Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 11

SURING BASA

“SARANGGOLA”

IPINASA NINA:
ZAIRA MAREY L. SORIANO
MARIA ISABEL PAYOPAS

STEM 11-1

IPINASA KAY:
MS. SHIELA YU

PEBRERO 2019
SARANGGOLA
Ni Efren Reyes Abueg

Rading, Paquito, Nelson… pakinggan ninyo ang kwentong ito. May isang lalaki, walong
taong gulang. Humiling siya sa kanyang ama ng isang guryon.

“Anak, ibibili kita ng kawayan at papel. Gumawa ka na lamang ng saranggola,” wika ng ama.
“Hindi ako marunong, Tatay,” anang batang lalaki.
“Madali ‘yan. Tuturuan kita,” sabi ng ama at tinapik sa balikat ang anak.
Bumili nga ito ng papel at kawayan at tinuruang gumawa ng saranggola ang anak.
“Tatay… ibili mo ako ng guryon,” sabi uli ng bata sa ama.
“Anak, pag-aralan mo na lamang mapalipad ang saranggola nang mataas. Madadaig mo ang taas
at tagal ng lipad ng guryon!”
Nainis ang bata sa kanyang ama.
“Kinakantyawan ako sa bukid, Tatay,” anang bata. “Anak daw ako ng may-ari ng kaisa-isang
istasyon ng gasolina sa bayan… bakit daw kay liit ng saranggola ko!”
Nagtawa ang ama at tinapik na naman sa balikat ang anak.
Tinuruan nga ng ama ang bata ng higit na mataas na pagpapalipad ng saranggola, pati na ang
pagpapatagal niyon sa kalawakan. Nalagpasan nga ng saranggola niya ang ilang guryon. Ang iba
namang guryon na lumipad nang pagkataas-taas ay nalagutan ng tali at nagsibagsak, bali-bali ang
mga tadyang, wasak-wasak.
Minsan sa pagpapataas ng lipad ng kanyang saranggola, napatid ang tali niyon. Umalagwa ang
saranggola. Hinabol nilang mag-ama iyon at nakita nilang nakasampid sa isang balag.
“Tingnan mo…hindi nasira,” nagmamalaking wika ng ama. “Kung guryon ‘yan, nawasak na dahil
sa laki. Kaya tandaan mo, ang taas at tagal ng pagpapalipad ng saranggola ay nasa husay, ingat at
tiyaga. Ang malaki ay madali ngang tumaas, pero kapag nasa itaas na, mahirap patagalin doon at
kung bumagsak, laging nawawasak.”
Nakalimutan na ng batang iyon ang tungkol sa saranggola nang maging katorse anyos siya. May
iba na siyang hilig; damit, sapatos, malaking baon sa eskwela, pagsama-sama sa mga kaibigan.
“Anak… dalawang sapatos lamang ang gagamitin mo sa pasukang ito. Kung masira, saka na
papalitan. Magtitipid ka rin sa damit at huwag kang gasta nang gasta. Hindi madaling kitain ang
salapi,” pagunita ng kanyang ama.
“Kawawa nga ako, Tatay,” katwiran ng bata. “Anak ako ng tanging may-ari ng istasyon ng
gasoline at machine shop sa bayan natin, pero ang itsura ko… parang anak ng pobre.”
“Disente ka naman, a. Malinis ang damit mo, husto ka sa mga gamit sa eskwela at husto ka rin sa
pagkain. Hindi dapat sobra sa mga pangangailangan ang isang kabataang tulad mo. Hindi
natututuhan ang pagtitipid.”
Hindi naunawaan ng bata ang paliwanag ng ama at nagkaroon siya ng hinanakit dito. Tinipid siya
sa lahat ng bagay, hinigpitan sa pagsama-sama sa mga kabarkada at madalas, pinatatao sa istasyon
ng gasolina at pinatutulong sa machine shop kung araw na walang klase.
“Pinahihirapan talaga ako ng Tatay,” puno ng hinanakit ang tinig na pagsusumbong ng bata sa ina.
“Kaisa-isa pa naman akong anak, ang turing niya sa akin… parang ampon!”
“Hindi totoo ang sinabi mo, anak,” malumanay na sansala ng kanyang ina sa paghihinanakit niya
sa ama. Alam mo mataas ang pangarap niya para sa iyo.”
“Bakit? Ano ang gusto niya para sa akin?”
“Ibig niyang maging mahusay kang inhinyero.”
Hindi na kumibo ang bata at hindi rin napawi ang hinanakit niya sa ama. Gayunman, hindi siya
makapaghimagsik dito. Iginagalang niya ito at pati ang kanyang ina.
