Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

Aralin 1: Pagkatuto ng Wika: Kahulugan ng Wika at Kalikasan ng Wika

WIKA

Nabubuhay tayo sa daigdig ng salita(Fromkin at Rodman,1983). Sa pagsasalita gumagamit


tayo ng wika.

Instrumento ng tao ang wika sa pagpapahayag ng kanyang sarili para makamit ang mithiin
at adhikain niya sa buhay. Sa pamamagitan ng wika ay naipararating ng tao ang mga
impormasyon na gusto niyang maibahagi sa iba.

Ayon kay Adamson Hoebel (1966) walang makapagsasabi kung saan o paano ba
talaga nagsimula ang wika. Maaaring ang tao noon ay nakikipagkomunikasyon sa
pamamagitan ng pag-iyak, paghiyaw, pagkilos o paggalaw/pagkumpas hanggat ang mga
senyas na ito ay binigyan ng mga simbolo at kahulugan.

Ang kahulugan ng wika bilang representasyon ng karanasan ay nag-iiba sa bawat tao.


Ito’y umuunlad at patuloy na nagbabago.

Ang wika ay nagmula sa salitang latin na lengua, na ang literal na kahulugan ay


“dila”,kaya’t magkasingtunog ang dila at wika. Ito ay simbolong salita ng mga
kaisipan,saloobin,behikulo o paraan sa paghahatid ng ideya,opinyon,pananaw,lohika o mga
kabatirang ginagawa sa proseso na maaring pasulat o pasalita.(Mendoza at Romero, 2007)

DEPINISYON NG WIKA

Kahalagahan ng Wika

Mahalaga ang wika dahil ito ang batay ng pakikipagugnayan at pakikipagtalastasan tungo sa
pagkakaunawaan at pagkakaintindihan sa sangkatauhan. Mawawalan ng saysay ang gawain
ng sangkatauhan kung wala ang wika. Dahil ang wika bilang pakikipagugnayan ay
ginagamit sa pakikipagkalakalan, diplomatikong pamamaraan ng bawat pamahalaan at
pakikipagpalitan ng kaalaman sa agham, industriya at teknolohiya. Ang wika bilang
pakikipagtalastasan ay ginagamit sa pagtungo, paghahanapbuhay at paninirahan sa ibang
bansa.

Ang mga dalubhasa sa wika ay may iba’t ibang pakahulugan sa wika.

Edward Sapir: Ang wika ay isang likas at makataong pamamaraan ng paghahatid ng mga
kaisipan, damdamin at mithiin.
Caroll (1964): Ang wika ay isang Sistema ng mga sagisag na binubuo at tinatanggap ng
lipunan. Ito ay resulta ng unti-unting paglilinang sa loob ng maraming dantaon at pagbabago
sa bawat henerasyon, ngunit sa isang panahon ng kasaysayan, ito ay tinutukoy na isang set
ng mga hulwaran ng gawi na pinag-aaralan o natututunan at ginagamit sa iba’t ibang antas
ng bawat kasapi ng pangkat o komunidad.

Todd (1987): Ang wika ay isang set o kabuuan ng mga sagisag na ginagamit sa
komunikasyon. Ang wikang ginagamit ng tao ay hindi lamang binibigkas na tunog kundi
ito’y sinusulat din. Ang tunog at sagisag na ito ay arbitraryo at sistematiko. Dahil dito,
walang dalawang wikang magkapareho bagamat bawat isa ay may sariling set ng mga
tuntunin.

Gleason: Ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na isinasaayos sa


paraang arbitraryo.

Ang wika ay masistemang balangkas na ginagamit sa pagpapahayag ng kuro-kuro at


damdamin sa pamamagitan ng pasalita at pasulat na paraan upang magkaunawaan ang lahat.

Ayon sa pagpapahayag ni Constantino, isang dalubwika, ang wika ay maituturing na


behikulo ng pagpapahayag ng damdamin, isang insrumento rin sa pagtatago at pagsisiwalat
ng katotohanan.

