong salita tulad na lamang ng ‘jejemon’, ‘net lingo’ o salitang pang-‘internet’,
‘acronyms’, at meron pang ‘bekimon’ o ‘gay lingo’.

Ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa State of the Nation (SONA) with Jessica Soho, ang jejemon ay
isang estilo na kadalasang ginagamit ng mga kabataan sa pagte-text at iba pang uri ng
pakikipagkomunikasyon gamit ang modernong teknolohiya. Ito ay mas pinahaba at mas
pinakumplikadong pagbabaybay ng mga salita na mas pasok sa paningin ng mga grupo ng kabataan na
nais magmarka ng kakaibang pagkakakilanlan sa lipunan.

Kasabay ng pagkalat ng jejemon sa mga social networking sites ay ang pagsikat rin ng net lingo
at iba’t-ibang acronym at abbreviations. Ilan sa mga halimbawa nito ay LOL, GTG, BRB, at OOTD.

Bukod pa rito, hindi pahuhuli ang gay lingo o bekimon ng mga homosexuals na kanilang katangi-
tanging pamamaraan sa pagpapahayag ng kanilang kasarian at pagpapakita ng kanilang natural na
pagiging malikhain. Ang kakaibang pananalitang ito ay mas nagbibigay pagkakakilanlan sa kanilang
pangkat sa lipunan. Datapwa’t, ang gay lingo ay hindi lamang tampok sa mga homosexuals; ito ay
ginagamit rin sa radyo, tv, at dyaryo dahil ito’y madaling tinanggap ng masa.

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, sa barkadahan lamang nararapat gamitin ang mga salitang
gaya ng nabanggit, na tinawag nila bilang “little languages”. Hindi nila iminumungkahi ang paggamit nito
sa literaryo o panitikan dahil ito’y maaaring magresulta sa di’ pagkakaunawaan na siyang salungat sa
tunay na layunin ng wika.

Gayunpaman, ang wika ay salamin ng kultura at uri ng lipunan na tinatamasa ng isang bansa.
Kaya sa huli, ang mga salitang gaya ng jejemon at bekimon ay patunay lamang na patuloy na nagbabago
ang ating kultura at ang Wikang Filipino ay buhay.

a.) Ano ang barayti ng wikang nabanggit at paano ito nabuo sa mga taong gumagamit nito?
Ang sosyolek ay nababatay sa pangkat ng lipunan na kinabibilangan ng nagsasalita. Ito ay nabuo
ayon sa natural na pangangailangan ng isang grupo na magkaroon ng natatanging pagkakakilanlan.
Ang jejemon, net lingo, at bekimon ay nabibilang sa sosyolek na barayti ng wika.

Ang jejemon ay isang estilong ginagamit sa pagtetext at iba pang uri ng pakikipagkomunikasyon
gamit ang makabagong teknolohiya ng mga kabataan na nais magmarka ng kakaibang impresyon sa
lipunan. Anila, mas maganda sa kanilang paningin ang ganitong pamamaraan ng pagbabaybay. Dito
nila nadarama ang pagiging kabilang sa isang natatanging grupo kung saan malaya nilang
naipapahayag ang sarili.

Ang net lingo naman ay kadalasang ginagamit sa social networking sites ng mga kabataan na nais
bigyan ng kaibahan o sigla ang tipikal na pakikipag-usap o pagpapahayag. Ito rin ay nagsisilbing kowd
ng makabagong henerasyon upang hindi madaling maintindihan ng matatandang nahihirapang
makisabay sa uso.

Samantala, ang bekimon naman ay ang lengguwaheng nabuo sa loob ng pangkat ng mga
homosexuals. Para sa kanila ang pagkakaroon ng natatanging porma ng pananalita ay isang
pamamaraan upang mas maipahiwatig nila ang kanilang katauhan at mas mapatatag ang kanilang
pagkakakilalan.

b.) Ano ang dapat tandaan at isaalang-alang sa paggamit ng ganitong uri ng salita?

Sa paggamit ng ganitong mga uri ng pananalita, mahalagang isaisip natin unang-una na ang wika ay
nabuo sa layon ng pagkakaintindihan at pagkakabigkis ng isang bansa. Huwag sanang maging
hadlang ang mga wikang ito sa pagkamit ng pagkakaisa at pagkakaunawaan nating mga Filipino.
Nawa din isaalang-alang natin na ang wika ay nararapat lamang pairalin ng dalisay. Kumbaga, ang
mga makabagong wikang ito nawa ay hindi gamitin upang makapanakit ng ibang tao o ng ibang
pangkat na mayroon sa lipunan. Bagamat nakakatulong ng malaki ang mga wikang ito na
maipahayag ng isang tao ang kanyang sarili ng malaya, importanteng alalahanin na ang paggamit
nito sa literaryo at pampanitikan ay maaaring makasira sa wastong anyo, gamit at baybay ng mga
salitang Filipino. Kung kaya, mainam na ang mga wikang ito’y hayaang sa loob na lamang ng
barkadahan umikot.

c.) Ano ang implikasyon ng barayting nabanggit ng mga salitang ito sa pagpapaunlad ng Wikang
Filipino?

Nakakatulong ang sosyolek sa pagpapayaman ng bokabularyong Filipino na gumagalang sa mga pangkat


na umiiral sa lipunan. Ibig sabihin, tungo sa mga sosyolek na uri ng pananalita, nabibigyang pagkakataon
ang bawat isa na gamiting ang Wikang Filipino ng mas malaya ayon sa pangkat sa lipunan na kanilang
kinabibilangan. Ang lumalagong iba’t-iba o pangkat-pangkat na estilo ng pagpapahayag ay patunay
lamang na ang kulturang Filipino ay nagbabago ayon sa tawag ng modernong henerasyon at kaalinsabay
nito ang pagunlad ng Wikang Filipino sa loob at labas ng sektor sa lipunan na gumagamit ng partikular na
modernong Filipino.

You might also like