Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Gregorio Aglipay

(5 Mayo 1860-1 Setyembre 1940)

Si Gregorio L. Aglipay (Gre·gór·yo El Ag·lí·pay) ay isang makabayang lider ng mga paring Filipino at unang
Obispo Maximo ng Iglesia Filipina Independiente, ang simbahang kilalá ngayon sa tawag na “Simbahang
Aglipay.”

Ipinanganak si Aglipay noong 5 Mayo 1860 sa Batac, Ilocos Norte. Sa muràng edad ay naulila siyá at
lumaki sa mga sakahan ng tabako. Sa edad katorse, nakulong siyá dahil hindi nakamit ang takdang dami
ng aning tabako. Nag-aral siyá ng pagpapari sa seminaryo ng mga Agustino sa Vigan at ng mga Dominiko
sa Colegio de San Juan de Letran sa Maynila. Nang sumiklab ang rebolusyon laban sa mga Espanyol, isa
na siyáng kura paroko at hindi ito nakasagabal para kumilos siyá at tumulong sa mga Katipunero.

Noong 1898, hinirang siyá ni Hen. Emilio Aguinaldo na Vicario General Castrense ng rebolusyonaryong
pamahalaan. Ibig sabihin, siyá ang pinunòng espiritwal ng mga Filipino at doon nagsimula ang tinatawag
ngayong rebolusyong panrelihiyon sa bansa. Nang panahong iyon, nakita niyá na walang karapatan ang
mga paring Filipino, hawak ng mga fraile ang malalaking lupain, at walang hinihirang na obispong Filipino
ang Papa. Dahil dito, siyá at ang iba pang paring Filipino ay humiwalay sa Simbahang Katoliko. Itinatag
nilá noong 26 Oktubre 1902 ang Iglesia Filipina Independiente. Noong Enero 1903, hinirang siyá bilang
Obispo Maximo ng bagong simbahan ng mga obispo ng Maynila, Cavite, Nueva Ecija, Isabela, Cagayan,
Pangasinan, at Abra.

Tatlumpu’t walong taon niyáng pinamunuan ang simbahang ito. Bago namatay, kumandidato siyáng
presidente sa eleksiyon ng Komonwelt (kasama si Norberto Nabong ng Partido Komunista bilang bise-
presidente) pero natalo kina Manuel L. Quezon at Sergio Osmeña.

Noong 1939 ikinasal siyá kay D. Pilar Jamias y Ver. Namatay siyá noong 1 Setyembre 1940. Hanggang
ngayon, ang simbahang itinatag niyá ay nananatiling simbolo ng pagnanais ng mga Filipino na maging
malaya mula sa mga dayuhan. (PKJ) (ed VSA)

GREGORIO AGLIPAY

(1860 – 1940)

Ang pormal na paglulunsad noong 1902 ng isang pambansang simbahang Pilipino na tinawag na Iglesia
Filipina Independiente ay pagsasakatuparan ng adhikain na unang inihapag sa Asamblea ng Paniqui
noong 1899 para sa pag-oorganisa ng mga Pilipinong pari. Simula ang pagtitipong ito ng isang
rebolusyong pangrelihiyon na nakaapekto sa buhay ng maraming Pilipino. Nasa unahan ng pagbubuo ng
asamblea ang isang dating paring Katoliko na makabayan, lider-gerilya at unang Obispo Supremo ng
Iglesia Filipina Independiente. Siya si Gregorio Aglipay Cruz y Labayan.

Ipinanganak si Aglipay sa Batac, Ilocos Norte noong Mayo 5, 1860. Ang kanyang mga magulang ay sina
Pedro Aglipay Cruz at Victoriana Labayan Hilario. Kaunti lamang ang nalalaman ukol sa kanyang pamilya:
ang nakakatandang kapatid na lalaki na si Benito ay maagang namatay; si Canuto na isang guro ay
matanda ng isa o dalawang taon kay Gregorio.

