Una Furtiva Lagrima PDF

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 126

Una

Furtiva
papuri para sa Una Furtiva Lagrima

Ang Una Furtiva Lagrima ay kalipunan ng mga tula ng isa sa mga


nangungunang kritiko at intelektwal sa akademya ng Pilipinas. Nagtataglay
ito ng mga tulang himig monologo ng isang persona na nasa kalagitnaan
ng kanyang buhay. Sa kabila ng pagtanggap sa mga hindi na magbabagong
nakaraan ay may diwa pa rin siya ng pag-asa sa hinaharap (may batayan man
o wala) na sumisilip sa pagitan ng mga linya. Lalo pang nagiging matingkad
ang kanyang mga alaala dahil ang nababanggit na tagpuan sa ilang tula—ang
“museleong Faculty Center” sa UP—ay nasunog at naabo kamakailan lamang.
Bumabalik ang mga alaalang hindi malimot-limot at kahit ilang beses
nang maghilamos ang makata ay mababakas pa rin ang mga luhang nais
niyang ipaglihim.
—Ramon Guillermo, propesor at kritiko, UP Diliman

Pait at pagka-umay ang magkahalinhinang lakdaw ng koleksiyong ito ni Ka


Edel. At nagpapaubaya tayong sumabay. Umuusad. Nabibinbin. Nababalaho
sa pansamantalang inakong bigat ng kanyang mga taludtod. Napaaatras
sa pagtunton sa kanyang mga taon at sa naglipana nitong mga bakas sa
akademyang hungkag, sa lipunang tuwad at sa puso mismo nating tiwalag.
Ang pambihira, gayunman, sa kabila ng pangkasaysaya’t sikolohikal na
bagabag at kirot—o sa pagitan ng bawat lihim na pangingilid ng luha—
dinadala tayo ng makata (ng “propesor,” ng “pilay na pastol”) sa isang lihim
din marahil na paglilimi na ang lahat ngang ito’y hindi pa ang siyang wakas
ng lahat-lahat. At ganito mismo ang di naitatampok na ambag ni Ka Edel
bilang guro noong 1993 (taon nang unang lumabas ang Una Furtiva Lagrima):
sadlak sa salimuot at sukat malusaw ang rebolusyonaryong kilusan noong
mga panahong iyon, subalit dahil may di nabagot magturo ng Marxismo at
Maoismo sa pamantasan, may mga mag-aaral ng panitikan at lipunan na mas
naging handa sa pagharap sa hamon ng pagpapanibagong-sigla ng rebolusyon.
—Ericson Acosta, makata at aktibista
Serialisado ang mga tula sa Una Furtiva Lagrima, nagninilay sa dialektiko ng
paggunita at paglimot, pamamaalam at pagsisimula, pagbakas at pagtakas,
pagbaklas at pagbuhay, pagbabalik at paglisan, pribado at publiko, pag-ibig at
pagkamuhi. Sa isang sandali, isang espasyo, isang pagkatao, isang pag-ibig,
ang bawat tulang pinapailanlang ay pagtunghay sa pagbuo at pagguho—at
matatanong ng mambabasa—ng ano? Ito ang sikretong ngiti at luha ng mga
tula, ang pagtunghay ay pagpalaot at pagtuklas sa lirisismo ng omniscient
na persona ng lirisismo ng persona ng tula, at ng mismong makatang si
Edel Garcellano.
—Rolando B. Tolentino, kwentista, kritiko at propesor, UP Diliman

Pagdidili-diling personal, eksplorasyon at paglalakbay na indibidwal—


sa sarili’t kapaligirang istoriko’t sosyal nito, tila nga pagtitika ngunit
pagbalikwas-pagtayo rin tungo sa buti (basahing pagbabago’t
transpormasyong radikal) at, higit sa lahat, pagpuna at pagpuna-sa-sarili
(may sinisismo mang mababanaag, may layon ding muwasak-bumuo sa
mga sagkang kategorya: istorya, kultura, panitikan at sining, akademya/
akademiko); ganito ang pangkalahatang pagwari/pagbasa/pagsuri sa mga
prosa’t tula/awit ng pagdama’t analisis na naglalandas sa mga naunang pahina.
Pagbasa, pagsulat, kritisismo, panitikan—ng panuntunang bumubuwag-
bumubuo. Tila ba tabing nga lamang ang lungkot o siphayo ng mga teksto,
mahahawi’t mapipilas. Sa likuran ay kaibang pag-ibig at pagsuyo—ni Edel at
ng marami pa.
—Monico M. Atienza†, dating propesor at kritiko, UP Diliman
Una
Furtiva
Lagrima

ikalawang edisyon

Edel E.
Garcellano
Nilalaman

ix Paunang Salita 3 1993


Edel E. Garcellano 6 Papuri
9 Propesor/ i
xi Introduksyon 10 Propesor/ i i
Carlos Piocos III 11 Propesor/ i i i
15 Propesor/ i v
16 Propesor/ v
18 Propesor/ v i
20 Propesor/ v i i
23 Propesor/ v i i i
24 Propesor/ i x
27 Propesor/ x
30 Propesor/ x i
31 Propesor/ x i i
33 Propesor/ x i i i
34 Propesor/ x i v
36 Propesor/ x v
41 Kundiman/ i
42 Kundiman/ i i
44 Kundiman/ i i i
45 Kundiman/ i v
47 Kundiman/ v
51 Recuerdo/i
52 Recuerdo/i i
55 Recuerdo/i i i
58 Recuerdo/i v
60 Recuerdo/v
62 Recuerdo/v i
66 Recuerdo/v i i
67 Recuerdo/v i i i
69 Recuerdo/i x
72 Recuerdo/x
76 Kasarian/i
77 Kasarian/i i
79 Kasarian/i i i
82 Kasarian/i v
83 Kasarian/v
87 Takipsilim/i
88 Takipsilim/i i
89 Takipsilim/i i i
91 Takipsilim/i v
95 Manlalakbay/i
96 Manlalakbay/i i
97 Manlalakbay/i i i
98 Manlalakbay/i v
102 Sagot

106 Tungkol sa aklat


Paunang Salita

Quadratic Silences was the first volume of the two-part series of


Una Furtiva Lagrima which focused on the twilight in Diliman or
Takipsilim sa Diliman; the narrative is in Filipino which would
easily connect with the local readers; it was first read by Nick
Atienza who wrote a response to the poems—unfortunately we
couldn’t retrieve it from his computer. Recently the Faculty Center
burned down and along with it the ashes of memory of days gone
by, only the carillon sounds like the empty bells in my mind—
along with the shadows that flit across the empty rooms…

Edel E. Garcellano, 2016

ix
Introduksyon

Kung bakit ‘di maitago


ang itinatangis sa Una Furtiva Lagrima

Carlos Piocos III, 2016

M
akabuluhan ang muling pag-imprenta ng nag-iisang
koleksyon ng mga tula sa Filipino ni Edel E. Garcellano,
ang Una Furtiva Lagrima, sa maraming kadahilaan. Una, ang aklat
na ito ay tahimik na repositoryo ng isang lunan ng kasaysayang
intelektwal sa bansa, ang ngayo’y nasunog at naupos nang gusali ng
Faculty Center sa UP Diliman. Nailathala noong 1993, binabaybay
ng ilan sa mga tula dito ang partikular na panahon ng buhay-
akademiko, hindi lamang sa loob ng UP Diliman, ngunit maging
sa labas ng pamantasan. Sa katunayan, isang paaalala/pahayag
ang mga linya sa isang tula, na ang koleksyong ito ay para rin sa
kanilang “hindi na darating ngayon o/ kailanman sa dantaon ng
ating pag-iisa sa pagpasok/paglabas sa museleong Faculty Center”
(‘Propesor/VII).

xi
Pangalawa, kung ito ay isang kasaysayan, maaari rin itong
tingnan bilang isang ispesipikong salaysay ng mga inibig,
ipinaubaya, ipinaglaban, tinalikdan at ikinahiya ng mga intelektwal
ng partikular na dekadang iyon. Isang bagay na napakahirap tulaan
hindi lamang noon ngunit mas lalo na ngayon. Hindi lamang
dahil dala-dala ng mga batang manunulat ang anumang bagahe
ng paglaban o kumplisidad ng mga tinitingala nilang manunulat.
Ngunit dahil ngayon, tila mas napakadaling mabura ng mga
linyang naghihiwalay ng mga paninindigan at pananampalataya.
Ngayon, kung kailan mas naisasaliteral ang kapangyarihan ng tula
at pagmamakata, at nalalabusaw ang etika sa poetika sa pagiging
burukrata’t tagapagsalita ng Estado ng ilang mga makata.
Pangatlo, kung ito ay salaysay sa mga bagay na malaon nang
niyakap at/o kalauna’y mariin nang itinanggi, isa rin itong mahabang
liham-pag-ibig. Isang malalim na hugot. Hugot na may kumplikado
ngunit kongkretong pinaghuhugatan: iyong mga ukol sa iniibig na
kailangang panindigan, mga iniibig na kailangang itakwil, mga
inibig na kailangang kalimutan, mga inibig na kailangan at patuloy
pa ring ipinaglalaban. Ito marahil ang mga dahilan kung bakit di
maitago’t mailihim ang itinatangis sa Una Furtiva Lagrima.

