Professional Documents
Culture Documents
Issues N Trends N Lit.
Issues N Trends N Lit.
Kaugnay nito, magandang simulain ang paglalathala ng mga aklat pambata sa mga rehiyon.
Halimbawa, sa wikang Hiligaynon, nailathala ng premyadong manunulat na si Alice Tan
Gonzales ang koleksyon niya ng pitong pabulang pambata na May Isa Ka Kuring nga Hari
kag Iban pa nga Sugilanon para sa Kabataan (May Isang Pusang Hari at Iba pang Kuwento
para sa Bata) (Iloilo City: Seguiban Printing & Publishing Enterprises, 2010). Ayon kay John
Iremil Teodoro, “Historikal ang librong ito dahil ito ang unang koleksiyon ng mga kuwentong
pambata sa Hiligaynon, bagamat may pangilan-ngilang nalalathalang mga kuwentong
pambata sa magasing Hiligaynon at Yuhum. Nagpapatibay ang librong ito ng posisyon ni
Alice Tan Gonzales bilang nangungunang manunulat sa Hiligaynon ngayon.”
Taong 2010 din nalathala ang aklat pambata sa wikang Pangasinan, ang Pasirayew ya
Malapati (Ang Mayabang na Kalapati) ni Erwin Fernandez, sa taguyod ng Ulupan na
Pansiyansiya’s Salitan Pangasinan. Nilalayon ng publikasyong ito na “buhayin ang isang
naghihingalong wika.”
Dapat ding kilalanin ang paglalathala ng aklat pambata ng mga manunulat na Bikol na An
Poon Kan Pili Asin Iba Pang Osipon Pan-Aki (Ang Alamat ng Puno ng Pili at Iba pang
Kuwentong Pambata) nina H. Francisco V. Peñones Jr., Christine S. Bellen, at Kristian S.
Cordero; guhit ni Jerameel Lu (Naga City: Ina nin Bikol Foundation, 2010). Ayon kay
Cordero, unang aklat ito ng kanilang serye sa Balaog Children’s Book Series at balak nilang
makalikha pa ng siyam na aklat sa mga susunod na taon. Nakasulat ang kay Peñones sa
Bikol, samantalang nakasulat naman sa Filipino ang mga kuwento nina Cordero at Bellen.
May kasamang salin sa Ingles ang nasabing antolohiya. Sa anotasyon ni Bellen sa mga
nilalaman, mapapansing tampok sa mga akda ang panitikang-bayan, kultura, at mga
pangunahing icon ang rehiyon. Bukal at impluwensiya ng “Alamat ng Pili” ang
epikong Ibalon. Tampok ang Naga City at ang Mahal na Birhen ng Penafrancia sa “Argos” at
idinagdag naman ang kuwentong “Unang Uwi sa Bicol” ang pagkilala at pagtuklas ng isang
bata sa bulkang Mayon at sa mga butanding ng Donsol, Sorsogon. Dagdag pa ni Cordero,
“ang Bikol at si Ina” ang naging tema ng kanilang unang antolohiya.
Kung masusundan pa ang ganitong produksiyon at mahihikayat pa ang maraming
manunulat na lumikha ng aklat pambata sa mga rehiyunal na wika ng bansa, higit na
mapauunlad at mapapalawak ang saklaw ng panitikang pambata sa bansa. Sa mga anyong
pampanitikan sa Pilipinas, nahuhuli ang panitikang pambata sa produksiyon ng mga akda
mula sa mga rehiyon. Nagkataong nasa Metro Manila ang kalakhan ng mga pangunahing
tagapaglimbag, tagapagbenta, at tumatangkilik ng mga aklat pambata. Sa pamamagitan
din nito, mawawakasan na ang pamamayani ng komersiyal na paglalathala na may
tendensiyang tumugon sa middle class na karanasan at sensibilidad. Higit na magkakaroon
ng representasyon ang ibang tinig at kultura, lalo pa’t may multikultural na katangian ang
ating bansa. Higit pa rito, lalo pang mailalapit ang aklat sa mga batang matatas sa kanilang
sariling mga wika.
May ambag din ang Museo Pambata sa produksiyon ng natatanging seryeng Batang Bayani
(2010). Halaw sa tunay na kabayanihan at kadakilaan ng mga bata ang mga kuwento—
pagiging interpreter sa mga binging kamag-anak sa Hands That Bridge ni Perpi Tiongson;
pagpapahalaga sa epikong Hudhud ng mga Ifugao sa Song of Dreams ni Agay C. Llanera;
at pagsisikap na matuto, makapagpinta, at makapagturo sa kapwa-bata sa A Reader’s
Story ni Bong Oris at Pallete of Dreams ni Liwliwa Malabed.
