Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 20

Allan Roy M. Ungriano Dr. Nilo S.

Ocampo
04 – 80015 Fil 397

DALUYAN – Hinggil sa Pagsasalin

Isang Aklat - suri

Panimula

Ito ay isang aklat-suri na tumatayo bilang isang pangangailangan para sa


Fil 397 ng Unibersidad ng Pilipinas. Isa itong koleksiyon ng mga akda ng mga
kilalang manunulat na sinuri para sa nasabing kurso.

Bagama’t lumalabas na isa itong salik upang maipasa ang kurso, may
mas mahalagang layunin para ito mailathala. Nais ng tagapagsaliksik na
maibahagi ang mga nais ilahad ng mga Pilipinong manunulat tulad nina Virgilio
Almario, Teo Antonio, at iba pa sa pamamagitan ng pagbibigay ng suri.

Ang aklat-suri, o book summary sa Ingles, ay isang paraan ng


pagbabahagi sa pamamagitan ng paglalagom o pagbibigay ng buod ng isang
akda. Sa proyektong ito na Daluyan (Tomo VI, Bilang 1-4, 1995), ang journal ng
Sentro ng Wikang Filipino sa Talakayang Pangwika, ang pinagtuunan namin ng
pansin at sinuri. Ito’y binubuo ng anim na akda ukol sa pagsasaling wika. May
ilang mga akda na mahirap unawain; kaya naman layunin ng tagasuri na
maibahagi ang mga ito sa paraang madaling mauunawaan ng magbabasa.

Nawa’y sa pagbabasa ng aklat-suri na ito’y mabigyan ng ideya ang


magbabasa ukol sa kahalagahan ng pagsasaling wika, at maging daan upang
mabasa ang aklat na Daluyan. Maging daan nawa ito upang mas maintindihan
ang mga akda sa aklat. Higit sa lahat, nawa’y maging tsanel ito upang
maibahagi sa ibang tao ang mga mahahalagang bagay na nais sabihin ng mga
Pilipinong manunulat ukol sa pagpapaunlad ng wika sa pamamagitan ng
pagsasalin.
2

Daluyan: Isang Paghihinuha

Mababatid natin na ang salitang daluyan ay nangangahulugang agusan


ng mga likido. Daloy, ang salitang ugat nito, ay maaaring maging isang
pangngalan na ang ibig sabihin ay agos o tulo; o di naman kaya’y pandiwa na
tumutukoy sa pag-agos.

Likido ang dumadaloy sa isang daluyan. Tubig ang dumadaloy sa isang


tubo. Luha ang dumadaloy sa mga pisngi. Dugo ang dumadaloy sa mga ugat.
Ilan lamang ito sa mga paraan upang mabigyang linaw ang kahulugan ng salita.

Kung mananatili tayo sa kaisipang likido lamang ang maaaring dumaloy,


bakit papamagatan ang isang aklat ng Daluyan? Ang mga akda ba na
nakapaloob dito ay mga likido na umaagos? Tubig ba ang umaagos sa isinulat ni
Almario, luha sa akda ni Ocampo, at dugo sa isinulat ni Lumbera? Imposible.

Lumabas tayo sa simpleng kahulugan ng daluyan bilang agusan ng likido.


Tignan natin ito sa perspektibong pampanitikan. Sa pag-aaral at pagsusuri ng
mga akda sa aklat, mahihinuha na ang daluyan ay tumutukoy sa mga ideyang
nais ipahiwatig ng mga manunulat. Nagsisilbi itong tsanel ng mga nais ibahagi
sa mga mambabasa ng aklat. Ang aklat na Daluyan ay nagsisilbing agusan ng
mga akda sa mga mambabasa nito.

Ngunit walang bisa ang dumadaloy kung hindi ito dadaloy sa daluyan.
Walang bisa ang tubig kung hindi ito dadaloy sa tubo, ang luha sa mata at pisngi,
at ang dugo sa ugat. Tulad ng mga ito, walang bisa ang mga akda kung hindi ito
dadaloy sa aklat. Sa lahat ng mga ito, kailangang may magtulak upang dumaloy.
Kailangan ng isang proseso upang dumaloy ang mga likido sa mga daluyan.
Gayundin naman, kailangan ng proseso upang dumaloy ang mga akda sa aklat.
Ang magtutulak sa pagdaloy na ito ay ang ating pagbabasa ng mga akda sa
aklat. Hindi natin malalaman na dumadaloy ang mga akda sa aklat kung hindi
natin babasahin ang mga ito.
3

Dahil sa ating pagbabasa, dumadaloy din ang mga nais sabihin ng mga
manunulat patungo sa ating mga isipan. Sa pagkakataong ito, ang mga akda ay
dumadaloy patungo sa atin sa pamamagitan ng aklat at ng isip.

Kapag dumating ang panahon na matapos na nating basahin ang


nilalaman ng aklat, tayo naman ang magsisilbing daluyan upang maibahagi sa
ibang tao ang ating mga nabasa. Sa madaling salita, ang mga akda na isinulat
ay dumadaloy patungo sa ibang tao sa pamamagitan ng aklat, isip at ng mga
mambabasa.

Sa pagsusuring ito kung saan masusing binasa at sinuri ng mananaliksik


ang mga akda, hayaan ninyong maging daluyan ako ng mga bagay na nais
ibahagi ng mga may-akda sa Daluyan. Hayaan ninyo na maging daluyan ang
aklat-suri na ito upang mabatid ang kagandahan at kahalagahan ng wika sa ating
buhay sa pamamagitan ng pagsasalin.

Pagsasalin ng Kaalamang Panteknolohiya

ni Teo T. Antonio

Ang akdang isinulat ni G.Teo T. Antonio ay isang pagbabahagi ng kanyang


mga naranasan at nararanasan sa larangang ng pagsasaling wika. Isinalaysay
niya ang kanyang trabaho bilang isang manunulat at tagasalin, at ang kanyang
mga obserbasyon sa pagsasalin ng wika.