T
aong 2002 ko natuklasan ang Una Furtiva Lagrima. Nagsisimula
pa lamang akong pag-aralan ang pagtula mula sa pagbabasa
ng mga aklat-antolohiya at koleksyon ng mga makata na hinihiram
ko mula sa library. Noong mga panahong iyon, nabasa ko na ang
ilan sa mga nailathalang aklat ni Edel, mula sa mga kritikal na
sanaysay at koleksyon niya ng mga prosa, kalakhan sa wikang
Ingles. Kaya laking gulat ko nang madiskubreng may naisulat pala
siyang mga tula sa Filipino.
Sa aking pagbabasa ng kanyang aklat, napaalalahanan ako’t
naaninag sa kalakhang lagay ng tinig ng koleksyon ang aklat ni
Theodor Adorno na Minima Moralia: Reflections from a Damaged
Life. Ang poetika at pilosopiya ng pagtula ay nakatuntong sa pag-
aapuhap ng etikang gagabay sa malagim na ngayon-at-dito ng
mga mambabasa. Katulad rin ng nasabing libro, laganap rin sa
mga tula ng Una Furtiva Lagrima ang aporismo, mga ilang iglap
ng pagkabatid at pagbunyag ng kontradiksyon mula sa paham
na tagamasid ng kanyang paligid at panahon. Sa isang banda,
masasabing nakapaloob ang kritikal na legasiya ng negatibong
diyalektika sa mga tula, sapagkat pinalibutan ng lagim at lambong
ng lumbay ang mga kahungkagan ng pang-araw-araw na pag-iral
sa mga linya’t talata. Sa katunayan, madaling mapagkamaliang
sinisismo ang palagiang pagsalungat at pagkontra, madaling
sabihing kumportableng paghamak sa karaniwang kaayusan ng
pagkabigo o pagkagupo sa kawalang-pag-asa. Sa kabilang banda,
hindi lamang panglaw ang mahahalaw sa mga tagpo’t imaheng
isinasabuhay ng mga taludtod, kundi maaari ring isang pag-asang
mapupuslit mula sa gilid-gilid ng panimdim, kahit sa mga luhang
inililihim. Sapagkat paano makakapagsalita ang makata kung
walang nakikitang liwanag sa gitna ng pinsala?
Makailang ulit na akong naging estudyante ni Edel, alam ko na
kritikal siya sa tradisyong parokyal at pyudal sa loob ng napakaliit
na sirkulo ng mga manunulat sa Pilipinas. Sa madaling sabi, hindi

xiii
magandang bagay ang sabihin sa kanya na binabasa mo ang kanyang
akda at natuto kang magsulat mula sa kanya. Malamang, sa mga
nakakilala sa pedagohiya ni Edel, alam mong mabubungaran ka
ng hagupit ng kanyang lektyur ukol sa kultura ng parokyalismo
na nagpapatakbo ng panitikan ng Pilipinas. Kaya tulad ng titulo
ng kanyang aklat, lihim ko ring itinago ang papuri ko sa kanyang
panulaan. Sapagkat paano mo naman ito mabubunyag, gayong
nasa ikalawang tula pa lamang ng koleksyon ang isang internal na
monologo, maaring sabihing isang habiling nakabalot sa malalim
na lumbay na noo’y di ko pa lubos na nagagagap. Sasabihin mo pa
lamang sa kanyang: “Nagustuhan mo ang mga tulang minsan ay
natunghayan/ mo sa isang lumang dyurnal ng aking kabataan…”
ay paiiwanan ka sa dulo ng mga linyang:

Ngunit balisa na ako sa ganoong mga pahapyaw.


Bagkus ang araw ay higit na lumalamig,
ang malayelong hangin ay sumisigid sa buto na ngayo’y
dagling nanluluoy sa ihip ng mga nakakabangungot na
panaginip. Hindi gawang biro o kasiyahan ang
magpinta ng iba’t ibang mukha ng kalungkutan.
Anong salita kaya ang magsasaad ng lahatlahat?
(‘Papuri’).

Ngunit pananda ito ng isang panuntunan ng poetika ni


Edel sa kanyang mga sulatin, hindi lamang sa kanyang mga tula
kundi sa kalakhan ng kanyang mga akda: ang etika at estetika ng
“pagpuna at pagpuna-sa-sarili.” Marahil isa ito sa madalas na
hindi matunghan at hindi maintindihan sa namamayani niyang
tono’t tinig sa kanyang mga lathalain. Madaling mapagkamalang
hubris ng makata-manunulat ang talas ng kanyang kritisismo,
madaling ipagkibit-balikat at tawaging inggit, sa kultura ng
panulat sa bansa kung saan lagi’t laging lisya’t likaw ang huwisyo
ng “personal ay pulitikal” – na kadalasa’y maiuuwi sa hungkag na
duluhing “pinersonal kaya’t pupulitikahin” (kaya nama’t tingna’t
nasa laylayan ng panulatan si Edel!)
Ngunit, ang etika ng kanyang pag-aakda ay lagi’t laging
magkabilang-talas, sapagkat ang talas at talim naman ng salita
ng pagpuna ay palagian ring nag-iiwan ng sugat sa sarili. Bakit
maninimdim, kung gayon, ang makata sa papuri ng isang batang,
tulad ko noo’y mulagat at nag-aapuhap ng sariling tinig, kung ang
isinusulat nama’y sarili ring pagdurusa, sa mga salitang lagi’t laging
kulang at naduduwag sa bigwas ng panahon. Kaya maiiwang lihim
rin ang panimdim sa konsensya ng makatang hindi sumapat ang
nasulat na tula sa bangis ng mundo. At iiwanan niya ang kanyang
batang mambabasa ng tanong, na lagi’t lagi rin ay hamon: “Anong
salita kaya ang magsasaad ng lahatlahat?”

K
asunod ng tulang ito ang serye ng mga tulang ‘Propesor.’
Maaaring sabihing ito ang sentro de grabedad ng koleksyon
sapagkat sa mga tulang ito, makikita ang iba’t ibang persona o
personahe ng mga intelektwal na tuwi-tuwina’y patuloy na
nakikibaka sa—o di kaya naman ay tuluyan nang nilamon ng—
makina ng Akademyang tali sa mando ng Industriya. Sa loob ng

xv
Unibersidad, sa solemnidad ng sermon sa klasrum, may hagkis
at rahas ang pang-araw-araw na ritwal ng klasrum. Ayon nga sa
pambungad na tulang “Propesor/I”: “hintakot (man) sa danak ng
dugo’t umaapaw sa kasindaksindak/na salita” ang kanyang sabihin
sa pagbuhay kay Marx at Mao, “di naman mabalisa” ang mga mag-
aaral “sa lohika ng (kanilang)/ susuunging pabrika’t multinasyonal,
sa mando ng/ kapital, tutuyot sa kanilang mga laman, isa o
dalawang/taon mula ngayon.” Alam ito ng tagapagsalita, maging
ng makata, kaya’t may lihim na pait ang kanyang huling sambit:
“Sa ganoong mga ritwal ng mga pilay na pastol naiuusad/ ang
kawan ng tupa sa mundo” (‘Propesor/I’).
Ang bawat tula ay isang testimonya sa kaluluwang araw-araw
na pangahas na pumapasok/naliligaw/nakakaalpas sa laberinto
ng Unibersidad, mula sa isang testigo, na gaya ng mga tinulaa’y
naglalabas-masok at naliligaw rin sa kiwal at likaw akademya.
Kaya ang bawat tula ay isa ring paalala sa sariling pag-asa’t
pangamba ng tagapagsalita. Siya na nagmamanman ay malay na
malay sa katotohanang kaydali niyang mauwi sa kapalaran ng mga
yaong kanyang tahimik na tinutunghayan. Tingnan, halimbawa,
ang “Propesor/II,” kung saan ay pinapanood ng tagapagsalita ang
isang matandang akademikong ginugumon ng ritwal ng pagtanda:
“pagod na nakaupo sa silyang ipinaubaya ng isang/ batang
gwardiya, lungayngay ang ubaning ulong pilit/ na pinaglalabanan
ang matinding antok na lumalakap/ sa mata…” At sa huli,
mananatiling umid ang dila ng tagamasid mula sa inosenteng
tanong ng isang bata, “Sino ang matandang iyon?,” na pantukoy
sa kapita-pitagang propesor na minsan niyang hinangaan, ngunit
ngayon, kahit buhay pa’y unti-unti nang binubura ng kasaysayan.
Ngunit hindi lang mga matatanda ang nagpapaalala kung
gaano kalupit ang paglipas ng panahon. Maging ang kabataang
kasamahan sa pagtuturo ay palatandaan rin sa kanya ng “iglap ng
posteridad”:

Mula sa labas ng silid nasilip ko ang batang


instruktor na matamang nagsasaayos ng blubuk,
at muli ko na namang nakita ang sarili ko na nakaupo sa
matigas na likmua’t matamang isinasaayos ang mga
blubuk na magbibigay-hugis sa aking nakalipas
(Propesor/III)

Sa mga ganitong ritwal ng pang-araw-araw sa buhay ng


Propesor nagugumon sa lumbay ang Tagamasid. Sapagkat
maaaring katulad ng kanyang inoobserbahan, “Siya kaipala ay
biktima rin ng salita” (‘Propesor/V’), umaasa sa kontradiksyon
ng kanyang sariling pilosopiya sa pedagohiya: “Sapagkat wala/
siyang ilusyon na katotohanan ang kanyang inilalahad/ sa piging
ng kamusmusan, magkagayo’y mayaman sa/ katotohanan ang
kanyang inaakalang kadahupan” (‘Propesor/IV’).
Kung nakikita ang sariling mukha sa mga kasamahang guro na
kaparis niyang bahagi ng pagsagupa sa andar ng akademya, may
kritikal na distansya naman ang tono at perspektibo nito sa ibang
kasamahang tuluyan nang nilamon ng Kapital ang konsensya.
Tunay na naglalagi ang anino ng kumplisidad sa Estado sa
bulwagan ng pamantasan. Ngunit walang bahid ng akusasyon at

xv ii
panduduro ang Tagapagsalaysay sa mga kasamahang kinain ng
Sistema. Sabihin mang walang simpatya ang makata sa kanilang
mga nagwaksi sa dati nilang pinanampalatayaang pagbabago,
silang nagturo sa mga kasamahan kapalit ng kalansing ng duguang
barya, may halong lumbay at panaghoy pa rin naman ang makata
sa araw-araw na bagabag ng mga dating kasamahang tuluyan nang
yumakap sa pangako ng “matiwasay na pamumuhay:”

Mahusay, tiyak ang kanyang mga sagot sa hindi


mabigkas na mga tanong.  Ngunit bakit hindi
maglaho sa kanyang balintataw ang mga matang
nagmamasid, mga kamay na nanduduro sa bawat
sandali ng kanyang pagsulat/pag-ibig/pakikiisa?
(‘Propesor/XIV’)

Sa kabila nito, nakikita rin ng tagapagsalita na may sumisigid


na pag-asa ng pagbalikwas sa kalakaran ng akademya. Yaong mga
makatang nakikinig pa rin at tumatalima sa “pagdagundong… ng
taludtod ng naunang makata,” yaong mga hindi mapagkailang
“Pag-ibig (pa rin) ang bala ng pagbabago” (‘Propesor IX’), at yaong
mga manunulat na nagsisilang ng mga akda, pelikula, tula’t nobela
mula sa mahabang “martsa-paglilibing” ng mga kapwa-biktima ng
malagim nilang panahon (‘Propesor/X’).

