Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

KINILALA ng mga batikang manunulat ang kontribusyon ng Tomasinong si Alejandro Abadilla

bilang “Ama ng Modernistang Panulaang Filipino” sa talakayang ginanap sa sentenaryong


pagdiriwang ng kaniyang kapanganakan noong Marso 10 sa UST Miguel de Benavides Library
Conference Hall.

“Kinikilala si Abadilla bilang ‘Ama ng Makabagong Panulaang Tagalog’ hindi lamang dahil siya ang
masigasig na nagbasa at pumili ng namumukod na mga akda, kundi dahil sa kaniyang matamang
paninindigan laban sa talamak at makipot na nakabihasnang pamantayan sa pagtula,” ani ng makata
at kuwentistang si Rebecca Añonuevo sa Alejandro G. Abadilla Centennial Forum na idinaos sa
pakikipagtulungan ng Varsitarian, Department of Languages, Literature, and Philosophy ng Faculty
of Arts and Letters, at mga mag-aaral mula sa III-Literature.

Bagaman nabuhay si Abadilla sa panahon ng tradisyonal na panulaang Balagtas, kung saan


binibigyang-diin ang balangkas at kaanyuan ng akda, ginamit niya ang malayang taludturan at
makabagong mga idyoma at salita upang ipahayag ang kaniyang mga ideya’t karanasan.

Kabilang sa mga akdang isinulat ni Abadilla ang koleksiyong Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula at
Piniling mga Tula ni AGA, gayundin ang mga nobelang Sing-ganda ng Buhay at Pagkamulat ni
Magdalena. Ngunit higit na nakilala ang kaniyang tulang Ako ang Daigdig at koleksiyong Erotika
sapagkat higit na makikita rito ang kaniyang pagtiwalag sa tradisyonal na uri ng panulaan.

“Sa tulong ng kaniyang kakaibang gamit ng mga kataga, napalaya ni Abadilla ang taludturang
Pilipino, kung hindi man ang panulaang Filipino,” ani Victor Emmanuel Carmelo Nadera, makata at
direktor ng Likhaan UP Institute for Creative Writing.

Sa kaniyang panayam na may temang Pagtitig sa ‘Di Nakikita: Ang Babae ay Wala sa Mga Piling
Tulang Erotika ni Abadilla, binigyang-diin ni Añonuevo na bagaman hindi pinangalanan ang mga
kababaihan sa mga tulang erotika ni Abadilla, kusa naman itong umiiral, kumikilos, at umuudyok sa
kaniyang panulat.

“Ito ang hamon ng panukalang pagbasa kay Abadilla, ang pakinggan ang makapangyarihang
katahimikan at pagpipinid sa buslo sa pagitan ng mga alimpuyo ng mga taludtod,” ani Añonuevo.
Nagtapos ng Pilosopiya sa dating Faculty of Philosophy and Letters (Philets) noong 1931, si Abadilla
ang nagtatag ng Kapisanang Balagtas na naglalayong palaguin ang paggamit ng wikang Tagalog. Sa
tulong din niya, naitatag ang Kapisanang Panitikan noong 1935, na kinabilangan ng iba pang mga
manunulat tulad nina Teodoro Agoncillo, Brigido Batungbakal, at Genoveva Edroza-Matute.

Ayon kay Florentino Hornedo, isang historyador at propesor ng Pilosopiya at Panitikan sa UST
Faculty of Arts and Letters at Graduate School, maaaring naging isang salik sa paghubog ng kaisipan
ni Abadilla ang pag-aaral niya sa Philets, at makikita ito sa kaniyang tulang “Ako ang Daigdig.”

“Ang tulang ’Ako ang Daigdig’ ay isang poetic installation ng mga pangunahing ideyang pilosopikal
tungkol sa tao na maaaring natutunan ni Abadilla noong nag-aaral pa siya sa Philets,” ani Hornedo.

Para naman kay Efren Abueg, isang kuwentista at propesor sa De La Salle University-Dasmariñas,
maaaring nakaapekto sa liberal na edukasyong pampanitikan ni Abadilla ang kaniyang pamamalagi
at pagtatrabaho bilang manunulat sa Estados Unidos, gayundin ang pagbabasa niya ng mga
kanluraning aklat.

“Kung hindi man sa kaniyang pamamalagi sa Estados Unidos, masasabing nagpatuloy ang
edukasyon niya sa panitikan sa kaniyang pagbabalik hatid ng mga aklat na masigasig na inaangkat
para maging mabilis ang Amerikanisasyon ng sambayanang ilang dekada pa lamang nahahango sa
dilim at kamangmangan ng eskudo ng Espanya,” ani Abueg.

Ako, daigdig at tula

Sa lahat ng mga tulang isinulat ni Abadilla, higit na binigyang-pansin ang akdang “Ako ang Daigdig”
dahil sa iba’t ibang makabagong ideyang ipinahihiwatig nito bagaman kakaunti lamang ang mga
salitang ginamit rito.

