Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 3

FILIPINO 4-YUNIT IV-ARALIN 17

ANG BATANG MAY MARAMING-MARAMING BAHAY NI GENARO R.


GOJO CRUZ

KAPAG NAGSISIMULA NA akong magkuwento tungkol sa aming mga bahay,


hihinto sa na paglalaro sina Lara, Ningning, Kekek at Tim-Tim.
Uupo sila sa aking harapan at makikinig sa aking kuwento. Kapag ipinakikita
ko na ang aming mga bahay, nanlalaki ang kanilang mga mata.
“Panahon pa ng Kastila itinayo ang aming unang bahay. Namamangha ang
mga taong dumaraan dito. Parang nababalot ito ng hiwaga. Buo pa rin ang
mga kapis nitong bintana. May bubong itong sintaas ng kapilya. Gustong
kong maupo sa hagdanan nitong kahoy, para akong bumabalik ako sa
lumang panahon,” una kong kuwento.
“Sana magkaroon kami ng ganyang bahay,” sabi ni Lara.
Nasa gitna ng kagubatan ang pangalawa naming bahay. Kahit sa malayo,
kitang-kita ito na parang puting palasyo. Sa loob, makikita ang malaking
hagdanang pabilog, patungo sa ituktok. Malalaki ang bintana nitong
salamin. Gustong-gusto kong pumunta sa ituktok nito, tanaw ko ang
malawak na kagubatan,” sunod kong kuwento.
“’Yan ang pangarap kong bahay!” singit ni Ningning.
“Nasa ituktok naman ng bundok ang sunod naming bahay. Maraming tao
ang namamangha kung paanong naitayo ito sa ituktok ng bundok. Gawa ito
sa bato kaya di ito kayang tangayin ng bagyo. Sa pagtulog, hinehele pa ako
ng huni ng mga ibon,” sunod kong kuwento.
“Naku! Magkaroon sana kami ng bahay sa ituktok ng bundok para di na
kami bahain,” sabat ni Kekek.
“Mayroon din kaming bahay na nakaharap sa dagat. Ito ang bahay naming
may pinakamaraming kuwarto. May sarili akong kuwarto. May kuwarto para
sa aking mga damit, sapatos at laruan. May sariling kuwarto ang aking
Nanay at Tatay, at si Yeye. May kuwarto para sa aming mga bisita,”
ipinagmalaki ko sa kanila.
“Gusto ko ring magkaroon ng sariling kuwarto. Kay sikip kasi ng tulugan
namin,” sabi naman ni Tim-tim.
“May bahay rin kaming kasama ng iba pang bahay ng mayayaman. Kahit
nasa siyudad, tahimik pa rin ito. May pader itong mataas. May guwardiyang
laging nakabantay. Kapag mainit ang panahon, may swimming pool na
puwedeng paglanguyan,” painggit ko.
Di sila makapaniwala. May bahay raw palang may swimming pool pa.
Pangarap nilang lahat na makapunta sa aming mga bahay.
Marami pa akong kuwento tungkol sa iba pa naming bahay.
May bahaykubo kaming napalilibutan ng malawak na lupain, punong-kahoy,
gulayan at pastulan ng mga hayop. May duyan akong itinali sa punong
mangga. May pahingahan kaming kubo na nasa itaas ng punong akasya.
May bahay kaming nasa mataas na bilding na abot-langit. Kompleto ito ng
mga gamit. Kapag nandito ako, parang bahay-bahayan na lang ang mga
bahay sa ibaba. Isang dangkal na lang ang mga gusali, tulay at dagat.
Parang naglalakad na langgam ang mga tao sa liit. Sa sobrang taas ng
aming bahay, parang palito ng posporo ang mga poste ng koryente.
May bahay rin kami sa lugar na laging malamig. Napapalibutan ito ng mga
bulaklak at matandang puno ng pino. Kapag mainit sa iba naming bahay,
dito kami pumupunta. Gustong-gusto ko itong bahay namin dahil parang
laging Pasko. Lagi akong nakasuot ng pangginaw.
Ako na talaga ang batang may pinakamaraming bahay!
Di nagsasawa sina Lara, Ningning, Kekek at Tim-Tim sa aking mga kuwento.
Sabik na sabik lagi sila sa mga bagong dagdag na bahay sa aking kuwento.
Sa bawat araw, pinipilit kong madagdagan ang aming mga bahay para may
bago akong kuwento sa kanila.
Sana, maisama ko sila sa aming mga bahay.