Kaugnay nito, ayon sa depinisyon ni Gleason: Ang wika ay masistemang balangkas. Lahat
ng wika ay nakabatay sa tunog na kung tawagin ay ponema, na ang maagham na pag-aaral
nito ay tinatawag na ponolohiya. Kapag ang ponema ay pinagsama-sama maaaring makabuo
ng maliliit na yunit ng salita na tinatawag na morpema. Sintaksis ang tawag sa makaagham
na pinagugnay-ugnay na mga pangungusap. Diskors, kapag nagkaroon ng makahulugang
palitan ng dalawa o higit pang tao. Gleason: Ang wika ay masistemang balangkas ng
sinasalitang tunog na isinasaayos sa paraang arbitraryo.

Tumangan, Sr., et al. (1997): Ang wika ay isang kabuuan ng mga sagisag na panandang
binibigkas na sa pamamagitan nito ay nagkakaunawaan, nagkakaisa at nagkakaugnay ang
isang pulutong ng mga tao.

Semorlan, et al. (1997): Ang wika ay isang larawang isinaletra’t isinasabokal, isang ingat-
yaman ng mga tradisyong nakalagak dito.

Edgar Sturtevant: Ang wika ay isang Sistema ng mga arbitraryong simbolo ng mga tunog
para sa komunikasyon ng tao.

Binanggit ni Austero et al. (1999) mula kay Gleason na “ang wika ay masistemang
balangkas ng sinasalitang tunog na isinaayos sa paraang arbitraryo. Ang mga tunog ay
hinugisan/binigyan ng mga makabuluhang simbolo (letra) na pinagsama-sama upang
makabuo ng mga salita na gamit sa pagpapahayag.”

Ang wika ay isang pamamaraang ginagamit sa pagpapa-abot ng kaisipan at


damdamin sa pamamagitan ng pagsasalita at pagsulat. Isang likas na makataong
pamamaraan ng paghahatid ng mga kaisipan, damdamin at mga hangarin sa pamamagitan
ng isang kaparaanang lumikha ng tunog. Isang kabuuan ng mga sagisag sa paraang
binibigkas na sa pamamagitan nito ay nagkakaugnay, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang
mga kaanib ng isang pulutong ng mga tao.

Ang wika ay isang bahagi ng talastasan. Ito ay ang kalipunan ng mga simbolo, tunog,
at mga batas kaugnay nito upang maipahayag ang nais sabihin ng kaisipan.

(Mula sa malayang ensiklopedya)

Instrumento ang wika sa pagpapahayag ng kanyang sarili para makamit ang mithiin at
adhikain niya sa buhay.

KALIKASAN NG WIKA – (Austero, et al., 1999)

Pinagsama-samang tunog (combination of sounds- Ang wika ay pagsasama ng mga


tunog na nauunawaan ng mga tagagamit nito na kapag tinuhog ay nakabubuo ng salita.

Ang fonema ay tawag sa makabuluhang yunit ng binibigkas na tunog sa isang wika.


Halimbawa ay ang mga fonemang /l/, /u/, /m/, /i/, /p/, /a/ at /t/ na kung pagsama-samahin sa
makabuluhang ayos ay mabubuo ang salitang [lumipat]

May dalang kahulugan (words have meaning)

Ang wika ay pagsasama ng mga tunog na nauunawaan ng mga tagagamit nito na kapag
tinuhog ay nakabubuo ng salita.

Kapag pinagsama-sama sa makabuluhang sikwens ang mga makabuluhang tunog (ponema)


ay makalilikha ng mga salitang nagbibigay kahulugan.

Ang morfema ay tawag sa pinamakamaliit na makabuluhang yunit ng salita sa isang wika.


Sa Filipino ang tatlong uri ng morfema ay ang salitang-ugat, panlapi at fonema.
Salitang-ugat = tao, laba, saya, bulaklak, singsing, doktor, dentista
Panlapi = mag-, -in-, -um-, -an/-han
Fonema = a
May ispeling
Bawat salita sa iba’t ibang wika ay may sariling ispeling o baybay. Sa wikang Filipino kung
ano ang bigkas ay siya ring baybay.