S
a huli, ang Una Furtiva Lagrima rin ay pagtangis sa prekaridad
ng buhay-pag-ibig, sa panahong ang pananalig rito ay hindi
lamang panandalian—sapagkat parating naglalaho’t lumilipas—
ngunit mapanganib rin at walang kasiguraduhan. Sa mga tula sa
seryeng ‘Kundiman,’ ‘Recuerdo’ at ‘Kasarian,’ ibinubunyag ni Edel
ang kontraktwal na lohika sa pag-asam ng pagsinta, memorya at
katawan. At dito marahil naisasakongkreto ang materyal ng hugot
na popular ngayon sa mga milenyal.
Ano nga ba ang dahilan ng lumbay ng mga akdang tanghal na
ito, ano ang angas ng performativong idinadaing at itinatangis,
saan galing ang lumbay at hinagpis sa mga liham-pag-ibig na laging
nawawala’t nauumit, o sadyang di nasusuklia’t naibabalik? Marahil
magandang basahin ng mga batang makata ang talas at siste sa
retorika ni Edel sa ilang tula-pag-ibig. Katulad ng kabuuang istilo
ng panulaan at diwa ng makata, hitik rin sa kontradiksyon ang mga
imahe’t retorika ng pagsuyo’t pananalig sa kayhirap maapuhap at
kaydaling mawalang pag-ibig/gunita/pagnanasa.
Tingnan, halimbawa, ang balintuna ng kadakilaan ng
mangingibig: “Tunay, lahat ay bayani sa sariling tingin”
(‘Kundiman/IV’); o di kaya naman ang sarkastikong papuri sa
wagas na pagsinta: “Ang pag-ibig kung gayon ang tunay na/
pagpapatiwakal. At sapagkat hindi lahat ay biniyayaan/ nito,
magdiwang ka, mangingibig, sa iyong/ masigabong kamatayan”
(‘Kundiman/V’). Hindi ideyal at romantisado ang pagmamahal sa
mga tulang ‘Kundiman,’ lalo para sa mga taong “walang kadala-
dala,” doon sa mga hindi “mailagay sa lugar” ang “anarkistang
libido” (‘Kundiman/III’) para sa mga matatandang mangingibig na
tila walang pinagkatandaan, sa mga solitaryong mangingibig na
di alam kung sila ang tumutugis o tinutugis ng kanilang sinisinta,

xix
sa mga takwil at traydor na naghanap ng ‘wagas’ na pag-ibig sa
ibang kandungan, sa mga nabaliw sa kadalisayan ng kanilang
pagmamahal. Sa ganitong mga poetikong sitwasyon inilulugar
ni Edel ang kabalintuaan ng pag-ibig at memorya ayon sa atas
ng tama at mali sa pagnanasa’t katawan, isinasakonteksto kung
bakit masidhi lalo ang pagsinta sa mga musang ipinagbabawal,
sa mga kundimang laging mailap, laging hinihintay, laging umaalis
at nawawala.
Ito ang mga kontradiksyong ibinunyag ng panulaan ni Edel,
matalim na gumuguhit at naghihiwalay sa mga kasama ayon sa
kanilang mga paninindigang pinipili o itinatakwil, ito man ay ayon
sa pulitika, pag-ibig, pag-alala o pagnanasa. Magkabilang-talas
rin dahil hindi simpleng napaghahanay at napaglalayo ang mga
paglaban/pagtango, pagtutol/pagtalima, paggunita/paglimot, ng
sarili at ng Iba. Sapagkat ang pag-iral ng mga intelektwal, makata’t
mangingibig ay patunay sa patuloy na pagpapasya at pagtawid
sa lubid na naghahati sa magkabilang-bingit ng pagsalungat/
kumplisidad sa loob at labas ng akademya.

xx
Sa alaala ni Monico Atienza
1993

Titingin ka sa salamin
ang tubig-gripo’y dumadaloy na mistulang putik-luha
sa mukha at mahihinuha mong wari’y
walang nagbago sa mundo
bagamat isang mundo nang pagbabago ang naganap
tulad ng isang pelikulang iyo’t iyo rin ang laging
namamalas:
istoryang gasgas, diyalogong Kenkoy
at ang pagkaburo/pagtulala/pagpatiagos ng loob
sa loob ng dilim habang ang katabing hindi kilala
hindi kailanman mamumukhaa’y tumitili/
sumisinghot/ngumunguya:
ang ngayon ay isang nakalipas at bukas?
Basahin ang naratibo:
ang pagtingin sa salamin sa umaga
sa kwartong balisang nakatulog sa magdamag
sa pagpaparaos ng bawat himaymay
ng sandali na parang tubig na tumatagaktak
upang ang pagtali ng sapatos, pagsuklay ng buhok
pagsindi ng sigarilyo, pagkagat ng tinapay,
paghigop ng kape
ay magpuno sa balon ng bawat sandali
na bunganga ng maligno sa ilalim ng iyong paa
upang ika’y hindi bumulusok/mabitag

3
ng mga nakagawian nang pagsulyap sa relo
paghanap ng kasalo sa pagkain
at sa buga ng usok ay punan ang lumalawang
katahimikan sa pagitan mo at mga kausap
na bumubungisngis/humahalakhak/kumakantiyaw
sa mga artista/akademiko/pulitiko
minahal at mamahalin pa
mga sinulat at susulatin pa
na hindi naman makapagbabago sa takbo
ng iyong kapalaran
sa pang-araw-araw na pagtingin sa salamin
upang alamin kung ilang pigtal na lang ng dahon ang
nasasa iyong sanga
ilang mga pangalan na sinakmal ng lumot ng alaala
ilang taon na ang lumipas at lilipas
at higit sa lahat
kung ang salami’t ikaw ay kambal, iisa
kung sino ang ilusyon, sino ang totoo
kung ikaw ay nasa labas, o nasa loob ng salamin
kung lahat nang ito’y dumadaloy/nangyayari:
ang pagsusulat ng tekstong walang babasa
paghitit ng Marlboro na hindi magsusuob
sa mga mukhang sumusulpot/naglalaho
at kung sino sa inyong dalawa ang sasalubong
sa darating na taon na parang isang kaibigang
nagpupugay sa umaga at isang magnanakaw
na tatalilis sa hatinggabi
pagkatapos ng maikling sandali
ng walang katapusang pakikinig sa radyo
pagtungga ng gin sa kwarto
pagpapadala ng postcard na hindi sasagutin
pag-alaala sa daigdig na hindi tumitinag
sa pagkakatingin sa iyo
na laging umaasang parang asong-kalye
na nauulol-tawa sa sariling kahol.

5
PA P U R I

Nagustuhan mo ang mga tulang minsan ay natunghayan


mo sa isang lumang dyurnal ng aking kabataan.
Salamat na lamang sapagkat sino naman akong
magwawaksi sa iyong tinuran—dapat pa nga akong
magalak at may nagpapahalaga sa aking mga isinulat,
kung masasabi ngang may katuturan ang tekstong iyon.

Ngunit balisa na ako sa ganoong mga pahapyaw.


Bagkus ang araw ay higit na lumalamig,
ang malayelong hangin ay sumisigid sa buto na ngayo’y
dagling nanluluoy sa ihip ng mga nakakabangungot na
panaginip. Hindi gawang biro o kasiyahan ang
magpinta ng iba’t ibang mukha ng kalungkutan.
Anong salita kaya ang magsasaad ng lahatlahat?

6
8
PROPESOR /I

Sukbit ang bag na puno ng libro, manuskrito, resibo,


sepilyo at sabon, siya na kinalimutan na ng henerasyon,
hintakot sa danak ng dugo’t umaapaw sa kasindaksindak
na salita, ang bababa mula sa dyip at iika-ikang tatahak
sa AS walk tungo sa kwarto sa unang palapag upang,
pagkatapos maisaayos ang loob at labas ng mukha, ay
malumanay na humarap sa klase at buhayin sina Marx,
Mao, Bonifacio, Bulosan; upang ang mga
musmos—bingi? pipi? bulag?—na nakaupo sa hilera ng
marusing na silya’y di naman mabalisa sa lohika ng
susuunging pabrika’t multinasyonal na, sa mando ng
kapital, tutuyot sa kanilang mga laman, isa o dalawang
taon mula ngayon.

