Language Thought and Reality Selected Writings of Whorf

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 20

Saliksik E-Journal

Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

Artikulo

MARINA DIZON:
MUTYA NG KATIPUNAN*
Atoy M. Navarro
Chulabhorn International College of Medicine
Thammasat University - Rangsit, Thailand

Patricza Andrhea Torio Braganza


National College of Public Administration and Governance
Unibersidad ng Pilipinas - Diliman, Quezon City

Abstrak

Papaksain sa artikulong ito ang buhay at kontribusyon sa bayan ng bayaning si Marina


Dizon, tinaguriang “Mutya ng Katipunan.” Ngunit taliwas sa karaniwan at
kontemporanyong pakahulugan sa “mutya” na iniuugnay lamang sa “pinakatatangi o
tampok na kagandahan” at sa pagiging “musa,” pahahalagahan sa pananalambuhay na ito
hindi lamang ang kagandahang panlabas o kagandahang pisikal ni Marina kundi ang
kanyang kalakasan at katatagang panloob na ipinamalas niya sa kanyang mga ginampanang
papel sa Kataastaasan, Kagalanggalang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK o
Katipunan). Sa ganang ito, masasabing kinatawan ni Marina ang sinaunang pakahulugan sa
“mutya” bilang maganda at matatag na anting-anting, hiyas, mahalagang bato o perlas.
Tatalakayin sa sanaysay na ito ang buhay at kontribusyon sa bayan ni Marina sa
pamamagitan ng tatlong bahagi: Kabataan Bago ang Katipunan (1875-1893), Ginampanang
Papel sa Katipunan (1893-1899), at Ginampanang Papel sa Paggunita sa Katipunan (1899-
1950).

INTRODUKSYON

Ang kuwento nina “Malakas at Maganda” ng mga Tagalog ang pinakapopular na mito
tungkol sa pinagmulan ng tao sa Pilipinas (Salazar 2004). Diumano mas malay sa

155 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

kasarian ito kumpara sa kuwento nina “Adan at Eba” sa Bibliya na nagsasabing mula
lamang ang unang babae sa tadyang ng unang lalaki. Sa kuwento nina “Malakas at
Maganda,” magkasabay na lumabas sa “nabiyak” na kawayan ang unang lalake at unang
babae kung kaya nga’t sinasabing isa ang kuwentong ito sa maaaring pinag-ugatan ng
dalumat ng “kabiyak” (asawa) sa kalinangan at kasaysayang Pilipino (Guillermo et al.
1998). Bagama’t maaari ngang mas malay sa kasarian ang kuwento nina “Malakas at
Maganda” kumpara sa kuwento nina “Adan at Eba,” problematiko pa rin ito dahil tila
sinasabi nitong pamantayan at sukatan ng pagiging lalaki ang pagiging malakas at ng
pagiging babae ang pagiging maganda. Walang ganitong problema sa naunang kuwento
nina “Sicalac at Sicavay” ng mga Bisaya/Hiligaynon na tumukoy lamang sa pagiging
unang lalaki at unang babae at hindi sa mga katangiang pagiging malakas at pagiging
maganda. Sa kabila nito, dahil nga pinakapopular, nagpatuloy ang isteryotipo ng lalake at
babae na mahihinuha sa kuwento nina “Malakas at Maganda” (Costelo 2010).

Para sa mga babae, naging pamatayan at sukatan na nga ng pagiging babae ang
kagandahan—partikular, kagandahang panlabas o kagandahang pisikal. Ito ang
matutunghayan sa naglipanang beau-con (beauty contest) sa Pilipinas—mula sa antas ng
barangay hanggang sa lebel na nasyonal. Bagama’t malaki na ang pinagbago ng
perspektibo hinggil sa pagkababae sa mga beau-con (Capili 2003) na gaya ng Binibining
Pilipinas (1964-Kasalukuyan) at Mutya ng Pilipinas (1965-Kasalukuyan), nanatili pa ring
pangunahing pamantayan at sukatan ng mga paligsahang ito ang kagandahan. Sa kaso ng
Mutya ng Pilipinas, itinatampok ang dalumat ng mutya. Itinutumbas ang mutya sa
“pinakatatangi o tampok na kagandahan” at pagiging “musa” (Almario 2010).

Pero hindi lamang sa kagandahan at pagiging musa tumutukoy ang mutya. Maiuugnay
rin ito sa anting-anting, hiyas, mahalagang bato o perlas (Almario 2010; Odal-Devora
2012), na maaaring tingnan bilang katangiang kapwa malakas at maganda.

Sa ganang ito rin, mailalarawan ang bayaning si Marina Dizon. Nakilala bilang “Mutya ng
Katipunan” (Manansala 1939; TT 1939) at “Lady of Katipunan” (TMT 1950), itinampok ang
kanyang angking kagandahan bilang katambal ng kanyang kabayanihan sa harap ng
himagsikan. Ngunit hindi lamang sa kagandahang panlabas nakilala si Marina kundi sa
kalakasan at katatagang panloob din na ipinamalas niya sa kanyang mga ginampanang
papel sa Kataastaasan, Kagalanggalang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK o
Katipunan).

Sa kabila ng mga pagkilala kay Marina bilang bayani, wala pa talagang komprehensibong
kasaysayang buhay (Navarro 1999-2002; Reguindin at Elumbre 2008; Elumbre 2014; Javar
2016) ukol sa kanya. Marahil dahilan ito sa kakulangan ng datos tungkol sa kanyang
buhay. Maliban kasi sa ilang banggit at maiikling talambuhay (Acosta 1965; Varias-De
Guzman 1967; NHI 1989; Churchill 1995; Quindoza-Santiago 1997; Camacho 2000), wala

156 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

pa talagang malawakang pagtalakay sa kanyang buhay. Para sa artikulong ito, tatangkain


nating pagsama-samahin ang sabug-sabog na tala tungkol sa kanya upang makabuo ng
mas mahabang pananalambuhay kay Marina bilang panimulang ambag sa pagbubuo ng
mas komprehensibong kasaysayang buhay ukol sa kanya. Sumasayapak ito sa layuning
muling balikan at muling isalaysay sa pananaw at pamamaraan ng kasaysayang buhay at
kasaysayang pangkababaihan sa wikang Filipino ang mga babaeng bayani ng Katipunan
at himagsikan na tulad nina Gregoria “Oriang” de Jesus (Jose at Navarro 2014) at
Espiridiona “Nonay” Bonifacio (Navarro at Elumbre 2014).

Hinahati ang pananalambuhay na ito sa tatlong bahaging nagtatampok sa tatlong


pangunahing yugto sa buhay ni Marina na umiikot sa Katipunan. Sa unang bahagi,
babalikan natin ang Kabataan Bago ang Katipunan (1875-1893); sa ikalawang bahagi
naman, papaksain natin ang Ginampanang Papel sa Katipunan (1893-1899); at sa ikatlong
bahagi, tatalakayin natin ang Ginampanang Papel sa Paggunita sa Katipunan (1899-1950).

