Lek Tura

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 9

Batayang Kaalaman sa Pagbasa

“Isa sa pinakamahalagang sandata ng tao sa kanyang pakikipagsapalaran sa mundo ay ang kanyang


katalinuhan, at ang pagbasa ay itinuturing na mabisang paraan upang magkaroon nito.”

Sinasabi na, 90% ng nalalaman ng tao ay buhat sa kanyang pagbabasa.

Ayon kay Goodman, ang pagbasa ay isang pyscholinguistic guessing na kung saan ang bumabasa ay
bumubuo muli ng isang kaisipan mula sa tekstong binabasa.

Ang nagbabasa ay gumagawa kaagad ng pagbasa ng pagpapakahulugan (haka o prediksyon) sa binabasa


nang hindi na iniisa-isa pang inuunawa ang mga salitang nakapaloob dito.

Coady (1979) ayon sa kanya, para sa ganap na pag- unawa sa isang teksto ay kailangan ang dati o imbak
na kaalaman ng bumabasa ay maiugnay niya sa kanyang pagbuo ng mga kaisipan sa kanyang binabasa.

Mga Teorya sa Prosesong Sikolohikal ng Pagbasa

Teoryang Bottom-up- Pinananaligan ng teoryang ito na ang pagbasa ay kaugnay ng teoryang behaviorist
sa kung paanong binibigyang-diin ang kapaligiran sa paglinang ng pag-unawa sa pagbasa. Ang pagbasa
ay pagkilala ng mga nakasulat na simbolo na nagsisilbing stimulus upang maibigay ang katumbas nitong
tunog na siya namang response. (phonic drills, flash cards)

Teoryang Top-down

Sa halip na sa teksto nagsisimula ang pagbasa, ito raw ay nagsisimula sa isip ng tagabasa (top) tungo sa
teksto (down). Ito ay isang gawaing interaktibo sa paraang ang bumabasa ay nakikipagtalastasan o
nakikipag-ugnayan sa awtor sa pamamagitan ng teksto gamit ang kanyang mga imbak na kaalaman at
ang kanyang kahusayan sa wika. Ang direksyon ng proseso ng pagbasa ay itaas-paibaba.

Teoryang Interaktib

Ang teoryang interaktib ni Rumelhart (1977) ay nabuo dahil sa kakulangan ng unang dalawang teoryang
binanggit. Dagdag pa rito, kanilang ipinaliwanag na mas mainam na pagsamahin ang dalawang teorya
sapagkat diumano ang proseso ng komprehensyon sa pagbasa ay ibaba-pataas at itaas-paibaba.

Ang komprehensyon ay pag-uugnay ng mga impormasyon mula sa teksto at mga impormasyon na nasa
isipan ng bumabasa

Mga Hakbang ng Pagbasa

Ayon kay Leo Fay, may apat na hakbang ang kasanayan sa pagbasa.

1. Persepsyon o Pagkilala - Nakapaloob sa hakbang na ito ang pagkilala sa mga salita at ang kakayahang
bigkasin ang mga ito.

1
2. Komprehensyon o Pag-unawa – Ito’y higit pa sa pagkilala sa mga salita. Nangangahulugan ito ng pag-
unawa sa pagkakaugnay-ugnay ng mga salita sa pangungusap, ng mga pangungusap sa talata at ng mga
talata sa buong akda o artikulo.

3. Reaksyon – Magagawa ang hakbang na ito sa dalawang paraan,

Una ay sa paraang intelektwal, kung saan ang bumabasa ay magpapasya sa kawastuhan at


lohika ng binabasa.

Ikalawa ay emosyunal, kung saan ang bumabasa ay humahanga sa estilo at nilalaman ng


nabasang akda.

4. Asimilasyon – Sa hakbang na ito, ang mga nakuhang impormasyon o kaalaman ay iniuugnay o kaya’y
isinasantabi muna sa isip upang sa pagkakataong ito’y kailanganin ay maaari itong balikan para sa
sariling kapakinabangan.

Mga Uri ng Pagbasa

May iba’t ibang uri ng pagbasa at ito ay mahahati sa dalawa: ayon sa paraan at ayon sa layunin.

Ayon sa Paraan

1. Iskiming o Mabilisang Pagbasa – Ang uring ito ay nagtuturo sa mambabasa na kumuha at malaman
ang pangkalahatang pananaw na matatagpuan sa babasahin. Maaari rin itong tawagin na pinaraanang
pagbasa.