Namatay ang kanyang ina nang si Gregorio ay isang taon at pitong buwan pa lamang. Nang maulila,
inalagaan si Aglipay ng tiyo at tiya ng kanyang ina. Masipag at masayahing bata si Aglipay; ginugol niya
ang kanyang kabataan sa bukid sa pagtulong sa pagtatanim ng tabako. Isang hindi magandang pangyayari
nang siya ay labing-apat na taong gulang ang di niya malilimutan. Dahil hindi siya nakaabot sa
kinakailangang kota sa tabako, hinuli si Aglipay at iniharap sa gobernadorcillo. Naging dahilan ito upang
magtanim siya ng galit sa mga awtoridad na Espanyol.

Nagsimula ng pag-aaral si Aglipay sa kanyang bayan. Noong 1876 nagpunta siya sa Maynila at nag-aral sa
pribadong paaralan ni Julian Carpio, isang abogado. Pagkaraan ng dalawang taon at, sa tulong pinansyal
ng tiyo ng kanyang ina na si Francisco del Amor, nag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran kung saan
nagsilbi siyang capista. Masipag na mag-aaral si Aglipay. Tinapos niya ang kanyang digri sa Bachelor of
Arts sa Letran bago siya nag-aral ng abogasya sa Universidad de Santo Tomas. Gayunman, nagpasya
siyang mag-aral ng pagpapari sa Vigan Seminary noong 1883.

Inordinahang pari si Aglipay sa Maynila noong Disyembre 21, 1889. Una siyang nagmisa noong Enero ng
sumunod na taon. Walong taon siyang naglingkod na coadjutor (katuwang na kura paroko) sa iba’t ibang
parokya: Indang, Cavite; San Antonio, Nueva Ecija; Bocaue, Bulacan; San Pablo, Laguna; at Victoria,
Tarlac. Coadjutor siya ng San Pablo nang sumiklab ang Rebolusyong Pilipino noong Agosto 1896.
May mga ideyang radikal si Aglipay at walang dudang ang damdamin niya ay para sa rebolusyon. Subalit
noon lamang maitalaga siya sa Victoria, Tarlac noong huling bahagi ng 1896 tuwiran siyang nakilahok sa
kilusan. Batid ng marami na nagbibigay siya ng tulong sa mga rebolusyonaryo. Sa Victoria, naaalala si
Aglipay bilang bayani at tagapagpalaya. Naalala ni Joaquin Rigor, matandang residente ng Victoria, na
iniutos ng kura parokong Espanyol noong 1897 na hulihin at patayin lahat ng mga lalaking residente
makaraang maipaalam sa kanya na may ugnay sa rebolusyonaryong kilusan ang maraming kilalang
pamilya. Gayon man, napigil ni Aglipay na noon ay coadjutor (katuwang na kura paroko) ang pagpatay
nang makiusap siya sa prayleng Espanyol at garantiyahang walang kasalanan ang mga ito. Binawi ang
utos at pinalaya ang mga ito.

Noong Oktubre 20, 1898, itinalaga si Gregorio Aglipay na kapelyang militar ng Rebolusyonaryong
Pamahalaan ni Emilio Aguinaldo. Bilang kapelyang militar, nagkaroon ng utang na loob sa kanya ang mga
Heswitang Espanyol. Sa kanyang pamamagitan, pinalaya at pinadala sa Maynila ang mga Heswitang
Espanyol na sina Padre Antonio Rosell at Felix Mir na noo’y bihag ng mga rebolusyonaryo. Sa ibang
pagkakataon, namagitan siya sa panig ng ilang mga nakakulong na prayleng Espanyol sa Laoag na
pinagputol ng damo sa pampublikong plasa. Gayon man, ang paghirang niya kay Eustaquio Gallardo
bilang vicar heneral ng diyosesis ng Nueva Segovia ay tinukoy kalaunan na isa sa mga dahilan ng kanyang
eskomunikasyon sa Simbahang Katoliko.