Nang labingwalo na siya napagkaisahan ng kanyang mga barkada na kumuha sila ng commerce.
“Mabuti ‘yon. Magsama-sama tayo sa isang unibersidad,” mungkahi ng isa sa limang
magkakaibigan.
Pumayag siya. Ngunit nang kausapin niya ang ama, tumutol ito.
“Inoobserbahan kita, anak. Hindi mo hilig ang commerce. Palagay ko mechanical engineering ang
bagay sa iyo. Tanungin mo ang iyong ina.”
Masama man ang loob, sumangguni pa rin siya sa ina.
“Hindi sa kinakampihan ko ang iyong ama, anak. Pero sa tingin ko….engineering nga ang bagay
sa iyo. May machine shop tayo…sino ba ang magmamana niyon kundi ikaw?”
Nasunod ang kanyang ama at napilitan siyang tumiwalag sa kanyang barkada. Napag-isa siya sa
pag-aaral sa lunsod at ngayong binata na siya, hindi na hinanakit kundi paghihimagsik sa ama ang
kanyang nadarama.
“Ayoko nang mag-aral, Inay,” sabi niya sa kanyang ina nang dalawin siya nito sa dormitoryo.
“Tipid, pagtitiis, kahihiyan lamang ang dinaranas ko rito. Bakit ako ginaganoon ni Itay? Gusto ba
niya akong pahirapan?”
Pinayapa ng kanyang ina ang kanyang kalooban.
“Magtiwala ka sa amin, anak. Wala kaming gagawin ng iyong ama kundi makabubuti sa iyong
hinaharap.”
“Makabubuti ba sa akin ang magmukhang basahan at magdildil ng asin?”
“Makabubuting matuto kang magtiis. Pagkatapos mo naman ng pag-aaral at magtagumpay ka sa
hanapbuhay, magiging magaan sa iyo ang lahat.”
“Bakit kailangan ko pang magtagumpay? Hindi ba’t ipamamana ninyo sa akin ni Itay ang ating
kabuhayan?”
“Totoo iyan, anak…pero paano mo mapauunlad ang ating kabuhayan kung hindi mo alam ang
mga hirap sa pagtatayo niyan?”
Hindi maintindihan ng binata ang sinabi ng kanyang ina, subalit naisip niyang makapagtitiis pa
siya. Isinubsob na lamang niya ang ulo sa pag-aaral.
Nakatapos naman ng inhinyerya ang binata. Hindi siya pangunahin sa klase, ngunit sa pagsusulit
sa gobyerno, nakabilang siya sa nangungunang unang dalawampu.
“Ngayon anak…bibigyan kita ng limampung libong piso. Gamitin mo sa paghahanapbuhay,” sabi
ng kanyang ama nang makuha na niya ang lisensiya bilang mechanical engineer.
Namangha siya.
“Akala ko…ako na ang hahawak ng ating machine shop pagkatapos ko ng pag-aaral,” nawika niya
sa ama.
“Bata pa ako, anak. Kaya ko pang mag-asikaso ng hanapbuhay na iyan. Saka ibig ko, magpundar
ka ng sariling negosyo.”
“Bakit pa, Itay? Mayroon na tayong negosyo.”
“Mabuti na ‘yong makatindig ka sa sarili mong mga paa.”
Tinanggap niya ang halagang ipinagkaloob ng ama. Humiwalay na rin siya ng tirahan sa mga
magulang.
“Alam kong malaki ang hinanakit mo sa iyong ama. Gayunman, ibig kong isaisip mong, ang
kinabukasan mo ang lagi niyang inaalala.”
Ngunit may lason na sa kanyang isip. Hindi na siya nanininwala sa sinabi ng kanyang ina. Naging
lubos ang paghihimagsik niya sa kanyang ama.
Nagtayo siya ng isang machine shop sa dulo ng kanilang bayan. Agad-agad siyang pinagsadya ng
kanyang ama.
“Bakit hindi pa sa ikatlong bayan ka nagtayo ng machine shop? Magkukumpetensiya pa tayo rito.”
“Akala ko ba’y bahala na ako sa buhay ko, Itay?”
Natigilan ang kanyang ama. Saka napapailing, nag-iwan pa ito ng salita bago lumisan.
“Kung sa bagay…mabuting magturo ang karanasan!”
May isang taon ding nagtiyaga ang binata sa pamamahala ng kanyang maliit na machine shop sa
dulong bayan. Kakaunti ang kanyang parokyano dahil higit na malaki ang machine shop ng
kanyang ama at mahusay ang mga tauhan nito. Nagkautang tuloy siya ng labindalawang libo sa
mga kinukunan niya ng materyales. Nang hindi siya makabayad, inilit ang mga makinang kanyang