*pagtingin o pagbasa nang mabilis sa kabuuang nilalaman ng aklat gayundin sa pagtingin at


pagbasa ng mahahalagang datos.

2. Iskaning o Pahapyaw na Pagbasa – Paghahanap ito ng isang tiyak na impormasyon sa isang


babasahin. Ginagawa ito sa paghahanap ng numero ng telepono sa direktoryo, paghahanap ng trabaho
sa classified ads ng pahayagan, pagtingin sa resulta ng isang eksam o kaya nama’y sa mga numerong
lumabas o nanalo sa sweepstakes at lotto.

3. Analitikal o Pagsusuring Pagbasa – Kinakailanagan sa paraang ito ang matalino at malalim na pag-
iisip. Nahahasa sa pamamaraang ito ang Kahusayan sa isang mapanuring pag-iisip.

4. Kritikal o Pamumunang Pagbasa – Sa pamamaraang ito ay pinupuna hindi lamang ang nilalaman ng
babasahin kundi maging ang pamagat, simula, katawan at wakas ng teksto.

Ayon sa Layunin

1. Pagbasang Nakapagtuturo – Sa uring ito ay nagbabasa ang isang indibidwal sa layuning may
matutuhan at makakuha ng panibago o karagdagang impormasyon.

2. Pagbasang Nakapaglilibang – Isang kawili-wiling libangan ang pagbabasa bukod sa nakapagbibigay ito
ng kasiyahan ay napapagana pa nito ang ating imahinasyon.

2
Limang Dimensyon ng Pagbasa

1. Unang Dimensyon. Pagkuha ito ng pangunahin, literal at tuwirang kahulugan ng salita o pagkuha nito
ayon sa pagkakagamit sa pangungusap.

a. Pagpuna sa mga detalye

b.Pagpuna sa wastong pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari

c. Pagsunod sa panuto

d. Pagbubuod o paglalagom sa binasa

e. Paggawa ng balangkas

f. Pagkuha ng pangunahing kaisipan

g. Paghanap ng tugon sa mga tiyak na katanungan

h.Pagbibigay ng katotohanan upang mapatunayan ang isang nalalaman na

i. Paghanap ng katibayan para sa o laban sa isang pansamantalang kongklusyon

j. Pagkilala sa mga tauhan

2. Ikalawang Dimensyon. Pagkaunawang ganap sa mga kaisipan ng may akda lakip ang mga
karagdagang kahulugan.

a. Pagdama sa katangian ng tauhan

b. Pag-unawa sa mga tayutay at patalinghagang salita

c. Paghinuha ng mga katuturan o kahulugan

d. Pagbibigay ng kuru-kuro at opinyon

e. Paghula sa kalalabasan

f. Paghinuha sa mga sinundang pangyayari

g. Pagbibigay ng solusyon o kalutasan

h. Pagkuha ng pangkalahatang kahulugan ng isang binasa

i. Pagbibigay ng pamagat

3
3. Ikatlong Dimensyon. Pagkilatis sa kahalagahan ng mga kaisipan at ng kabisaan ng paglalahad.

a. Pagbibigay ng reaksyon

b. Pag-iisip na masaklaw at malawak

c. Pagbibigay ng pagkakaiba at pagkakatulad

d. Pagdama sa pananaw ng may akda

e. Pag-unawa sa mga impresyon o kakintalang nadarama

f. Pagkilala sa pagkakaroon o kawalan ng kaisahan ng diwa ng mga pangungusap

g. Pagkilala sa pagkakaugnay-ugnay ng mga pangungusap sa isang talataan

h. Pagtatalakayan tungkol sa mabubuting katangian ng kwento

i. Pagpapasiya tungkol sa katampukan ng pamagat ng binasang seleksyon

j. Pagpapasiya tungkol sa kabisaan ng paglalahad

4. Ikaapat na Dimensyon. Pagsasabi ng mga kaisipang nabasa at ng mga karanasan upang magdulot ng
bagong pananaw at pagkaunawa

a. Pagbibigay ng opinyon at reaksyon

b. Pag-uugnay ng binasang kaisipan sa kanyang sariling karanasan at sa tunay na pangyayari sa buhay

c. Pagpapayaman ng talakayan sa aralin sa pamamagitan ng paglalahad ng mga kaugnay na karanasan

