Ramirez, Johanna Francheska H. Prop. Ryan Dennis B.
Callueng IV – 4 BFE Masining na Pagpapahayag
Sinasalamin ng pelikulang Ang Babae sa Septic Tank ang katotohanan ng isang
naghihikahos na pamilya. Binigyang tuon ng pelikula ang kawalan nila ng kakayahang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan na siyang nagtulak sa inang si Mila na ibenta ang kanyang sariling anak. Masining ang paglalahad ng kuwento ng pamilya ni Mila sa pamamagitan ng paglalaro sa mga maaaring pamamaraan ng pagsasadula nito. Una ay ang isang indie film na sinisikap na maging pinakamalapit at pinakamatapat na repleksyon ng realidad na ito. Dito, hindi gumamit ng pag-iilaw, musika, at stabilizer ng camera. Hindi madalas ang pagpuputol ng mga eksena tulad na lamang ng bahaging ipinagluluto ni Mila ang kanyang mga anak. Ikalawa ang ang docu drama na walang bahid ng kahit anong pagmamanipula ng mga tauhan. Ikinukulong ang katotohanan sa isang kwadro upang magkaroon ng mas malawak na awdyens. Dito, hindi gumagamit ng mga artista, bagkus ay mga totoong tao at ang kanilang tunay na karanasan. Ikatlo, ang musical na mayroong bahid ng hindi pagiging makatotohanan ngunit mas binibigyang tuon ang damdaming nais iparating sa mga manonood. Kapansin-pansin din ang paggamit ng ilaw, tono, at kilos upang maipakita ang damdamin ng tauhan. Mayroon ding mga bahaging nagpapakita ng mas mataas na enerhiya kumpara sa totoong kilos ng isang tao. Ang huli ay ang mainstream na atakeng ginamitan ng mga advertisement, background music, at pag-arteng mas masidhi ang damdamin kumpara sa katotohanang nais ipakita. Sa pamamaraang din ito, mas didaktiko ang paglalahad ng mensahe ng pelikula sa pamamagitan ng narration. Kung titingnan ang apat na ito, higit na mas nakakapukaw ng atensyon at nakapagdudulot ng kirot sa damdamin ang atake ng musical sapagkat ipinapahayag sa mga manonood ang damdamin ng mga tauhan sa isang masining na pamamaraan – sa pamamagitan ng masusing pagpili ng mga salitang gagamitin, pag-awit, pagsayaw, at mas klarong ekspresyon ng mga tauhan. Masasalamin sa pelikula ang kapangyarihan ng panghihikayat sa ibang tao upang makinig sa iyong mga ideya. Kinakailangan na mailahad ng isang tao ang kanyang mga punto nang may tiwala sa sarili, at may panghihikayat tulad na lamang ng masasalamin sa katauhan ng producer na si Bingbong at ng karakter ni Eugene. Ang direktor na si Rainier ay madalas na hindi napakikinggan dahil sa maligoy niyang pamamaraan ng pananalita. Hindi niya kaagad direktang sinasabi ang nais niyang sabihin. Sa pagbuo ng isang pelikula, kinakailangang mahikayat mo ang mga makakatrabaho mo upang paniwalaan ang iyong imahinasyon, matapos nito ay ang mga salik na dapat isaalang-alang tulad ng pamagat, disenyo, at iba pa upang mahikayat naman ang iyong mga manonood na paniwalaan ang kuwentong iyong inilalahad. Kinakailangan ng masusing pagpili ng mga salita sa isang pelikula upang maunawaan ito ng mga manonood at makaugnay sila sa kung ano ang tinatalakay na paksa at ang nais palutangin ng direktor. Ang septic tank ay pinandidirihan sapagkat ito ang nagsisilbing imbakan ng lahat ng hindi kaaya-ayang bagay tulad ng iba’t ibang klase ng dumi. Walang sinoman ang nangangarap na mahulog sa isang septic tank; lubos ang pag-iingat upang hindi magkaroon ng posibilidad na mahulog ang isang tao rito ngunit nawawala sa ating kamalayan na ang duming ito ay mula rin sa atin. Kung titingnang mabuti, maaaring hindi literal na dumi ang simbolismo ng septic tank na ito, bagkus, ito ay sumasalamin sa lahat ng uri ng duming taglay ng mga tao. Pinandidirihan, hinuhusgahan ngunit kinalilimutan ang katotohanang tinataglay niya rin ang duming ito.