KABATAAN BAGO ANG KATIPUNAN (1875-1893)

Kaugnay na problema ng kakulangan ng datos ukol sa buhay ni Marina ang madalas na


pag-uunay na lamang ng kabataan ng ating babaeng bayani sa kuwento ng higit na
kilalang mga lalaking bayani sa kanyang buhay na kinabibilangan ng kanyang amang si
Jose Dizon, Katipunero at pinakatanyag na napabilang sa Trece Martires de Bagumbayan,
at kinakapatid/pinsang buong si Emilio Jacinto, Utak ng Katipunan at Himagsikan.
Mahirap iwasan ang pag-uugnay na ito ngunit maaari namang maigpawan ito sa
pamamagitan ng pagbibigay-tuon sa mismong kaligiran at mga nakahiligan ni Marina
noong kanyang kabataan.

Dumadaloy sa dugo ang pagkabayani, ipinanganak si Marina kina Jose at Roberta


Bartolome sa Trozo, Maynila noong Hulyo 18, 1875 (Acosta 1965; Varias-De Guzman 1967;
NHI 1989; Churchill 1995; Quindoza-Santiago 1997; Camacho 2000). Isang
manggagawang tubong Binondo, Maynila si Jose. Halos walong buwang gulang pa
lamang si Marina nang binawian na ng buhay ang kanyang inang si Roberta kung kaya’t si
Josefa Dizon, kapatid ng kanyang ama at ina ni Emilio, ang nagpasuso at nagpalaki sa
kanya (Santos 1935; TMT 1950). Pinagkatiwala si Marina sa cigarrera (manggagawa sa
pabrika o pagawaan ng sigarilyo) at manghihilot na si Josefa (Medina 1992) habang
nagtatrabaho noon si Jose bilang grabador (mang-uukit) sa Casa de la Moneda sa Maynila
(NHI 1994a). Dahil dito, naging magkapatid na ang turingan ng magpinsang buong sina
Marina at Emilio, anak nina Josefa at Mariano Jacinto. Lumaki siyang kasama ang mas
bata lamang ng limang buwang si Emilio. Sa murang edad pa lamang, kasa-kasama na ni
Marina ang mga kaanak na ituturing nang lumaon na mga bayani ng bayan.

157 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

Sa mga makabayang lugar ng Calle Magdalena at Calle San Jose (Guillermo Masangkay
Street, Sta. Cruz, Maynila sa kasalukuyan) ng Trozo (tingnan ang Mapa 1), masasabing
lumaki’t nagkaisip si Marina. Noong panahong ito, karatig-pook ng Trozo ang mga
distrito ng Binondo, Sta. Cruz, at Tondo (na sumaklaw rin sa Trozo sa iba’t ibang
panahon) (Kimuell-Gabriel 2014; Kimuell-Gabriel 2017). Sa partikular, nabanggit ang
Binondo sa iba’t ibang yugto ng buhay ni Marina. Naging sentro ng kapaniwalaan at
relihiyong Katoliko-Kristyano ang Binondo. Isang parokya itong katatagpuan ng
Simbahan at Kumbento ng Binondo (tingnan ang Larawan 1). Gayundin, naging sentro
ito ng kalakalan at komersyo (tingnan ang Larawan 2). May malaking bilang ng mga
mangangalakal na Tsino at mestisong Tsino sa Binondo (na katatagpuan ng sinasabing
pinakamatandang Chinatown sa mundo). Dahilan sa sentro rin ito ng paggawa,
masasabing may sumisibol nang uring manggagawa sa Binondo nang panahong ito.

MAPA 1
Trozo at Karatig-Pook na Binondo, Sta. Cruz, at Tondo

Bahagi ng mapang Plano de Manila y sus Arrabales nina Francisco de Gamoneda at Ramon Montes (UTL
1898).

158 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

LARAWAN 1
Simbahan at Kumbento ng Binondo

Larawang kuha ng Underwood & Underwood (US


LOC 1899).

LARAWAN 2
Binondo Bilang Sentro ng Kalakalan at Komersyo

Larawang kuha ng H.C. White Co. (US LOC 1901).

159 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

Ang tiyahing si Josefa ang nagsilbing unang guro ni Marina (TMT 1950). Nakamit niya
ang kanyang maagang edukasyon mula sa pribadong paaralan ni Maestro Timoteo Reyes
(Varias-De Guzman 1967; NHI 1989; Churchill 1995; Quindoza-Santiago 1997). Kalaunan,
nag-aral siya sa isang pampublikong paaralan kung saan naging guro niya sina Aniceta
Cabrera at Guadalupe Reyes (Quindoza-Santiago 1997). Sa naturang paaralan unang
nakilala ni Marina ang mapapangasawa sa hinaharap na si Jose Turiano Santiago (Varias-
De Guzman 1967). Sinasabing Geograpiyang Natural at Kasaysayan ang mga paboritong
asignatura ni Marina (Quindoza-Santiago 1997).

Bukod sa akademikong pag-aaral, hinikayat din si Marina ng kanyang amang mag-aral ng


pag-awit, pagpipinta, at pagmomodelo (Varias-De Guzman 1967; NHI 1989; Churchill
1995; Quindoza-Santiago 1997; Camacho 2000). Naging mahusay siya sa pagbigkas at
pagkanta. Inilarawan siya ni Oriang bilang maganda at mahusay na mang-aawit (Zaide
1932; Zaide 1939). Naging gitarista at violinista rin si Marina ng bandang Trozo Comparsa.
Patunay ang mga ito sa kanyang pagiging alagad ng sining na nagpursige ng kanyang
interes sa kabila ng kakulangan ng oportunidad para sa kababaihan sa panahong ito.

Pinangarap ni Marina na maging guro upang makapagbahagi ng kaalaman at karunungan


sa kapwa ngunit hindi ito sinang-ayunan ng kanyang ama (Varias-De Guzman 1967; NHI
1989; Churchill 1995; Quindoza-Santiago 1997). Ngunit sa halip na panghinaan ng loob,
itinuon niya ang kanyang pansin sa iba pang paraan ng pagtulong sa kapwa sa
pamamagitan ng paglilingkod sa bayan.