Sa unang bahagi ng akda, mababasa at makikita ang dilema ng literal na


pagsasalin. Ginamit niyang mga halimbawa ang pagsasalin ng “Mussel and
Oyster Culture” at ang pagsasalin ng isang resipe. Kapag sinalin ang mga ito sa
literal na pamamaraan, lumalabas na walang kahulugan o walang saysay ang
produkto ng pagsasalin.

Hindi gaanong pinagtuunan ng pansin ang pagsasalin ng kaalamang


panteknolohiya kahit may mga kursong Mass Communication at Development
Communication. Kung mayroon mang mga nailathalang akda na isinalin, ito ay
4

mga lathalain ng gobyerno mula sa mga manunulat na naglakas-loob upang


magkaroon ng hanapbuhay.

Dahil sa kanyang trabaho na manunulat at tagasalin, nabatid niya na may


mga bagay na dapat isaalang-alang ng isang tagasalin—pagiging bihasa sa
wikang isinasalin at wikang pagsasalinan, at ang pagkukunsulta sa mga kapani-
paniwala, o credible, na diksyunaryo.

May mga salitiang teknikal mula sa kaalamang panteknolohiya na


maaaring hanapan ng katumbas na salita sa isang wika; ngunit may ilan na
walang katumbas na salita at kailangang panatilihin ang orihinal na salita. Sa
mga pagkakataon na walang mahanap na katumbas, maaaring sundan ng isang
paliwanag ang salitang hiniram upang mabigyang linaw ang nais ipahiwatig ng
isinasalin.

Ang pagsasalin ng kaalamang panteknolohiya ay kailangang gamitan ng


“essential translation” upang higit na maintindihan at maituro ang ibinabahaging
kaalaman. Ang “essential translation” ay ang paglalapat ng angkop na salita o
pagpapanatili ng orihinal na terminolohiyang teknikal sa orihinal na nilalaman at
hindi literal na salin lamang.

Mahalaga na gawing simple, maliwanag at angkop ang mga inilapat na


salita sa pagsasalin. Huwag na itong gawing kumplikado upang madali itong
maunawaan.

Mabigat ang tungkulin ng tagasalin ng kaalamang panteknolohiya.


Maaaring sumablay o magkamali ang tagasalin na kung saan sa halip na isang
produkto ang nais gawin ay ibang produkto ang kalalabasan. Pero matatawag
naman na isang tagumpay para sa isang tagasalin kung malinaw at naintindihan
ang kanyang isinaling kaalaman.

Isang mabisang sistema sa pagsasalin ng kaalamang panteknolohiya ay


ang pagbabalik muli sa may-akda o sa isang eksperto ang naisalin ng kaalaman
upang magbigay ng mungkahi at itama ang mga pagkakamali. Pagkatapos itong
5

itama ay muli itong isinasailalim sa panibagong pagsusulat batay sa mungkahi


ng may-akda.

Isa pang dapat isaalang-alang sa pagsasalin ng kaalamang


panteknolohiya ay ang pagkakaroon ng isang mahusay na editor ng salin.
Masisilip ng isang mahusay na editor ang kamalian ng mga angkop na salita at
wastong paggamit ng salita. Isa ring dapat tandaan ng isang tagasalin ng
teknolohiya na may mga kaalaman na isinulat sa Ingles na masyadong teknikal
na kapwa eksperto lang ang makakaintindi. Hindi na ito dapat isalin pa sa
wikang Filipino.

Sa kasalukuyan ay kakaunti ang mga tagasalin sa larangan ng kaalamang


panteknolohiya at siyensya dahil malaki ang sakripisyo upang maging bihasa
rito. Maaari ring malaki o mababa ang salaping matatamo kapalit ng pagsasalin.
Pero higit sa lahat ay makabuluhan ang larangang ito ng pagsasalin dahil mas
makapagbabahagi at makapagtuturo ka ng kaalamang mapapakinabangan sa
pag-unlad ng maraming tao.

Ang Hamon ng Pagsasalin ng mga Teknikal na Sulatin

ni Mario I. Miclat, Ph. D.

Ang akda na ito ay isinulat ni Mario Miclat Ph. D. Tinatalakay nito ang
mga patungo sa pagsasalin ng mga salitang galing sa ibang wika para maging
salitang hiram sa Filipino.

Sinimulan niya ang kanyang akda sa pamamagitan ng kwento patungkol


sa tinatawag na Culutral Revolution sa Tsina. Sa kwentong ito, naipakita niya
kung gaano kabilis maaring magbago ang wika. Nabanggit din niya sa simula ng
akda na isa sa mga hamon ng pagsasalin ng wika ay ang paghahanap ng
katumbas nitong salita. Isang halimbawa na ginamit niya ay ang salitang bulbol.
Karaniwan, kapag naririnig natin ang salitang bulbol ay naiisip natin na ito ay
bastos o may kinalaman sa maselang bahagi ng katawan ng tao. Ngunit
6

ipinaliwanag ni Miclat na kapag humanap tayo ng katumbas na salita para sa


bulbol, magugulat ka na sa Ingles ay “hair” at hindi “pubic hair” na karaniwan na
naiisip ng mga Pilipino.