ginagamit.
“Nabigyan na kita ng pang-umpisang puhunan. Hindi ka sumunod sa mungkahi ko na umiwas sa
kumpetisyon. Subukin mo namang maghanap ng puhunan sa sarili mong pagsisikap.”
Noon nagsiklab ang binata. Nakalimutan niya ang paggalang sa mga magulang. Dumabog siya sa
harap ng ama.
“Ano kayong klaseng ama? Bakit ninyo natitiis ang inyong anak? Kasiyahan ba ninyong makitang
nahihirapan ako?”
“Ibig kong matutuhan mo ang lahat ng nangyayari sa buhay na ito. Hindi madali ang mabuhay sa
mundo, anak.”
“Hindi ba kaya may mga magulang ay para gumaan ang buhay ng mga anak?”
“Ang ikagagaan ng buhay ng mga anak ay wala sa mga magulang kundi nasa mga itinuturo nila
sa mga ito.”
Nagkahiwalay ng landas ang mag-ama. Naglayas ang binata nang hindi man lamang nagpaalam
kahit sa ina. Nagpalipat-lipat sa kung saan-saang trabaho hanggang pagkaraan ng limang taon,
nakaipon siya ng sampung libong piso at nakabili ng maliit na machine shop. Kumuntrata siya ng
paggawa ng tambutso sa isang auto assembler at kumita siya nang malaki. Sa loob ng tatlong taon,
gumawa na rin ang machine shop niya ng mga parte ng kotse
Ang dugo ay dugo, anang kasabihan, kaya dinadalaw ang lalaki ng kanyang may edad nang ina.
Isang araw, dumating ito sa kanilang bahay, gaya ng dati may pasalubong sa tatlong apong lalaki.
“Ibig ng Itay mong makita ang kanyang mga apo, pero hindi siya makadalaw dahil sa hinanakit
mo,” sabi ng kanyang ina.
“Kinalimutan ko na, Inay, na nagakaroon ako ng ama!”
Umiyak ang kanyang ina.
“Kung gayon… baka hindi na kayo magkita, anak!” nawika nito bago umalis.
Sa tindi ng hinanakit, hindi pa rin niya binigyang-halaga ang bulalas na iyon ng kanyang ina.
Nagpakagumon siya sa trabaho, naghanap pa ng mga bagong kontrata hanggang sa loob pa ng
dalawang taon, kilala na ang kanyang machine shop sa Pasay. Isang araw, hindi niya dinatnan ang
kanyang asawa at tatlong anak sa bahay.
“Nasaan sila?” usig niya sa katulong.
“Umuwi ho uli sa probinsya. Patawirin daw ho ang inyong ama!”
“Umuwi uli? Bakit, lagi ba sila roon?”
Tumango ang tinanong na katulong.
“May dalawang ulit na hong regular silang nagpupunta roon. Dinadalaw ang inyong matanda.”
May poot na sumiklab sa kanyang dibdib. Nanlambot siya sa galit. Ngunit sa pagkaunawang
patawirin ang kanyang ama, nagbalik sa kanyang isip ang masasayang sandali sa piling nito.
Nagunita niya ang pagpapalipad nila ng saranggola.
“Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas, nasa husay, tiyaga
at ingat iyan!”
Magdamag siyang hindi mapalagay. Lagi niyang naiisip ang sinabing iyon ng kanyang ama.
Kinabukasan, sakay ng kanyang kotse, nagbalik siya sa bayang sinilangan.
“Patay na siya!” bulalas ng kanyang asawang umiyak sa kanyang dibdib.
May nabugnos na moog sa kanyang puso. Nahalinhan ng pagsisisi ang hinanakit. Nilapitan niya
ang ina at sa pagkakayakap dito, umiyak siya nang marahan, kasamang nagdadalamhati ang lahat
ng himaymay ng kanyang laman.
“Huwag kang umiyak… namatay siyang walang hinanakit sa iyo.” Anas ng kanyang ina.
“Wa-walang hinanakit?”
“Oo, anak… dahil natupad na ang pangarap niya. Nasa itaas ka na. At sabi niya sa akin, pati sa
asawa mo… nakatitiyak siya na makapananatili ka roon.”
Nang lapitan niya ang kabaong ng ama at tunghayan ang mga labi nito, parang lumundag ang
kanyang puso at humalik sa pisngi ng yumao. Kasunod niyon, nagunita na naman niya ang
pagpapalipad nila ng saranggola.
“Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas. Hayaan mo…
tuturuan kita!” paliwanag na ama.

