Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

BRIANNA LOUISE A.

DELGADO FILIPINO
8-CHARITY

Alamat ng Batangas

Si Gat Pulintan ang kinikilalang hari ng makapangyarihang balangay ng Kumintang. Kumintang ang
itinawag sa balangay na yaon pagka't ang mga binata't dalaga roo'y laging umaawit ng kundimang
ganyan ang pamagat. Tulad ng mga binata't dalaga, ang mga impo at lolo ay umaawit din niyan sa
pagpapatulog ng kanilang mga apo. Ginagamit din ito ng mga magulang na panghele sa kanilang mga
bunso.

Si Gat Pulintan ay may isang anak, si Marikit. Napabilang sa kanyang mga tagahanga si Batumbakal ng
balangay ng Taal sa talpukan ng Lawang Bumbon.

Ang balangay ng Kumintang ay nagsimula sa munting kabukiran na ngayo'y maaaring panuntunan sa


kapatagang kinatatayuan ng kapitolyo hanggang sa baybaying-ilog ng Kalumpang.

Ang Kumintang ay masagana, maligaya at walang kinikilalang panginoong dayuhan. Ang lahat ng sakop ni
Gat Pulintan ay di nakakakilala ng gutom pagka't ang kanilang mga gubat ay sagana sa baboy-ramo, usa,
at mga ligaw na hayop. Ang mga batis ay mayaman sa mga isda at hipon at ang malawak na kabukira'y
hitik sa hinog na palay. Sa kumintang ay walang magnanakaw, walang mapagsamantala. Anupa't ang
balangay na ito ay payapa, tulad ng isang "Utopia" pagka't ang hari ay iginagalang at mapagpasunod.

Samantalang namumuhay sa kasaganaan at kapayapaan ang mga maharlika, pati ang mga aliping kahit
na kampon ay maligaya rin. Siya namang pagdaong ng mga Kastila na pinangunguluhan nina Padre Selga
at Kapitan Cortes.

"Sa ngalan ng pananampalataya ay ipinagbibigay-alam ko na nais naming sakupin ang inyong balangay sa
kautusan ng Haring Felipe ng Espanya. Aming palalaganapin dito ang pagsamba sa Krus upang yakapin
ninyo ang bagong relihiyon," ani Padre Selga.

Si Gat Pulintan ay sumagot, "Mahal na Pari, ang sinasamba nami'y ang mga anito, ang kaluluwa ng aming
mga nuno. Hindi namin mayayakap ang bagong relihiyon pagka't iya'y sinsay sa aming kaugalian."

Sa sagot na ito, si Kapitan Cortes ay nasuklam. Inisip niyang nang sandali ring iyo'y lusubin ng kanyang
mga kawal ang moog ni Gat Pulintan, nguni't nang makita ang himalang ganda ni Marikit, siya'y
huminahon. Nabatubalani ang kanyang malupit na puso.

Samantalang si Padre Selga't ang mga kawal ay nagliliwaliw sa magagandang tanawin sa pook na yaon, si
Kapitan Cortes nama'y nagsadya kina Marikit.

"Mutyang Marikit, iniibig kita," ang simula ni Kapitan Cortes. "Ikaw ang sulo ng aking buhay. Inihahandog
ko sa iyo ang lahat - kayamanan, karangalan at buong daigdig."
Ito'y sinagot ni Marikit: "Salamat po sa inyong taglay na paghanga sa akin. Akin pong ikinalulungkot na
ipagtapat sa inyo na may nag-aangkin na ng aking puso."

"Sino ang pinagsanglaan mo ng iyong pag-ibig?"

"Ang mapalad na lalaking iya'y si Batumbakal."

"Di yata't hindi mo tatanggapin ang aking pagmamahal? Ang kasuyo mo ay iyong limutin."

"Hindi ko po malilimot ang aking kasintahan hanggang kamatayan."

"Kung gayon ay humanda ka. Kita'y aagawin. Ako ay makapangyarihan. Libu-libo ang mga kawal kong
lulusob sa kaharian ng iyong ama." Nagmadaling umalis si Kapitan Cortes na ang puso'y may tinik ng
pagkabigo at sa mukha'y nalalarawan ang bulkan ng paghihiganti.