Sa wika, hindi maiiwasan na magkaroon ng mga salita sa iba’t ibang


bansa na magkakatumbas o magkakatulad. Ang epekto nito sa pagsasalin ay
masyadong nagiging teknikal base sa salitang pinagkuhanan ng kahulugan.
Dumadaan sa tatlong antas ang pagsasalin. Ang una, o level X, ay ang
pagbibigay diin sa mga iba’t ibang sitwasyon at pagpapakita sa realidad ng extra-
lingguwistikong realidad. Level Y, ang pangalawang antas, ay ang pagunawa sa
nilalaman ng konteksto. Sa level Z, ang huling antas ng pagsasalin, ay ang
pagtuon sa wika at paggamit nito bilang mga hudyat. Kasama sa pagsasalin ay
ang mga paggamit nito sa pagpapahayag ng sariling damdamin o ekspresyon ng
sarili, pagbibigay ng impormasyon sa pamamaraang representasyon at
intelektwal, at sa pamamaraang patawag na ginagamit pampubliko na ang
ipinahihiwatig ay dinamiko at nagbibigay ng utos. Ito ay mga dahilan kung bakit
napakalawak ng ating talasalitaan at kung bakit maraming diyalekto sa bansa. Ito
ay resulta sa mga kombinasyon na nakukuha natin sa mga salitang hiram.

Mahalaga ang pagsasalin ng mga salitang galing sa ibang wika, bagama’t


hindi ito madaling gawin. Sa pagbuo ng salita, dapat bigyan ng sapat na
panahon para pag-isipan at siguraduhin na magkakatugma ang mga salitang
tinutukoy nito. Halos lahat ng mga salitang Filipino ay nabuo at nanggaling sa
mga salitang Intsik, Sanskrit, Kastila, Ingles. Ayon kay Miclat ang isang
magandang paraan upang mapalawak ang talasalitaan ay ang pagsasama ng
dalawang salita upang makabuo ng bagong salita. Ang halimbawa na ginamit
niya rito ay ang salitang “black board.” Isang magandang halimbawa ito dahil
kapag sinuring mabuti, ang salitang ito ay dalawang magkaibang salita ngunit
kapag pinagsama ay makabubuo ng isang salita na may ibang kahulugan. May
mga salita rin na ang bawat pantig ay may kahulugan. Ang salitang “bakya” ay
nagmula sa dalawang Intsik na salita. Ang ibig sabihin ng “ba” ay kahoy at ang
“kya” ay sapatos. Kung pagsasamahin ang dalawang salita na ito, magkakaroon
ito ng kahulugan na “sapatos gawa sa kahoy”. Ito ay ilan lamang sa mga salitang
7

na ating hiniram mula sa mga wika ng ibang bansa. Iniba lang natin ng konti ang
mga salitang ito ngunit magkatulad pa rin ang kahulugan.

Kailangan ding isaalang-alang sa pagsasalin ang kaayusan ng


pangungusap. Mahalaga ito dahil maaaring makaapekto sa kahulugan ng salita
sa pangungusap ang ayos ng pangungusap

May iba’t ibang kaayusan ang pangungusap at may sinusundan itong


estruktura. Maaari itong maging parirala o pangungusap at dapat itong ituring
magkaiba sa isa’t isa. Ang parirala ay grupo ng mga salita na walang pangngalan
at pandiwa. Ang pangungusap ay grupo ng mga salita na may simuno at
panaguri. Ang dalawang ito ay ang mga elemento ng isang pangungusap. Pero
ngayon, maari ng gumawa ng isang pangungusap na kahit kulang ng isang
elemento. Isang halimbawa nito ay “takbo!” o “sunog” at madalas ito nakikita sa
mga padamdam na pangungusap. Ang pandamdam na pangungusap ay
ginagamit upang makakuha ng atensyon sa mga patalastas. Ang mga salitang
nag-iisa ay ang pinakasimple anyo ng pandamdam na pangungusap. Ang mga
pautos ng pangungusap ay isang pang klase ng mga pangungusap. Ito ay
ginagamit sa pagbigay ng utos o instruksiyon. Kasali na rito ang konotasyong
emosyonal kagaya pagbigay ng babala. Ang patanong na pangungusap ay
madalas gamitin sa mga survey kung saan ito ay nagsasaad ng mga tanong.
Ang mga hugnayang pangungusap, na binubuo ng higit na isang sugnay, ay
madalas na gamitin sa salitang pangawing. Magkatugma ang mga sugnay na ito
at may koordinasyon. Sa paggamit nito sa Aleman, ang pandiwa ay nakalagay sa
huli at iba ang estraktura sa paggamit ng pangungusap na ito sa Ingles. Mayroon
ding tinatawag na mga negatibong pangungusap na kung saan matatagpuan ang
salitang “hindi” sa mga pangungusap. Sa Filipino, kailangang iba’t ibahin ang
paggamit ng salitang “hindi” at kailangan itukoy kung ano ang ginagwang
negatibo.

Sa pagsasalin, ang pinakamagulong isalin ay ang malalawig na parirala.


Ang wikang Aleman ay madalas gumamit nito. Dahil itong mga parirala ay
malawig, nagiging magkaiba ang kahulugan at puwesto ng mga salita. Sa mga
8

ganitong klaseng parirala, ginagamit ang mga relatibong sugnay o pagbago ng


kaayusan ng mga salita. Posible din magkaroon ng walang hanggan ang bilang
ng mga pang-uri sa isang pangngalan.

Naniniwala si Miclat na yayaman pa ang wikang Filipino. Ngunit


makakamit lamang natin ito kung patuloy na magsusumikap ang mga tao na
paunlarin lalo ang sariling wika. Ang pagsasalin ng mga salitang galing sa ibang
wika ay isang magandang at isa sa mga pangunahing paraan upang mapalawak
o mapayaman ang isang wika.

Mga Tesis at Disertasyon Hinggil sa Pagsasalin sa Filipino

ni Nilo S. Ocampo, Ph. D.

Ang pagpapaunlad ng wikang Filipino tungo sa istratehikong


pangangailangan ng bansa ay isang gawaing dapat na ipagpatuloy.
Masasagawa ang layuning ito sa pamamagitan ng dalawang paraan: (1)
pagsusulat ng mga orihinal na akda at (2) pagsasalin sa wikang Filipino.