Rading, Paquito, Nelson…tandaan ninyo ang kwentong iyan. Kwento ‘yan namin ng inyong
namatay na lolo. Kwento naming dalawa.

PINAGKUNAN: https://www.tagalogshortstories.net/efren-abueg---saranggola.html

I. PAGKILALA SA MAY AKDA


Si Efren Abueg ay ipinanganak noong Marso 3, 1937 sa Tanza, Cavite. Isa siya sa mga
iginagalang na krititiko, nobelista, kuwentista, at mananalaysay sa kanyang kapanahunan. Kinilala
ang kanyang kakayahan sa pagsulat ng maikling kuwento sa pagkakaloob sa kanya ng anim na
Taunang Gawad Carlos Palanca taong 1959, 1960, 1963, 1964, 1967, at 1974; unang gantimpala
sa timpalak ng KADIPAN noong 1957 at Pang-alaalang Gawad Balagtas noong 1969; pangatlong
gantimpala sa timpalak ng Pilipino Free Press noong 1969 at Mangangatha sa Tagalog noong 1992
ng Unyon ng Manunulat ng Pilipinas. Sa paglikha ng nobela naman, nagwagi siya sa timpalak ng
Liwayway taong 1964, 1965, at 1967, at sa pagsulat ng sanaysay ay nakamit niya ang unang
gantimpala sa patimpalak ng KADIPAN noong 1958.
Ang kaniyang kauna-unahang koleksiyon ng mga kuwento ay ang mga aklat ang Bugso.
Siya rin ang editor at bumuo ng mga antolohiyang gaya ng Agos sa Disyerto (edisyong 1965, 1974,
at 1993); Mga MANUNULAT: Mga Piling Akdang Pilipino (1970) at Parnasong Tagalog ni
Alejandro G. Abadilla (1973); Mga Piling Akda ng KADIPAN (1964). Siya rin ay sumulat at nag-
edit ng maraming mga sangguniang aklat na ginagamit hanggang sa kasalukuyan sa kapwa pribado
at publikong paaralan, mula elementarya, sekundarya magpahanggang sa kolehiyo.
Kasama sa maraming teksbuk sa Filipino ang kanyang mga nagkagantimpalang akda at
idagdag pa dito ang pagiging aktibo niya sa pagtuturo ng wika at panitikan sa MLQ University
mula 1965 hanggang 1972, sa Philippine College of Commerce mula 1971 hanggang 72, sa
Pamantasan ng Lungsod ng Maynila mula 1974 hanggang 1977, sa Ateneo de Manila University
mula 1977 hanggang 1978 at sa kasalukuyan, propesor siya sa De La Salle University. Siya ay
naging pangulo rin ng Kapisanan ng mga Propesor sa Pilipino (KAPPIL) mula 1986 hanggang
1988, at Linangan ng Literatura ng Pilipinas (Literary League of the Philippines) at direktor ng
Philippine Folklore Society.

PINAGKUNAN: https://panitikan.ph/2013/05/15/efren-abueg
https://fil.wikipilipinas.org/index.php/Efren_R._Abueg
Ii. Uri ng panitikan
Ang panitikang ito ay nakahanay sa uri na maikling kwento.