Sa ganoong mga ritwal ng mga pilay na pastol naiuusad


ang kawan ng tupa sa mundo.
PROPESOR /II

Nakita ko ang propesor emeritus na naghihintay


ng sundo sa bukana ng gusali, sa harap ng FC parking
lot: pagod na nakaupo sa silyang ipinaubaya ng isang
batang gwardiya, lungayngay ang ubaning ulo na pilit
na pinaglalabanan ang matinding antok na lumalakap
sa mata, habang ang mabagal na tibok ng puso’y
nagsusumamo kumbaga sa sakiting tuhod na konting
panahon na lamang ang ipagtitiis at maililipat na muli
ang mga buto sa malambot na kutson ng kanyang
Luis Katorse’t maiibsan na ang kirot ng katawan.
Siya, naaalala ko pa rin, ay binigyan ng plake ng
unibersidad, at hindi ko lamang matiyak kung ang
buong seremonya ng pagpupugay ay tumiim sa
kanyang paglilimi sapagkat nasilip ko sa likod ng
kanyang sanglas ang pikit na mga mata, at narinig ang
mahinang paghihilik.

At ang mga batang estudyante na nagmamasid ay


mag-aanasan:
Sino ba ang matandang iyon?

At ako, na alagad ng salita, ay mag-aapuhap ng salita.


PROPESOR /III

Mula sa labas ng silid nasilip ko ang batang


instruktor na matamang nagsasaayos ng mga blubuk,
at muli ko na namang nakita ang sarili ko na nakaupo sa
matigas na likmua’t matamang isinasaayos ang mga
blubuk na magbibigay-hugis sa aking nakalipas: ang
pagtayo mula sa silya, pag-iinat upang muling umupo’t
ipagpatuloy ang pagsaayos ng mga blubuk na
magbibigay-hugis naman sa kinabukasan ng mga
kabataang magtatanong sa kaeskwela, ilang taon mula
ngayon, ng pangalan niya/ako na nagsaayos ng
kanyang blubuk sa isang kursong ni tuldok ng isang
ideya na napag-usapa’t pinagpawisan sa haplos/haplit
ng propesor ay hindi na niya maalaala.

Tunay, ang posteridad ay isang iglap lamang.

11
14
PROPESOR /IV

Pagkatapos bigkasin ang kanyang lektyur


sa salita—ang produksyon ng kahulugan, ang sistema
ng paglalagay ng kahulugan sa daigdig ng tao’t daigdig
ng salita, ang konstruksyon kung ganoon ng buhay at
buhay ng konstruksyon—halos lumipad siya sa
pagtakas sa silid, umiigtad sa yakap ng mga tingin ng
mga murang isip, ang nakapapasong ngiti ng mga
nasaktan sa haplit ng kanyang dila’t mata, upang
magmumog o di kaya’y magsepilyo ng ngipin. Anong
sinabi at sasabihin pa sa darating na mga araw? Sa
kanyang tantya, panay kasinungalingan na lamang ang
kanyang hinahabi—at kung magkaminsang matumbok
niya ang katotohanan [ano ito? Ano ang mukha
nito?], iyo’y walang halaga, aksidente ng sitwasyo’t
panahon. Wala na siyang tiwala sa katotohanan.

Ngunit iyon, batikos ng isang kaibigan, ang yaring


dahilan kung bakit siya’y nararapat bagkus na
magpatuloy maglektyur/magturo. Sapagkat wala
siyang ilusyon na katotohanan ang kanyang inilalahad
sa piging ng kamusmusan, magkagayo’y mayaman sa
katotohanan ang kanyang inaakalang kadahupan.
PROPESOR / V

Marahil nawatasan na niya ang misteryo


ng katahimikan ng retiradong propesor. Manapa’y
walang katotohanan na kapos na ang kanyang
karunungan, o hindi na niya mawawaan ang takbo
ng kasaysayan. Hindi niya ito isasaalang-alang
bagamat marahil may bahid ng katotohanan rin ito:
lahat ng karunungan ay may kanyakanyang panahon,
hangganan, at sinumang hindi makasabay sa agos ng
kasaysayan ay malulugmok na mandirigma sa masukal
na tabi. Ngunit hindi ito, sa kanyang wari, ang
pinakarurok ng dahilan kung bakit ang dating
manunulat ay naging isang tigang na lawa ng salita,
naputlan ng dila kumbaga, isang natiklop na pahina
sa libro ng Diyos.

Kung ito’y tuluyan nang nagpinid ng kanyang pinto


sa mata ng mga kapwa guro’t kaibigan, ito marahil ay
sa dahilang tinanggap na niya ang katotohanang hindi
siya lamang ang nakapagbukas ng kahon ni Pandora,
manapa’y ang lahat na ngayong sa kanya’y naghihintay
bigkasin ang sagradong salita.

Hindi siya Diyos. Siya kaipala ay biktima rin ng


salita.
17
PROPESOR / VI

Ayaw mo nang managinip sa bayang ito. Bagamat


lahat ng pantasya ay nagkakatotoo—mga taong may
amnesya, magulang na kumakai’t nagbibili ng anak,
mga babaeng naghahanap ng kalinga ng kamao,
mga lalaking nagsusuot ng trahe de boda, mga
pumapaslang sa utos ng Diyos, mga taong sumasamba
sa kislap ng pilak at namumugot ng mga mensaherong
may peligrosong salita—ikaw na ngayo’y tuod sa
iyong linilikmua’y unti-unti ring kinukumutan
ng alikabok, tulad ng plakang matagal nang tapos at
masinop nang isinilid sa drower ng iyong mesa, nang
ang mga batang guro—masayang nagpapalitan
ng kurukuro tungkol sa tamang paggamit ng either/
or at double negative, pumapailanlang ang mga boses
na parang nota ng isang makislot na rock—ay
sumandaling dumaan sa iyong silid, at masilip kang
pikit ang mga mata, parang may malalim na iniisip,
gayong nakatulog ka na nga sa pagbulusok sa
kumunoy ng iyong kamusmusan, ang buhay sa labas at
loob ng unibersidad, at kung bakit ikaw na propeta ng
salita ay wala nang maapuhap na salita upang ipadama
sa mga kaisampuso—silang dumating at umalis—ang
isang sariling kaisahan na kailan ma’y hindi nabigyan
ng wastong salita.
Sa matinis na senyal mula sa relong Hapon sa kamay,
ikaw ay maaalimpungatan, karakarakang magigising na
humihingal, alalaumbaga’y pagal at pagod sa isang
mahabang paglalakbay na walang katapusan, tulad
ng isang biktimang iginapos sa isang gulong na
umiikot, sa isang walang katiyakang pag-ikot…

Kahit ang pangitaing ito ay ayaw mo na ring limiin.


Lahat-lahat sa iyong pagkukulong sa silid na iyon ay
naging isa nang pangitain ng mga salita. Harinawang
ang lahat, animo, ay isang panaginip upang hindi na
mapanagimpan ang lahat ng ito.

19
PROPESOR / VII

Ilang beses ko na bang narinig ang dagundong


ng aking yabag sa kahabaan ng koridor ng FC tuwing
Linggo, bakasyon o pista opisyal? At ang mga guro,
mga estudyante’t mag-sing-irog ay nagsilisan na tungo
sa kanikanilang depinisyon ng buhay at ang mga asul
na tanod na lamang sa mga pintuan ang matamang
nakikisalo sa katahimikan sa paligid—ngumingiti sa
aking maikling bati o alok ng sigarilyo, tulad ng mga
payak na manlalakbay na naiwan sa piyer at matiising
nakikinig sa salpok ng alon sa lumalangitngit na poste
para sa mga mensaheng magkakamaling ipaabot
ng mga nauna…. Ilang beses ko na bang nabungaran
ang mga nakapaskel na sulat-tula sa pinto ng aking
munting silid? At ngayon, kahit hindi ko basahin ang
mga ito, habang tumataguktok ang aking lumang
sapatos sa malamig na semento, ang sariling hingal ay
bumabalot sa aking tenga’t ang puso ko’y sakmal
ng pangamba, natitiyak ko na ang hibik ng mga ito
sapagkat ito rin tiyak ko ang sasabihin o susulatin ko:
ang mga aninong bumabalintataw sa ating
panagimpan, silang hindi na darating ngayon o
kailanman sa dantaon ng ating pag-iisa sa pagpasok/
paglabas sa museleong Faculty Center.

20
21
22
PROPESOR / VIII

Dumating siya mula sa New Hampshire upang


ilunsad ang librong malugod na inilimbag ng mga
kaibigan sa Diliman. Siya na hindi pinaunlakan
ng sariling bayan ang ngayo’y masuyong nagsasalita
sa Faculty Center at taimtim na nagpapasalamat.

Sa puso ng kanyang puso, tiyak hindi na mapipigilang


maglaro ang palasak na siste: silang hindi kabalat
ay siyang kadaupampalad.

Sino ngayon ang estranghero?


PROPESOR /IX

Sa unang bukas ng radyo, sinagilahan siya ng


kakaibang takot. Patay ang mga estasyon. At ang
katahimikan sa loob at labas ng bahay, liban sa
manakanakang ingit ng batang humihingi ng gatas, ay
magpupumiglas na hilahil mula sa kanyang
naalimpungatang umaga. Ibinaba na ang batas-
militar, at kailangang likumin ang pamilya, ang mga
manuskrito. Doon nagpasimula ang pagpapalipatlipat
ng lugal at tirahan, ng pagkilalang higit ng kaibigan at
kaaway—at hanggang ngayon, sa taong 93, tila
ganoon pa rin ang takbo ng kapaligiran: ang paglikas,
ang pagbibilang ng barya, ang pag-inog ng mundo na
tigib ng balais/sindak.