Noong lalabintaunin o tinedyer na si Marina, nalantad siya sa mga paniniwala at praktis


ng masoneriya dahilan na rin sa kanyang ama (De los Reyes 1899; Kalaw 1956; NHI 1994a).
Naging aktibong kasapi si Jose ng Logia de Nilad, ang Madre Logia, simula Abril 1892. Sa
panahong ito, napabilang na rin siya sa mga nagtatag ng La Liga Filipina at Katipunan.
Kalaunan, nagtatag din si Jose ng sariling logia, ang Logia de Taliba sa Trozo. Halos
kasabay nito, itinatag ni Faustino Villarruel alyas Mongomerry ang Logia de Patria (nang
lumaon, tinawag na Logia de Walana) sa Binondo (Kalaw 1956; Medina 1990; NHI 1994a).
Nang nireorganisa ang pangkalahatang pamunuan ng masoneriya sa Pilipinas sa
pangunguna ng Logia de Walana noong Abril 1893, nahalal si Jose bilang Cuarto
Vicepresidente. Mahalaga ang Logia de Walana dahilan sa nagtatag ito ng sangay ng
kababaihan na tinawag na Logia de Adopcion o La Semilla sa pamumuno ni Rosario
Villarruel alyas Minerva na sinasabing kinabilangan din ni Marina alyas Hamóg (Kalaw
1956; Agoncillo 1956; Medina 1990; Medina 1993; Medina 1994; Churchill 1995; Quindoza-
Santiago 1997; Richardson 2013). Sa La Semilla, ganap na kinakitaan si Marina ng
pagtulong sa kapwa bilang kapatid at paglilingkod sa Inang Bayan. Ngunit hindi sa Logia
de Adopcion higit na nakilala si Marina bilang bayani ng bayan kundi sa Katipunan bilang
isa sa mga kauna-unahang babaeng kasapi ng kilusan.

160 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

GINAMPANANG PAPEL SA KATIPUNAN (1893-1899)

Isang problema sa pagpapahalaga sa mga ginampanang papel ng kababaihan sa


Katipunan at himagsikan ang madalas paghihirarkiya sa mga anyo ng kabayanihan na
kakabit ng pagkabayani ng kalalakihan. Tinatasa ang kabayanihan ng mga babaeng
bayani batay sa pangunahing pamantayan ng mga lalaking bayani na tumutukoy sa
paglahok sa sandatahang labanan (Jose at Navarro 2014). Bagama’t mahalaga ang
paglahok sa sandatahang labanan, mainam na pahalagahan din ang iba pang anyo ng
kabayanihan na naging makabuluhan at makatuturan sa kasaysayan ng Katipunan at
himagsikan. Matutunghayan ito sa mga ginampanang papel ni Marina, ang itinuring na
kauna-unahan (De los Reyes 1899; Medina 1991; Medina 1992; Medina 1993; Medina 1994),
ngunit mas angkop na ituring na isa sa kauna-unahan (Artigas y Cuerva 1911; Artigas y
Cuerva 1917-1918; Zaide 1932; Santos 1935; Zaide 1939; Varias-De Guzman 1967; Camacho
2000) na babaeng kasapi ng Katipunan.

Sa edad na 18 taong gulang, sumapi si Marina sa Katipunan noong Hulyo 1893 matapos
irekluta ng kanyang pinsang buong si Emilio (Zaide 1932; Zaide 1939; Zaide 1954; Acosta
1965; Varias-De Guzman 1967; NHI 1989; Medina 1992; Medina 1993; Medina 1994;
Churchill 1995; Paular at De Viana 1995; Quindoza-Santiago 1997; Camacho 2000). Dinala
siya sa tahanan ni Restituto Javier, kapatid sa ina ni Jose Turiano (kung kaya’t magiging
bayaw ni Marina nang lumaon), sa Calle Oroquieta, Sta. Cruz, Maynila para sa inisasyon.
Pinangunahan mismo ni Andres Bonifacio, Supremo ng Katipunan at Ama ng Himagsikan,
ang seremonya ng pagsapi. At nang gabi ring iyon, kasama ang iba pang kababaihan,
naging bagong kasapi na nga ng Katipunan si Marina. Ayon sa kanya:

Noong 1893, buwan ng Julio, ako’y dinala ng aking kapatid na si Emilio


Jacinto dahil sa aming usapan na ako’y iaanib niya sa K.K.K. Doon kami
nagkita-kita sa kalye Oroquieta, sa bahay ng aking naging bayaw, ng
kapatid ni Dr. Jose Rizal na si Doña Josefa Rizal at mga pamangkin na sina
Angelica Lopez at Delfina Herbosa. Kami’y bininyagan ng Supremong si
Ginoong Andres Bonifacio, gayon din ang kanyang maybahay na si Gregoria
de Jesus at ang aking naging bilas na si Benita Rodriguez at maraming mga
kapatid sa Katipunan (Dizon 1948 sa Medina 1993).

Sa gunita ni Oriang, sinasabing sa pagpupulong na ito rin naganap ang pag-iisang-dibdib


nila ni Andres na sinaksihan nga ni Marina bagama’t pinalagay na naganap ito noong
Marso 1893 (De Jesus 1928; Agoncillo 1956; Medina 1994; Jose at Navarro 2014). Sa araw na
ito rin binuo ang sangay ng kababaihan ng Katipunan.

May ilang naunang pagpapalagay na si Marina ang naging Pangulo ng sangay ng


kababaihan ng Katipunan (De los Reyes 1899; St. Clair 1902; Zaide 1932; Zaide 1939;

161 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

Tenepe 1948; Zaide 1954; Varias-De Guzman 1967; Camacho 2000; Richardson 2013),
ngunit lumilitaw na mas tumpak na naging Kalihim siya ng sangay na ito (Zaide 1932;
TMT 1950; Agoncillo 1956; Varias-De Guzman 1967; Medina 1991; Medina 1993; Medina
1994; Churchill 1995; Paular at De Viana 1995; Quindoza-Santiago 1997; Richardson 2013)
batay na rin sa kanyang naging pahayag:

Sa aming mga unang pulong, kasama ang mga lalaki, ay aming ginawa ang
halalan ng mga patnugot ng mga babae at naihalal ang mga sumusunod:

Presidente: Dña. Josefa Rizal


Vice-Presidente: Dña. Gregoria de Jesus
Fiscal: Angelica Lopez
Secretaria: Marina Dizon (Dizon 1948 sa Medina 1993).

Sa mga pagpupulong, sinasabing nakasuot sila ng maskarang berde, bandanang puti na


may panggilid na berde at may sukbit na rebolber o balaraw (De los Reyes 1899; Zaide
1932; Zaide 1939; Varias-De Guzman 1967; Medina 1993). Sinasabing hindi nila kailangang
magsandugo na tulad ng mga lalaking kasapi ng Katipunan. Pinag-uusapan nila ang
pagtutulungan bilang magkakapatid at pagmamahal sa Inang Bayan (St. Clair 1902;
Medina 1993; Churchill 1995). Nagsisilbi rin silang tagabantay sa labas ng silid tuwing
may mga pagpupulong ang kalalakihan (De los Reyes 1899; St. Clair 1902; Zaide 1932;
Zaide 1939; Zaide 1954; Agoncillo 1956; Varias-De Guzman 1967; Medina 1993; Churchill
1995; Quindoza-Santiago 1997). May mga pagkakataong ginamit nila ang kanilang
kagandahan para linlangin ang mga guwardiya sibil. Kinailangan nilang libangin ang mga
guwardiya sibil sa pamamagitan ng pagkanta at pagsayaw upang maitago at mapagtakpan
ang mga pagpupulong ng kalalakihan. Salaysay pa ni Marina:

Sa aming mga pulong na ginanap, ang mga usapan ay ukol sa


pagtutulungang magkakapatid at ang pagmamahal sa ating bayang
tinubuan. Kaming mga babae ay tumutulong din naman sa mga lalaki kung
sila’y nagpupulong, at kung tapos na ang kanilang pagpupulong dahil sa ang
mga guardia civil veterana ay nasa mga kanto ng mga eskina, upang hindi
mapansin dahil sa tinatawag na sociedad secreta, kunwa kami’y
humahambalang sa gitna ng bahay samantalang sila’y nagsisipagsirko at isa-
isa sa kanila ay lumalabas ng pintuan ng kuwarto (Dizon 1948 sa Medina
1993).