d. Pag-alaala sa mga kaugnay na impormasyon

e. Pagpapaliwanag sa nilalaman o kaisipang binasa batay sa sariling karanasan

5. Ikalimang Dimensyon. Paglikha ng sariling kaisipan ayon sa mga kasanayan at kawilihan sa binasang
seleksyon

a. Pagbabago ng panimula ng kwento o lathalain

b. Pagbabago ng wakas ng kwento

c. Pagbabago ng pamagat ng kwento

d. Pagbabago ng katangian ng mga tauhan

e. Pagbabago ng mga pangyayari sa kwento

f. Paglikha ng sariling kwento batay sa binasa

4
Apat na Paraan ng Diskurso

Ang mga akdang binabasa o isinusulat ay maaaring uriin ayon sa apat na paraan ng pagpapahayag: ang
paglalarawan, pagsasalaysay, paglalahad at pangangatwiran.

1. Paglalarawan o deskriptib ang paraan ng pagpapahayag na may layuning ipakita ang kabuuang anyo,
pagkakatulad at pagkakaiba ng isang tao, bagay, hayop, konsepto at iba pa sa mga kauri nito.

2. Pagsasalaysay o naratib ang itinuturing na pinakamatandang anyo ng pagpapahayag. Binubuo ito ng


mga talatang nagpapahayag ng magkakaugnay na pangyayari. Tinatawag din itong pagkukuwento.

3. Pangangatwiran o argumentatib naman ang tawag sa paraan ng pagpapahayag na ginagamitan ng


mga patunay o katibayan. Ginagamit ito kung nais mong makahikayat ng iba na pumanig sa iyong
opinyon o paniniwala.

4. Ang Paglalahad o ekspositori ay ang paraan naman ng pagapahayag na may layuning tumalakay o
magpaliwanag ng paksa sa pamamagitan ng iba’t ibang mga pamamaraan.

Tekstong Ekspositori

Isa sa pinaka madalas basahin ay ang mga tekstong ekspositori, kilala rin ito bilang paglalahad.
Layunin ng ganitong uri ng sulatin at babasahin ang magpaliwanag at magbigay ng impormasyon.Ayon
kina Tonjes, Wolpow at Zints (1999), ang tekstong ekspositori ay nagbibigay-diin sa paksang tinatalakay
o ipinapaliwanag. Ito rin ay naglalaman ng mga pahayag na may katotohanan at gumagamit lamang ng
kakaunting dialogo di tulad sa tekstong nagsasalaysay.

Matatagpuan din sa mga ganitong sulatin ang ilang mga grapikong panulong gaya ng grap, ilustrasyon,
teybol, larawan at iba pa. May pitong hulwarang istruktura na maaaring gamitin sa pagbuo ng ganitong
teksto at ito ay ang: pagbibigay depinisyon, pag-iisa-isa o enumerasyon, pagsusunod-sunod,
paghahambing at pagkokontrast, problema at solusyon, pagsusuri at sanhi at bunga (Heller, 1995)

Pagbibigay ng Depinisyon

Ang pagbibigay ng depinisyon ay isang anyo ng tekstong ekspositori na ginagamit ng mga


manunulat kung nais nilang bigyan ng kahulugan ang isang paksa.

Ang pagbibigay ng depinisyon ay maaaring pormal o impormal

Pormal- isang buong pangungusap, maikli ito at limitado ang saklaw upang maging isang kumpletong
teksto.

Pinahahaba ito sa pamamagitan ng mga sumusunod: pinagmulan ng salita o talakay,


pagpapakahulugan sa mga mahirap na salitang ginamt, pagbibigay ng isang konkretong halimbawa ng
isang bagay o konsepto, ilustrasyon o kahit anong grapiks at analisis.

Impormal ang impormal na depinisyon ay hindi isang buong pangungusap kundi isang salita o parirala
lamang.

5
Pag-iisa-isa o Enumerasyon

Ito ay isang hulwaran na kung saan ang manunulat ay maingat na inililista o itinatala ang mga
ideya at impormasyon tungkol sa pangunahing ideya. Ang kaayusan ng mga detalye ay maaaring
magkapalitan na hindi mababago ang kahulugan.

Pagsusunud-sunod

Ito ay isang hulwaran ng tekstong ekspositori na kung saan ang manunulat ay nagnanais na
mabigyan ng impormasyon ang mga mambabasa sa paraang nagpapakita ng mga hakbang o
pagkakasunod-sunod.

