Yunit 1

You might also like

You are on page 1of 6

Yunit 1

Salamin ng Kahapon... Bakasin Natin Ngayon


Pamantayang Pangnilalaman: Naipamamalas ang pag-aaral ng mga akdang
pampanitikan sa panahon ng mga katutubo, Espanyol, at Hapones
Pamantayan sa Pagganap: Nakabubuo ng isang makatotohanang proyektong
pananaliksik
Pangkalahatang Layunin ng Yunit 1
 Nabibigyang-kahulugan ang mga talinghagang ginamit sa teksto
 Natutukoy ang mahahalagang kaisipan mula sa mga napakinggang karunungang-
bayan sa panahon ng katutubo, Espanyol, at Hapones
 Nakasusulat ng sariling bugtong, salawikain, o kasabihan na angkop sa kasalukuyang
kalagayan
 Aktibong nakikilahok sa mga pagsasanay at talakayan sa klase
 Nakabubuo ng isang makatotohanang proyektong pananaliksik
Panimula
Ang Yunit 1: Salamin ng Kahapon…Bakasin Natin Ngayon ay naglalahad ng mga
akdang pampanitikang lumaganap sa panahon ng katutubo, Espanyol, at Hapones.
Tinatalakay sa yunit na ito ang mga akdang pampanitikan tulad ng mga karunungang-
bayan, alamat, epiko, at tula na naglalarawan sa mga katangian ng mga sinaunang
Pilipino.
Sa yunit ding ito inaasahang matututuhan ng mga estudyante ang kasanayan at
kaalaman sa gramatika tulad ng paghahambing, pang-abay na pamanahon at
panlunan, mga tayutay, mga hudyat ng sanhi at bunga ng mga pangyayari, at mga
pahayag sa pagsasaayos ng mga datos. Magagamit nila ang mga kaalamang ito upang
makasulat ng sariling karunungang-bayan, alamat, at tula at upang makabuo ng isang
proyektong pananaliksik tungkol sa mga akdang nagpapakita ng katutubong kulturang
Pilipino.
Mahahalagang Tanong Para sa Yunit 1
 Bakit mahalagang maunawaan ang mga akdang pampanitikan mula sa panahon ng
mga katutubo, Espanyol, at Hapones?
 Paano makatutulong ang kaalaman sa iba’t ibang uri ng pagpapahayag at tuntuning
panggramatika sa pagsulat ng mga karunungang-bayan, alamat, epiko, at tula (tanaga,
haiku, at senryu)?
Mga Layunin para sa Panimulang Pagtataya
 Nailalahad ang dating kaalaman at kasanayan sa mga akdang pampanitikan sa
pamamagitan ng panimulang pagtataya
 Nailalarawan ang dating kaalaman sa gramatika at retorika sa mga paksang may
kinalaman sa paghahambing, mga tayutay, mga pang-abay na pamanahon at
panlunan, karaniwan at masining na paglalarawan, mga pangungusap na
nangangatwiran, at mga hudyat ng sanhi at bunga ng mga pangyayari
Pamamaraan
Panimula at Pagganyak
1. Ihanda ang mga estudyante para sa panimulang pagtataya. Ipaliwanag sa kanila na
layunin ng pagtatayang ito na malaman ang kanilang dating kaalaman at kasanayan,
gayundin ang mga bagay na hindi pa nila nalalaman.
2. Ipaalam din sa mga estudyante na ang iskor na kanilang makukuha ay hindi itatala,
bagkus ay magiging gabay lamang ng guro.
Pagsusuri at Pagtalakay
1. Pasagutan sa mga estudyante ang Panimulang Pagtataya para sa Yunit sa mga pahina
2 hanggang 5 ng batayang aklat.
2. Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante sa pagsagot ng panimulang pagtataya.
3. Itsek ang mga kasagutan ng mga estudyante. Tumawag ng tatlo hanggang limang
estudyante upang ibigay ang kanilang kasagutan sa pagtataya. Pagkatapos, itama ang
anumang pagkakamali nila.
Pagbubuod
1. Ipabuod ang mga kasagutan ng mga estudyante ayon sa layunin ng pagtataya. Ipaisa-
isa rin ang kanilang mga saloobin ukol dito.
2. Tanungin ang mga estudyante kung ano ang inaasahan nilang matutuhan sa yunit
matapos sagutan ang pagtataya.
Takdang-aralin
1. Ipabasa ang teksto sa Basahin Natin sa mga pahina 7 hanggang 11 ng batayang aklat.
2. Pasagutan ang tanong: Bakit mahalagang unawain at pag-aralan ang mga
karunungang-bayan tulad ng bugtong at salawikain bilang akdang pampanitikan?
3. Sabihin sa mga estudyante na magsaliksik tungkol sa karunungang-bayan bilang
akdang pampanitikan at maghanda para sa malayang talakayan tungkol dito.