Iii. Layunin ng may akda


Idagdag pa dito ang nais na ipamulat sa lahat ng mga kabataan na hindi lahat ng kanilang
mga iniisip ay tama, hindi lahat ng sa tingin natin ay tama, hindi iyon tama sa mata ng ibang tao
dahil may kanya-kanyang pagkakaiba ang mga tao. Nais ipabatid ng may akda na hindi nag-iisa
ang mga bata sa buhay dahil tiyak na mayroon silang mga magulang na handang umalalay,
tumulong, gumabay at handang sumuporta sa kanilang pagtahak sa kanya-kaya nilang buhay. Kaya
naman nararapat na makinig sa kanila dahil sa panahon ng kahirapan at pangangailangan, nandyan
ang mga magulang na handa at walang sawang bigyan ang kanilang anak ng bagong pag-asa at
kalakasan. Gayunpaman, kahit ano pa’ng kanilang nagawa o naturan sayo, mga magulang mo pa
rin sila at kahit bali-baliktarin mo ang mundo, sa kanila ka nanggaling.
Ang isa pang layunin ng may akda ay ang ipamulat sa mga tao na ang tagumpay sa buhay
ay hindi natatamasa sa isang aksyon lamang o sa isang pitik lamang. Hindi ito nakukuha sa isang
sakripisyo lamang. Hindi ito matatamasa kung hindi magsisikap at matitiyaga lalo na sa pagharap
sa mga pagsubok sa buhay.

Iv. Tema o paksa ng akda


Sa maikling kwento na ito, dalawa ang pinakanangibabaw na tema kung saan umikot ang
istorya, Ang unang tema ay nagpapahiwatig na ang pagmamahal ng mga magulang, lalong-lalo na
ang pagmamahal ng isang ama ay hindi maipagpapalit sa kahit anong dami ng salapi sa mundong
ito. Ang pangalawang tema ay sumasaklaw sa kaisipan na ang buhay ay maikukumpara sa isang
saranggola. Bago ito maipalipad ng matagal at mataas sa himpapawid, kinakailangan munang
mag-tiyaga, mag-ingat at maging mahusay sa pagpapalipad nito. Iyon ang mga tema ng maikling
kwentong Saranggola.
v. mga tauhan / karakter sa akda
Lalaking bata – ang batang humiling sa kanyang ama na bilhan siya ng guryon; ama nina
Rading, Paquito, at Nelson.
Ama – ang ama ng batang humiling na bilhan siya ng guryon; lolo nina Rading, Paquito,
at Nelson.
Ina – ang ina ng batang humiling sa kanyang ama na bilhan siya ng isang guryon; lola nina
Rading, Paquito, at Nelson.
Rading – anak ng batang humingi sa kanyang ama na bilhan siya ng isang guryon; apo ng
ama at ina ng lalaking bata.
Paquito – anak ng batang humingi sa kanyang ama na bilhan siya ng isang guryon; apo ng
ama at ina ng lalaking bata.
Nelson – anak ng batang humingi sa kanyang ama na bilhan siya ng isang guryon; apo ng
ama at ina ng lalaking bata.

vi. tagpuan / panahon


Sa isang munting bayan – ang bayan kung saan nananahan ang pamilya ng batang lalaki.
Sa bahay – ang bahay kung saan sila nakatira ng kaniyang ina at ama, at kung saan sila
gumawa ng saranggola ng kanyang ama.
Sa bukid – ang lugar kung saan nagpalipad ng saranggola ang mag-ama.
Sa Machine Shop – kung saan nanggagaling ang pinagkakakitaan ng mag-anak;
nakapwesto sa bandang dulo ng bayan ngunit kaisa-isang gasolinahan sa kanilang bayan.
Ito’y matatagpuan sa Pasay.

