Noong nakaraang linggo, inaral sa klase ang kasaysayan ng instructional
broadcasting. Limitado lamang ang aking kaalaman tungkol rito at nasasara pa nga ako sa “Art Angel” at “Matanglawin” kapag sinabing intructional broadcasting. Sa paghayag ng kasaysayan nito, mas nagkaroon ako ng kaalaman kung ano nga ba ito. Malaki sigurong salik sa aking kawalang kaalaman ang aking henerasyong inabutan. Hindi na gaano ginagamit ang mga nabanggit na instructional broadcasting materials noong ako'y nasa elementarya at hayskul. Sa aming henerasyon, nagsimula ang pagpasok ng paggamit ng mga kompyuter at ng Internet. Habang inaaral ang kasaysayan ng intructional broadcasting, napansin ko na umiikot pa rin talaga sa pagkita ng pera at komersyalisasyon ang edukasyon. Nabanggit na isa sa mga rason kung bakit hindi natutukan ang pangradyong edukasyon ay dahil gusto nilang magbigay-daan sa mga advertisement dahil mas kikita ng pera rito. Hindi ko inakala na sa panahong iyon, ganoong hayagan na rin pala ang pag-uuna sa pagkita ng pera kaysa sa bukal na layunin ng edukasyon. Sa bagay, kahit ang pagdating naman ng edukasyon sa Pilipinas ay nakakiling sa interes ng ilang makapangyarihan na mananakop at nung lumao'y naging para sa interes ng mga negosyante. Nakalulungkot na kahit sa radyo pa man o telebisyon, gagawa at gagawa ng paraan ang mga may kapangyarihan upang ito'y pagkakitaan. Noong 1960's-70's, hinadlangan o hindi ito masyadong pinagtuunan ng pansin upang magbigay-daan sa mga mas pagakakitaan tulad ng mga advertisement. Sa ngayon naman, nagkakaroon ng mababaw na pagtingin sa globalisasyon sa pamamagitan ng K+12 at academic calendar shift na isinatupad lamang upang mas maraming banyaga ang makakapag-aral sa Pilipinas. Sa ganitong paraan, maskikita ang mga pamantasan, halimbawa ang Unibersidad ng Pilipinas, dahil iba ang tuition scheme ng mga banyagang estudyante. Maganda man ang layunin ng pagpapatupad ng mga ito, hindi pa handa ang Pilipinas. Makikita ito sa kakulangan sa mga paaralan, mga libro at mga edukasyonal na materyal, at maging sa sahod at benepisyo ng mga guro. Ang isa pang bumagabag sa aking loob habang nakikinig sa klase noon ay paano kung naging matagumpay ang paglipat ng edukasyon sa radyo at telebisyon? Iilan lang ba ang mayroong telebsiyo at radyo? Makakatulong ba ito sa pag-aaral ng ilan sa mga kababayan nating hindi pa naaabot ng signal ng telebisyon at radyo? Paano kung walang kakayanan na bumili ng radyo at telebisyon o kahit man lang magkaroon ng kuryente ang isang pamilya? Paano na ang mga batang gustong matuto roon? Sa pag-unlad ng teknolohiya, naibahagi na maaaring mas maging praktikal at makakaya ito sa karamihan. Sabihin man natin na maganda sana kung naituloy ang ganitong inisyatibo sa edukasyon, lagi't lagi dapat tayong babalik sa tanong na: “Accessible ba ito sa lahat ng tao ano pa man ang kanilang sosyoekonomikal na katayuan sa buhay?.” Marapat na tandaan na hindi lahat ay mayroong telebisyon at radyo, lalo na sa mga liblib na kanayunan. Maaring pinili nila ang ganitong pamumuhay o maaaring hindi lang nila kayang bumili ng kanilang sariling radyo at telebisyon. Ang edukasyon ay hindi dapat nagpapalalim ng sosyoekonomikal na hati sa mga mamamayan. Ang edukasyon ay hindi dapat instrumento ng komersyalisayon. Ang edukasyon ay para sa lahat dahil karapatan ito ng lahat maging ano pa man ang katayuan mo sa buhay. Layunin nitong maging daan o instrumento sa pagkilala ng iyong pagkatao.