Tuwirang pinabulaanan ni Marina (Agoncillo 1956) ang mga naunang pagpapalagay na


binuo ang sangay ng kababaihan ng Katipunan para payapain ang pagsususpetsa ng mga
asawa sa ginagawang pagpupulong ng mga lalaking kasapi ng kilusan (De los Reyes 1899;
Zaide 1932; Zaide 1939; Varias-De Guzman 1967; Camacho 2000). Iginiit ni Marina na

162 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

itinatag ang sangay ng kababaihan ng Katipunan bilang bahagi ng pagpapalawak ng mga


gawain ng kilusan bukod pa sa pagpoprotekta sa mga pagpupulong ng kalalakihan
(Agoncillo 1956).

Sinasabing si Marina ang nanguna sa pagrekluta kay Simeona Remigio sa Katipunan


(Zaide 1932). Kabilang sa iba pang mahahalagang tungkulin ni Marina sa sangay ng
kababaihan ng Katipunan ang pamumuno sa inisasyon, pangunguna sa mga proyekto,
pagtatago ng kasulatan, pangangalap ng pondo, at pagtuturo hinggil sa mga pangaral ng
samahan (Varias-De Guzman 1967; NHI 1989; Paular at De Viana 1995; Quindoza-
Santiago 1997; Camacho 2000). Bukod sa pagiging opisyal, itinuring din siya bilang
“kaluluwa ng sangay ng kababaihan ng Katipunan” (Zaide 1932) (amin ang malayang
salin). Sinasabing payo niya sa mga babaeng kasapi na “maging masayahin, huwag
magpakita ng takot sa napipintong paghihimagsik, maging handang maulila o mabalo, at
maging matapang” (Agoncillo 1956; Varias-De Guzman 1967; NHI 1989; Paular at De
Viana 1995; Quindoza-Santiago 1997) (amin ang malayang salin). Para kay Marina,
malinaw na napakahalaga ang kalakasan at katatagang panloob para sa kababaihan ng
Katipunan.

Sa pagtataya ni Marina, may 20 babaeng kasapi ang Katipunan (Zaide 1932; Zaide 1939).
Ngunit may mga nagsabi ring umabot ang bilang ng mga babaeng kasapi ng Katipunan ng
25 (De los Reyes 1899) o 29 (Artigas y Cuerva 1911; Artigas y Cuerva 1917-1918; Santos 1935;
Tenepe 1948; Zaide 1954; Medina 1993). May pagtataya rin si Oriang na umabot ito ng 50
(Zaide 1932; Zaide 1939).

Sinasabing nabuwag ang sangay ng kababaihan ng Katipunan bilang samahan nang mag-
asawa na si Marina sa kababata at kapwa kasapi ng Katipunan na si Jose Turiano alyas
Tiktik noong Setyembre 16, 1894 (St. Clair 1902; Medina 1993). Sa kabila nito, nagpatuloy
pa rin ang pagsapi ng kababaihan sa Katipunan at nagpatuloy pa rin sila sa pagpapamalas
ng iba’t ibang anyo ng kabayanihan (Medina 1993; Richardson 2013).

Nag-isang-dibdib sina Marina at Jose Turiano sa Simbahan ng Binondo (Varias-De


Guzman 1967; NHI 1994b). Ninong at ninang sa kasal sina Ramon Basa at Narcisa Rizal,
na pawang mga kasapi ng Katipunan. Sinasabing kulminasyon ang kasal ng mahabang
panahong pagkakakilala at gayundin, pagtutulungan nila sa mga gawain sa Katipunan.
Habang naging Kalihim ng sangay ng kababaihan ng Katipunan ni Marina, naging
Kalihim naman ng Kataastaasang Sanggunian ng Katipunan si Jose Turiano (Richardson
2013). Naging tulay rin sa kanilang pag-iibigan ang naging bilas na si Benita, asawa ng
bayaw na si Restituto, na pawang mga kasapi rin ng Katipunan.

Bagama’t maaaring naging masaya ang mga unang taon ng pagsasama nina Marina at Jose
Turiano, masasabing naging napakasalimuot nito hindi lamang dahilan sa pangambang

163 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

mabunyag sa mga Español ang kanilang partisipasyon sa Katipunan (Varias-De Guzman


1967; Quindoza-Santiago 1997), kundi sa harap din ng pagkakatiwalag sa kilusan kay Jose
Turiano; pati na kina Restituto; Tomas Remigio, asawa ni Simeona; at ilang iba pa, noong
Disyembre 1, 1895 (Richardson 2013). May naunang pagpapalagay na itiniwalag sina Jose
Turiano at Restituto nang sinisi sila nang mapasakamay ng paring Español na si Evaristo
Arias ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST) ang isang liham na sinulat gamit ang
hudyatan o kowd ng Katipunan (NHI 1994b). Ngunit ayon mismo sa katitikan ng
pagpupulong ng Katipunan, itiniwalag si Jose Turiano sapagkat “hindi (siya) tumutupad
ng ano man sa hinahawakang katungkulan” (Richardson 2013). Kung kaya nga’t sa kabila
ng pagbibigay-alam ng Supremo sa Kataastaasang Sanggunian na “palaging sinasabi sa
kaniya ng k. Tiktik, na wari’y nagiibig magsikap” sa Katipunan, nagpasya pa rin ang
pamunuan na itiwalag siya dahilan sa “di (siya) nakikitaan ng gabahit mang gawa”
(Richardson 2013). Marahil nagdala ito ng kaunting tensyon sa relasyon nina Marina at
pinsang buong Emilio, na bahagi rin ng pamunuan noon at itinalagang pumalit kay Jose
Turiano bilang Kalihim ng Kataastaasang Sanggunian. Sa kabila nito, sinasabing hindi
naging hadlang ang pagkakatiwalag para sa pagbabalik sa Katipunan ng mga itiniwalag
nang sumiklab na ang himagsikan (Richardson 2013).