Nang makalisan ang mga dayuhan ay siya namang pagdating ni Batumbakal na galing sa pangangaso.
Inihandog ng kanyang mga kawal sa paanan ni Marikit ang kanyang nahuling malaking usa.

Ipinagtapat ni Marikit kay Batumbakal ang babalang unos na gagawin ni Kapitan Cortes.

"Aking mahal, kaaalis lamang ng mga Puting Dayuhan. Ako raw ay kanilang aagawin sa iyo. Mabuti'y
makipanayam ka kay Ama, at itanong mo kung ano ang mabuting gawin."

"Huwag kang magulumihanan aking Mutya. Ako ang bahala. Ako ay patutungo sa dakilang hari, ngayon
din."

Ipinaliwanag ni Gat Pulintan kay Batumbakal ang nais na pananakop ng mga Kastila, ang pagkakalat ng
bagong pananampalataya at saka ang pagbibigay sa mga dayuhan ng sapilitang buwis na kanilang
hinihingi sa bawa't tag-ani.

"Ako po'y naparito at nasabi nga sa akin ni Marikit ang bagay na iyan. Ano po ang ating mabuting
gawin?"

Ang Matandang Balangay ay nagpatuloy, "Ako ay tumutol. Hindi ko matatanggap ang pagsamba sa ibang
Diyos. Aking ipaglalaban ang ating balangay. Tayo ay malakas at malaya. Hindi dapat kamkamin ng mga
dayuhan ang ating lupa at kayamanan. Iniutos ko sa lahat ng raha't lakang aking nasasakupan na
humanda sa pakikilaban. Ngayon din ay ihatid mo ang iyong mga kawal."

Naghanda ang Kumintang. Ang bawa't kawal at alipin pati ang mga maharlika'y nagsipaghasa ng
kampilan. Ang lahat ng balangay na kalapit, sakop at kampi ay nangaghandang makipanalasa.

Pinatalibahan ni Batumbakal ang paligid ng balangay. Pinatibay ang buong moog. Binakuran ang kuta ng
naglalakihan at nagtataasang mga "batang" niyang mga piling haligi ng kagubatan.

Nang lumusob ang mga Kastila, hindi nila masalakay ang matibay na moog na napapaligiran ng mga
trosong batang. Bukod dito, ang mga busog na makamandag na galing sa pana ng mga Negritong Pansipit
ay nangagsalimbayan. Pinagtutudla ang mga taong mangangamkam. Walang magawang pagsalunga ang
mga Kastila. Minsan pang ipinakilala ni Gat Pulintan na ang kanyang balangay ay makapangyarihan at
walang dayuhang makasasakop.

Ang buong balangay ay nagsaya pagka't lumayas ang mga Kastila. Mula noo'y di na sila ginambala minsan
man. Bilang pagpapasalamat, sila'y nagparangal at tuloy pinag-isang-dibdib sina Batumbakal at Marikit.
Ang ngalang Kumintang ay pinalitan ng Batangan, na ang kahuluga'y lunang tinutubuan ng mga batang,
ang matibay na punong kahoy na nag-adya sa balangay.

Ang Batangas ngayon ay pinamumuhayan ng lipi nina Batumbakal at Marikit. Sila'y mamamayang ang
damdamin ay kasintigas ng mulawin at batang. Isa sa walong silahis ng araw na tampok ng ating
watawat. Ang mga binata ng Batangas ay may loob na kasintigas ng kay Batumbakal at ang mga dalaga'y
may pusong kasinghinhin ng kay Marikit.

1. STORY FRAME
A. TAUHAN:
Gat Pulintan – makapangyarihang hari ng barangay Kumintang
Marikit – anak ni Gat Pulintan
Batumbakal – mangingibig ni Marikit na mula sa barangay Taal
Padre Selga – paring nag-anunsyo na sasakupin ang barangay nila Gat Pulintan at magtuturo
ng Kristiyanismo
Kapitan Cortes-pinuno ng mga kawal ng Espanya na napaibig sa kagandahan ni Marikit
Haring Felipe – Hari ng Espanya
TAGPUAN: Barangay Kumintang

B. SIMULA: Ang kwento ng alamat na ito ay nagsimula sa pagpapakilala sa mga pangunahing


tauhan at pagpapakita ng matiwasay, masagana at maligayang pamumuhay sa kanilang
barangay. Hanngang sa pagdating ng mga dayuhan at iparating ang kanilang pakay na
pagsakop at nais na pagtuturo ng Kristyanismo.