Gayundin, bunga din ng mga patimpalak ang mga serye ng aklat ng Gig Seafarer Children’s
Stories (2010) at ang Gawad Panitikang Pangkalusugan (2010). May sampung aklat ang
nalathala sa una, sa taguyod ng Gig and the Amazing Sampaguita Foundation, Inc. (GASFI),
na matapang na tinatalakay ang realidad ng mga bata at pamilyang may amang
nandarayuhan (seaman) sa ibang bansa. Isang aklat sa serye, ang Why Can’t Uncle Martin
Fix My Bike ni Czaria Vijulet Jusi, ay tumatalakay sa pagkakaroon ng mangingibig ng ina
dahil sa paglisan ng ama upang maghanapbuhay, na isinalaysay sa punto-de-bista ng isang
bata. Nilalayon ng mga aklat na magsilbing inspirasyon at karagdagang-babasahin upang
matulungan ang mga pamilya ng isang OFW.
Itinaguyod naman ng Mu Sigma Phi Sorority ng UP College of Medicine ang serye
ng mga aklat pambata na naglalayong wasakin ng mga mito o pamahiin kaugnay sa
medisina at kalusugan. Umaayon sa temang “Tabo-tabi Po: Exploring Philippine Health
Myths” ang mga napili at pinarangalang kuwento. Ilan sa mga mitong tinatalakay at
tinatangkang bigyang-paliwanag ay ang pagkakaroon ng sipon kapag naulanan (The Spirit
of the Rain ni John Anthony Tindoc), ang pagsubo ng nahulog na pagkain kahit nahulog na
(Five Seconds Only ni Hannah Lyn Creencia), ang masamang trato sa mga batang may
suliranin sa pag-iisip (Crooked ni Mary Gigi Constantino at Maki’s Colorful World ni Margaret
P. Yarcia), at ang paniniwalang “cute” ang mga batang matataba (Story of Superboy ni
Benjamin Mangubat). Nalathala ang mga aklat noong 2010 at ibinibigay ang mga libreng
kopya nito sa mga piling paaralan at komunidad.
Pagbabago ng Pananaw sa Sekswalidad at Kasarian
Ngayong taon din nakatakda ang publikasyon ng Mga Ikaklit sa Aming
Hardin (Publikasyong Twamkittens, 2012), kuwento ni Bernadette Neri at guhit ni CJ de
Silva, unang gantimpala sa 2006 Palanca Award para sa kuwentong pambata. Magsisilbing
panandang-bato ang aklat na ito dahil sa matapang at positibong pagtalakay ang naiibang
anyo ng pamilya, ang pagkakaroon ng lesbian na magulang ng isang bata. Napapanahon
ang ganitong mga kuwento na naglalayong hamunin ang nakamihasnang pananaw sa mga
homosekswal at itampok sila hindi lamang sa sekswal na identidad kundi sa kakayahan na
makabuo ng pamilya at makahubog ng isang mabuting indibidwal.
Kaugnay din nito ang Barako, Baraking (Southern Voices Printing Press, 2011),
kuwento ni Cindy L. Dizon-Gealogo at guhit ni Archie Geotina. Tinalalakay ng aklat ang
tungkulin ng isang ama habang nangibang-bansa ang ina upang magtrabaho. Sinikap
ipakilala sa mga batang mambabasa ang bagong kalakaran sa mga gampaning
pangkasarian na ang ina ang naghahanapbuhay at ang ama naman ang nagiging
tagapamahala ng tahanan. Sa simula ng kuwento, inilarawan ang mga tipikal na gawain ng
mga barakong lalaki sa isang komunidad—mga hindi maasahan sa gawaing-bahay at
nakatambay sa labas upang magsugal, makipaghuntahan, at uminom. Binago ng kuwento
ang kahulugan ng pagkalalaki na hindi kailangang sumunod sa mga panlipunang atas upang
masabing sila’y isang barako.
Patuloy pa rin ang paglalathala ng Adarna House ng mga board book para sa mga
batang may edad 0-2. Maliit ang mga aklat na ito at may makapal at matigas na pahina,
akma sa maliiit at mapantuklas na kamay ng mga bata. Tinatalakay nito ang mga konsepto
ng kulay (Kulay!), bahagi ng katawan (Sampung Mga Daliri), pamilyar na bagay sa paligid
(Bahay Kubo), at alpabeto (Ang Una Kong Alpabeto). Sinisikap punan ng mga board book
na ito ang kakulangan ng bansa sa panitikan para sa mga sanggol at pre-school.
Dagdag pang ambag ng Adarna House ang kanilang produksiyon ng WiKAHON:
Pahagdang Pagtuturo sa Filipino (2011). Nilalayon nitong paunlarin ang kakayahan ng mga
mag-aaral sa kasanayan sa pagbasa, gramatika, at pag-unawa sa mga tekstong binasa.
Sang-ayon sa kanilang website, naglalaman ang WiKAHON ng 80 seleksiyon ng maiikling
kuwento at sanaysay at may lakip na pagsasanay sa talasalitaan at pag-unawa. May
kasama rin itong sanggunian ng mga tamang sagot at gabay sa pagtuturo para sa mga
guro. Mahalaga ang ganitong malikhaing pagtuturo ng wikang Filipino na nakabatay sa
mainam na uri ng panitikan at umaayon sa isinagawang pananaliksik ng University of the
Philippines-Adarna House Filipino Text Readability Indexing System. Dagdag pa sa website,
“sinusukat ang readability ng babasahin sa pamamagitan ng isang software na bumibilang
sa mga salita, pantig ng bawat salita, at mga pangungusap.”
