Bilang nakapanood sa unang bahagi ng makasaysayang trilohiyang pinamagatang Heneral
Luna ni Jerrold Tarog, hindi ko alam kung ano ang dapat kong asahan sa pelikulang kasunod nito. Pumasok ako sa D. L. Umali Hall Auditorium nang nasasabik sa mga bagong aral na maaari kong matutunan buhat sa panonood ng Goyo, subalit wala akong bagong napulot mula rito. Nakakadismaya- hindi ang pelikula, kungdi tayo mismong mga Pilipino, na hanggang ngayon ay wala pa ring mga pinagbago. Hanggang ngayon ay bulag pa rin ang mga iba sa atin na tuluyang isinasamba at sinusundan ang mga hindi nararapat. Hanggang ngayon ay hindi pa rin natin magawang makinig at mamulat sa katotohanan na tayo ang nagkamali, na tayo ang dapat na sisihin, na ang ating mga sarili ang mas matitinding kalaban. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin nating ipinipili ang ating mga pansariling interes, sa halip na mas bigyang halaga ang mga bagay na nakabubuti para sa bansang Pilipinas at sa mga mamamayang Pilipino, kahit na ang mga bagay na ito’y humihiling ng sakripisyo. “Ano ba ang halaga ng isang bayani? Ano ba ang nasa likod ng kadakilaan? Bakit pirmi tayong nakatingala, sumasamba nang walang pagdududa? Bakit lagi tayong bulag na umaasa sa mga tagapagligtas?” Naniniwala ako na ang bawat isa sa atin ay may kakayahang maging bayani ng sarili nating bansa, sapagkat tayong lahat ay may mga tungkulin at mga responsibilidad na kinakailangang tuparin. Hindi lamang tayo mga mamamayang naninirahan sa Pilipinas na lubos na aasa sa mga pinunong pinagkatiwalaan natin; mahalagang pinagkakatiwalaan din natin ang ating mga sarili. Tayo’y mga Pilipinong may paninindigan at may mga ipinaglalaban. Tayo’y mga Pilipinong hindi basta-bastang sumusuko sa kahit na anumang kahirapang maaari nating maranasan. Ang tunay na bayani ay ang taong pag-ibig para sa bansang Pilipinas at sa mga kapwa Pilipino ang pinapairal. Ang tunay na bayani ay ang taong buong tapang at lakas na ipinatitibay ang kaniyang mga prinsipyo para sa bayan. “Para sa bayan”- ito ang mga salitang pinanghahawakan ko simula noong ako’y naging isang iskolar, kung saan dangal at husay ang pinahahalagahan ng mga taong tahanan ang Unibersidad ng Pilipinas. Bilang bagong mag-aaral sa nasabing unibersidad, hindi ko inaasahan na sa loob lamang ng napakaikling panahon ay marami na akong matututunan at matutuklasan mula sa mga simpleng bagay at sa mga araw-araw na pakikisama ko sa mga taong kabilang sa dakilang pamantasang ito. At sa panonood ko ng Goyo, mas lalong nabuhayan ang aking pagka- makabayan at ang pagmamahal ko para sa aking bansa. Napagtanto kong ang pelikulang ito ay sumasalamin sa pagkabulag nating mga Pilipino, na nagdulot ng ating pagka-alipin mula mismo sa ating mga sarili. Sabi nga ni Joven Hernando sa pelikula: “Sabi ni Heneral Luna, ‘Ang taong may damdamin ay hindi alipin.’ Ngunit sa tingin ko’y kung ang damdaming ito ay sanhi ng pagkabulag natin, alipin tayo ng sarili nating damdamin.” Makalalaya lamang ang bansang Pilipinas kung ang mga Pilipino’y magkakaisa patungo sa pagkamit ng iisang layunin. At matutupad lamang ang ating hangarin kung tayo’y may paniniwala sa ating mga sarili. Kahit na madalas na nag-aalinlangan si Gregorio Del Pilar sa kaniyang taglay na kapangyarihan, itinapos niya ang laban nang buong katibayan at kagitingan. Makikita sa pelikula ang kaniyang pakikidigma hindi lamang laban sa mga Amerikano kungdi pati na rin sa kaniyang sariling takot at mga pagdududa. Tulad ni Goyo sa pelikula, may pag-asa pa rin tayong magbago.