Sinasabing natupad na ang unang layunin kung titingnan ang paglilistang


nagawa sa mga tesis at disertasyon para sa unibersidad sa mga nauna pang
isyu ng Daluyan. Ang pangalawang layunin ay pinagsisikapang pagsumasigan at
pagaralan sa kasalukuyang isyu. Ayon sa kasalukuyang isyu ng Daluyan,
nakapagtala ng 65 na tesis at disertasyon mula sa 17 kolehiyo at unibersidad sa
panahong 1968-1995. Ang mga tesis at disertasyon na ito ay nakatuon sa
Kamaynilaan ngunit nasasakop na rin ang buong bansa dahil pinagsikapan ang
pagtuturo ng panitikan sa iba’t-ibang lugar tulad ng Pangasinan, Isabela,
Angeles, Naga, Capiz at Iloilo. Ang karaniwang paksa ng panitikan ay pambansa
at pandaigdig.

Naging akademikong gawain na rin ang pagsasalin sa iba’t ibang usapin


maliban sa panitikan, agham panlipunan, agham, relihiyon, palakasan,
komersiyo at pagbabangko. Nangunguna ang Unibersidad ng Pilipinas sa
9

kanilang 15 tesis at disertasyon. Anim sa mga ito ay tungkol sa kasaysayan,


anim sa proseso ng pagsasalin, isa sa nobelang Ingles, isa sa Espanyol at isa rin
sa dulang Tsino. Sumusunod naman ang Pamantasang Normal ng Pilipinas sa
14 nito. Mga tesis ng panitikan at textbook na maaaring gamitin sa pagtuturo ang
kanilang ginawa. Ang Pamantasang De La Salle ay may 11. Sila’y nagsalin ng
mga akdang pampanitikang Filipino at banyaga. Ang Pamantasang Ateneo de
Manila ay may 6. Kabilang dito ay isang epiko, isang sarswela, isang akdang
Tsino, isang nobelang Ecuadoryan at dalawang panrelihiyon. Ang Unibersidad ng
Santo Tomas ay may isang akdang pilosopikal at tatlong pampanitikan. Ang
Centro Escolar University, Pangasinan State University at Angeles University ay
pare-parehong may dalawang pampanitikan. May tig-iisa naman ang National
Teachers College, Northwestern College, Colegio de la Purisima Concepcion,
Roosevelt College, University of Nueva Caceres, University of San Agustin, West
Visayas State College, Western Visayan State University at Xavier University.

Saling pampanitikan

Ang panitikan ng Pilipinas (epiko, alamat, tugmang-bayan, bugtong,


kuwentong-bayan, kaalamang bayan, paniniwala, kaugalian, tula, dula, maikling
kuwento, nobela) ay nararapat lamang na ituro sa wikang Filipino. Sa simula ay
hindi maiiwasang gawing tulay ang bersiyong Ingles para maisalin ang mga
akdang pampanitikan natin. Pagkatapos ay kailangang subukang isalin ang
bawat salita sa bawat taludtod. Kailangang tiyakin na tama ang palaugnayan at
subukang humanap ng salitang magkasingkahulugan.

May angking ningning ang iba’t ibang rehiyonal na manunulat. Ilan sa


kanila ay ang dalawang mandudulang Kapampangan na sina Crisostomo Soto
at Andres Masangque, ang makatang Pangasinenseng si Pedro Sison, ang
makatang Waray na si Eduardo Makabenta at marami pang iba.

Isinasama na rin sa tradisyong Filipino ang mga nakasulat sa wikang


Ingles tulad ng dulang “The Love of Leonor Rivera” ni Severino Montano. Kahit
ang mga akda ng mga dayuhang manunulat ay naisalin na rin tulad nila Juan
10

Ramon Jimenez, Jorge Icaza, Camilo Jose Cela, Mark Twain, Nicoli Gogol at
Tsao Yu. Nilinaw ng kasalukuyang isyu ng Daluyan na ang mga akdang isinulat
ng mga banyaga ay naisasalin lamang kung ang mga ito ay may malinaw na
pagkakatulad sa Pilipinas. Dapat ay malapit ang mga ito sa kultura at
karanasang Filipino maging anuman ang tema ng akda.

Salin sa ibang larangan

Sinasabi ng bahagi ng libro na iba’t ibang salin ang nagawa ng iba’t ibang
Pilipino. Sinasabi rin na upang mas mapaganda at mapaayos ay dapat mas
mabuting maintindihan ng mga tagasalin ang iba pang mga wika bukod sa
Ingles. Ang problema kasi ay isinasalin muna nila sa Ingles bago sa Filipino kaya
minsan ay nawawala na ang tunay na kahulugan at pokus nito. Si Baldoz-
Shriever ang nagaral ng Relay Translation o Di-Tuwirang Pagsasalin. Sa
pagaaral niya, nakita niya na lumitaw ang pagkakaibang bunga kultura. Ilan sa
mga tagasalin ay sina TIMBRESA (1980)- sinalin ang “Tao Teaching” (English) sa
Filipino, BAUTISTA (1991) at SALANGUIT (1992) na isinalin ang kasaysayan ng
Pilipinas ni Raphael Palma.

Lagom

May magandang kinabukasan ang mga tagasalin dahil sa mga


magandang nagawa nila at ng kanilang mga ninuno.

"Si Bitoy Camacho at si Julius Caesar, at si Nick at si Will: Ang Kultura sa


Likod ng mga Salita sa Pagsasa-Filipino para sa Entablado"

ni Bienvenido Lumbera, Ph.D.

