Nagugunita ni Francisco ang masasaya at malulungkot na
sandali ng kanilang lumipas na panahon ni Selya. Kinatatakutan ni Francisco na baka makalimot si Selya sa kanilang pag-iibigan sapagkat noong mga panahong iyon siya ay nakakulong, samantalang si Selya naman ay malaya. Ayon kay Balagtas kailanman ay di niya malilimot ang masasayang araw nila ni Selya na naging daan ng kanilang pagmamahalan. At ngayong siya ay namimighati sa bilangguan ang tangi lamang nakaaaliw sa kanya ay ang paggunita sa larawan ni Selya sa inilimbag niya sa kanyang puso, isip at damdamin. Naaalala rin ni Francisco ang mga lugar sa kanilang pinagtatagpuan noong sila ay matamis na nagsusuyuan, gaya ng ilog Beata, puno ng mangga at ilog Makati, dito ay sinasariwa niya ang matamis nilang suyuan. Kaya siya ay nagsisisi kung bakit di pa niya naitanan si Selya noong panahong iyon. Sana’y din na naagaw ni Mariano Kapule. At siya ay napapaiyak kung nagugunita niya ang nangyari sa kanyang buhay, lagi niyang hinahanap si Selya na nagdulot sa kanya ng libong kaligayahan, sana daw ay din na sila nagkahiwalay. At dahil sa kanyang mga kasawian ay naisip niyang sulatin ang “Florante at Laura” na si Selya ang naging inspirasyon at dito ay inilarawan niya ang tinamong kasawian kay Selya. Sa Babasa Nito Isang pasasalamat ni Francisco sa sino mang babasa ng tula at magpapahalaga nito. Hinihiling niyang subukang unawain ang malalim na wikang ginamit dito dahil kung susuriin ng husto ay malalamang ito ay malinaw at wasto. Kabanata 1: Ang Gubat Sa labas ng Reynong Albanya, may isang gubat na madilim at masukal, dahil sa malalaking punongkahoy at makapal, na dawag ng araw ay di makasikat, kaya ang kapanglawan ay laganap sa loob ng gubat, ang mga hayop na dito ay gumagala, karamiha’y sierpe, hyena, leon at tigre. Kabanata 2: Ang Binatang Nakagapos Isang binatang nakagapos sa isang puno ng higera sa gitna ng malawak na gubat sa labas ng kahariang Albanya. Ang binatang ito ay si Florante. Tiyak na kamatayan ang kinabibingitan ng kanyang buhay sa dahilang hindi niya maipagtanggol ang kanyang sarili. Sa Albanya mayroong masasamang-loob ang iniluklok sa trono. Dahil sa pag-iimbot ni Konde Adolfo sa korona ni Haring Linseo at sa kayamanan ng ama ni Florante na si Duke Briseo, sinabugan niya ng kasamaan ang kaharian. Kabanata 3: Alaala ni Laura Sinabi ni Florante sa kanyang sarili na kaya niyang tiisin ang pagdurusa, kung ito ang gustong mangyari ng Maykapal. Iisa lamang ang tangi niyang hiling, ang maalala siya ng kanyang minamahal sa si Laura. Di niya maiwasang maalala ang kanilang suyuan, at iniisip niya na baka agawin si Laura ng kanyang karibal na si Adolfo. Kabanata 4: Daing ng Pusong Nagdurusa Hinimatay si Florante dahil sa sama ng loob. Nang siya ay mahimasmasan, nagpatuloy pa rin ang kanyang paghihimutok. Ayon sa kanya, bago siya tumungo sa digmaan, may pabaon sa kanya si Laura ng luhaang bandang may letrang L, dahil natatakot si Laura na masugatan siya. Nang dumating siya na may munting galos, agad ginamot ni Laura. Kaya’t ngayo’y tinatanong niya sa kanyang sarili, kung nasaan na ang lahat ng pag-aaruga ni Laura sa kanya. Kabanata 5: Halina, Laura Tanging hiling ni Florante ay makita muli si Laura at siya'y arugain at damayan sa kanyang mga sakit tulad ng nakaraan. Halossumuko ang puso ni Florante sa dahas ng panibugho lalo na kung naguguniguni niya sa si Laura ay humilig na sa kandungan ni Konde Adolfo. Para kay Florante ay matamis pa