At pagsulyap niya sa salamin sa dyip, habang


bumibyahe tungo sa pasulatan upang kunin ang tseke
na nagkakahalaga ng isang kopita ng whisky sa Manila
Hotel, siya’y matitigatig sa balbadong mukhang siya
ring tumambad may 25 taon na ang nakararaan—mga
matang walang masulingan, may bibig na nakapinid,
buhok na nagpupumilit ikubli ang sa tuwituwina’y
nadarama: pagkawala sa takbo ng lahat ng bagay.

Kailan pa kaya hihinto sa daang umaalikabok sa hugos


ng tao, sasakyan at oras? At kung umusad ang dyip at
mailagak na rin sa imprenta ang manuskrito, anong
katuturan ng lahat ng ito? Ganoon din ang ritwal
ng kanyang pagkabata, ganito pa rin ang seremonya
ng kanyang pagtanda.

Tuloy pa rin ang pagdagundong, kumbaga, ng mga


taludtod ng naunang makata sa kanyang paglalakad:
Pag-ibig ang bala ng pagbabago. Wala na siyang
lakas/lohika upang ito’y ikaila.

25
26
PROPESOR /X

Nagtirik ang mga kabataang Fil-Chi ng kandila’t


dasal sa pinakakrus ng haywey. Kung saan si Charlene
nalagutan ng hininga sa tama ng mga bala mula sa
mga diumano’y sumasaklolong militar. Pigil ang
hinagpis ng karamihan, maliban sa pamilyang hindi
matuyuan ng luha sa pagkawala ng isang mistulang
tadyang ng kanilang pagiging pamilya. At siya, isa
ring Fil-Chi, na luluwas sa Estados Unidos upang
manaliksik sa pelikula, literatura at diskurso, at
magtatampok ng lahi sa mga susulatin/hahabiin sa
panahong puno ng ligalig at kapangahasan laban sa
mga Intsik, ay hindi na kailangan pang magtanong
kung ano ang nararapat niyang ilarawan/isulat upang
maibulalas ang naninibasib na kalungkutang ito:
Isisilang ng mahabang martsa-paglilibing ang unang
yugto ng kanyang pelikula/tula/nobela.
PROPESOR /XI

Matagal siyang tumitig sa babae sa salamin. Matagal.


Matagal na matagal. Pagkatapos, wika nga, nang
matagal ring pagpupumilit sa sariling tumingin sa
salamin. At, sa wakas, nakita niyang muli ang babaeng
kakaiba ang hawas ng katawa’t mukha, kislap ng mata’t
kinang ng ngiti. Ngunit siya ito, at ang nasa labas
ng salamin ay isang mausok na ilusyon lamang? Isang
parirala ng panahon na hindi niya maatim/matakasan?
Walang dila ang babae sa salamin, ngunit tulad niya’y
buhay at umaasang ang babaeng nasa labas ng salamin
ay totoo rin, kaisa bagamat sinlawak ng dagat ang
gitna ng kanilang pag-iisa.

Siya na bago umidlip, ay maglalaro ng solitaryo


upang magpalipas ng oras [ang katotohana’y siya ang
pinalilipas ng oras] ay nauubusan na ng kartadang
kailangang hugutin sa pusoy ng tagsalat. At siya na
nasa salamin ay patuloy na maglalaro ng solitaryo
habang ang salaming daigdig ay kristal na buo,
hindi nababasag.

Sino ang maglalambong ng belo sa salamin?


Sa huling yugto, ang babae sa loob ng salamin ang
tanging immortal, ang tunay/wagas na panaginip.
PROPESOR /XII

Ang taong nakatulog sa pagkakaupo sa poste ng


Meralco sa daang A. Lacson, Jr. ngayong hapo’y wala
na nang dumaan siya, sakay ng lumang Toyota, tungo
sa United Nations abenyu. Isang taong grasa, sa
madaling sabi: sa sulok ng daan, nakatambak ang mga
kinalkal na lata, bote, basahan, papel upang marahil
ideklara sa lahat na ito’y kanyang bahay, teritoryo,
lihim na ngiti ng Diyos sa mundo. Batid niyang hindi
malayo ang mararating ng mga namamagang paa nito,
at ang halos tulalang paghagod ng tingin ng babaeng
bato sa mga trak/dyip/kotseng humahaging na
parang mga bubuyog sa kanyang marusing na tenga ay
sapat na upang idasal na ang pagkawala ng anino nito
sa gilid ng kalsada ng Lacson ay permanente, pinal,
ganap na pagkatuyo ng luha sa mukha ni Maria,
ina ng awa.

Maliban sa kanya, ang manlalakbay, na nagtapon


ng tinging-kalinga na kahit minsa’y hindi naman
nakapagdugtong-buhay sa babaeng kinalimutan na
ng sosyedad, at ng kapwa babae sa panahon
ng kababaihan.

31
32
PROPESOR /XIII

Marahan siyang kumilos, may numero bawat bigwas


ng daliri upang, aniya, hindi siya makasugat ng
damdami’t ang kausap ay hindi maging mailap sa
sinalitang bitag. Maikli ang kanyang mga buhok,
sapagkat wala siyang dapat itago/ipanimdim; makinis
ang kanyang kutis, sapagkat wala siyang bahid
ng dumi na ikaliligalig ng bawat sumasalubong; wala
siyang mabigat at madugong dila, sapagkat ang mga
kaisampuso’y kailangang guhitan ang mga noo.
Ano’t anuma’y siya’y tigib ng kagalinga’t
pagkamaginoo, at sinumang magsasabi na wala siyang
pakundangan sa madla ay nagdaragdag lamang
ng inhustisya sa mundo.

Ngunit ano itong hakahaka na isa siyang pasista


sapagkat makintab ang kanyang sapatos at malinis
ang mga kamay sa panahong ang lahat ay nalulublob
sa putik, malusog ang katawa’t umaapaw sa ngiti ang
kanyang mga labi sa panahon ngayon ng pagdarahop
at paglalamay sa mga kinulimbat at linapastangan?
PROPESOR /XIV

“Wala kayong karapatang husgahan ang buhay ko.”


Iyan kadalasan ang kanyang iaasik sa mga talakayan
tungkol sa literatura’t buhay, ang diyalektikal na
relasyon ng salita’t gawa, indibidwal at masa, sapagkat
marami rin, sa kanyang wari, ang lihim na
nagmamatyag/nag-uusap tungkol sa kanyang
matiwasay na pamumuhay.  Ang lahat ng kanyang
tinatamasa—iskolarship, mga paunlak na posisyo’t
biyahe sa mga kumperensya, mga plake ng paghanga
mula sa inampalan ng estado’t mga kabagang sa
ideolohiya—ay nararapat lamang, katas ng pawis,
wika nga; at sinumang kritiko ng kanyang pribadong
buhay ay walang karapatang magwika ng kanilang
winiwika.  Hindi ba sarili niyang desisyon ang
talikuran ang kanyang pagkabimbin sa kampo
bilang isang aktibista?  Ito’y nararapat lamang
sapagkat ang sariling pait ay sariling pait, ang sariling
ligaya ay sariling ligaya. Hindi ba ang samaha’y tigib
ngayon ng hidwaa’t sigalot?  Paano na silang naging
biktima ng konseho, ng maling interpretasyon ng
teksto ni Marx?  Ang kamatayan, hindi ba, ay
buumbuong daranasin lamang niya, siya’t siya lamang
at silang nagmamasid sa kanyang higaa’y hindi
kailanman makababatid sa katotohanang ito:  ang
sarili’t sarili lamang ang naglalakbay sa kawalan.

Mahusay, tiyak ang kanyang mga sagot sa hindi


mabigkas na mga tanong.  Ngunit bakit hindi
maglaho sa kanyang balintataw ang mga matang
nagmamasid, mga kamay na nanduduro sa bawat
sandali ng kanyang pagsulat/pag-ibig/pakikiisa?

35
PROPESOR /XV

Balisa, hindi mo alam kung saan ka na naman


dadalhin ng iyong mga paa. Mula sa
trabaho—kailangang naroon ka upang linisin ang
mga istorya ng karahasan, korupsyo’t walang
katapusang trahedya
ng pang-araw-araw na buhay sa lupaing pinaglahuan
na ng araw—ika’y magyayaya sa mga kasamang
uminom o dili kaya’y kumain sa restoran, ngunit sila’y
magalang na magsisitanggi—pamilya o kaisampuso sa
isang malamig na silid—at ikaw ay mag-isang
maghahanap o maglalagalag sa mahabang kalyehon
upang magbumabad sa isang pub at hayaang paglaruan
ka ng mga kamay ng orasan. Matagal ka nang hindi
nakapagsulat ng sariling obra, mga tunay na hibik
ng iyong natuyong puso, sapagkat ang buong buhay
mo’y nagugol na lamang sa pagsasaayos ng mga hibik
ng puso ng iba—bilang editor, sikretong mangingibig.
Sa umaga, bago pa lamang pumipisik ang araw sa
talukap ng iyong mga mata, masisinag mo na naman
ang dantay ng gabi upang kahimanawari’y makaulayaw
na muli ang baso ng serbesa’t igupo ang katawan
ng dilim na lumilingkis na parang sawa sa iyong
pagtanda, paglimot, pagkaulila.
Sa iyong pagbangon, muli kang magpapasalamat at
may hibla pa ng hiningang huhugutin para sa
araw na ito.

Magpapasalamat? Ikaw, aking kaibigan, ay isang


paulit-ulit na istorya/balita, sa isang bayang puno ng
malagim na balita. At ikaw, na tuwina’y nagsasaayos
ng mga balita para sa lahat, ay isa ring balita sa dyaryo
na dagling isasaayos at itatapon.