Sa pagkakatuklas sa Katipunan noong Agosto 19, 1896, nagpalipat-lipat ng bahay sina


Marina at Jose Turiano (Quindoza-Santiago 1997). Muntikan pang mahuli si Marina
kaya’t kinailangan niyang sunugin ang ilang mahahalagang dokumento ng Katipunan sa
kubeta ng isang estasyon ng tren (Varias-De Guzman 1967; Churchill 1995; Paular at De
Viana 1995; Quindoza-Santiago 1997). Matapos ang pagsiklab ng himagsikan, kasama sa
mga nahuli ang kanyang amang si Jose at asawang si Jose Turiano habang hindi naman
nahuli si Marina ngunit maigting na minanmanan ng mga awtoridad na Español (Varias-
De Guzman 1967; NHI 1994b; Quindoza-Santiago 1997). Upang mapayagang mabisita ang
asawa, sinuhulan ni Marina ang mga guwardiya sibil mula sa perang nalikom niya sa
pagbebenta ng ilan sa kanilang ari-arian (Varias-De Guzman 1967; NHI 1989; Churchill
1995; Paular at De Viana 1995). Taliwas sa ilang naunang pagpapalagay na pinatay ang
kanyang ama sa Cavite noong 1896 (NHI 1989; Paular at De Viana 1995), sa katunayan,
napabilang si Jose sa Trece Martires de Bagumbayan noong Enero 11, 1897 (Kalaw 1956;
Varias-De Guzman 1967; NHI 1994a; NHI 1994b; Churchill 1995). Noong Setyembre 11,
1897, pinalaya naman si Jose Turiano (Varias-De Guzman 1967; NHI 1989; NHI 1994b;
Quindoza-Santiago 1997). Sa harap ng mga pagsubok na ito, naging matatag at matibay
ang loob ni Marina.

Matapos mapalaya, nagtrabaho si Jose Turiano bilang accountant sa Maynila (Varias-De


Guzman 1967; NHI 1994b; Quindoza-Santiago 1997). Ngunit hindi nagtagal at muling
lumahok sa himagsikan ang mag-asawang Marina at Jose Turiano. Sa katunayan, naging
saksi sa Deklarasyon ng Independensya at representante ng Kongreso ng Malolos si Jose
Turiano (Guevara 1972; NHI 1994b). Sa pagdating ng mga Amerikano sa Pilipinas

164 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

matapos ang Labanan sa Look ng Maynila noong Mayo 1, 1898, lumipat sa Meycauayan,
Bulacan ang mag-asawa (Varias-De Guzman 1967; NHI 1994b). Binalak sana nilang
bumalik sa Maynila ngunit sumiklab na ang digmaang Pilipino-Amerikano noong Pebrero
4, 1899.

GINAMPANANG PAPEL SA PAGGUNITA SA KATIPUNAN (1899-1950)

Isa pang problema sa pagpapahalaga sa mga ginampanang papel ng kababaihan sa


kasaysayan ang katunayang bukod sa dinodominahan ng mga lalaking historyador ang
historiograpiyang Pilipino (Jose at Navarro 2014; Navarro at Elumbre 2014), madalas na
mula rin sa mga lalakeng saksi ang malimit na gamiting sanggunian sa kasaysayan. Sa
ganang ito kung kaya’t napakahalagang maitampok ang mga paggunita ng mga babaeng
saksi sa kasaysayan.

Matapos ang pagsiklab ng digmaang Pilipino-Amerikano, nakasama sina Marina at Jose


Turiano sa umaatras noong sandatahang Pilipino na nagdala sa kanila sa Tarlac, Tarlac
(Varias-De Guzman 1967; NHI 1989; NHI 1994b). Marahil sa panahong ito rin nakaugnay
ni Marina si Isabelo de los Reyes (1899) na binahaginan niya ng salaysay tungkol sa
Katipunan. Sa pagsangguni ni Isabelo kay Marina, nabigyang-tinig kahit paano ang
kababaihan sa kasaysayan.

Nang napasailalim na ng kontrol ng mga Amerikano ang Maynila, pinayagan nang


makabalik sa kani-kanilang tahanan ang mga nagsilikas (Varias-De Guzman 1967; NHI
1989; NHI 1994b). Muli, ipinamalas ni Marina ang kalakasan at katatagang panloob nang
nauna siyang naglakbay puntang Maynila (naglakad siya mula Tarlac hanggang Bamban)
upang tiyaking ligtas na ngang bumalik sa kanilang tahanan. Iniwan muna kay Marcelino
de los Santos, sumunod na lamang na bumalik sa Maynila ang asawang si Jose Turiano
(Varias-De Guzman 1967; NHI 1989; NHI 1994b).

Sa Maynila, muling nagtrabaho si Jose Turiano bilang accountant (Varias-De Guzman


1967; NHI 1989; NHI 1994b; Churchill 1995; Quindoza-Santiago 1997). Sa kasamaang
palad, habang nagtatrabaho bilang accountant, nabunyag na revolucionario si Jose
Turiano kung kaya’t upang matakasan ang posibleng pagkahuli, pinili na lamang niyang
tumakas at pamunta sa Hong Kong habang nanatili sa Maynila si Marina (Varias-De
Guzman 1967; NHI 1989; NHI 1994b; Churchill 1995; Paular at De Viana 1995). Hindi
nagtagal at nakauwi rin si Jose Turiano at muli silang nagkasama ni Marina.

Habang nagtrabaho si Jose Turiano bilang cashier, assistant manager, at general manager
sa Abreu, Newburry, and Reyes Office noong 1902-1904; accountant at secretary sa Globe
Drug Store noong 1917-1924 (1924 rin kung kailan siya nagtapos ng Certificate in Public

165 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

Accountancy); at municipal board member ng Maynila noong 1922-1925 (Cornejo 1939;


NHI 1994b), si Marina naman ang pangunahing nag-aaruga sa kanilang lumalaking
pamilya. Biniyayaan sila ng walong anak—sina Jose Cirilo, Restituto, Resurreccion, Jose
Vicente, Pilar, Luz, Isabel, at Jesus (Cornejo 1939; NHI 1994b; FS 2017a; FS 2017b; FS 2017c;
FS 2017d).

Bagama’t abala sa pamilya at trabaho, hindi ibig sabihin nito, nakaligtaan na nina Marina
at Jose Turiano ang kanilang pinanggalingang Katipunan. Lumahok sila sa mga gawaing
laan sa paggunita sa Katipunan. Sa partikular, naging bahagi si Jose Turiano ng isang
komiteng binuo ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas upang tiyakin ang awtentisidad o
katunayan ng ilang diumano dokumento ng Katipunan (NHI 1994b). Sa kaso ni Marina
(tingnan ang Larawan 3), isa sa kanyang mga ginampanang papel sa paggunita sa
Katipunan ang pagiging sanggunian ng mga nangungunang historyador noon na tulad
nina Gregorio Zaide (1932, 1939, 1954) at Teodoro Agoncillo (1956). Itong huli, ang
pinagkalooban niya ng kanyang Mga Tala ng Aking Buhay (Dizon 1948) na ginamit din ng
mga historyador na sina Isagani Medina (1993, 1994) at Bernardita Churchill (1995).
Dahilan dito, naging instrumento si Marina para mabigyang-tinig ang kababaihan sa
kasaysayan.