ang mamatay kaysa makita niyang si Laura ay nasa ibang kamay. Hindi makapaniwala si Florante na si Laura ay magtataksil sa kanya dahil ang kagandahan ni Laura ay itinulad niya sa Langit. Kaya ang paniwala niya ang pag-ibig nito ay kasingtibay din ng Langit. Kailan man ay di pumasok sa kanyang gunita na ang kagandanhan ay malapit sa tukso at hindi kataka-taka na madaling mahulog sa tukso. Para kay Florante ay higit niyang nanaisin na ipagkaloob sa kanya ni Adolfo ang lahat ng kahirapan sa mundo kaysa inagaw sa kanya si Laura na kanyang irog. At dahil sa paghihirap ng kalooban ni Florante, siya ay nawalan ng malay, siya ay napayukayok sa punongkahoy na kinagagapusan at siya ay nagmistulang bangkay. Kabanata 6: Ang Gererong Taga Persia Nagkataon namang sa gubat ding iyon ay napadako ang isang Morong taga-Persya na umalis sa sariling bayan dahil sa sobrang sama ng loob sa kanyang ama sa pagkakaagaw sa kanyang kasintahan. Sa lilim ng punong kahoy siya'y umupo at lumuluha habang binabanggit ang pangalan ng kanyang mahal na si Flerida. Sinambit ni Aladin laman ng kanyang puso at diwa: "O pagsintang labis ng kapangyarihan,sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw;'pag ikaw ang nasok sa puso ninuman, hahamakin lahat masunod ka lamang!" Kabanata 7: Pag-aalaala sa Ama Ang mga panaghoy ng nakagapos na tungkol sa mga kasamaang nangyari sa kanyang bayan: ang pagkawala ng kanilang mga karapatan, ang pangingibabaw ng katiwalian laban sa kabutihan; ang akala niyang pagtataksil ni Laura; ang pagpatay sa hari at mga kabig nito kasama na ang kanyang ama; ay nadinig lahat ng gererong Moro kaya tinunton niya ang boses na pinanggagalingan ng panaghoy. Kabanata 8: Paghahambing sa Dalawang Ama Sandaling tumigil sa pag-iyak si Florante dahilan sa isang Morong na nakikinig sa kanya. Nabatid niyang napaiyak ang Moro dahil sa ang kanyang sinisinta ay inagaw ng sariling ama. Samantalang si Florante naman ay namaalam na kay Laura at pinagdasal na sana ay maging masaya ito sa piling ng iba.
Kabanata 9: Sa Harap ng Dalawang Leon
Samantala, mayroong palapit na dalawang leon, na sa pagkakita pa lamang ay parang nais nang kainin si Florante. Tila napatigil ang mga leon at nakalimutan ng mga ito ang kanilang tangkang pagkain sa kanya. Sa pagkakataong iyon, nagpaalam na si Florante sa Albanya, na puno na ngayon ng kasamaan at kanyang minamahal na si Laura. Wala siyang naisip kundi ipagtanggol ang kanyang bayan subalit di niya inaasahang ganoon na lamang ang kahihinatnan ng kanyang pagsasakripisyo sa bansa dahil ipapakain lang pala siya sa dalawang leon. Kabanata 10: Ang Pagsaklolo Hindi nagdalawang-isip si Aladin na sagipin si Florante, na nakatali sa puno at nawalan ng malay. Bagama’t magkaaway ang kanilang bayan at hindi sila magkarelihiyon, agad niyang pinatay ang dalawang leon na nakaabang lapain si Florante. Kabanata 11: Mabuting Kaibigan Pagkatapos patayin ang mga leon, agad kinalagan ni Aladin si Florante na sa sandaling iyon ay wala pang ulirat. Nang magkamalay, ang naging bukambibig ay ang kanyang sinisintang si Laura. Kabanata 12: Batas ng Lahat ng Relihiyon Nang matauhan si Florante, sinabi ni Aladin na huwag siyang mag-alala dahil ligtas na siya. Sa di inaasahan, sinabi niya sa gererong Moro na sana ay hinayaan na lamang siyang mamatay. Hindi akalain ni Aladin na ganito ang sasabihin ng binata sa kanya. Kabanata 13: Ang Magkaibigan Inalagaan ni Aladin si Florante ng magdamag. Pinakain ng kanyang baon