Isang hapon, umulan nang malakas. Tuwang-tuwa ako. Matagal na rin
kasing di umuulan. Maya-maya, narinig ko na ang tawag nina Lara,
Ningning, Kekek at Tim-Tim.
“Koko! Koko! Halika na, ligo tayo sa ulan!” aya nila sa akin.
Naligo kami sa ulan. Tumapat sa alulod ng mga bahay. Nagtampisaw sa
biglang luminis na kanal. Masaya kaming magkakaibigan!
Walang tigil ang ulan. Umuulan nang matulog ako at nang magising ako,
umuulan pa rin.
Nag-alala sina Nanay at Tatay pati si Yeye na kahapon lang ay tuwang-tuwa
sa maliit na ilog sa loob ng aming bahay.
Biglang tumaas ang tubig sa loob ng bahay. Natakot kaming lahat!
“Mang Ruben! Aling Nene! Sumama na kayo sa basketball court! Mas ligtas
tayo roon!” aya ng aming kapitbahay.
Sa pagmamadali nina Tatay at Nanay, wala kaming nadalang gamit. Agad
kaming pumunta sa basketball court bago pa lumubog sa tubig ang bahay
namin.
“Buti’t walang nangyaring masama sa atin,” sabi ni Tatay.
“Pa’no na ang ating bahay?” pag-aalala ni Nanay.
“Kuya, giniginaw ako,” bulong ni Yeye sa akin.
Naawa ako kay Yeye. Niyakap ko siya nang mahigpit.
Maraming pamilya sa basketball court. Buti na lang, may nagpahiram sa
amin ng damit, kumot at banig. May nagbigay ng mainit na nudels, tinapay
at kape. Ilang araw rin kaming tumira sa basketball court.
“Paano na ang aming bahay? Saan na kami titira?” sunod-sunod kong
tanong.
Paghupa ng baha, bumalik kami sa aming bahay pero wala na kaming
nadatnan.
Puwede pala kaming mawalan ng bahay?
Tinangay ng baha ang aming bahay pati ang mga bahay na ginupit at
idinikit ko sa aking notbuk.
“Makakagawa rin tayo ng bago nating bahay,” sabi ni Tatay.
Nakita ko ang kasipagan ni Tatay. Wala siyang tigil sa pangangariton. Lahat
ng puwedeng maging bubong, dingding, sahig at bintana ng aming bahay,
pinupulot niya—karton, tabla, kahoy, yero, sirang gulong, pako at alambre.
Nagtulong sina Tatay at Nanay, pati kami ni Yeye sa paggawa ng aming
bahay. Si Nanay ang taga-hawak. Si Tatay ang taga-pukpok. Kami naman ni
Yeye ang taga-abot ng mga kahoy.
Unti-unti, nagkaroon ng bubong, dingding, sahig, bintana at pinto ang aming
bahay.
Isang araw nang umuwi si Tatay, nakita ko uli ang tambak na diyaryo at
makukulay na magasin sa kanyang kariton.
Gusto ko sanang buklatin uli ang mga ito para gupitin ang magagandang
bahay na aking nakikita. Gusto ko uling magdikit ng mga bahay sa aking
bagong biling notbuk.
Gusto kong magkuwento uli kina Lara, Ningning, Kekek at Tim-Tim ng
tungkol sa aming mga bahay. Gusto ko uling maging batang may
pinakamaraming bahay.
Pero may mas mahalagang dapat gawin kaysa naiisip ko. Kailangan akong
tumulong kina Tatay at Nanay. Kailangan kong alagaan at pasayahin si Yeye
para mawala na ang takot niya sa baha.
Isa pa, alam kong di na rin interesado sina Lara, Ningning, Kekek at Tim-Tim
sa aking kuwento. Nawalan din kasi sila ng bahay.
Tiyak na mas gusto nilang marinig ang aking kuwento tungkol sa aming
totoong bahay. Kung paano namin itong nagawa nina Tatay, Nanay at Yeye.
Tiyak na mas gusto nilang makita ang aming bagong bahay.
Tiyak na may mga kuwento rin sina Lara, Ningning, Kekek at Tim-Tim
tungkol sa kanilang mga bahay. Gusto kong marinig ang kanilang mga
kuwento. Ako naman ang makikinig sa kanila.
Kahit nawala ang aking mga bahay, nagpapasalamat pa rin ako dahil
kasama ko pa rin sina Tatay, Nanay, Yeye at ang aking mga kaibigan.
Puwedeng mawala ang lahat ng bagay sa akin pero di ang aking mahal na
pamilya at ang aking mga kaibigan.

You might also like