Ayon kay Heller (1995), sa ganitong hulwaran ay itinuturo ng manunulat sa mambabasa ang kanilang
mga dapat gawin, samakatwid, masasagot ng hulwarang ito ang tanong na paano. Mauuri ang
hulwarang ito sa tatlo: sekswensyal, kronolohikal at prosedyural.

1. Sekwensyal- ang pagkakasunod-sunod kung ito ay naghahayag ng mga impormasyon o pangyayaring


may kaugnayan sa isa’t isa tungo sa isang partikular na pangyayari. Ilan sa mga salitang ginagamit dito ay
ang una, kasunod, hanggang, samantala, pagkatapos, agad-agad at iba pa.

2. Kronolohikal-makikita sa mga tekstong ang paksa ay karaniwang tao o mga tiyak na bagay na
inilalahad batay sa isang tiyak na baryabol gaya ng edad, pinag-aralan, halaga, lokasyon at iba pa.

3. Prosedyural-ginagamit kapag nagpapaliwanag o naglalarawan ng isang tiyak na proseso upang


magkaroon ng isang maganda o maayos na resulta.

Paghahambing at Pagkokontrast

Ang hulwarang paghahambing at pagkokontrast ay may layuning ipaliwanag o ipakita ang


pagkakatulad at pagkakaiba ng dalawa o higit pang ideya, bagay, lugar, tao, pangyayari at iba pa.
Ginagamitan ito ng paglalarawan.

Sa paghahambing, ang dalawang bagay na pinaghahambing ay sinusuring mabuti upang


maipakita ang kanilang pagkakatulad sa isa’t isa.

Sa pagkokontrast naman, sa halip na ang pagkakapareho ang sinusuri, ang pagkakaiba naman
siyang tinitingnan.

Problema at Solusyon

Ginagamit ng mga manunulat ang hulwarang ito upang maglahad ng isang suliranin o problema
at pagkatapos ay nagtatala ng isa o mahigit pa sa isang solusyon sa suliranin. Sanhi at Bunga

Nilalayon ng hulwarang ito na maipakita ang isa o mahigit pa sa isang sanhi at epekto ng isang
pangyayari.

6
Ang sanhi ay maari ring tukuyin bilang dahilan at ang bunga naman ay kahulugan ng salitang
resulta.

Pagsusuri

Ito ay isang sistematikong pag-aaral sa kahalagahan at ugnayan ng anumang bagay o paksa na


kadalasang ginagawa sa pamamagitan ng paghihimay-himay sa mga bahagi nito. Kadalasang katanungan
dito ay: Ano ang mga dahilan ng ganitong pangyayari? Bakit ito nangyari? May solusyon pa ba para
rito?

Mga Kasanayan sa Akademikong Pagbasa

1. Pagtukoy sa Layunin ng Teksto

Ang ilan sa mga layuning ito ay ang manlibang, manghikayat, magpaliwanag, magbigay ng
impormasyon, magpahayag ng kuru-kuro, magtanggol ng paniniwala at iba pa.

*Sa isang teksto ay hindi lamang malilimitahan sa iisang layunin. Maaring ito ay may dalawa o
higit pa.

2. Pagtiyak sa Tono, Damdamin at Pananaw ng Teksto

Mababatid ng mambabasa ang damdaming umiiral sa teksto sa pamamagitan ng mga salitang


ginamit ng manunulat. (saya o tuwa, takot, lungkot, galit at iba pa)

Ang tono ay paraan kung paano ipinapahayag ng manunulat ang kanyang ideya. (malungkot,
masaya, mapanudyo, mapagpatawa at iba pa)

Ang pananaw naman ay tumutukoy sa panauhang ginamit ng manunulat sa kanyang akda. Ito ba
ay unang panauhan na ginamitan ng mga panghalip na ako, ko, akin, kita, tayo, natin, atin, kami, namin
at amin.

Sa ikalawang panauhan, ang mga panlaping ikaw, ka, mo, iyo, kayo, ninyo at inyo.

Sa ikatlong panauhan ay ang mga panghalip na siya, niya, kanya, sila, nila at kanila.

3. Pagkilatis sa Katotohanan at Opinyon

Ang pahayag ay may katotohanan kung iyon ay mula sa pananaliksik at pag-aaral o kaya nama’y
pahayag ng isang taong dalubhasa o may awtoridad sa isang partikular na paksa o usapin. Ito ay mga
paktwal na pahayag na hindi mapasusubalian at tinatanggap ng lahat (Bernales, 2010)

Opinyon naman ang pahayag kung ito’y mga simpleng paliwanag lamang na di suportado ng
mga pananaliksik at pag-aaral.