ang dalawang araw na nakagapos sa gubat, bago dinatnan ng saklolo o tulong. Ito'y binantayan ng Moro habang natutulog dahil sa laki ng panghihina ng katawan. Sa pagkagising ni Florante ay pinagsaulian ng kaunting lakas. Lubos na nagpasalamat sa Maykapal at sa kanyang tagapagligtas na butihing kalaban. Tinanong ng Morong si Aladin kung ano ang suliranin o problema sa buhay ni Florante. Hangad daw ng Moro na makatulong siya. Kabanata 14: Ang Kabataan ni Florante Isinalaysay ni Florante ang kanyang buhay. Na sanggol pa lamang siya sa bakasyunang malapit sa bundok ng kanyang mga magulang na Duke Briseo at Prinsesa Floresca (sa Albanya) ay muntik sa siyang dagitin ng isang buwitre na mabuti na lamang ay napana ng pinsan niyang si Menalipo na taga-Epiro. Ang kanyang ama ay tagapagpayo ni Haring Linseo ng Albanya. Kaya’t kahit na siya ay anak ng prinsesa sa Krotona, siya ay isinilang sa Albanya. Sa bulwagan naman ng kanilang palasyo ay sinambilat ng isang alkon ang kwintas niyang may palawit na diyamante o kupidong diyamante. Noo’y bago pa lamang siyang lumalakad (ang alkon ay isang uri ng ibon na nahahaling o naaakit sa makikintab o kumikinang na mga bagay). Nang siyam na taong gulang siya’y pamana ng ibon at ibang mga hayop ang kanyang libangan. Kabanata 15: Pangaral sa Magulang Sinabi ni Florante na hindi dapat palakihin ang mga bata sa saya dahil kapag ito'y namihasa, kapag lumaki na ay mahihirapan. Madalas, ang mga taong ganito ay masakitin at maramdamin. Ipinadala sa Atenas si Florante upang mag-aral nang siya’y 11 taong gulang upang doon ay mamulat ang kanyang kaisipan. Kabanata 16: Sa Atenas. Si Adolfo Ang guro ni Florante sa Atenas ay si Antenor, isang mabait at matalinong guro doon. Sa Atenas niya nakilala ang kababayang si Adolfo, anak ni Konde Sileno, na tampulan ng paghanga ng kanyang mga guro, at ng kanyang mga kamag-aral dahil sa katalinuhan at kagandahang-asal nitong pinapakita. Kabanata 17: Kataksilan ni Adolfo Sa loob ng anim na taong pagkakapag-aral ni Florante ay nahigitan niya si Adolfo kaya’t lumabas ang tunay na pagkatao nito. Lalo itong nahalata nang minsang nagkaroon sila ng dula sa palatuntunan ng kanilang eskwela. Ito’y tungkol sa magkakapatid na sina Etiocles (ginanap ni Florante) at Polinese (bahagi ni Adolfo) na naglaban ng espadahan upang mapasiyahan kung sino sa dalawang prinsipeng mga anak ni Reyna Yocasta (papel ni Menandro) ang papalit sa namatay nilang ama na si Haring Edipo. Sa kunwaring ispadahan na ito, talagang matitinding taga ang hinandulong kay Florante ng may masamang balak na si Adolfo. Mabuti na lamang at sa kaliksihan ni Menandro ay napailandang ang espada ni Adolfo at ang kataksilan niya’y nabigo. Kinabukasan ay lumisan sa Atenas at umuwi sa Albanya ang napahiyang si Adolfo. May hangad pala itong maagaw si Laura kay Florante na siyang iniibig ng dalagaupang maging hari kung maging reyna na si Prinsesa Laura, sakaling yumao o mamatay si Haring Linseo. Kabanata 18: Kamatayan ng Isang Ina Namalagi pa si Florante ng isang taon sa Atenas hanggang tumanggap siya ng isang liham mula sa Albanya. Ibinalita ng kanyang ama na pumanaw na ang kanyang ina. Laking sama ng loob ang idinulot nito kay Florante. Kabanata 19: Paalaman at Habilin Pagkaraan pa nang dalawang buwan, may sasakyang lumunsad sa pantalan ng Atenas na may pahatid-liham mula sa ama ni Florante na nagsasabing siya daw ay umuwi agad sa kanyang bayang Albanya. Nagpaalam siya sa kanyang gurong