vii. nilalaman / balangkas ng pangyayari

1. Humiling ang batang lalaki sa kanyang ama na bilhan siya ng guryon.


A. Ngunit hindi siya binilhan ng kanyang ama at sa halip ay tinuruan na lamang siya kung
paano gumawa at magpalipad ng saranggola.
B. Kaya nagresulta sa pamumuo ng galit sa ama.
i. Naramdaman ng batang lalaki na kinakawawa siya ng kanyang ama dahil may
mga bagay na hindi binigay sa kanya, kaya naman lalo siyang nagalit sa kanyang
ama.
ii. Lumipas ang ilang araw at hindi pa rin nawala ang galit ng batang lalaki sa
kanyang ama. Ito’y dahil kahit sa pagpili ng kursong pag-aaralan, ang desisyon ng
kanyang ama ang nasunod at tila siya na ang mamamalakad sa kanilang negosyo
kapag wala na ang magulang niya.
2. Nang malaon, dumating ang araw na nakapagtapos ang batang lalaki sa koliheyo.
A. Sa halip na ibigay sa kanya ang pamamalakad ng Machine Shop ay binigyan na lamang
siya ng pera ng ama para magpundar ng kanyang sarili negosyo kaya nagalit siya sa
kanyang ama.
i. Tinanggap niya ang pera at nagtayo siya ng kanyang sariling negosyo ngunit hindi
nagtagal, nalugi ito.
i.i Dahil nagtayo siya ng kanyang negoso malapit sa negosyo ng kanyang
ama, kaya naman mas maliit ang kanyang benta at nalugi ito.
ii. Nanghingi ulit siya ng puhunan sa kanyang ama, ngunit hindi siya binigyan nito
kaya lalo siyang nagalit dito.
B. Nagtrabaho siya at nagsumikap, at sa paglipas ng panahon nagkaroon siya ng bagong
negosyo at naging mas maunlad.
i. Isang araw umuwi siya galing sa trabaho at hindi niya naabutan ang kanyang mag
ina at nalaman niyang pumunta sila sa kanyang magulang para patawarin ito.
i.i Nagbaliktanaw sa kanya ang lahat ng masasayang araw at panahon noong
kasama pa niya ang kanyang ama, kaya nagmadali siya umuwi sa kanilang
bahay.
i.ii Ngunit huli na ang lahat, patay na ang kanyang ama at namatay itong
walang hinannakit sa kanya dahil natupad na ang pangarap ng kanyang ama
na marating kanyang anak itaas ng kanyang sariling hirap.

viii. mga kaisipan / ideyang taglay ng akda


Oras ang, hindi makakailang, pinaka-impotanteng bagay sa mundong ito. Ang mga
nagdaan na segundo ay hindi na mababalikan kaya nararapat na kumilos at gumawa ng mga
mabubuting bagay sa mundo dahil hindi natin alam kung hanggang kailan ka lamang mabubuhay
at manantili sa mundong ito kasama ang iyong mga minamahal. Kaya naman habang may panahon
pa, nararapat na lahat ng mga hindi magandang pangyayari at hindi pagkakaunawaan sa’yong
buhay ay itama na upang hindi ka na magsisi at manghinayang sa huli.
Ang buhay ay parang saranggola, wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at
pagpapatagal n’yon sa itaas, nasa humahawak at nagtatali nito, dahil siya ang kumukontrol sa
kanyang buhay. Kaya naman nararapat na magsikap, magtiyaga at palagiang manalig sa Poong
May Kapal upang kanyang gabayan ang pagpapalipad ng iyong sariling saranggola.
ix. estilo ng pagkakasulat ng akda
Ang istilo na ginamit ng may akda sa pagsulat ng maikling kwentong ay sa pamamagitan
ng masususing paglalarawan na may kasamang mga metaporikal at hindi direktang mga pahayag.
Ginamit din niya ang emosyon ng mga mambabasa upang makuha ang kanilang atensyon na
basahin at tangkilikin ang maikling kwento na ito. Sa paggamit ng may akda sa emosiyon ng
mambabasa, mas madali para sa kanyang akda na mag-iwan ng kakintalan at aral sa mambabasa
dahil ang mga pangyayari sa kwentong ito ay tunay na nangyayari sa totoo buhay. Sa pamamagitan
nito, talagang mayroong mapagtatanto at makikintal sa isipan ng mga mambabasa kaya
masasabing epektibo ang estilong ginamit ng may akda.