Inumpisahan ni Lumbrera ang kanyang sanaysay sa pamamagitan ng


pagbibigay ng katumbas na salita sa Filipino ng "translate" at ito ay may
dalawang katumbas: ang "salin" at "hulog". Ibinigay at ipinaliwanag niya ang ibig
11

sabihin at gamit ng mga salitang ito. Ang kahulugan ng unang katumbas ng salita
ay "ilipat sa ibang sisidlan” samantalang "bitiwan ng bumaba sa dapat
kalagayan" ang ibig sabihin ng ikalawang katumabas. Ipinaliwanag ni Lumbrera
na ang diin sa "salin" ay nasa proseso ng paglilipat samantalang ang empasis sa
"hulog" ay nasa kaganapan ng proseso.

Tinalakay naman ni Lumbera


ang kasanayan ng mga Filipino pati na
rin ng mga turista sa ibang bansa sa
pakikipagtalastasan. Ngunit ayon din
sa kanya, kapag malalim na ang

pinag-uusapan, kauntiang talasalitaan


lamang ang alam ng mga ito lalo na sa
Ingles. Kaugnay nito, binanggit at
pinagtuunan ng pansin ng may-akda ang dalawang antas ng isang wika kapag
ginagamit ito sa paglilipat ng karanasan sa ibang wika. Ayon sa kanyang
paliwanag sa unang antas, hinahanap lamang ang mga "katapat ng salita"
samantalang sa ikalalawang antas, ang hinahanap ay ang masmalalim na
kahulugan "ang katumbas ng karanasang hatid ng orihinal na wika". Ang
ikalawang antasl ng pagsasalin ang nais bigyang pansin ng may-akda sa
kanyang sanaysay.

Nabanggit ni Lumbera na siya ay isang manunulat na nagnanais tuklasin


kung paano maidaragdag ang mga tema at teknik ng mga akdang dayuhang
nag-iiwan ng malinaw na punto sa mga mambabasa. Ang pagnanais niyang
makamptang ipagkahulugan ng malinaw na punto ng dayuhan may-akdang
nagdala sa kanya sa larangan ng pagsasalin.

Sa pagasasalin niya ng "The Love Song of J. Alfred Prufrock" ni T.S. Eliot,


natutunan niya na sa pagsasalin, hindi lamang wikang dayuhan kundi pati na rin
isang “kulturang nakaugat sa mga kasaysayan at mga lipunang nagkabisa sa
mga salita ng awtor” ang kanyang lilikhain.
12

Ang "Enemies" ni Maxim Gorki ay ninais gawing produksyon ni Behn


Cervantes. Ito ang naging unang pagkakataon ni Lumbera sa pagsasalin para sa
entablado. Pinamagatan niya itong "Kaaway". Ipinaliwanag ng may-akda na
kinailangang tumbasan ang uri ng lipunan na binuo ni Gorki. Dahil dito, inihanap
niya ng wastong pamamaraan ng pagsasalita (kasama na rito ang bokabularyo,
tono at punto) ang bawat indibidwal pati na rin ng pagbuo ng kapanipaniwalang
diyalogo ng mga tauhan.

Ang mga natutunan ni Lumbera sa pagsasalin ng "Kaaway" ay nagamit rin


niya nang isinalin niya ang "A Portrait of the Filipino as an Artist" ni Nick Joaquin
at ang "Julius Caesar" ni William Shakespeare. Sa mga pagsasanay niya ay
umabot siya sa realisasyon na hindi
kailangan ng malalalim na retorika
sa pagsasalin para sa entablado.
Importante ang pagtitiyak na ang
orihinal na intensyon ng dayuhang
manunulat ay napre-preserba at
malinaw na naiuugnay ng mga aktor
sa mga manonood.

Hindi maikakaila na
hinahangaan ng husto ni Lumbera si Nick Joaquin. Dahil dito, bago pa man
magkaroon ng buo at opisyal na salin ng "Portrait" ay nasimulan na niyang isalin
ang soliloquy ni Bitoy sapagkat gusto niyang ihanap ng katapat ang retorika ni
Nick, na nasa Ingles. Ang Tanghalang Pilipino ng CCP ang nagbigay daan upang
maisama ang salin na ginawa niya bagamat kapiraso lamang ang isinali ni
Nonon Padilla sa produksyon. Sa produksyon ng Dulaang U.P. ni Anton Juan,
buong elehiya ni Bitoy ang kasama.

Ayon kay Lumbera, mas pahalagahan dapat ang daloy ng pagbigkas ng


aktor kaysa sa katapatan sa orihinal na awtor. Sa pagsasalin para sa teatro, hindi
maiiwasan na magsakripisyo ng mga sikat na linya mula sa orihinal para hindi
makompromiso ang pagbigkas ng aktor. Sa mga sitwasyon na kailangan
13

pagtagpuin ang wika at kulturng dayuhan at katutubo, dapat mangibabaw ang


paggamit ng tagasalin ng katutubo upang mas maraming kababayan niya ang
makaabot at mapakinibangan ito.

Ipinaliwanag ng may-akda na hindi maiiiwasan na mabago nang kaunti


ang pokus ng salin niya ng "Portrait" sapagkat may kaibahan ang
pagpapahalaga, pananaw sa buhay at pagtanggap sa kasaysayan ng Ingles. Sa
pagsasalin naman ng gawa ng Shakespeare, mas mahirap ito dahil sa
katutubong Inglatera ang awtor at ang wikang ginamit ay napapanahon pa ni
Elizabeth I. Ayon kay Lumbera, sa Julius Caesar, kaunting impormasyon lamang
ang mayroon at ang mga talababa ang tumutulong sa tagasalin na humanap ng
mga tugmang salitang gagamitin. Bukod pa rito, kailangan pang magsaliksik ang
mga tagasalin. Pero sinabi rin ni Lumbera na magiging mahalaga lamang ang
pagsasaliksik (tulad ng talababa) kung ang mga kaalamang ito ay magagamit sa
takbo ng dula.