37
40
KUNDIMAN/I

Siya, aniya, na tahimik na humihigop ng kape sa sulok


ng durungawang bumubukas sa kalye—bale ba’y mula
dito, hinahagod niya ng tingin ang bawat dumaraan:
tao o makina, ibon o alikabok—ang isang gurang na
pleyboy. Ito’y narinig ko minsang magsalo kami
ng brandy ng isang gwardya nang off-duty ito. Dito
sa café nagpapalipas ang matanda ng isang oras upang
sa isang takdang sandali, ito’y tumayo’t muling
magmaneho pa-norte, kung saan man iyon. Naalala
ko tuloy ang istorya ni Ernest Hemingway.

Dagdag pa ng sikyu: may asawa’t anak na rin yan,


bagamat lubhang magulo ang buhay. Mahilig daw sa
bata. At sa impit na hagikgik, muli kaming
magpipingkian ng baso bilang seremonya ng mga
taong may pinagsaluhang sikreto sa mundo. Bihira na
rin akong mapadako sa café na yaon—at sa huling
dalaw, iba na ang gwardya at wala na rin ang matanda.
Lumipat na kaya siya ng lugal? Nagkasakit? Sino
kaya ang kapiling niya ngayon? Mga tanong na
bubulwak sa aking isipan, at hindi ito mabubusalan
sapagkat kahit papaano’y nakikita ko ang aking sarili
sa estrangherong ito, ang matandang mangingibig, na
matiyagang sumusunod sa misteryosong tinig
ng kanyang salaulang puso.
KUNDIMAN/II

Sino/ano nga ba ang kanyang tinutugis/sinusundan?


Minsan itong naitanong ko habang ang kaharap sa
mesa ay nagsasalin ng beer sa kanyang baso, at
napatingin ako sa isang matandang nakaluklok sa ulo
ng mesa at masayang nag-aasikaso ng pamilya,
alalaumbaga’y iyon ang tunay na kaligayahan o
responsibilidad: ang kalingain ang mga supling,
isaayos ang estado sa lipunan. At sino ang mag-aakala
na may sikreto ito marahil: isang babae sa isang bahay,
mga rosas at sulat na magsisiwalat ng lahatlahat
ng kanyang tagumpay at kabiguan.

At higit: bakit? Labanan ang kumbensyon


ng pagkabuhay sa mundo? Bigyang katuturan ang
tunay na niloloob? Damhin ang tunay na kahulugan
ng buhay, kung anuman ang ibig sabihin
ng “kahulugan ng buhay”? Maraming tanong at
posibilidad ng tanong.
Ang tanging batid ko lamang sa sandaling gumuguhit
ang malayelong San Miguel sa aking lalamuna’t
sentido na parang kamay na bakal na umiipit sa aking
ulo sa biglang bulusok ng lamig/init ay kadalasa’y
hindi mo na, sa bandang huli, mahihinuha ang
tinutugis/sinusundan: kung iyon ang nasa ng puso
mo, o ang puso ng nasa mo? Panaginip o panaginip
ng iyong panaginip? Siya o ang walang katapusang
pagtugis mo sa kanya?

43
KUNDIMAN/III

At ang batang mangingibig na napahalakhak nang


marinig ang kwento ng matandang mangingibig ay
nagwika: “Hindi na nadala. Wala ba siyang
konsiderasyon sa kanyang katandaan man lamang?”
Isang mabigat na katahimikan ang parang lambong na
babalabal sa mesa ng mga umiinom na wari ba’y
napipi sa dagling init at lamig na sumisigid sa kanilang
mga buto sapagkat ano ang maisasagot nila sa
paghahambog na iyon? Totoo sa dilang totoo ang
tinuran ng batang mangingibig na matatag sa kanyang
paniniwala na lahat ay dapat, lalo na sa pag-ibig o
pakikipagkapwa-tao, ilagay sa lugal, ang libido ay
hindi anarkistang penomenon, ang sosyedad ay
kailangang bigyan ng pansariling disiplina
at kolektibong responsibilidad. May mga dapat,
samakatwid, isaayos ayon sa lohikal at kanonikong
ugnayan.

Ako, na nakarinig sa kanya, ay aayon, bagamat parang


isang baril na nakatutok sa aking ulo ang isa ring
tanong: kung sa batang ginoo ay darating ang ganoon
ding sitwasyong ang puso’y muling mag-alab sa isang
pusong mailap, iyon pa rin kaya ang kanyang
sasambitin?
KUNDIMAN/IV

Ngunit kayo’y kadalasa’y sa hirap nagsama’t nagkaisa,


bahagya sa ginhawa. At iiwanan mo na lamang siya
kapagdaka? Nagluwal siyang nag-iisa, mistulang
pasyente’t doktor sapagkat sa panahong iyo’y wala
kang pera’t kumadronang madukot sa sandali
ng kanyang pangangailangan; nagpuyat siya sa
panahong ang sakit ng iyong katawa’t kaluluwa ay
ikinalayo ng kaibigan; nagtika sa panahong naghanap
ka ng ibang kandungan sapagkat iyon, wika mo, ang
misteryo ng laman. Sa madaling sabi, siya’y isang
mistulang aso na tapat na tumanghod sa itinapon
mong buto ng pansariling piging.

Ang lalaki’y hindi makasagot, at tulad ng nasukol na


hayop na nanalasa sa bukid, ay mapapapalag na parang
biktima sa pangil ng bitag: Anong gusto mong gawin
ko? Naranasan mo na ba ang umibig nang wagas?

Tunay, lahat ay bayani sa sariling tingin.

45
46
KUNDIMAN/ V

Ang tunay na pag-ibig ay sakim, mapaniil. Kahit sa


alaala, ang kanyang mukha’y pananatilihin mong
dalisay, walang bahid ng kapusuka’t pag-iimbot
sapagkat siya, siya lamang ang itinuring ng salaulang
puso na tangi, isang maladiyosang halimaw na
sumagpang sa iyong katauhan, lumulon nang
buumbuo—utak, katawan, kamay, paa—upang ika’y
maging isa ring halimaw ng pag-ibig. Walang
kamuwangan ang iyong pag-iisip ngayon sapagkat
siya, siya lamang ang tanging haplos na iyong
nadarama, siya, siya lamang ang tanging init sa
malamig na gabing kapiling ng mainit na katawan.
Totoo, anila, ang pag-ibig ay isang kamandag. At ang
lahat ng mangingibig ay nasasawi sa tuklaw ng ahas
ng puso.

Ito kaya ang tinuran nilang paglipas ng bait sapagkat


tunay na nagmamahal?

Ang pag-ibig kung gayon ang tunay na


pagpapatiwakal. At sapagkat hindi lahat ay biniyayaan
nito, magdiwang ka, mangingibig, sa iyong
masigabong kamatayan.
50
RECUERDO/I

Ang hindi niya pagsagot sa manakanakang sulat


ay dapat asahan lamang. Ito’y pribilehiyo ng sinisinta,
sapagkat wala naman silang relasyon, kung relasyon
ngang masasabi halimbawa ang paminsanminsang
pagtatama ng mga mata sa kantina, at kagyat na
pagbabawian ng tingin sa nakapapasong bati’t ngiti.
Hindi iyon. At hindi rin marahil ang posibilidad na
ito’y mayroong tunay na itinatangi sa lupain ng niyebe
na sinlamig ng di-nakikitang haplos ng kamay sa
kanyang natutuyong puso ngayon, sapagka’t huli’t huli
na ang lahat, wika nga, kung anuman iyong dapat,
wika rin, nauna.

At ang pagpapasiya niyang limutin na ito upang hindi


na siya giyagisin ng lungkot, ngalit, panibugho’t
kamatayan tuwing malalaglag ang kanyang ngalan
mula sa labi ng mga kaibigan ay siya’t siya ring dahilan
upang siya, tulad ng hininga, ay hindi kailanman
makalimutan.
RECUERDO/II

At sino naman ang walang hangad na makalimot? Tuwing


sasakmalin ang puso ng mga sulat na binubuksan, retratong
kumukupas, salitang binibigkas, lahat—walang bayani sa
larangang ito—ay karakarakang matutulala/magagalak/
masisiphayo, at simbilis ng dagok ng panghihina ay mag-
iipong muli ng lakas upang ipagpatuloy ang dating gawi:
pamamasyal sa SM mall, pag-akyat sa bundok, at
pagbubumabad sa Ihawan upang hindi manariwa na naman
ang naghilom na sugat. Sa dinamirami ng mga barbarong
senyal ng panahon: ng pagtataksil/pagyao/pagsulong,
kinakailangan ng balana ang magsuot ng maskarang
bakal—nakangiti, maalindog—upang ang mga
nakakasalubong sa kalye, opisina, bahay o kama ay makalimot
din ng sariling kirot ng puso.

Maskara sa maskara. Kadalasan nga’y ang sisteng ang tunay


mong mukha’y hindi na maihihiwalay sa maskara na sa bawat
sandali ay isinusuot/dinadala.

Tunay, ang paglimot ay di-makalilimutang bagay.


53
54
RECUERDO/III

Ngunit kahit papaano, ayon na rin sa mga paham,


wala ka talagang makalilimutan. Marahil, may binhi
ng katotohanan rito: na sa huling yugto
ng buhay—at ito’y palasak nang eksena sa literatura o
sine—ang lahat na tagpo ng lumipas ay iglap na
babalik at mananariwa, waring alabok na naging rosas,
o di kaya’y mukha sa balintataw sa iyong harapan, at
marahil sa pagsusuma, matatarok mo rin ang kulang o
sobra, ang mayroon at wala. Ngunit ito’y mangyayari
na lamang kung hindi mo na mailalahad sa mga mahal
na nakapaligid sa iyo sa huling sandaling iyon ang
mga imaheng ito ng kamusmusa’t katandaan, at
mananatiling piping testigo ng nakapinid na bibliya
ng iyong naratibo. Sa gayu’t gayon ma’y silang mga
nabuhay na muli, nanumbalik na kaligayaha’t
kapighatian, ang siyang kakasamahin sa pagtawid ng
iyong sariling ilog na Acheron.