C. GITNA: Tumutol si Gat Pulintan sa nais ng mga dayuhan, nagalit si Kapitan Cortes sa sagot sa
kanila ni Gat Pulintan ngunit naging mahinahon sya ng Makita at makilala si Marikit. Sinuyo
niya ito ngunit hindi nya napaibig at tinangihan ang kanyang alok na pag-ibig at sinabing
mayroon na nagmamay-ari ng kanyang puso. Dahil dito ay nagalit si Kapitan Cortes at
nagbanta na kanyang paghihiganti. Ipinaalam ito ni Marikit kay Batumbakal. Ganundin ay
pinaliwanag ni Gat Pulintan kay Batumbakal ang nais ng mga dayuhan. Nagtulungan ang
barangay nila Gat Pulintan at Batumbakal at naghanda ng kanilang armas at kawal. Kanila
ring tinatiman at binakuran ang kanilang barangay ng batang, isang matibay na punong
kahoy. Dahil sa kanilang paghahanda ay natalo sila Kapitan Cortes ng lumusob ito.

D. WAKAS: Nagdiwang ang barangay dahil napalayas nila ang mga Kastila, hindi sila nasakop at
hindi na rin ginambala. Sa pagpapasalamat ni Gat Pulintan ay pinag-isang dibdib sila Marikit
at Batumbakal. Ang pangalan ng barangay na Kumintang ay napalitan ng Batangan na ang
ibig sabihin ay lupaing tinubuan ng Batang, ang matibay na punong kahoy na nagsilbing
bakod laban sa paglusob ng Kastila.
2. DON’T LIE TO ME: SURIIN ANG MGA MAKATOTOHANANG PANGYAYARI
A. Ang maayos, masagana at mapayapang pamumuhay ng mga katutubo
B. Ang pagdating ng mga Kastila
C. Ang pananakop ng Kastila at pagpapalaganap ng Kristiyanismo
D. Ang pakikipagkasundo at pag-aasawa ng mga pinuno o anak ng pinuno ng kalapit barangay
upang mapalawak ang kanilang nasasakupan at mapalakas ang kanilang lahi.
E. Ang pakikipaglaban ng mga katutubo o sinaunang Pilipino laban sa pananakop ng Kastila

3. PICK AND SHOW: ITALA ANG MATALINHAGANG SALITA NA GINAMIT AT BIGYAN KAHULUGAN
A. Balangay – barangay
B. Impo – matandang babae/lola
C. Panghele – awit para makatulog
D. Talpukan – dalampasigan/tabing ilog o lawa
E. munting – maliit
F. panuntunan – alituntunin/pamantayan
G. hitik – sagana sa bunga
H. maharlika – mga Malaya, nakatataas na uri sa lipunan/mayaman
I. moog – tore/kaharian
J. nabatubalani – namangha sa ganda
K. sulo – ilaw/liwanag
L. makalisan – makaalis
M. magulamihan – mailto
N. kampilan – espada/itak/bolo
O. pinatalibahan – pinatubuan
P. mangamkam – mang-agaw/mang-angkin
Q. lipi –lahi
R. silahis ng araw – sinag ng araw

4. MOCK TRIAL: IBIGAY ANG DI MAKATOTOHANANG PANGYAYARI


A. Ang pamumuhay ng mapayapa noon ng katutubo; possible na mayroon silang kaaway o
mananakop bukod sa Kastila dahil mayroon silang mga armas upang ipagtanggol ang
kanilang lupain o kaharian
B. Ang hindi panggagambala o hindi pagbalik ng Kastila sa Batangas upang sakupin ito
C. Ang panunuyo ng Kapitan dahil ayon na rin sa ating kasaysayan, pag may nagustuhan ang
mga Kastila ay kanilang pinagsasamantalahan.

You might also like