Binanggit ni Lumbera na sa "Portrait" ni Nick Joaquin, mas lalong


magkakaroon ng kahulugan ang mga linyang Ingles kung alam nila ang tinutukoy
ni Bitoy Camacho. Ngunit gayunpaman, may mga pagkakataon kung saan ang
nasalin ay mas maganda sa orihinal na bersyon nito.

Tungo sa Nagkakaisang mga Salin at Tagasalin

ni Virgilio S. Almario

Ipinaliwanag ni G. Virgilio Almario na mula sa panahon ng kolonyalismong


Espanyol, ang pagsasalin ay isang mahalagang bahagi sa buhay ng mga
Pilipino. Ginamit ito ng ating mga ninuno sa pagpapalaganap ng bagong
impormasyon at batas sa mga malalayong lugar. Kahit sa panahon ngayon,
kailangan din natin ang pagsasalin sa lahat ng aspekto ng ating buhay tulad ng
“kaisipan, dalumat, saliksik at teknolohiya, lalo na yaong kailangan natin sa
14

makabagong pamumuhay (Almario 1990, 63 1).” Sa madaling salita, binigyang-


diin ni G. Almario kung bakit importante ang pagsasalin sa “pagbuo ng
pambansang kamalayan at sa pag-agapay natin sa makabagong takbo ng buhay
sa daigdig (64).”

Ang pag-alaga at paglinang ng pagsasalin ay malaking nais ni G. Almario.


Dahil dito, nagbahagi siya ng dalawang mungkahi kung paano ito gagawin.
Una, dapat magtatag tayo ng isang organisasyon para sa konserbasyon ng
pagsasalin. Ikalawa, dapat mayroon tayong isang unyon na maaaring pag-isahin
ang mga tagasalin.

Ang Linangan sa Pagsasalin, isang sentral na opisina, ay maaring bigyan


ng mga responsibilidad hinggil sa pagsasalin: tagapagtipon ng mga ulat at
impormasyon tungkol sa pagsasalin dito sa Pilipinas at sa ibang bansa, tagapag-
ingat ng mga dokumentong importante sa salin at tagasalin, at tagabuo ng
silabus ng mga bagay na dapat pag-aralan sa pagsasalin. Ngunit
nangangahulugang kailangan nitong magtipon ng iba’t-ibang materyales at
humingi ng tulong sa mga eksperto at ahensiya ng gobyerno katulad ng DepEd
at Komisyon ng Wikang Filipino.

Ang Unyon ng mga Tagasalin ay isang organisasyon na maaring


mapagkaisa ang mga tagasalin sa buong bansa. Kung mangyayari ito, lahat ng
kanilang mga kapakanan at interes ay marinig ng iba at maaari na rin silang
mag-umpisa ng pambansang kamalayan. Maaari na rin silang magbigay ng
sertipikasyon sa mga tagasalin at sa kanilang mga pagsasalin para maikawas sa
pandaraya at plahiyo.

Nabanggit din ni G. Almario na ang kanyang mga proposisyon ay mahirap


magawa ngunit ginarantiya niya na maririnig at maitutuwid ang lahat ng mga
kapakanan ng mga tagasalin para sa ikabubuti ng lahat.

1
Almario, Virgilio. (1990). Tungo sa nagkakaisang mga salin at tagasalin sa Daluyan. (6). (1-4).
Lungsod ng Quezon, Surian ng Wikang Pambansa. pp 63-66.
15

Marxismo at ang Problema ng Lingguwistika

ni J.V. Stalin

Ang akda ay tungkol sa pananaw ni Joseph V. Stalin tungkol sa mga


problema ng lingguwistika, partikular ang Marxismo bilang bahagi ng
lingguwistika.

Bago ang pagtatalakay ng nilalaman ng akda, importanteng ipaliwanag


muna ang mga konsepto kung saan tungkol ang akda. Ang una ay ang
lingguwistika. Ang lingguwistika ay ang pormal na pag-aaral ng wika na
ginagamit ng mga tao. Ang susunod ay ang Marxismo. Ang marxismo ay
teoryang soysal at pulitikal base sa mga isinulat ni Karl Marx at Freidrich Engels.
Sinasabi ng Marxismo na ang mga galaw at asal ng tao ay resulta ng
impluwensya ng sistema ng lipunan at ekonomiya. Ang huli ay ang sentro ng
akda na si Joseph V. Stalin. Siya ay isa sa mga pinaka-kilalang lider ng
komyunistang bansa ng Russia. Marami siyang pagbabagong nagawa sa
kanyang bansa at naging importante siyang bahagi ng kasaysayan ng kanyang
bansa dahil sa mga nagawa niya sa pamamagitan ng rebolusyon.

Ang akda ay kasulatan ng isang pulong kung saan sinagot ni Stalin ang
mga katanungan tungkol sa Marxismo at lingguwistika. Ang unang tanong sa
kanya ay kung ang wika ba ay superitruktura ng base. Ang sagot ni Stalin ay
hindi. Sa kanyang kasagutan ay sinabi ni Stalin kung ano ang ibig sabihin ng
base at superistruktura at sinabi niya na ang wika ay iba sa superistruktura. Ang
base ay ang ekonomiya ng isang lipunan; samantalang superistruktura naman ay
ang pulitikal, legal, pilosopikal, relihiyoso, at masining na pananaw sa lipunan at
ang mga institusyon ng mga ito.

Sinabi ni Stalin na sa kasaysayan ng kanyang bansang Russia, nagbago


ang base at superistruktura ng ilang beses na sa paglipas ng panahon; pero ang
wika ng kanilang bansa ay hindi nagbabago. May mga salita lamang na
nadagdag sa bokabularyo ng mga tao na lumitaw dahil sa mga pagbabago sa
16

lipunan at may mga salita naman na nawala dahil hindi na ginagamit dahil din sa
mga pagbabago. Hindi maaaring magbago ang wika ng isang bansa kapag
nagpalit ang lipunan at nagpalit ang base at superistruktura. Walang
binabagayan na klase ng lipunan ang wika at maaari itong magamit ng mga tao
para magkaintindihan sila kahit na maraming pagbabago sa lipunan.