Nangahas naman ang Anvil Publishing na maglathala ng mga aklat ng tulang
pambata, gayong batid nilang mahirap ibenta. Mga unang nagwagi ng kategorya ng tulang
pambata ng Palanca Award (unang gantimpala sa Ingles at Filipino noong 2009) ang aklat
na The Google Song and Other Rhymes of Our Times (2012) ni Edgardo Maranan at May
Tiyanak sa Loob ng Aking Bag (2012) ni Eugene Y. Evasco. May mga lakip na ilustrasyon
ang bawat tula sa aklat upang mabigyan ng mambabasa ng idea kung ano ang tampok na
imahen ng bawat tula. Sa aklat ni Maranan, naglakip siya ng anotasyon o maikling
paliwanag sa nilalaman sa bawat teksto. May malikhaing gawain para sa mga batang nais
sumulat at mga payo sa mga guro kung paano ituturo ng tula sa aklat ni Evasco.
Nangunguna din ang Anvil Publishing sa paglalathala ng travel books na pambata
(Top Ten Travels in Tokyo, Top Ten Travels in Kuala Lumpur, Top Ten Travels in New
Zealand, 2010 at Top Ten Pinoy Travels, 2011) sa panulat ni Scott Lee Chua. Nasa punto-
de-bista ng bata ang mga tampok na sampung gawain sa bansa at lugar sa bansa na
kanyang nalakbay. Naglathala rin ng Anvil ng mga antolohiya ng dulang pambata at dulang
pangtinedyer nina Rene Villanueva at Christine S. Bellen. Dagdag pa rito ang bagong-labas
na nobelang YA na Salingkit: A 1986 Diary (2012) ni Cyan Abad-Jugo.
Kapuri-puri rin ang pagkakalathala ng Ay Naku! kuwento ni Reni Roxas, guhit ni
Sergio Bumatay III (Tahanan, 2011) at The Rain is Here, kuwento ni Lina Diaz-de Rivera,
guhit ni Bernadette Solina-Wolf (Vibal, 2011) na maituturing na tunay na picture book
(imbes na illustrated storybook). Matimpi ang paraan ng pagkukuwento at gumagamit
lamang ng limitadong bilang ng mga salita. Kapansin-pansin ang tungkuling pang-naratibo
ng mga ilustrasyon na hindi lamang palamuti sa mga aklat.
Sa larangan ng pelikulang pambata, marapat banggitin ang pagsisikap ng Ambient
Media and Thaumatrope Animation sa produksiyon ng RPG Metanoia (2010) ni Luis G.
Suarez, ang unang matagumpay na full-length computer-animated feature sa bansa.
Nagtatampok ito ng pamilyar na karanasan, kultura ng bata, at mga imaheng Pilipino para
sa isang animation. Binigyan nito ng disenteng kuwento ng pantasya ang mga batang
manonood, hindi iyong paulit-ulit at pormuladong pantasya na masusumpungan sa mga
fanteserye sa telebisyon. Sa darating na Disyembre 2012, mapapanood ng mga bata at
pamilya Pilipino ang bagong retelling at rendisyon ng Mga Kuwento ng Lola Basyang (Unitel
at ABC 5) na nagtatampok sa kuwento ni Severino Reyes na “Si Pedrong Walang Takot” at
“Mariang Alimango.”
Hamon sa Mambabasa
Walang duda, hindi nagkukulang sa inisyatiba ng mga manunulat, ilustrador, at
tagapaglimbag tungo sa ikauunlad ng panitikang pambata sa Pilipinas. Karamihan sa mga
produksiyon ay maituturing na sugal, kapangahasan, at pakikiisa sa pagpapayabong ng
anyo at nilalaman ng mga aklat pambata. Hindi maituturing na trabahong mapagkakakitaan
ang paglikha ng mga aklat pambata, sa pananaw ng mga manunulat, tagasalin, editor, at
ilustrador. Ngunit naglaan sila ng maraming oras sa training at pag-aaral upang matamo
ang mataas na antas ng sining at propesyonalismo. Binubuhay ng mga pangunahing
palimbagan gaya ng Vibal, Anvil, Lampara, Tahanan, at Adarna ang anyo ng panitikang
pambata sa pagsusulong ng mga bagong anyo, gayong may mga puna’t batikos sa
kalakhan ng kanilang komersiyal na mga produkto. Anu’t anuman, napapanatili nilang
maunlad ang produksiyon ng panitikang pambata sa hindi laging sumasandig sa mga de-
kahon, pormula, at gasgas na mga paksain.
May mga inisyatiba rin mula sa mga indibidwal, mga organisasyon, at mga
masigasig na tinig mula sa rehiyon upang punan ang mga nakaliligtaan ng mga komersiyal
na tagapaglathala.