Naging pangunahing inspirasyon at sanggunian din si Marina ng isa sa mga


pinakanatatanging pelikula tungkol sa Katipunan—ang Mutya ng Katipunan. Ipinalabas
ang pelikulang Mutya ng Katipunan ng Liwayway Pictures sa direksyon ni Julian
Manansala (Jose 1994) noong Enero 1, 1939 (Manansala 1939; TT 1939; Santillan 1998;
Flores 1998). Bagama’t tampok sa pelikulang ito ang iba’t ibang pangunahing pigura ng
himagsikan, uminog talaga ito sa buhay ni Marina. Ginampanan ang papel na Marina ni
Arsenia Francisco (Villanueva 1994), isang nangungunang artistang kilala sa kanyang
kahinhinan ngunit nagpamalas ng kagitingan sa pelikulang ito (Flores 1998) at sa proseso,
nakapagbigay ng bagong pagtingin sa kababaihan (Santillan 1998). Sa isang
adbertisment/artikulo, ganito inilarawan si Arsenia na gumanap na Marina:

Playing the title role, Arsenia Francisco… gives… one of the most convincing
portrayals ever dished out in the history of local moving pictures. As the
spirited, highly patriotic Marina Dizon of Katipunan fame, Miss Francisco
displays an artistic talent of the versatile kind. At one time, a tenderly loving,
kindhearted college girl who nurtures a deep affection for an unknown
benefactor—at another, a blood-thirsty soldier who is only too willing to
purchase her country’s freedom with blood, she easily comes out as an
outstanding revelation in this historical picture (TT 1939).

166 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

LARAWAN 3
Marina Dizon

Larawang mula sa National Historical Commission of


the Philippines (NHCP) (MM 2014).

Lumahok din si Marina sa iba pang paggunita sa Katipunan. Sa pagdiriwang sa


kapanganakan ng Supremo noong Nobyembre 30, 1941, bahagi siya ng panggunitang
programa (ST 1941). Si Marina ang nag-alay ng victory wreath habang si Esperanza
Limjap-Osmeña, maybahay ni Bise-Presidente Sergio Osmeña Sr., ang nagtaas ng bandila
ng Katipunan, at si Executive Secretary Jorge B. Vargas ang naging pangunahing
tagapagsalita.

Sa pagputok ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pumanaw si Jose Turiano at tuluyan


nang nabalo si Marina (Varias-De Guzman 1967; NHI 1989; NHI 1994b; Quindoza-
Santiago 1997).

Sa edad na 75 taong gulang, pumanaw naman si Marina habang naninirahan sa tahanan


ng kanyang anak na babaeng si Luz Dizon Santiago de Bleza sa Caloocan noong Oktubre
13, 1950 (TMT 1950). Taliwas ito sa mga naunang pagpapalagay na sumakabilang-buhay

167 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

siya noong Oktubre 15 (Churchill 1995) o Oktubre 25 (Acosta 1965; Varias-De Guzman
1967; NHI 1989; Quindoza-Santiago 1997) o Oktubre 30 (Camacho 2000), 1950. Inilibing
siya sa Cementerio del Norte (Manila North Cemetery) (TMT 1950).

KONKLUSYON

Sa proseso ng tangkang pagsama-samahin ang sabug-sabog na tala tungkol kay Marina,


bukod sa nakabuo tayo ng mas mahabang pananalambuhay ukol sa kanya na gumamit ng
ilang mahahalagang sangguniang hindi ginamit sa mga naunang maiikling talambuhay,
natiyak at naiwasto rin natin ang ilang naunang pagpapalagagay kaugnay ng kanyang
buhay at kontribusyon sa bayan. Halimbawa, natiyak nating isa siya sa kauna-unahang
babaeng kasapi ng Katipunan. Gayundin, natiyak nating naglingkod si Marina bilang
Kalihim (hindi Pangulo) ng sangay ng kababaihan ng Katipunan. Naiwasto rin natin ang
mga naunang pagpapalagay hinggil sa dahilan ng pagtatatag ng sangay ng kababaihan ng
Katipunan na iginiit ni Marina na bahagi ng pagpapalawak ng mga gawain ng kilusan
bukod pa sa pagpoprotekta sa mga pagpupulong ng kalalakihan. Natiyak din natin ang
pangalan ng mga anak ni Marina. At naiwasto rin natin ang petsa ng kamatayan niya.

Ngunit higit pa mga ito, nailarawan natin si Marina bilang Mutya ng Katipunan. Ngunit
taliwas sa karaniwan at kontemporanyong pakahulugan sa “mutya” na iniuugnay lamang
sa “pinakatatangi o tampok na kagandahan” at sa pagiging “musa,” pinahalagahan sa
pananalambuhay na ito ang pagiging kapwa malakas at maganda ni Marina na
masasabing kumatawan sa sinaunang pakahulugan sa “mutya” bilang maganda at matatag
na anting-anting, hiyas, mahalagang bato o perlas. Natunghayan natin ang pagiging
kapwa malakas at maganda ni Marina sa mga salaysay tungkol sa kanyang mga
ginampanang papel sa Katipunan. Inilarawan siya ni Oriang bilang maganda, ginamit ni
Marina ang kanyang kagandahan para linlangin ang mga guwardiya sibil, at naging
pangunahing inspirasyon pa nga siya sa pelikulang Mutya ng Katipunan. Ngunit higit pa
sa kagandahang panlabas, nakilala natin si Marina sa kanyang kalakasan at katatagang
panloob na ipinamalas niya bilang bayani ng bayan. Sa pagtatampok sa kanya bilang
kapwa malakas at maganda, masasabing sinasalungat ng pananalambuhay na ito ang
nagpapatuloy na isteryotipo ng babae sa kasalukuyang lipunang Pilipino. Harinawa’y
magsilbing inspirasyon ang buhay at kontribusyon sa bayan ng bayaning si Marina para sa
mga bayani—lalo na, babaeng bayani, ng ating panahon.

Talahuli
*
Nagpapasalamat ang mga may-akda kay Rieyen Clemente na nagsilbing katuwang na mag-aaral sa
pananaliksik na ito.

168 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

Sanggunian

Acosta, Carmencita. 1965. Marina Dizon (1875-1950). Nasa Eminent Filipinos, mga awt.
Hector Villarroel, Eulogio Leaño, Renato Gaustino, Antonino Mico, Jesus Guzon,
Carmencita Acosta, Sabatino Tani, Marcelo Lagmay, Renato Mendoza, A.B.
German, Arturo Leaño, Agustin Panti, at Lucino Rebamontan, 75. Quezon City:
Philippine Textbook Publishers.

Agoncillo, Teodoro. 1956. The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the
Katipunan. Quezon City: University of the Philippines Press.

Almario, Virgilio, pat. 2010. UP Diksiyonaryong Filipino; Binagong Edisyon. Quezon City:
University of the Philippines Sentro ng Wikang Filipino at Anvil Publishing, Inc.

Artigas y Cuerva, Manuel. 1911. Andres Bonifacio y el “Katipunan”: Reseña Historica Bio-
Bibliografica. Manila: Imp. de “La Vanguardia.”