Ang mga bahagi ng superistruktura ay may kinalaman sa lipunan at sa


mga pagbabago nito. Ang wika ay bahagi ng mga bagay na may kinalaman sa
tao mismo bilang bahagi ng lipunan. Ang paggamit ng mga tao at hindi ang
lipunan ang nakaapekto sa wika.

Sa katanungan naman kung ang wika ay natural na may iba’t-ibang antas


at may binabagayan na iba’t-ibang uri ng tao, sinabi ni Stalin na hindi ito totoo.
Sinabi niya na ang wika ay para sa lahat ng klase ng tao at walang binbagayan
ito. Ang wika pa nga ang nagbubuklod sa mga tao. Noong unang panahon at
kahit sa iba’t-ibang bahagi ng kasaysayan, iisang wika lamang ang ginagamit ng
bawat bansa at lahat ng klaseng tao ay nagkakaintindihan. May kapangyarihan
man o wala, lahat ay nagkakaintindihan dahil isang wika lamang ang kanilang
ginagamit. Ang mga tao ay gumagawa ng kaunting kaibahan sa kanilang wika na
bagay sa kanilang pagkatao pero isang wika pa rin ang pinanggalingan kahit na
maraming kaibahan.

Binanggit ni Marx na mayroong “Wika ng mga Burgesya.” Hindi ibig


sabihin ni Karl Marx na may sariling wika ang mga burgesya. Ang ibig niyang
sabihin ay ang mga kinulayan ng burgesya ang wika ng kanilang bansa sa
pagbago at pagdagdag ng mga salita na tumutukoy sa kanila. Iniiba lang ng iba’t-
ibang klaseng tao ang wika ng kanilang bansa para maituring na “kanila” ang
wikang iyon pero hindi naman iba ang wikang ginawa nila sa pambansa nilang
wika.

Nang tanungin si Stalin tungkol sa mga katangian ng wika, may mga ilang
katangian siyang sinabi. Sinabi niya na ang wika ay isang penomena sa lipunan
na ginagamit mula sa simula hanggang sa pagtatapos ng lipunan. Kapag nawala
17

ang lipunan, mawawala din ang wika. Ang wika din raw ay mapapag-aralan ng
mas mabuti kung pag-aarlan ito kasabay ng pag-aaral ng lipunan.

Ang wika rin daw ay isang instrumento na ginagamit ng mga tao para sa
komunikasyon. Nagkakaintindihan ang mga tao dahil sa wika, nagpapalitan sila
ng mga ideya at nagkakaroon sila ng kaayusan dahil sa wika. Ang wika ang
nagbubuklod sa mga tao dahil ang wika ay naiintindihan ng lahat.

Ang pag-unlad din daw ng lipunan ay nakikita sa wika. Kapag umuunlad at


lumalawak ang lipunan, umuunlad at lumalawak din ang wika. Ang talasalitaan
ay nadaragdagan o nababawasan kapag nagbabago ang lipunan at ang
pagbubuo ng mga salita at pangungusap ay nagbabago kapag nagbabago ang
lipunan.

Ang pagbabago rin ng mga nangyayari sa kasaysayan ay nagbabago rin


sa wika. Kapag naghiwalay ang mga tribo o grupo sa isang lugar at kapag
nagkaroon ng ugnayan sa ibang bansa ang isang lugar, magbabago ang wika
dahil magbabago din ang lipunan.

Hindi naniniwala ang Marxismo na ang wika ay nagbabago ng biglaan na


parang isang pagsabog. Hindi rin ito naniniwala na ang ibang elemento ng wika
ay nawawala at napapalitan ng iba. Ayon sa Marxismo, ang wika ay unti-unting
umuunlad; napapalitan ng paunti-unti ang mga lumang elemento ng bagong
elemento.

Nang tanungin naman si Stalin kung tama ba ang pagbubukas na Pravda


ng diskusyon tungkol sa problema ng lingguwistika, sinabi niya na ang
pagbubukas ay tama at mabuti para sa lahat. May mga importanteng isyu na
natalakay dahil sa pagbubukas ng diskusyon.

Lumabas na nagkakaroon ng pagpigil sa pag-unlad ng lingguwistika dahil


may mga tao na ayaw tumanggap ng kritisismo at pagbabago. Walang pwedeng
kumontra sa kanilang mga pagtuturo at sa kanilang mga kagustuhan. Isa sa mga
taong tinutukoy ni Stalin ay si N.Y. Marr. Naging sarado ang isipan ng mga tao sa
lipunan tungkol sa lingguwistika dahil sa mga ginawa noong pamumuno ng
18

Arkacheyev. Pinalabas noong panahon na ito na ang lingguwistiko ay nagdadala


ng kultura ng pagiging iresponsable. Mali ang paniniwala na ito na tinuturo nila
sa mga tao. Ang diskusyon ay nagpakita ng katotohanang ito.

Ang diskusyon ay nagdala din ng pagkakataong makita ang mga mali sa


tinuturo ni N.Y. Marr at sabihin ang kamalian sa lahat. Ang mga tao ay naniniwala
na na Marxista ang tinuturo ni Marr pero hindi ito totoo. Sinadabi ni Marr na ang
wika ay superistruktura pero napatunayan na sa unang kasagutan ni Stalin na
hindi ito totoo. Ang diskusyon ay nagbigay ng oportunidad na sabihin sa lahat na
mali ang tinuturo ni N.Y. Marr at hindi ito Marxista.