si Antenor at ito nama’y nagpaalalang siya’y mag-ingat sa banta sa kanyang buhay. Pinayagan ni Antenor na sumama si Menandro kay Florante na yumayakap sa kanya ng mahigpit nang siya’y magpaalam sa kanyang amain. Kabanata 20: Pagdating sa Albanya at Paghingi ng Tulong ng Krotona Pagdating sa Albanya ay sinalubong sila ng kanyang ama. Kapwa sila namighati sa nangyari sa kanyang ina. Siya namang pagdating ng sugo mula sa lolo ni Florante na hari ng Krotona, nanghihingi ng saklolo sapagkat ang bayan nila ay sinalakay ng hukbo ng Persyanong si Heneral Osmalik. Kabanata 21: Heneral ng Hukbo Ipinakilala ni Duke Briseo si Florante kay Haring Linseo at sa pagpupulong ng mga pinuno ay napagpasiyahang si Florante ang mamumuno sa hukbo ng Krotona. Kabanata 22: Si Laura Nakilala at naakit si Florante sa kagandahan ni Laura, anak ni Haring Linseo. Kabanata 23: Isang Pusong Sumisinta Nagkaroon ng tatlong araw na piging para kay Florante. Sa piging na iyon ay sandali lamang silang nagkasarilinan ni Laura at ipinahayag ang kanyang damdamin sa dalaga. Nang pupunta na si Florante upang makidigma, nagbaon ng luha si Laura sa kanyang pag-alis. Kabanata 24: Pakikipaglaban Kay Osmalik Sa digmaan, halos masira na ang kuta nila. Si Florante at Menandro ang kapwa nagtulong mamuno sa hukbo. Naglaban si Florante at Heneral Osmalik at sa loob ng limang oras na paglalaban ay nagapi niya ito. Nabawi nila ang kaharian ni Haring Linseo.
Kabanata 25: Pagbabalik sa Albanya at Pagsagip Kay Laura
Limang buwan pa siyang nanatili sa Krotona. Nais niyang bumalik agad sa kanyang bayan sapagkat sabik na sabik na siyang makita si Laura. Pagdating nila sa Albanya ay namangha siya sapagkat ang bandilang nakawagayway sa kanilang bayan ay bandila ng mga Moro. Niligtas ni Florante si Laura sa kamay ng isang pangkat ng mga Moro na magpaparusa at pupugot ng ulo sa kanyang kasintahang si Laura dahilan sa pagtanggi nito sa pagsuyo ng Emir o gobernador ng mga Morong sumasakop sa kanilang bayan. Kabanata 26: Ang Pagtataksil ni Adolfo Nilusob nila Florante ang reynong Albanya, nasakop ito at nailabas sa piitan ang hari, ang kanyang ama at si Adolfo, na ikinulong sa karsel ng palasyo kasama ng ibang kaginoohan sa Albanya. Labis ang kagalakan ng hari at si Adolfo lamang ang nagdadalamhati sa kapurihang tinanggap ni Florante. Muling sinalakay ng pangkat ni Miramolin ang Albanya at nagaping muli ni Florante ang mga kalaban. Labimpitong kaharian pa ng mga Moro ang pinagtagumpayan nila ni Menandro. Sa Etolya, may sulat na nagtatagubilin kay Florante ang Haring Linceo na iwanan ang hukbo kay Menandro at umuwing nag-iisa sa palasyo nito. Hindi niya akalain na pagdating niya ay dinakip agad siya ng may 30,000 sandatahan ni Adolfo at dali-dali siyang ikinulong sa bilangguan. Ang lahat pala ng naganap sa palasyo, ang pagpatay sa hari at Duke Briseo ay pakana ni Adolfo. Nalaman din niyang malapit nang ikasal si Laura kay Adolfo. Dahil dito, ninais na niyang mawalan ng sariling buhay. Kabanata 27: Ang Salaysay ni Aladin Nabilanggo si Florante ng labingwalong araw at saka dinala siya sa nakalulunos na gubat at iginapos sa punong kinatagpuan sa kanya ng Morong si Aladin. (Dito nagwakas ang salaysay ni Florante.) Pagkatapos ni Florante sa kanyang kuwento ay si Aladin naman ang nagsalaysay ng kaniyang naging karanasan sa buhay. Anak siya ni Sultan Ali-adab ng Persya, at siya ang namuno sa hukbong Persyano na kumupkop sa Albanya. Ngunit pagkatapos ay nilisan