 Aralin 1: Pamana ng Lahi


 Aralin 2: Malikhaing Kaisipan, Nasa Taludturan
 Aralin 3: Salaysay sa Pinagmulan
 Aralin 4: Katha ng Isang Pangyayari
 Aralin 5: Karangalan sa Katungkulan
 Aralin 6: May Hiwaga sa Kabayanihan
 Panapos na Gawain
 Susi sa Pagwawasto

Aralin 1
Pamana ng Lahi
Mga Paksang Aralin
Panitikan: “Talinghaga sa Palasintahan”
Gramatika: Paghahambing
Mga Layunin
 Nabibigyang-kahulugan ang mga talinghagang ginamit sa pangungusap
 Nakasusulat ng sariling bugtong, salawikain, sawikain, o kasabihan na angkop sa
kasalukuyang kalagayan
 Nagagamit ang paghahambing sa pagbuo ng bugtong, salawikain, sawikain, o
kasabihan
 Napahahalagahan ang mga karunungang-bayan sa pamamagitan ng paggamit nito sa
pang araw-araw na komunikasyon
Mga Kagamitan
 batayang aklat na Bulwagan 8 Kamalayan sa Gramatika at Panitikan, mga pahina 6–19
 makulay na papel

Bilang ng Sesyon: 4 (isang oras sa bawat sesyon)


Mahahalagang Tanong
 Paano maisasabuhay ang pamanang kalinangan tulad ng mga karunungang-bayan?
 Paano makatutulong ang paggamit ng paghahambing sa pagbuo ng mga karunungang-
bayan?

Pamamaraan
Panimula at Pagganyak
1. Itsek ang takdang-aralin.
2. Tumawag ng dalawa o tatlong estudyante upang ibahagi ang kanilang kasagutan sa
takdang-aralin.
Pagpapayaman ng Talasalitaan
1. Ipagawa ang gawain sa Talasik sa pahina 12 ng batayang aklat.
2. Tumawag ng dalawa o tatlong estudyante upang ibahagi ang kanilang kasagutan sa
mga tanong.
Pagsusuri at Pagtalakay
1. Ipagawa ang panimulang gawain sa Pagsusuring Pampanitikan sa pahina 7 ng
batayang aklat. Ipasagot din ang mga kasunod na tanong.
2. Tumawag ng dalawa o tatlong estudyante upang ibahagi ang kanilang
kasagutan. Magkaroon ng talakayan tungkol dito.
3. Bilang paghahanda sa tekstong babasahin, ipabasa at talakayin ang nakasaad
sa Tandaan sa pahina 8 ng batayang aklat tungkol sa manunulat na si Lope K. Santos.
4. Ipabasa nang tahimik ang “Talinghaga sa Palasintahan” sa mga pahina 7 at 8, gayundin
ang diskusyong kasunod nito sa mga pahina 8 hanggang 11. Bigyan ang mga
estudyante ng sapat na oras para sa pagbasa.
5. Magkaroon ng malayang talakayan tungkol sa binasang teksto. Gawing gabay sa
talakayan ang mga katanungan sa Muling Pag-isipan sa pahina 12 ng batayang aklat.
Idagdag ang sumusunod na mga tanong:
a. Paano maisasabuhay ang pamanang kalinangan tulad ng mga karunungang-bayan?
b. Ano-anong mahahalagang saloobin ang makukuha sa mga karunungang-bayan?
6. Ipasulat sa pisara ang mahahalagang konseptong nakuha ng mga estudyante mula sa
tekstong binasa. Pagkatapos, ipapaliwanag sa kanila ang mga ito.
7. Lagumin ang mga konseptong nabuo ng mga estudyante.
8. Ipaliwanag ang sumusunod na mahahalagang konsepto mula sa binasang teksto.
a. Ang bugtong ay ginagamit upang libangin ang mga tao sa oras na wala silang
ginagawa.
b. Ang bulong ay isang matandang katawagan sa orasyon na ginagamit sa
panggagamot, pangkukulam, o pang-eengkanto.
c. Ang kasabihan ay karaniwang ginagamit sa panunukso o pagpuna sa kilos ng isang
tao.
d. Ang palaisipan ay naglalahad ng isang sitwasyon na may suliranin.
e. Ang salawikain ay mga butil ng karunungan na nagbibigay ng mabuting payo at mga
paalaala.
f. Ang sawikain ay paraan ng pananalita na gumagamit ng tayutay upang maging
kaaya-aya ang pagpapahayag.
9. Ipaunawa sa mga estudyante na maisasabuhay ang mga pamanang kalinangan tulad
ng mga karunungang-bayan sa pamamagitan ng paggamit sa mga mensaheng nais
ipahatid nito sa pang-araw-araw na buhay.
Pagsasanay
1. Ipagawa sa mga estudyante ang mga gawain sa Masusing Gampanan sa mga pahina
13 hanggang 15 ng batayang aklat. Para sa gawain A, basahin ang sumusunod na mga
bugtong at sawikain.
Mga Bugtong:
• Ang sawa pag gumapang, itlog ang naiwan (kamote)
• May binti walang hita, may tuktok walang mukha (kabute)
• Ako’y may kaibigan, kasama ko saanman,
Mapatubig ay di nalulunod, mapaapoy ay di nasusunog (anino)
• Manok kong pula, inutusan ko noong umaga,
Nang umuwi’y gabi na (araw)