Ang talata na tungkol sa tanungan na naganap sa Pravda ay nagpakita ng


mga kaalaman at pananaw ni Stalin tungkol sa lingguwitiko at ang kaugnayan
nito sa lipunan. Nasabi din ni Stalin na kailangan matama ang maling paniniwala
ng mga tao tungkol sa mga turo ni Marr na nagsaabing Marxista ang kanyang
paniniwala pero ang totoo ay hindi.

Ang talata ay tungkol sa mga ilang problema ng lingguwistika. Tama ba


raw na ituring ang wika na penomenong karakteristiko pareho ng base at
superistruktura, o mas tama ito kung ituturing bilang penomenong intermedyo.

Hindi maaaring isama ang wika sa kategoryo ng base, superistruktura o


sa intermedyo. Mayroong espisipikong katangian ang mga penomenong
panlipinan. Ito ay magiging sanhi sa kanilang pagkakaiba na napakahalaga sa
larangan ng siyensiya. Ang base ay ang pagsilbi sa lipunan sa larangang pang-
ekonomiya. Ang superistruktura ay ang pagsilbi nito sa lipunan sa pamamagitan
ng mga ideang pampulitika, pambatas, pang-estetika, at iba pa.

Tinanong muli niya kung ano naman ang mga espesipikong katangian ng
wika para mamukod sa panlipunan. Ito ang pagsilbi ng wika sa lipunan para
maging gamit sa pag-uugnayan ng mga tao at sa lahat ng sama-samang gawain
ng mga aktibidad ng tao. Sa wika lamang likas ang mga karakteristiko na ito.
Mayroong hiwalay na siyensiya sa pag-aaral ng wika at ito ang lingguistika.
19

Dapat raw bang form lamang ang maging paksa ng isang lingguistika? Isa
sa pinakamahalagang sangay ng lingguistika ang sematika. Ang sematikang
aspekto ng mga salita at ekspresyon ay napakahalaga sa pag-aaral ng wika.
Ngunit inihiwalay ni N.Y. Marr ang pag-iisip sa wika. Sabi rin niya na maaring
magkaroon ng komunikasyon ang mga tao nang hindi gumagamit ng wika. Dahil
dito, natunton si N.Y. Marr sa idealsimo.

Naiimpluwensiyahan ba ng mga uri ang wika at kung nakapagpapapasok


ang mga tao sa wika ng mga espesipikong salita at ekspresyon?

Ang sagot ay oo. Iniimpluwensiyahan ng mga uri ang wika at nagpapasok


ang mga ito ng kanilang espesipikong salita at ekspresyon. Ngunit hindi
nangangahulugan na napakahalaga ng mga espesipikong salita at ekspresyon
na maaari na nitong baguhin ang kahulugan at katangian nito.

Sa susunod na talata, hindi naman lahat mali ang ginawa ni N.Y. Marr.
Ang tanging pagkakamali lang niya ay ang magpasok siya ng mga elemento ng
Marxismo sa lingguistika at tangkain niyang gumawa ng independeng teorya sa
wika. Ngunit, maaari pa rin siyang maituring na maging isang impluwensiya sa
inyo.

Sa huling talata, sinabi na ang formalismo ay isa sa pangunahing dahilan


kung bakit hindi umuunlad ang lingguwistikang Sobyet. Ano raw ba ang
nilalaman ng formalismo sa lingguwistika at kung paano raw ito
mapangingibabawan?

Sabi ni N.Y. Marr na formalista ang mga taong naniwalang pundasyon ng


wika ang sistemang pambalarila, ngunit ito ay kalokohan. Inimbento lang ng
may-akda ng “bagong doktrina” ang “formalismo” para madali ang pakikibaka nila
sa laban nila tungkol sa lingguwistika. Hindi ang “formalismong” inimbento ni N.Y.
Marr ang dahilan kung bakit hindi umuunlad ang lingguwistikang Sobyet, kundi
ang mga butas sa teorya ng lingguwistika.
20

Konklusyon at Rekomendasyon

Sa pagsusuri ng Daluyan, mauunawaan na ang pagsasalin ay isang


mahirap na proseso sa larangan ng wika. Maraming dapat isaalang-alang para
sa isang magandang salin na mauunawaan ng mga mambabasa. Ngunit ang
mga paghihirap ng linggwistika at mga tagasalin ay nagbubunga sa ating
pagbabasa ng kanilang mga akda. Nagiging epektibo ang mga isinalin na ito
kung mababasa at mauunawaan natin ang mga nais ibahagi ng manunulat.

Kung kaya naman nais irekomenda ang aklat sa lahat ng mga


nakakabasa ng isang akda. Ang aklat na ito ay para sa mga guro upang maituro
at mapaaninaw sa kanilang mga mag-aaral ang kahalagahan ng pagsasalin
bilang isang paraan ng pagpapaunlad ng wika at ng lipunan. Para sa mga mag-
aaral ang aklat na ito upang mamulat ang kanilang diwa sa kagandahan ng wika
at makatulong sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Inirerekomenda rin ito sa
mga tao sa gobyerno upang maging mulat sila sa unti-unting pagwawalang-
bahala ng sariling wika, at magbigay daan upang manumbalik ang
kapangyarihan ng wikang Filipino sa pagkakaisa ng ating watak-watak na bansa
sa pamamagitan ng mga proyekto at kampanya para sa wika.

Hindi ka man isang guro, mag-aaral o opisyal sa gobyerno, iminimungkahi


na basahin ang aklat; dahil sa aklat na ito makikita ang daan upang ibalik ang
kapangyarihan ng wika hindi lamang sa sarili kundi sa ating lipunan. Naniniwala
ang tagasuri na bawat isa ay nilalang na may pagpapahalaga sa wikang sariling
atin—ang wikang Filipino.

You might also like