Artigas y Cuerva, Manuel. 1917-1918. Galeria de Filipinos Ilustres; Tomo II. Manila: Imp.
Casa Editora “Renacimiento.”

Camacho, Leonarda Navato. 2000. Marina Dizon; Hulyo 18, 1875-Oktubre 30, 1950. Nasa
100 Taon: 100 Filipina sa Digmaan at sa Kapayapaan, awt. Leonarda Navato
Camacho, 5. Quezon City: SBA Printers.

Capili, Wendell, pat. 2003. Mabuhay to Beauty!: Profiles of Beauties and Essays on
Pageants. Quezon City: Milflores Publishing, Inc.

Churchill, Bernardita. 1995. Marina Dizon Y Bartolome, Wife of Jose Turiano Santiago.
Nasa Women in the Philippine Revolution, pat. Rafaelita Hilario Soriano, 33-35.
Quezon City: Printon Press.

Cornejo, Miguel. 1939. Cornejo’s Commonwealth Directory of the Philippines. Manila:


Miguel Cornejo.

Costelo, Ros. 2010. Paghahanap kay Malakas at Maganda: Ilang mga Usaping
Pangkasarian sa mga Kasalukuyang Teksbuk Pang-elementarya sa HEKASI. Nasa
Paghigugma-anay: Romansa at Pagniniig sa Kasaysayang Pilipino; Mga Papel ng
Ika-12 Pambansang Kumperensya ng ADHIKA ng Pilipinas, Inc., pat. Nilo Ocampo,
131-139. Quezon City at Manila: ADHIKA ng Pilipinas, Inc. at National Commission
for Culture and the Arts.

169 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

De Jesus, Gregoria. 1928. Mga Tala ng Aking Buhay at mga Ulat ng Katipunan. Manila:
Limbagang Fajardo, 1932.

De los Reyes, Isabelo. 1899. Memoria: Ang Madamdaming Alaala ni Isabelo de los Reyes
Hinggil sa Rebolusyong Filipino ng 1896-1897. Tsln. Teresita Alcantara y Antonio.
Quezon City: Teresita Alcantara y Antonio, 2001.

Dizon, Marina. 1948. Mga Tala ng Aking Buhay. Manuskrito, W.L., Enero 13.

Elumbre, Adonis. 2014. Kasaklawan ng mga Larangan sa Bagong Kasaysayan: Buhay,


Bayan, Kabanwahan. SALIKSIK E-Journal 3, blg. 1 (Agosto): 1-29.

Family Search (FS). 2017a. Jose Santiago. Websayt ng Family Search: The Church of Jesus
Christ of Latter-Day Saints, pinost noong Agosto 6, https://goo.gl/wxAZFy (nakuha
noong Oktubre 22, 2017).

Family Search (FS). 2017b. Luz Turiano Santiago. Websayt ng Family Search: The Church
of Jesus Christ of Latter-Day Saints, pinost noong Agosto 6, https://goo.gl/2Gh6ck
(nakuha noong Oktubre 22, 2017).

Family Search (FS). 2017c. Mabel Santiago. Websayt ng Family Search: The Church of
Jesus Christ of Latter-Day Saints, pinost noong Agosto 6, https://goo.gl/gEP3Vb
(nakuha noong Oktubre 22, 2017).

Family Search (FS). 2017d. Pilar Auriano Santiago. Websayt ng Family Search: The
Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints, pinost noong Agosto 5,
https://goo.gl/2pUCx1 (nakuha noong Oktubre 22, 2017).

Flores, Patrick. 1998. Ang Pinilakang Himagsikan. Nasa Wika, Panitikan, Sining, at
Himagsikan, mga pat. Atoy Navarro at Raymund Arthur Abejo, 183-196. Quezon
City: University of the Philippines Lipunang Pangkasaysayan.

Guevara, Sulpicio. 1972. The Laws of the First Philippine Republic (The Laws of Malolos)
1898-1899. Manila: National Historical Institute.

Guillemo, Bomen, Atoy Navarro, at Mary Jane Rodriguez. 1998. Pag-iibigan sa Katipunan:
Isang Paglingon sa Panitikan ng Himagsikan. Nasa Wika, Panitikan, Sining, at
Himagsikan, mga pat. Atoy Navarro at Raymund Arthur Abejo, 93-107. Quezon
City: University of the Philippines Lipunang Pangkasaysayan.

170 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

Javar, Roderick. 2016. Kasaysayang Buhay: Pananaw, Pamamaraan, Pananaliksik.


SALIKSIK E-Journal 5, blg. 2 (Nobyembre): 1-47.

Jose, Mary Dorothy at Atoy Navarro. 2014. Oriang: Lakambini ng Himagsikan. Historical
Bulletin 48, blg. 1: 48-68.

Jose, Nenuca. 1994. Manansala, Julian. Nasa CCP Encyclopedia of Philippine Art; Volume
VIII; Philippine Film, pat. Nicanor Tiongson, 275. Manila: Cultural Center of the
Philippines.

Kalaw, Teodoro. 1956. Philippine Masonry. Manila: McCullough Printing.

Kimuell-Gabriel, Nancy. 2014. Ang Tundo ni Bonifacio, si Bonifacio sa Tundo. SALIKSIK


E-Journal 3, blg. 2 (Nobyembre): 26-78.

Kimuell-Gabriel, Nancy. 2017. Panayam kay Nancy Kimuell-Gabriel ni Atoy Navarro.


Messenger ng Facebook, Oktubre 1.

Malacañang Museum (MM). 2014. Today in History. Facebook ng Malacañang Museum,


pinost noong Hulyo 18, https://goo.gl/iCgPha (nakuha noong Oktubre 22, 2017).

Manansala, Julian, direktor. 1939. Mutya ng Katipunan. Pelikula, Liberty Cinema


Corporation, Manila, Philippines.

Medina, Isagani. 1990. The First 100 Days of the Philippine Revolution in Manila, August
19 to December 31, 1896. Nasa May Tainga ang Lupa… Espionage in the Philippines
(1896-1902) and Other Essays, awt. Isagani Medina, 91-108. Manila: University of
Santo Tomas Publishing House, 2002.

Medina, Isagani. 1991. The Katipunan Movement in the Provincia de Manila


(Kamaynilaan). Nasa May Tainga ang Lupa… Espionage in the Philippines (1896-
1902) and Other Essays, awt. Isagani Medina, 109-126. Manila: University of Santo
Tomas Publishing House, 2002.

Medina, Isagani. 1992. Ang Pagsibol at Paglaganap ng Katipunan sa Maynila. Nasa May
Tainga ang Lupa… Espionage in the Philippines (1896-1902) and Other Essays, awt.
Isagani Medina, 49-67. Manila: University of Santo Tomas Publishing House,
2002.

Medina, Isagani. 1993. Ang mga Kababaihan at Kabataan ng Kabite sa Rebolusyon, 1896-
1902. Nasa Ang Kabite sa Gunita: Essays on Cavite and the Philippine Revolution,

171 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

awt. Isagani Medina, 133-143. Quezon City: University of the Philippines Press,
2001.

