Pagsusuring Pampelikula

You might also like

Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Clloyd Adrianne DC.

Miole

BSA 1-24

Pagsusuring Pampelikula: Felix Manalo - Pelikula ng Iglesia, Para Lamang sa Iglesia

Bago ang lahat nais kong ipaunawa na ang panunuring ito ay naisulat ayon sa aking napanood at
naunawaan sa pelikula gamit ang aking walang inaayunang perspektibo. Wala sa mga interes ng
rebyu ang magkaroon ng anumang diskursong panrelihiyon. Ito ay aking tala para sa mas lalong
ipagbubuti ng sining ng paggawa ng pelikula.

"Ang tao'y hindi lamang nabubuhay sa tinapay" - Kung ilalarawan ko ang kabuuan ng
talambuhay ng nagtatag ng Iglesia ni Cristo ayon sa pelikulang Felix Manalo sa isang
pangungusap - Ito ay: Isang kasaysayan ng taong ginugol ang buhay sa pagkwestyon sa kanyang
pananampalataya at ang pakikipaglaban para sa kanyang pinaniniwalaan. Ito ang nilalaman ng
tatlong oras na pelikulang nakapaloob sa gitna ng isang panimulang nagsasalaysay ng
kapanganakan si Felix Manalo o "Feles" noong 1886, at ng katapusang naghahayag ng kanyang
kamatayan mula sa sakit at katandaan kasunod ang kanyang libing noong 1963 na binigyang
simpatiya ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo ng panahong iyon.

Ang takbo ng istorya ay kronolohikal at tulad ng mga ordinaryong awtobayograpiya. Madilaw


ang kulay ng larawan ng pelikula, ito'y sinadya upang iayon ang kwento sa panahon nito at
maramdaman ng manonood na ito ay luma. Ipinakita sa pelikula ang pagdududa ni Felix Manalo
sa simbahang katoliko mula pagkabata at ang kanyang pagtalikod dito. Ganun din ang tibay ng
kanyang prinsipyo ng mariin niyang tutulan ang kagustuhan ng kanyang pamilya na mabigyan
ang ina ng huling sakramento mula sa pari maging sa gitna ng pag-aagaw buhay nito. Ipinakita
rin ang kanyang pagpapalipat-lipat ng relihiyon dahil sa kanyang patuloy na pagsiyasat sa mga
nakasulat sa bibliya kung saan umano ay nagkulang ang kanyang mga relihiyong sinalihan,
hanggang sa makabuo siya ng kanyang sariling relihiyon - ang Iglesia ni Cristo noong 1914 sa
edad na 28 matapos ang isang masinsinang pananaliksik sa loob ng tatlong araw na pagkulong
ng sarili sa kaniyang kwarto. Sa bahaging ito binigyang diin ng manunulat ng pelikula ang
paniniwala ng mga Protestante na ang bibliya lamang ang tanging makapagpapatibay sa
pananampalataya, na siyang inayunan ng Iglesia ni Cristo. Hinayag dito na ang kanilang mga
paniniwala ay nasusulat sa bibliya na si Kristo ay tao at hindi Diyos, ang kanilang pagsuporta sa
nakatala sa Roma 16:16 kung saan hinalaw ang kanilang pangalan, mga gawain at nasimulang
tradisyon tulad ng pagsamba at abuloy, gayundin ang kanilang inabot na pang-uusig sa ibang di
nila kaanib.

Sa kalagitnaan naman ng pelikula isinalaysay ang karanasan ng Iglesia ni Cristo sa panahon ng


Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan ipinakita ang mga eksenang karaniwan mong
makikita sa mga pelikulang nagkukuwento tungkol sa nasabing giyera - kaguluhan, karahasan,
mga pagsabog at pananakot. Sa bahaging ito naman nagbago ang pokus ng pelikula mula sa
kasaysayan ni Felix Manalo patungo sa pakikipagsapalaran ng kanyang relihiyon sa gitna ng
digmaan. Ang bahaging ito ay mas nagpapaliwanag na naging matatag ang Iglesia sa mga
pinagdaanan nito kaysa magsabi tungkol kay Felix Manalo bilang isang indibidwal. Inaasahan ko
na rin ang kakulangan sa pagsasaayos ng mga visual effects sa pagpapakita ng mga nabanggit na
eksena sa digmaan. Masasabi kong tatakbo parin ang pelikula ayon sa paksa nito kung ang
bahaging ito ay ipararating sa manonood sa loob ng mas maikling oras o kahit alisin na lamang
at maglahad ng ibang pangyayari sa buhay ng bida na mas magbibigay depinisyon sa kanyang
pagkatao o maglalahad ng mas malalim na interes para sa manonood. Nagkulang din ang
pelikula sa pagbibigay ng matibay na impormasyon para masuportahan ang pagkilala kay
Manalo bilang huling sugo ng Diyos.

Maraming artista ang nagbahagi ng kanilang kontribusyon sa maiikling papel ngunit ito rin ay
umaagaw sa atensyon ng manonood sa kwento. Ang mga linya ng mga tauhan ay ibinabato ng
tulad kung paano ginagawa ang isang pangkaraniwang drama sa telebisyon, ang mga salita ay
matalinhaga na parang winiwika ng makata, mabulaklak ang mga salaysayin na siyang naglalayo
sa awtentisidad ng kalidad nito. Ganunpaman, kahanga-hanga ang pagganap ni Dennis Trillo
dahil sa kakayanan nitong isanib sa sarili ang karakter ni Felix Manalo na tinitignan at
iginagalang ng isang relihiyong pinag-aralan niya lamang para sa pelikulang ito. Mahusay din ang
kanyang pagsasagawa ng transpormasyon sa iba't-ibang edad ng kanyang pinapelan, ngunit
hindi epektibo ang pagkakaempleyo kay Gabby Concepcion bilang anak ni Felix Manalo sa edad
na 60, na ginagampanan naman ng naka-prosthetics na Dennis Trillo na hindi man lamang
nagbago ang boses sa pagtanda, at hindi rin alintana ng kilalang magaling at batikang direktor
nitong si Joel Lamangan ang mabilis na pagbabago ng anyo ni Eraño mula dekada singkwenta
bilang AJ Muhlach na naging si Gabby Concepcion sa pagsapit ng dekada sisenta.

Ang pelikulang Felix Manalo sa kabuuan nito, ay sadyang pinagkagastusan para sa mga
sumusunod na layunin: una, ang mapagtibay ang kaalaman at makapagbigay inspirasyon para sa
mga kaanib gamit ang mga aral ng kanilang tagapagtatag, ikalawa naman ay ang mapalaganap
sa mga hindi kaanib kung sakaling maakay ng mga miyembro na manood ng pelikulang ito ukol
sa kasaysayan ng kanilang tinatangkilik na relihiyon. Ito ang pelikulang nagkukuwento ng buhay
ni Felix Manalo at hindi ito ang pelikulang makapagbibigay ng isang mas malalim na pagkilala sa
pinuno ng Iglesia. Hindi rin ito ang pelikulang naglalayong makapagpapalawig ng diskurso ng
paglilinang ng kaisipan tungkol sa pagkatao ng paksa.

Ang tema ng pelikula ay napapanahon at totoong dapat mapanood ng Pilipino dahil ang mga
kasapi ng Iglesia ni Cristo ay bahagi ng ating lipunan ngunit hindi ito ang pelikulang nagbibigay
ng kasagutan sa mga makabagong usapin o sa mga isyung kinasasangkutan ng Iglesia ni Cristo,
kung kaya't hindi ito ang pelikulang para sa mga kritiko ng relihiyon. Ito ang pelikulang maaaring
maging katulad ng Ten Commandments o The Bible na paulit-ulit na pinanonood ng mga
Katoliko tuwing Semana Santa. Ito ay isang gawang angkin ng Iglesia ni Cristo, at tanging para
lamang sa Iglesia ni Cristo.

You might also like