Tinalakay ni Gary Devilles, propesor sa Ateneo de Manila University at Artlets, sa kaniyang papel na
Si Superman at si AGA: Pagdalungad sa Konsepto ng Ubermensch ni Nietzsche sa Ako ang Daigdig
at Iba Pang Modernong Tula ang pagkahalintulad ni Abadilla sa konseptong Superman ng
pilosopong Aleman na si Friedrich Nietzsche sa pamamagitan ng pagsalungat sa tradisyonal na
panulaan at paggawa ng mga tulang may panibagong anyo at nilalaman.
“Sa pag-uulit ng mga salitang ako, daigdig, tula, at maliw sa kaniyang tulang ‘Ako at ang Daigdig,’
nakalikha si Abadilla ng isang obrang hahamon sa hangganan ng poetikang Tagalog na nakalubog pa
noon sa tradisyon ng Balagtasismo,” ani Devilles.

“Maituturing na progresibo sa isang post-colonial na perspektibo ang tulang ito dahil ang puno’t dulo
ng tula ay ang ‘ako’, ang manlilikha ng tula na lumilikha sa mundo,” ani Rolando Tolentino,
kuwentista at propesor sa Unibersidad ng Pilipinas.

Ayon naman kay Michael Coroza, makata at propesor sa Ateneo at dating patnugot ng Varsitarian,
hindi lamang laban sa imperyalismo ang tulang “Ako ang Daigdig” ni Abadilla kundi
nagpapahiwatig ito ng pagbabalik sa sarili.

“Tinuligsa ng makata ang mekanikal na paggamit ng tugma at sukat dahil sa tingin niya, hindi tula
kundi prosang nakasilid sa mahigpit na anyo ng tugma at sukat ang sinusulat ng mga makata,” aniya.

Bilang pagpupugay sa mga naiambag ni Abadilla sa panitikang Filipino at pagkilala na rin sa


kaniyang mga tulang makabago, inilunsad sa kumperensiya ang Kaakuhan, isang audio album ng
mga tula ni Abadilla gayundin ang mga tulang nilikha para sa kaniya.

Si Alejandro G. Abadilla (A·le·hán·dro A·ba·díl·ya) ang kinikilalang “Ama ng Modernistang Pagtula


sa Tagalog.” Bukod sa pagiging makata, isa rin siyáng nobelista at kritikong pampanitikan.
Sa kaniyang mga akda, hinamon at sinalungat ni Abadilla ang dkahong paggamit ng tugma at sukat
sa tula at ang labis na romantisismo sa panitikang Tagalog. Isa siyá sa mga tagapagtatag ng
Kapisanang Panitikan, at editor-tagapaglathala ng magasin nitóng Panitikan upang isulong ang
pagpapaunlad ng panitikang Tagalog. Itinuturing ang tula niyang ”Ako ang Daigdig” na hudyat ng
pagsilang ng Modernistang pagtula sa Tagalog bukod sa lumikha ito ng malaking kontrobersiya sa
nilalaman at sa anyong may malayang taludturan.
Ang kaniyang mga aklat ng tula ay Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula (1955), Piniling mga Tula ni
AGA (1965), at Tanagabadilla (1964, 1965); ang kaniyang mga nobela ay Singganda ng
Buhay (1947) at Pagkamulat ni Magdalena (1958). Siyá ang editor ng mga antolohiyang Parnasong
Tagalog, ang unang pagtitipon sa isang aklat ng mga pangunahing tula ng mga makatang Tagalog
mula 1800 hanggang 1940s, Mga Kuwentong Ginto (1936, kasama si Clodualdo del Mundo
Sr.), Ang Maikling Kathang Tagalog (1954, kasama si Federico Sebastian at A. D. G. Mariano),
at Maikling Katha ng 20 Pangunahing Awtor (1957, kasáma si Ponciano B. P. Pineda).
Nagsimula siyáng makilála bilang kontrobersiyal na manunulat noong buksan niya ang isang kolum
sa pamimilì ng mahuhusay na maikling kuwento at tula. Pinamagatan niya ang kolum na Talaang
Bughaw at minarkahan sa pamamagitan ng isa hanggang tatlong asterisko ang ipinalalagay niyang
husay ng isang nalathalang akda. Maraming nagalit na katandaan at popular na manunulat dahil
malimit na mababà ang kanilang markang asterisk.
Isinilang siyá sa Salinas, Cavite noong 10 Marso 1906 sa isang simpleng pamilya. Nagtapos siyá sa
Mababang Paaralan ng Baryo Sapa at sa Mataas na Paaralan ng Cavite. Nakamit niya ang titulong
Batsilyer sa Sining ng Pilosopiya mula sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1931. Nagsilbi siyáng
konsehal sa munisipyo ng Salinas hanggang 1934, at pagkaraan ay naglako ng seguro para sa
Philippine-American Life Insurance. Nagkaroon siyá ng walong anak sa asawang si Cristina
Zingalava. Pumanaw siyá noong 26 Agosto 1969. (PKJ)

You might also like