Mga Sawikain:
• Samantalang may oras pa, ay maglaan kang maaga
Kung gumabi’t dumilim na, ay lalong maghihirap ka, gumawa’y nangangapa-ngapa
• Hindi sukat na maniwala, sa mga sabi at wika
Patag na patag ang lupa, sa ilalim ay may lungga

2. Maaaring ipagawa ang ibang gawain nang isahan; ang iba nama'y maaaring ipagawa
bilang pangkatang gawain. Iproseso ang mga sagot ng mga estudyante sa bawat
gawain.
Paglalahat
1. Matapos ang talakayan at mga gawain sa Pagsusuring Pampanitikan, tanungin ang
mga estudyante kung anong mahahalagang aral ang napulot nila mula rito.
2. Ipabuod ang aralin batay sa sagot ng mga estudyante at ayon sa mga layuning
pampanitikan ng aralin.
Takdang-aralin
1. Pag-aralan ang nilalaman ng Talakayin Natin tungkol sa paghahambing sa pahina 17
ng batayang aklat.
2. Ipasagot ang tanong: Paano nakatutulong ang paggamit ng paghahambing sa pagbuo
ng mga karunungang-bayan?

Integrasyon sa Gramatika
Pagbabalik-aral at Pagganyak
1. Itsek ang takdang-aralin. Pumili ng tatlo o apat na estudyante upang talakayin ang
kanilang kasagutan.
2. Magbalik-aral tungkol sa tinalakay noong nakaraang pagkikita.
Pagsusuri at Pagtalakay
1. Ipabasa ang mga karunungang-bayan sa Alamin Natin sa pahina 16 ng batayang
aklat. Ipasagot din ang mga tanong na kasunod nito.
2. Talakayin ang kanilang mga sagot at iugnay sa pagtalakay tungkol sa paghahambing.
3. Ipaisa-isa ang mga uri ng paghahambing ayon sa nakasaad sa Talakayin Natin sa
pahina 17 ng batayang aklat.
4. Itanong: Bakit mahalagang gamitin ang paghahambing sa pagbuo ng mga
karunungang-bayan?
5. Ipaliwanag ang mahahalagang konsepto mula sa talakayan tulad ng sumusunod:
a. Ang paghahambing ay tumutukoy sa pagkakaiba o pagkakatulad ng dalawa o higit
pang tao, bagay, lunan, o pangyayari.
b. May dalawang uri ng paghahambing: ang paghahambing na magkatulad at ang
paghahambing na di-magkatulad.
6. Tumawag ng mga estudyante upang magbigay ng sariling halimbawa ng mga
pangungusap na ginagamitan ng iba’t ibang paghahambing.
Pagsasanay
1. Ipagawa ang mga pagsasanay sa Himayin Natin sa pahina 18 ng batayang
aklat. Iproseso ang mga sagot ng mga estudyante sa mga pagsasanay A at B.
2. Ang karunungang-bayan na kanilang mabubuo sa gawain C ay maaari namang ipasulat
sa makulay na papel at saka ipaskil sa bulletin board ng klase.
Pagbubuod
1. Ipagawa ang mga gawain sa Pagtibayin Natin at Lagumin Natin sa pahina 19 ng
batayang aklat.
2. Ipabuod ang mga kasagutan ng mga estudyante ayon sa mga layunin ng buong aralin.
Takdang-aralin
1. Ipabasa ang mga tanaga, haiku, at senryu sa Basahin Natin sa mga pahina
21 hanggang 25 ng batayang aklat.
2. Ipasagot ang tanong: Bakit kung minsan ang mensahe ng isang tula ay nagbibigay ng
kaalaman sa kasaysayan ng isang lahi?

Karagdagang Pagsasanay
A. Isulat ang ilang matatalinghagang pahayag na ginamit sa akdang “Talinghaga sa
Palasintahan.” Gamitin ang sumusunod na linear chart.
B. Magsaliksik ng mga salawikain o kasabihan tungkol sa buhay (halimbawa: “Ang
buhay ay parang gulong, minsan ay nasa ibabaw, minsan ay nasa ilalim”). Pagkatapos,
isulat ang mga ito sa paligid ng salitang buhay sa isang graphic organizer katulad ng
sumusunod.

You might also like