7
4. Pag-alam sa Pangunahin at Suportang Detalye

May mga pangungusap na nagsisilbing paksang pangungusap na siyang pangunahing ideya sa


loob ng talataan at may mga suportang pangungusap na siyang nagpapalawak sa paksang pangungusap.

Ang paksang pangungusap ay maaaring matagpuan sa alinmang bahagi ng talataan: sa unahan,


sa gitna at sa hulihan.

5. Pagsusuri kung Valid o Hindi ang Ideya o Pananaw

May mga tanong na dapat matiyak ang kasagutan bago masabing ito nga ay valid o hindi.

Una, makatotohanan ba at makatwiran ang ideyang nakalahad?

Ikalawa, may kongkretong batayan ba ito at ito ba ay katanggap-tanggap?

Ikatlo, may awtoridad ba ang nagsabi ng ideya o pananaw na binasa?

6. Paghihinuha at Paghuhula sa Kalalabasan ng Pangyayari

Bunga ng knowledge explosion, naging lalong mahalaga ang pagbasa sa sangkatauhan.

Ang knowledge explosion ay makabuluhang paggana at paglalakbay ng isip upang lalong mapaunlad ng
mambabasa ang sarili batay sa mga seleksiyong binabasa.

Kailangan ding iugnay ng mambabasa ang dati niyang alam (stock knowledge) sa kanyang binabasa
upang mas lalo pang maging ganap ang pagkaunawa sa impormasyong nais niyang matamo.

“Walang pagbabasa kung walang pag-unawa”

Narito ang ilang magagamit na antas tungo sa lubusang ikaunawa sa tekstong binabasa.

a.Pang-unawang Literal (Literal Comprehension)

Ito ay pang-unawang ugnay lamang sa mga literal na kahulugan ng binasang teksto. Upang
maliwanagan ang teksto, kinakailangang masagot ng mambabasa ang mga tanong na ano, sino, saan at
kailan.

b.Pang-unawang Interpretatib (Interpretative Comprehension)

Ang mga katotohanan sa antas na ito ay hindi lantad. Kinakailangang mabigyan ng mahusay na
interpretasyon ang teksto sa pamamagitan ng paggamit ng kakayahang magbasa sa pagitan ng mga lina
(Read between the lines)

c. Kritikal na Pag-unawa (Critical Comprehension)

Pumapasok ang kakayahan ng mambabasa na magbigay ng paghuhusga sa estilo ng may-akda at


kongklusyong naaayon sa teksto. Kailangang masagot ang tanong na paano at bakit.

8
d. Pag-unawang may Paglalapat (Comprehension with Application and Creation)

Ito ay pagkilala sa punto ng may-akda at ilalapat sa tunay na nangyayari o sitwasyon sa paligid.


Kinakailangan ng mambabasa ang katalinuhang kumilala ng ideyang hindi na lantad na lantad (Read
beyond the lines)

7. Pagbibigay-interpretasyon sa Mapa, Tsart, Grap at Talahanayan

Ang mapa, grap, tsart at talahanayan ay nagtataglay rin ng makatotohanang impormasyon kung
ito ay pag-aaralan at uunawaing mabuti.

a. Mapa-Naglalaman ng paghahati-hati ng bahaging lupa at tubig ng bawat lugar. Itinuturo nito ang
hangganan ng pag-aari ng alinmang lugar, hanapbuhay, hangganan atbp. na karaniwang inirerepresenta
sa pamamagitan ng legend na siyang nagbibigay ng direksyon sa mambabasa na maunawaang mabuti
ang detalye ng binabasang mapa.

b. Tsart-Sinusukat nito ang mga datos na maaaring magpakita ng halaga, uri, panahon, dami at iba pa.
Maaaring patayo o pahalang angpagbasa rito. Maaari ring ihambing nito ang dalawa o higit pang mga
bagay.

c. Grap-Ito ay ginagamit sa pagtukoy sa sukat, halaga, ugnayan o bilang ng kalakaran o anumang gawain.
Kabilang dito ang bar graph, pie graph o line graph. Maaari rin itong magpakita ng pag-unlad,
pagbabagu-bago ng anumang gawain, kita atbp.

d. Talahanayan-Pahalang at pababa rin ang pagbasa ng talahanayan. Pinapakita nito ang dami, bilang,
serye o pag-unlad ng anumag gawain, kita o propesyon.

You might also like