x. buod
Ang kwentong ito ay nagsimula sa mag-ama nagkwekwentuhan. Kwento ng ama sa
kanyang mga anak, may isang batang lalaki na humingi sa kanyang ama na bilhan siya ng isang
guryon ngunit sinabihan lamang siya ng kanyang ama na bumili na lamang ng kawayan at papel
sapagkat gagawa sila ng kanyang sariling saranggola. Pero hindi marunong ang bata kaya tinuruan
siya ng kanyang ama na gawin ito. Sa halip na matuwa ang batang lalaki dahil meron na siyang
saranggola, nagalit ito at humingi ulit siya ng pera sa kanyang ama upang bilhan siya ng guryon
dahil kinakatyawan siya sa bukid kung saan siya nagpapalipad ng saranggola dahil maliit lamang
ang sa kanya. Kahit meron silang perang pangbili ng isang guryn, hindi pa rin siya binilhan ng
kanyang ama bagkus tinuruan nito ang kanyang anak na magpalipad ng saranggola. Lumipas ang
mga araw ang batang lalaki ay natuto nang magpalipad ng saranggola at nalagpasan na niya ang
mga guryon ng kanyang mga kaibigan. Ngunit isang araw, napatid ang tali ng kanyang saranggola
at nasapid sa isang balag pero hindi pa rin ito nasira at sinabihan siya ng kanyang ama na kung
guryon yan, nawasak na dahil sa laki. Kaya tandaan mo, ang taas ng pagpapalipad ng saranggola
ay nasa husay, ingat at tiyaga. Ang malaki ay madali ngang tumaas, pero kapag nasa itaas na,
mahirap patagilin doon at kung babagsak, laging nawawasak.
Sa kabila nito, lumipas ang mga taon at hindi pa rin nawala ang galit ng batang lalaki sa
kanyang ama dahil nararamdam ng batang lalaki na kinakawawa siya ng kanyang ama, kahit sa
damit at sapatos ay pangpobre ang laging kanyang sinusuot at laging katwiran ng kanyang ama na
hindi madaling kitain ang pera. Lumipas ang maraming araw, hindi pa rin naunawaan ng batang
lalaki kung bakit siya pinahihirapan ng kanyang sariling ama. Hanggang sa pagpili ng kursong
aaralin sa kolehiyo ang pasya pa rin ng ama ang nanaig dahil sa tingin ng kanyang ama, ‘yon ang
makakabuti para sa kanya.
Nag-aral siya ng mabuti at nakatapos ng koliheyo, pagakatapos ay binigyan siya ng pera
ng kanyang ama para sa pagpapatayo ng sariling machine shop. Sa una, hindi niya tinanggap dahil
wala itong rason dahil mamanahin niya naman ang machine shop nila. Pero sinabihan siya ng
kanyang ama na kaya pa niyang hawakan ang negosyo at sinabihan siya na mabuti na yong
makatindig ka sa sarili mong paa. Kaya tinanggap niya ang pera at nagpatayo ng machine shop
malapit sa machine shop ng kanyang ama. Isang araw pinuntahan siya ng kanyang ama sa kanyang
machine shop para kumustahin pero sa tindi ng kanyang galit niya ay umalis na lamang ang
kanyang ama kaya hindi man lang sila nakapag-usap ng matino. Pero dahil sa kawalan ng kita
nalugi ang negosyo ng batang lalaki at humingi ulit siya ng puhunan sa kanyang ama, ngunit hindi
siya nito binigyan kaya ang galit na nadarama ng kaniyang anak ay lalong tumindi at dahil doon
nakalimutan niya ang paggalang sa magulang.
Lumipas ang maraming taon sumigla muli ang kanyang negosyo. Isang araw dinalaw siya
ng kanyang ina at sinabi sa kanya na gustong makita ng kanyang ama ang kanyang mga apo, ngunit
hindi pumayag ang kanyang anak dahil kinalimutan na niya na meron siyang ama. Ngunit isang
araw sa kanyang pag-uwi galing sa trabaho hindi niya nadatnan ang kanyang mga anak at asawa
nabalitaan na lamang niya na pumunta pala ito sa probinsya ng kanyang mga magulang upang
patawarin ito at labis ang kanyang nadaramang galit. Ngunit nahinto siya saglit at naalala lahat ng
masayang karanasan niya kasama ang kanyang ama. Dali-dali siyang pumunta sa kanilang
probinsya pero huli na ang lahat, patay na ang kanyang ama.
Namatay ang kanyang ama na walang hinanakit sa kanya dahil natupad na niya ang
kanyang pangarap na marating ang itaas at nakatiyak siya makakapanatili ang anak niya roon.
Naalala niya ang sinabi ng kanyang ama, “Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at
pagpapatagal niyon sa itaas. Hayaan mo…. tuturuan kita.”
Doon natapos ang kwentuhan ng mag-aama. Sinabihan niya ang mga anak na tandaan ang
kwentong ito dahil kwento ito ng inyong namayapa nilang lolo. Kwento nilang dalawa. Doon din
mapagtatanto ang lubos na panghihinayang ng batang lalaki na hindi napagmasdan ang tunay na
ipinakikita ng ama, na ayaw na niyang mangyari sa kanyang mga anak.

---------------WAKAS---------------

You might also like