May gramatikal istraktyur (grammatical structure)


Binubuo ito ng ponolohiya at morpolohiya (pagsasama ng mga tunog upang bumuo ng
salita), sintaks (pagsasama-sama ng mga salita upang bumuo ng pangungusap); semantiks
(ang kahulugan ng mga salita at pangungusap); pragmatiks (nagpapaliwanag sa
pagkakasunud-sunod o pagkakaugnay-ugnay ng mga pangungusap.

Sintaks ay ang tawag sa formasyon ng mga pangungusap sa isang wika. Sa Filipino,


maaaring mauna ang paksa sa panaguri at posible namang pagbaligtaran ito. Samantalang sa
Ingles laging nauuna ang paksa.

Hal. Mataas ang puno.

Ang puno ay mataas.

The tree is tall. (hindi maaaring ‘Tall is the tree.’ o ‘Tall the tree.’)

Semantiks – pag-aaral ng relasyon ng salita sa bawat isa sa iisang pangungusap; ang mga
salita sa pagbuo ng pangungusap ay bumabagay sa iba pang salita sa pangungusap upang
maging malinaw ang nais ipahayag.

Hal. Inakyat niya ang puno. Umakyat siya sa puno.

Makikita na nang ginamit ang pandiwang [inakyat] ang panghalip ng aktor sa pangungusap
ay [niya] at ang pantukoy sa paksa ay [ang]. Samantalang sa ikalawang pangungusap ang
pandiwa ay napalitan ng [umakyat] kaya nakaapekto ito sa panghalip ng aktor na dati’y
[niya] ngayo’y [siya] na. Imbis na pantukoy na [ang] ay napalitan na ng pang-ukol na [sa].
Nagkaiba na ang kahulugan ng dalawang pangungusap.

Sistemang oral-awral (oral-aural system)


Sistemang sensura sa paraang pasalita (oral), at pakikinig (awral). Ang dalawang
mahalagang organo na binubuo ng bibig at tainga ang nagbibigay-hugis sa mga tunog na
napapakinggan. Ang lumalabas na tunog mula sa bibig ay naririnig ng tainga na binibigyang
kahulugan ng nakikinig.

Pagkawala o ekstinksyon ng wika (language loss)


Ang pagkawala ng wika kapag hindi na ginagamit o wala nang gumagamit.
Iba-iba, diversifayd at pangkatutubo o indijenus (indigenous)

Dahil sa iba’t ibang kulturang pinagmulan ng lahi ng tao, ang wika ay iba-iba sa lahat ng
panig ng mundo. Ang bawat etnikong grupo ay may sariling wikang sinasalita na sila
lamang ang nakakaintindi.

Mga Sanggunian na Aklat:

Austero,Cecilia S., et al. (2014).Komunikasyon sa Filipino. Sta. Mesa Manila: Rajah


Publishing House

Badayos,Paquito B. (2008) Metodolohiya sa Pagtuturo at Pagkatuto ng/sa Filipino


Mga Teorya,Simulain,at Istratehiya Ikalawang Edisyon Potrero Malabon City:
Mutya Publishing House, Inc.,

Belvez, Paz M., et al. (2004).Pagbasa at Pagsulat sa Iba’t ibang (Disiplina


Filipino2). Quezon City: Rex Bookstore Printing Company, Inc.

Mendoza, Zenaida M. Ph.D at Romero, Marcela L. (2007),Pagbasa at Pagsulat: Sa


Iba’t Ibang Disiplina sa Antas Tersarya.Sampaloc, Maynila:Rex Bookstore
Printing Company,Inc.,

Rubin,Ligaya T. (2006). Retorika,Wikang Filipino sa Sulating Pananaliksik.


Quezon City: Rex Bookstore Printing Company, Inc.,

Santos, Angelina L., et al (2012), Revised Edition: Ang Akademikong Filipino sa


Komunikasyon. Potrero Malabon City: Mutya Publishing House, Inc.,

You might also like