Noong Setyembre ng taon ding ito, tumawag ng pulong ng mga delegado si Heneral Aguinaldo sa
Malolos, Bulacan. Kinatawan ni Gregorio Aglipay ang kanyang lalawigang Ilocos Norte at isa siya sa mga
lumagda sa Konstitusyon na pinagtibay ng Kongreso. Itinaas ng ranggo si Aglipay bilang vicario general
castrence ni Heneral Aguinaldo ayon sa dekreto na ipinalabas noong ika-20 ng Oktubre. Sa ganitong
posisyon, ipinagpatuloy niya ang gawaing sinimulan ni Padre Jose Burgos - ang Pilipinisasyon ng
Simbahan sa Pilipinas. Nagpalabas siya ng ilang manipesto na nag-udyok sa mga paring Pilipino na
magkaisa at pamahalaan ang Simbahan sa bansa. Ang mga manipestong ito, bukod sa ibang dahilan, ay
nagbunga ng kanyang eskomunikasyon. Ang korteng pansimbahan, sa dekretong inilabas noong Mayo
1899, ay nagpasyang nagkasala siya ng pang-uudyok sa mga pari na magrebelde laban sa mga awtoridad
ng simbahan.
Nang ilunsad ang bagong simbahan, inalok siya ni Isabelo de los Reyes, lider manggagawa, na maging
kataas-taasang obispo. Nag-atubili siya noong una pero tinanggap din niya ang alok, bagay na tumiyak sa
kanyang paghiwalay sa Simbahang Katoliko Romano. Ang kalayaan ng Pilipinas ay masidhing pithaya ni
Aglipay. Sinikap niya na makapaglingkod sa kanyang bayan sa anumang paraan. Masigla siyang sundalo at
epektibong lider gerilya noong Digmaang Pilipino - Amerikano. Matapang na nilabanan ng kanyang yunit-
gerilya ang mga Amerikano sa ilang labanan. Noong Abril 1901, isang buwan makaraang mahuli si
Heneral Aguinaldo, naisip ni Aglipay na walang kahihinatnan ang patuloy na pakikipaglaban sa mga
Amerikano kaya sumuko siya kay Koronel MacCaskey sa Laoag.

Hindi nawala kay Aglipay ang paghahangad ng kalayaan kahit nabalik na ang kapayapaan. Malalim siyang
nasangkot sa kampanya para sa kalayaan noong panahon ng rehimeng Amerikano. Pinasidhi ng
tagumpay ng kanyang paglalakbay sa Estados Unidos noong 1931 ang kanyang interes sa usaping
pampulitika ng kanyang bansa. Noong 1935, kumandidato siya sa pagkapresidente ng Komonwelt subalit
natalo siya kay Manuel L. Quezon. Iniukol ni Aglipay ang kanyang natitirang taon sa kapakanan ng
kanyang simbahan.

Pinapahintulutan ng Iglesia Filipina Independiente na mag-asawa ang kanyang pari. Noong Marso 12,
1939, nagpakasal si Aglipay kay Pilar Jamias ng Sarrat, Ilocos Norte. Namatay si Gregorio Aglipay noong
Setyembre 1, 1940 sa Maynila bunga ng cerebral stroke. Inilibing siya sa bayan niya sa Batac, Ilocos Sur
pagkaraang una siyang ilagak sa Aglipayan Cathedral sa Tondo, Maynila at, pagkatapos na masira ang
katedral noong l945, sa Temple of Maria Clara sa Sampaloc.

Ang aklat na Filipinos in History ay lathala ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan. Ito ay isang
katipunan ng mga talambuhay ng mga bayani ng ating bansa at ng mga Pilipino na naging tanyag sa kani-
kanilang larangan. Nakapagbibigay ng inspirasyon sa kapwa nila Pilipino ang kanilang naging buhay, mga
nagawa at naiambag. Dahil dito, naniniwala ang Komisyon sa Wikang Filipino na nararapat lamang isalin
sa Filipino ang limang tomong aklat na ito bukod pa sa matibay na dahilang iniatas ito sa tanggapan gaya
ng isinasaad sa letra F, seksiyon 14 ng Batas Republika Blg. 7104.

You might also like