niya ang bayan ni Florante upang umuwi sa kaharian ng kanyang ama. Ipinakulong siya sa karsel ng palasyo nang malamang siya’y lumisan sa kanyang hukbo. Nang mabalitaan sa Persya na nailigtas ni Florante ang Albanya, ay isinisi ito sa kanyang pagkakalisan sa kanyang hukbo, kaya’t hinatulan siyang papugutan ng ulo ng kanyang sariling ama. Nguni’t isang heneral ang nagdala ng patawad kay Aladin pero may pasubaling siya’y umalis na sa Persya kung hindi siya susunod sa bagong utos na ito, buhay niya ang magiging kapalit. Mabigat ang loob na tumupad si Aladin sa pagpapalisang ipinarusa sa kanya. May anim na taon na siyang naglalagalag sa iba’t-ibang lugar. Hanggang sa masapit ang gubat na kinasasapitan ni Florante at siya’y iniligtas sa dalawang leon na sa kanya’y sasagpang. Sa kanilang paglalakad papalabas ng gubat ay may nadinig silang dalawang tinig ng babaeng nagsasalaysay. Kabanata 28: Si Flerida (saknong 361-369) Ang sabi ng isang babae, nang malaman niyang pupugutan ang kanyang kasintahang nasa bilangguan ay pumayag na siyang pakasal sa sultan kapalit ng paglaya ng kanyang kasintahan. Pinawalan naman agad ito, subalit nang gabi ding iyon ay nagbalat-kayo ang babae ng isang gerero at tumakas sa Persya upang hanapin ang minamahal niyang si Aladin. May ilang taon ding siyang naglilibot hanggang sa sumapit sa gubat at nasaklolohan ang kausap niyang babae. Kabanata 29: Ang Sinapit ni Laura (saknong 370-392) Anong laking tuwa nina Florante at Aladin nang malamang ang nagsisipag-usap pala ay sina Laura at Flerida. Isinalaysay naman ni Laura ang nangyari sa Albanya na samantalang nasa ibang bayan si Florante – ang pagkakaagaw ni Adolfo sa trono, ang pagpugot sa ulo ng hari at sa mga kabig nito. Sinabi niyang pinadalhan niya ng sulat si Florante upang ipahatid ang nangyari sa Albanya subalit ang natanggap ni Florante ay isang sulat na huwad sa ngalan ng haring ama ni Laura na mahigpit na nagbibiling umuwi siyang nag-iisa sa Albanya. Dumating naman si Florante pagkaraan ng isang buwan. Ito ang naging paraan kung paano nadakip si Florante ng mga kawal ni Adolfo. Ikinulong sa piitan at pagkalipas ng ilang araw ay ipinadala sa gubat at doon ay ipinagapos. Samantala, humingi ng limang buwang taning si Laura upang isaalang-alang ang mungkahing pagpapakasal ni Adolfo sa kanya. Sa katunayan ay inaantala lamang ni Laura ang mga panahon upang makabalik si Florante. Kaya nang wala ng paraan upang mahimok si Laura ay dinala ito sa gubat upang sana’y pagsamantalahan kundi lamang ito naipagtanggol ni Flerida. Sa pagkakapana ni Flerida kay Adolfo, naging isa siyang bangkay. Sa nadinig ni Florante at Aladin na kwento ni Laura at Flerida, nalinawagang hindi nagtaksil si Laura kay Florante at hindi natuloy ang hanagrin ni Sultan Ali-adab kay Flerida. Kabanata 30: Masayang Wakas Habang nag-uusap ang magkakasintahang pinagtagpu-tagpo ng mahiwagang kapalaran, siya namang pagdating ng hukbo ni Menandro na ang hanap ay si Adolfo. Nangagsigawan sa tuwa ang hukbo nang makitang buhay si Florante at Laura. Nagsibalik ang lahat sa palasyo. Hindi nagtagal at nakasal ang dalawa at naging hari at reyna ng Albanya. Samantala, sina Aladin at Flerida, matapos magpabinyag ay pinag-isang dibdib din at umuwi sa Persya upang doon mamuno sa sariling bayan dahil sa kumalat na balitang patay na si Sultan Ali-adab. Mula noon ay natigil na ang pagdirigmaan ng Albanya at Persya. Naging kapuwa matiwasay at maunlad ang kanilang nasasakupan.