Tunay, walang hindi nababaon sa limot.


56
57
RECUERDO/IV

Ito ang panahon ng paghihiwalay. At siya’y


manlulumo sa mga nabasa’t narinig: ang mga dating
kasama ay bumaligtad na, tumahimik sa bagong
dispensasyon. Sino si Mao? Tunay pa rin kaya siyang
gabay sa pagbabago ng puso’t lipunan? Nang muli
niyang makausap ang isang kaibigan na lumitaw
upang diumano’y magpahinga mula sa sigalot na
namamayani sa bundok at siyudad, siya’y parang
mangingipuspos, maguguluhan.

Paano na ang kanyang dating tinuran hinggil sa


rebolusyon? Paano niya huhusgahan ang wari’y
dantaon niyang pananampalataya sa relihiyon
ng pagbabago? Ang mga kabataa’y nagtatakip
ng kanilang mga tenga tuwing babanggitin ang
direksyo’t estratehiya ng baguntao, samantalang ang
mga dating kaulayaw ay nagsilisan na paibambansa,
tuwituwina’y magpapadala ng postcard ng kanilang
estado: magarang kotse, malulusog at matatalinong
anak na gagap ang teknolohiya ng Unang Daigdig.

Minsa’y nakasalubong niya ang isang


manunulat—makisig sa mamahaling barong,
naghihintay ng drayber upang dalhin sa isang
apoyntment, ang burukratang ito na nagkamal
ng salapi sa pakikutsaba sa nasirang diktador, iniidolo
ng mga akademikong isinumpa na rin ang rebolusyon
sapagkat namatayan na ng lampara sa paghihintay sa
pintuan ng langit—at siya’y mapapakislot sa dalirot
ng isang balaraw sa puso. Hihinto siya upang
habuling muli ang hininga, at karakarakang hahangos
pasilid na ngayo’y mistulang bunganga ng maligno,
umaalingasaw na bangkay sa kadiliman.

Huli na ang lahat? At siya na nagpahalaga sa gawa’t


salita ay mistulang batong tinitisudtisod na lamang sa
panahon ng tanso?

Subalit hindi na niya aaligatain pa ang kanyang


pagtahak sa ligaw na daan. Iyon na lamang ang
tanging kabayanihan na kanyang mahuhugot sa
binarahang buhay.

59
RECUERDO/ V

Ay, palalong puso! Napahalakhak ang kausap nang


ikwento niya ang kanyang muling pagkakita sa isang
babaeng humahangos sa silid upang interbyuhin ang
isang propesor, at dumilim ang mukha nito, waring
pilit na inaaninag ang mga anino sa dawag ng anino
nang banggitin niya, ang nagkukwento, ang sariling
ngalan sa pagkakabatid na siya, siya nga ang dating
kasakasama sa paglilimayon sa mga coffee shop noong
kanyang kabataan. Subalit ito’y mapapamaang
lamang, tuliro at pilit sumasalikop sa alapaap ng mga
ibon ng kanilang memorya, at siya na nangangamoy
pa ng alimuom ng New York at natagpuan
pagkatapos ng 25 taon, pagkatapos ng araw-araw na
pag-usal sa kanyang pangalan na sinasariwa pa rin ng
rosas sa umaga, pagkatapos ng isang mahabang
pangungulila ay parang malansang tubig na sumagitsit
sa nagbabagang kahoy. Sapagkat ang nasakta’y may
palalong puso, dagli itong maghihimagsik; Kilala
kita, bakit hindi mo ako kilala? Ngunit sino ang
magdaramdam sa pait ng muling pagkikita kung
siya na naiwan ay matagal na palang wala?
61
RECUERDO/ VI

Anong hinihintay mo? Malamlam na titingin ka


sa labas ng bintana; sa iyong mesa’y nakahandusay ang
mga wari’y binagyong mandaragat sa dalampasigan ng
iyong manuskritong hindi na marahil magkakahugis
ang kabuuan sa isip/puso, sapagkat bawat sandali’y
dinadaklot ka ng kanyang magandang pangitain—siya
na umalis at marahil, tulad ng iyong isinusulat, ay
hindi na muling magbabalik [at kahit ito’y muling
masilayan, tiyak na hindi na siya ang dating siya, ikaw
ay dating ikaw, isang propesiyong malaon mo nang
itinatangis sa katahimikan] ngunit lagi’t laging
bumabalik. Sapagkat tulad ng isang nasiraan ng bait,
ikaw ay maghihintay—gayong alam mo rin na ang
paghihintay ay may kanyakanyang kaanyuan: siya na
itinatangi ng puso’y sumandaling papalitan ng isa’t isa
pa, hanggang ika’y yaring makalimot sa paghihintay
ng isang ito na naglahong parang bula.
Kung siya’y bumalik na may hamog ng halik sa
kanyang lantay na katawan, yayakapin mo pa ba siya?

Nararapat lamang, sapagkat ikaw rin ay may mga


kagat sa leeg at umaalingasaw sa bango ng ibang
katawan. At magkagayo’y ang lahat ng nangyari ay
kasama ng parehas nyong mahaba’t tapat na
paghihintay. Ito ang batas ng nangungulilang puso.

63
64
65
RECUERDO/ VII

Hindi niya malirip kung bakit sandakot na


mangingibig ang kanyang hinahangad. Ito ba’y isang
sakit ng puso na hindi magagamot? Ito ba’y sumpa
ng dugo? Maraming lalaki na ang dumaa’t daraan sa
kanyang buhay, at ang bawat isa’y binigyan niya ng
katwiran: ito ay mabait, siya ay mapusok, ito
ay mapagparaya, siya ay maramot…Walang patid na
ihahambing sa kasalukuyang kaulayaw, at sapat na ito
upang sila ay mahalin, idambana kumbaga sa gabi
ng kanyang pakikipagtalik, pag-iisa. May impit na
halakhak na ikukwento ang mga maswerteng
mangingibig na naging pahina sa libro ng kanyang
buhay—at ngayon, habang lumilipad siya tungo sa
ibang bansa, kanyang aaluin ang sarili, sana ay
pabaunan mo ako ng kamay, oo mga kamay lamang
upang humaplos sa aking pisngi sa bawat sandaling
hindi ko na makapiling silang naglahong parang bula
sa aking puso’t laman.
RECUERDO/ VIII

At ang dalawang matandang mag-asawa’y nangusap


sa harap ng korte ng katahimikan: Nais na nilang
maghiwalay, iwanan ang isa’t isa pagkatapos ng
panahong singhaba ng kanilang pagtitiis. Sapagkat
said na ang kanilang panaginip, tapos na ang kanilang
pag-adhika para sa mga anak na ngayo’y nabubuhay na
ring mag-isa, at silang malaon ring nagsama sa hirap at
ginhawa’y kailangan nang magpakatapat sa sarili.

Walang makakahuma sa mga tinuran—walang bagay


sa mundo ang hindi lumilipas, ang rubdob ng pag-ibig
ay lumalamig, ang ganda’y kumukupas. Ano pang
lohika ang kailangang uriratin, tulad ng ginhawa ng
mga pantas upang arukin ang hiwaga ng nagkapit/
kalas ng mga kamay, kung ang puso ay pilit na
kumakawala/pumipiglas sa mabigat/mabagsik na
yakap?

At kung may lohika man ang pagpapaalam, hindi na


kailangan pang bunuin pa ito: ang balais at sakit ay
sintomas ng hangganan.

67
68
RECUERDO/IX

Kailangan pa bang ieksplika ko sa iyo ang lahatlahat?


Ito ang dugtong ng dating kalaguyo kung bakit sa
maikling nota—tulad ng nasulat na panalangin
ng isang Hudyo na isiningit sa siwang ng mga pader sa
templo sa Herusalem—siya’y humuhulagpos na sa
yakap ng kanyang mga tingin. Marahil, hindi na nga
kailangan, ang kanyang iaayon habang nilalamukos ang
pilas ng papel, sapagkat may lohika ang lahat
ng bagay—at tunay, may lohika nga ito, simpayak
ng lohika ng hanging dumadampi sa kanyang pisngi
na nangangatal, lihim na nangangatal, sa malamyos na
habagat. Gayunpaman, kahit may lohika, kanyang
iwawaksi rin ito sapagkat kung ilalatag ang teorya
ng kanilang suyuan, gigiyagisin pa kaya siya
ng matinding kapanglawan?

Para mo na ring sinabi, ang bulong niya sa hindi


nakikitang kausap, na ang lahat ng bagay ay
nararapat lamang. Wala, wala ngang karapatang
magmaliw/masindak.
70
71
RECUERDO/X

Siya’y bukanliwayway sa tag-araw


Ako’y dapithapon sa taglamig—
tahimik na naninibasib sa puso
ang unos ng katanghalian.
73
74
75
KASARIAN/I

Lalaki at lalaki. Babae at babae. Lalaki at babae.


Walang katapusang permutasyon ng mga oposisyon sa
uri’t ari—at siya na nakakulong sa piitang kristal, ay
mapapabuntong-hininga, na sana, sana maintindihan
ng lahat na ang pagbabago ay pagbabago rin sa
kinagisnang salita: ang bakla/tomboy ay simbigat
ng lalaki/babae. Bakit, aniya, hindi maintindihan ito
ng lahat?

Ang mga halakhak ay umaalingawngaw pa sa kanyang


bungo.

Ang mga imbestigador ay mapapailing, ikukubli ang


ngiti sa likod ng marunong na ngiti.