Medina, Isagani. 1994. Ang Walang-Kamatayang Pag-ibig ni Oriang Kay Andres. Nasa
May Tainga ang Lupa… Espionage in the Philippines (1896-1902) and Other Essays,
awt. Isagani Medina, 127-142. Manila: University of Santo Tomas Publishing
House, 2002.

National Historical Institute (NHI). 1989. Marina Dizon-Santiago (1875-1950). Nasa


Filipinos in History; Volume I, pat. National Historical Institute, 168-169. Manila:
National Historical Institute, 1995.

National Historical Institute (NHI). 1994a. Jose M. Dizon ( -1897); One of the Thirteen
Bagumbayan Martyrs. Nasa Filipinos in History; Volume IV, pat. National
Historical Institute, 102-104. Manila: National Historical Institute, 1996.

National Historical Institute (NHI). 1994b. Jose Turiano Santiago (1875-1842?);


Katipunero. Nasa Filipinos in History; Volume IV, pat. National Historical
Institute, 308-310. Manila: National Historical Institute, 1996.

Navarro, Atoy. 1999-2002. Bagong Kasaysayan at Kasaysayang Bayan: Pambungad sa Pag-


aaral ng Kabuuang Kasaysayang Pilipino. Nasa Bagong Kasaysayan at Kasaysayang
Bayan: Pambungad sa Pag-aaral ng Kabuuang Kasaysayang Pilipino (Piling
Babasahing Pangkasaysayan); History I Reader, tagatipon Atoy Navarro. Los
Baños: University of the Philippines Open University, 2001-2002.

Navarro, Atoy at Adonis Elumbre. 2014. Nonay: Limot na Bayani ng Himagsikan.


SALIKSIK E-Journal 3, blg. 2 (Nobyembre): 238-257.

Odal-Devora, Grace. 2012. Mutya: Pamamaybay sa Larangan ng Isang Diwa. Ph.D.


disertasyon sa Pilipinolohiya, University of the Philippines - Diliman, Quezon City.

Paular, Regino at Augusto de Viana. 1995. Women Katipuneros’ Counterespionage


Activities. Nasa Ulat sa Ikatlong Pambansang Kumperensya sa Sentenaryo ng
Rebolusyong 1896: Ang Papel ng Kababaihan at Katutubo sa Rebolusyong 1896, pat.
University of the Philippines College Baguio, 63-77. Baguio City: University of the
Philippines College Baguio.

Quindoza-Santiago, Lilia. 1997. Marina Dizon. Nasa Tales of Courage and Compassion:
Stories of Women in the Philippine Revolution, mga pat. Lilia Quindoza-Santiago at
HASIK, Inc., 22-25. Quezon City: Diwata Foundation at HASIK Inc.

172 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

Richardson, Jim. 2013. The Light of Liberty: Documents and Studies on the Katipunan,
1892-1897. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Reguindin, Janet at Adonis Elumbre. 2008. Pagsasakasaysayan ng Sarili sa Kasaysayang


Buhay: Talambuhay at Talaangkanan Bilang Pag-uugnay sa Indibidwal at Lipunan.
Nasa Kaalaman at Pamamaraan sa Pagtuturo ng Kasaysayan, mga pat. Atoy
Navarro, Alvin Campomanes, at John Lee Candelaria, 52-65. Quezon City:
University of the Philippines Lipunang Pangkasaysayan.

Santillan, Neil Martial. 1998. Ang Himagsikang Pilipino sa Pinilakang Tabing (1912-1970):
Isang Panimulang Pag-aaral. Nasa Wika, Panitikan, Sining, at Himagsikan, mga
pat. Atoy Navarro at Raymund Arthur Abejo, 155-182. Quezon City: University of
the Philippines Lipunang Pangkasaysayan.

Santos, Jose. 1935. Buhay at mga Sinulat ni Emilio Jacinto. Manila: Jose P. Bantug.

Salazar, Zeus. 2004. Kasaysayan ng Kapilipinuhan: Bagong Balangkas. Nasa From


Wilderness to Nation: Interrogating Bayan, pat. Damon Woods, 32-79. Quezon
City: University of the Philippines Press, 2011.

St. Clair, Francis. 1902. The Katipunan or the Rise and Fall of the Filipino Commune.
Manila: Tip. “Amigos del Pais” Palacio 258.

Sunday Tribune (ST). 1941. Bonifacio Day Observance Today. Sunday Tribune,
Nobyembre 30.

Tenepe. 1948. Si Andres Bonifacio at ang Katipunan: Akda ni Tenepe. Manuskrito,


University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

The Manila Times (TMT). 1950. Lady of Katipunan, Emilio Jacinto’s Cousin, Dies at 75.
The Manila Times, Oktubre 14.

The Tribune (TT). 1939. Liwayway Pictures Master Production “Mutya ng Katipunan”
Which Will Make You Proud to be Born a Filipino—Will Stir Every Spectator at its
Gala Premier Today. The Tribune, Enero 1.

United States of America (US) Library of Congress (LOC). 1899. The Binondo Church and
Convent, Manila, Philippine Islands. Websayt ng United States of America Library
of Congress, https://goo.gl/15zp37 (nakuha noong Setyembre 30, 2017).

173 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan


Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 2 | Nobyembre 2017

United States of America (US) Library of Congress (LOC). 1901. A Street Scene in
Binondo, the Business Quarter of Manila, P.I. Websayt ng United States of
America Library of Congress, https://goo.gl/YyibfB (nakuha noong Setyembre 30,
2017).

University of Texas Libraries (UTL). 1898. Plano de Manila y sus Arrabales, Francisco J. de
Gamoneda; imp. lit. de Ramon Montes, original scale 1: 10,000, 1898. Websayt ng
University of Texas Libraries, https://goo.gl/5rhyXA (nakuha noong Setyembre 30,
2017).

Varias-De Guzman, Jovita. 1967. Marina Dizon Santiago; Katipunera (1875-1950). Nasa
Women of Distinction (Biographical Essay on Outstanding Filipino Women of the Past
and the Present), mga pat. Jovita Varias-De Guzman, Vicenta Santiago, Remedios
De Leon, at Teresita Erestain, 73-77. Manila: Bukang Liwayway.

Villanueva, Danny. 1994. Francisco, Arsenia. Nasa CCP Encyclopedia of Philippine Art;
Volume VIII; Philippine Film, pat. Nicanor Tiongson, 251-252. Manila: Cultural
Center of the Philippines.

Zaide, Gregorio. 1932. The Women of the Katipunan. Philippine Free Press, Nobyembre
26.

Zaide, Gregorio. 1939. History of the Katipunan. Manila: Loyal Press.

Zaide, Gregorio. 1954. The Philippine Revolution. Manila: The Modern Book Co.

174 NAVARRO at BRAGANZA: Marina Dizon: Mutya ng Katipunan

You might also like