Walang kakayahang makakita ang mga mata sa dilim. Sa sandaling
ating ipinikit ang mga ito, tayo baga’y nabubulag ng pansamantala, at panandaliang ikinukubli ng kadiliman. Ngunit ibig ba nitong sabihin na kapag nakabukas ang ating mga mata, ay tunay tayong nakakakita?
Isang gabi, sa silid na nababalot ng kadilimang sukdulan ng
lalim, naroon ako, nakatunghay sa mukha ng kadilimang nakayakap sa akin. Bakit nga ba ako gising sa kalagitnaan ng gabi? Hindi ko rin masabi, ang tanging bagay na aking alam ay kinakain na naman ako ng kalungkutan, ng mga masasamang pangyayaring pilit kong binabalik- balikan, at ng mga boses na sinisigaw na wala akong halaga. Sinubukan kong ipikit ang aking mga mata, upang panandaliang magdasal, at sa di inaasahan, ako’y may kakaibang nakita.
Sa aking pagpikit, ako’y mas nakakita, mas nakatuklas ng mga
bagay na hindi ko nakikita sa tuwing nakabukas ang aking mga mata. Aking napagtanto, kahit ako’y binigyan ng kakayahang makakita, napakatagal na panahon na ako pala’y bulag. Sa aking pagpikit, at sa kabila ng kadiliman, ako’y mas naliwanagan. Mas nakita ko ang aking sarili, mas nakita ko ang aking halaga, mas nakita ko ang mga masasayang ala-alang dapat balikan, at mas nakita ko ang mga bagay na sa akin ay nagpapasaya. Ako pala'y nakakakita sa dilim, at ang aking mga nakita ay ang mga bagay na mas mahalaga kumpara sa natatanaw ng aking mga mata. May kakayahang makakita ang mga mata sa kadiliman.
Ito’y katulad ng ating pananampalataya, hindi man natin nakikita
ang Diyos gamit ang ating mga mata, atin naman siyang nakikita sa pamamagitan ng ating puso’t kaluluwa. Tulad rin ng pag-ibig, na sinasabi nilang bulag, ngunit nakikita kung ano ang tunay mahalaga. At panghuli, ito’y tulad rin ng ating kinabukasan, na kahit di abot ng ating mga mata, tayo’y panatag na ito’y darating at matutunghayan.