76
KASARIAN/II

Nang siya’y magsuot ng trahe de boda, ang mga


kasambahay ay nasindak. Ano, anila, ang sasabihin
ng mga tao. Mahal ka namin, hijo, pero…

Kailangang baguhin ang mundo, ang iyong matatag na


wika. Sa mga katawatawang bagay nagsisimula ang mga
seryosong pag-uusap.
78
KASARIAN/III

Maiskandalo ang mga tsismis. Siya, diumano, ay


pinag-uusapan ng mga tambay sapagkat hindi lamang
nito ginagastusan ang mga kabataan tuwing babarkada
sa beerhouse kundi ginagantimpalaan pa ng mataas na
grado sa trabaho.

Ano naman ang masama roon, angil ng nakarinig na


kakosa. Iya’y isang transaksyong pang-aliw, at
sinumang kumukondena sa ganitong materyal na
relasyon ay naiinggit lamang.

Ang kanyang uri ng pag-ibig, sa panahong ang


kasaria’y di pa matanggap na marangal, ay hindi na
makapaghihintay ng tamang panahon. Ang
kaligayahan ay kailangang tumbasan kaagad ng pilak
sapagkat maikli ang buhay, mailap ang saya’t mabagal
umikot ang mundo.
KASARIAN/IV

Humigit-kumulang na isang taon matapos ilibing ang


asawa ni Lola Estrella kagyat sumunod ito sa hukay.
Isang karaniwang episodyo ng mga tumandang
magsing-irog na di-makayanan ang mawalay sa isa’t isa.
Itinangis ang kanilang pagpanaw. Sa puntod ng
dalawang babae masasamyo tuwing umaga ang
sariwang pumpon ng bulaklak na nagtatanod sa
malamig at makinis na marmol.

Ganito rin marahil sa Lesbos, sa panahon ni Sappho.

Ah, bakit hanggang ngayo’y ipinagkakait pa ang


pulong ito sa mga apo ng amasonang makata na tulad
ng lahat ay saklot rin ng pag-ibig at pangamba?
KASARIAN/ V

Hindi sa kadahilanang marubdob ang nasa niya sa


lalaking pinaglarauan nilang dalawa, manapay nais lang
niyang ipadama sa kapwa babae na siya’y higit na
karapatdapat, kahalihalina.

Ang pinintuhong lalaki, sa kanyang palalong


pagsusuklay sa harap ng salamin, ay kikindat-ngiti sa
sariling gilas/galing: hindi ba siya ang kordero ng
Diyos?

83
84
85
86
TAKIPSILIM/I

Anong uring hayop ito?


Lumilingkis na ahas
Kumakapit na amorseko
Tumitipak na bato
Kung hangad mong magsalita
Ikaw ay sasakalin
Kung hangad mong tumingin
Ikaw ang bubulagin
Kung hangad mong tumakbo
Ikaw ang pipigilin
Sa tag-araw
Balabal ito, malayelong bayawak
Sa tag-ulan
Maninila ito, maapoy na alitaptap

Walang duda
Ikaw marahil ang basag na mukha ng kalungkutan
Sa laberinto ng Minotaur
TAKIPSILIM/II

Habang binabagtas mo ang dapithapon ng Diliman,


sasagilahan ka ng kung ano [ang matingkad na langit?
malamig na hangin?] at ikaw ay mapapatda: mag-iinit
kumbaga ang tenga, mapapakapit nang mahigpit sa
manibela’t mapapatuon sa silinyador upang higitin
ang sasakya’t takasan ang dagling pagkawala ng
pusong natusok na naman ng mga alaala—mukha
tinig, panahon—at dinaluyan ng di-nakikitang dugo.
TAKIPSILIM/III

Ito’y isang pamilyar na ritwal sa tuwina: ang baso’y


aapaw sa natunaw na yelo, ang tinig ay matutuyo sa
lalamunan, ang silya’y mananatiling nakanganga sa
paghihintay….Kadalasa’y may lihim na luhang liligid sa
mata. At kung ito’y maramdaman sapagkat iwing
katawatawa, dagling maghihilamos upang ikubli ang
maliit/walang–kwentang trahedya ng mga baliw.

89
TAKIPSILIM/IV

Sa katagalan ng panahon, nawalan na rin siya ng


dahilan upang itanong sa sarili kung bakit lagi siyang
sapupo ng kalungkutan.

91
92
93
94
MANLALAKBAY/I

Ibababa mo ang satsel


na sa bawat hakbang ay tipak na bato sa balikat
Ang mga paang umuusad sa daa’y
ilalakad rin ng daan na nilalakaran
At ang mga matang humahagod sa kalayua’y
hahagurin din ng mga mata ng kalayuang ito
Mula sa pasimula, inisip mong hubarin ang lahat—
saplot, sapatos, sombrero, salamin—
upang gumaan ang magaan nang katawan
Higit sa lahat
Iiwan mo rin ang iyong puso
Ay, ang iyong sugatang puso na ayaw maghilom,
at ipapatong sa bloke ng yelo
upang kahit papaano’y hindi huminto/matuyo!
MANLALAKBAY/II

Ang yakap ng singsing [na itinapon? iwinala?]


ay aserong lubid sa daliri ng iyong utak/puso.
MANLALAKBAY/III

At kung anuman ang madaratnan


Sa pinaginipang patutunguhan
Iyu’t iyon ay matagal nang isinalarawan
ng pinsel na kamay—
Siya, siya pa rin, ang nag-aalab at iniwang puso,
ang mabubungaran.

97
MANLALAKBAY/IV

Sa dawag ng mga tinig, ika’y hihimlay:


Sa dapithapon ng iyong pagdating
Marahil ika’y ipagdiriwang ng mga kapatid
na kamay—
Ikaw, pulang mandirigma, na hindi nagsalita
kailanman ng kahit anong “laban sa mga
mamamayan.”
99
10 1
SAGOT

“Nor could I admit to my comrades that in


six more months and they themselves, not the military,
would succeed in transforming me into a political
agnostic of a not too happy sort. A convictionless one
without answers.”
—Mula sa Project Sea Hawk:
The Barbed Wire Journal,
ni Dolores Stephens Feria

Tunay, mahal na propesora,


kapag ang partido’t pag-ibig ay tubig at langis
sa praktika at teorya, nararapat lamang kumbaga
sundin ang itinitibok ng marupok na puso
sapagkat kung magkagayo’y babangong muli
mula sa hukay sina Marcos, Roosevelt at Beria—
Dinggin ang halakhak sa prusisyon ng bangkay sa plasa
pingkian ng kopita ng mga kumikinang na heneral
sa pusod ng gabi ng lihim na direkto’t
duguang buwan sa karsel at kalyehon!
Silang tumakas sa katok sa pinto sa madaling-araw
Silang nakipagbuno sa berdugo ng dilawang tinig at
teksto
Silang mga nawalan ng ngalan ay tiyak na
magbabango’t magtatanong:
anong silbi ng aming kasaysayan ngayon?
Walang duda, mahal na propesora,
na sila’y kadaupampalad mo na kung-saan
at kami na nasa kabilang ibayo ng masangsang na ilog
ay hindi na ninyo pinag-uusapan pa….
Ano ang nararapat gawin?
Ako, isang tsimniya ng Marlboro sa tumbatumba,
pumapalaot sa malamyos na saksopon sa radyo
upang makanakaw-idlip sa pampang ng nota’t
takasan ang kaluskos ng daga sa ulo—
Ako na balisa sa kulay ng dugo sa kusina’t
anino ng rehas sa inuupahang silid
Ako na nagsusunog ng dyaryong sumasayaw
sa kumpas ng militar/kumprador/pulitiko/artista
Ako na nag-uulol na isabala ang bawat talata
sapagkat ang teksto’y pipi, walang bisa
ay nagwiwika, tulad ni Canute:
Iisa pa rin ang kolektibong patutunguhan
ang kalawang sa asero’y sumasagpang
dito sa madilim at mahabang lungga.

“No llores porque el sol


se osculta, que las
lagrimas no te dejaran
ver las estrellas.”
—R. Tagore

Disyembre 30, 1992–Enero 18, 1993 Diliman, Siyudad ng Quezon

10 3
1 04
10 5
Una F ur ti v a L agr ima
Copyright © Edel E. Garcellano, 1993, 2017
Reserbado ang lahat ng karapatan.
Malayang sipiin o kopyahin ninuman ang nilalaman ng libro
nang walang kasulatang pahintulot, bigyan lamang ng kaukulang
pagkilala ang awtor at nagpalathala.

Ang unang edisyon ay inilimbag ng sipat Publications, 1993.

Ang ikalawang edisyon ay inilimbag ng Balangiga Press, 2017.

National Library of the Philippines


Cataloging-in-Publication Data
Garcellano, Edel E.
Una Furtiva Lagrima/Edel E. Garcellano
Quezon City: Balangiga Press, c2017 – lv.
126 pages
Filipino text
I. Filipino poetry.
I. Title
PL6058.2 1993 899.211 P931000009

ISBN 978-621-95621-2-6

Disenyo ng libro at pabalat ni Karl Castro


Mga litrato nina Karl Castro (7, 38-39, 84-85, 90, 92-93, 100-101, 104-105),
Kenneth Gutlay (48-49, 56-57, 64-65, 70-71), Jiru Rada (74-75, 80-81),
at R Jordan Santos (12-13, 21, 28-29).
Pasasalamat kina Jesus Emmanuel Villafuerte at Jayson DP Fajarda
at RC Asa sa paghahanda ng manuskrito.

Inilathala sa Republika ng Pilipinas ng Kabayaan Publishing


Balangiga Press is an imprint of Kabayaan Publishing
Quezon City, Philippines
Website: www.balangigapress.com
Email: balangigapress@gmail.com

You might also like