Oyyo

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Marcelo del Pilar

Panulat ang naging sandata ni Marcelo del Pilar upang makatulong sa ikalalaya ng Pilipinas noong
panahon ng Kastila.

Ipinanganak siya sa Bulacan, Bulacan noong Agosto 30, 1850. Ama niya si Juan Hilario del Pilar, tatlong
ulit na naging gobernadorcillo, at ina naman niya si Blasa Gatmaytan.

Mayaman ang pamilya del Pilar kaya natustusan ang pag-aaral ni Marcelo. Tinapos niya ang Bachelor of
Arts sa Colegio de San Jose. Ang nasabing kurso ay itinuloy niya sa Bachelor of Laws sa Unibersidad ng
Santo Tomas. Nang magtatapos na sa abugasya ay sinamang palad na masuspinde si Marcelo at
mabilanggo ng 30 araw nang makipagtalo siya sa Kura ng San Miguel tungkol sa pagtataas ng bayad sa
pagbibinyag.

Ang galit niya sa pamahalaang Kastila at sa mga prayleng Espanyol ay nadagdagan nang
mapagbintangang kasangkot sa Cavite Mutiny ang kapatid niyang si Padre Toribio del Pilar.

Ang karahasang tinanggap ng magkapatid ay dinamdam at ikinamatay ng ina ni Marcelo.

Nang makabalik sa UST ay tinapos niya ang abugasya na may itinatagong galit. Upang makapaghiganti
ay matapang siyang nagbibigay ng mga kritisismo laban sa pamahalaan at simbahan sa kaniyang mga
talumpati sa mga kapistahan, binyagan at pati na sa mga sabungan.

Noong 1882 ay isa siya sa nagtatag ng Diariong Tagalog na unang pahayagang nalimbag sa dalawang
wika. Dito isinulat niya ang maraming propaganda laban sa mga kaaway.

Nang pangunahan niya ang maraming demonstrasyong humihingi ng pagpapatalsik sa mga prayleng
Kastila ay pinaghanap siya ng mga awtoridad. Ito ang naging dahilan upang lumabas siya sa Pilipinas.
Bago umalis ay itinatag niya ang Junta de Programa na nagpapalawak sa pandaigdigang propaganda.

Espanya ang pinuntahan ni Marcelo. Namalagi siya sa Madrid kung saan pinalitan niya si Graciano
Lopez Jaena bilang editor ng La Solidaridad.

Upang hindi matunton ninuman, ilan sa mga tagong pangalang ginamit ni Marcelo ang mga
sumusunod: Plaridel, Siling Labuyo at Dolores Manapat.

Ilan sa mga nakapagpababa ng tingin sa pamahalaang Espanya at sa mga prayleng Espanyol ay mga
akda ni Marcelo sa Tagalog at Espanyol. Kabilang dito ang La Soberania Monacal en Filipinas, Kaiingat
Kayo, Dasalan at Toksohan, Pasiong Dapat Ipag-alab ng Puso ng Taong Babasa, Sagot ng Espanya sa
Hibik ng Pilipinas at Kadakilaan ng Diyos.
Nagkahirap-hirap si Marcelo sa pagpapalimbag ng La Solidaridad. Sa patung-patong na gawain sa
opisina ay laging napupuyat ang manunulat. Malaking suliranin sa kanya na walang tulong pinansiyal
na dumarating mula sa Pilipinas. May panahong hindi siya kumakain. May panahong hindi siya
natutulog. Upang makalimutan ang gutom, may pagkakataong namumulot na siya ng nahitit na
sigarilyo sa mga kalye.

Namatay si Marcelo sa sakit na tuberkulosis sa Barcelona noong Hulyo 4, 1896.

Piping saksi ang La Solidaridad sa matapat at dakilang pagmamahal sa bayan ni Marcelo Hilario del
Pilar.

Pinoy Edition © 2019 - All rights reserved.

Source: https://www.pinoyedition.com/talambuhay-ng-mga-bayani/marcelo-del-pilar/
Isabelo de los Reyes
Sa paggamit ni Isabelo de los Reyes ng talino upang ipagtanggol ang Pilipinas laban sa mga awtoridad
na Kastila at Amerikano ay naging tinig siya ng bayan laban sa kawalang katarungan ng mga dayuhan.

Si Isabelo ay isinilang noong Hulyo 7, 1864 sa Vigan, Ilocos Sur. Ama niya si Elias de los Reyes at ina
naman niya si Leona Florentino.

Lumaki siya sa pangangalaga ng mayaman nilang kamag-anak na si Don Mena Crisologo.

Una siyang nag-aral sa Vigan Seminary. Namasukan siya upang pag-aralin ang sarili sa Letran kung saan
tinapos niya ang Bachelor of Arts na may pinakamataas na markang sobresaliente. Tinapos niya ang
abugasya sa Unibersidad ng Santo Tomas sa gulang na 22. Sapagkat batang-bata pa, hindi siya
pinayagang manilbihan bilang abugado kaya pamamahayag ang hinarap niya.

Siya ay nagpalimbag ng mga aklat na Historia de Ilocos, Folklore Filipino at Las Islas Visayas en la epoca
de la Conquista. Bilang propagandista, sumulat siya sa Diario Manila at sa EI Ilocano. Ang mga artikulo
niya ay tumatalakay sa maling pamamalakad ng mga Kastila sa Pilipinas. Matapang niyang
kinomentuhan ang mga manunulat na Kastila na pawang kabutihan ng simbahan at pamahalaan ang
isinusulat sa mga pahayagan.

Sa mga matatapang na artikulo ni Isabelo ay inakusahan siyang kaaway at kasangkot sa rebolusyon.


Ang mga bintang ang nagdala sa kaniya sa Bilibid Prison noong Pebrero 13, 1897.

Ang paghihirap ng kalooban ay nadagdagan nang mamatay ang kaniyang maybahay. Tinibayan ni
Isabelo ang sarili at hinarap nang buong tapang ang malungkot na kapalaran. Sa loob ng piitan ay hindi
natalian ang panulat ng mamamahayag. Sinulat niya doon ang Sensecional Memoria Sobre La
Revolucion Filipina na layon niyang ipabasa sa Gobernador Heneral. Ang sanaysay na nagbibigay diin na
mga prayleng Espanyol ang nagtanim ng mga punla ng pag-aalsa laban sa pamahalaan ng Pilipinas.
Nagising ang mga awtoridad. Naging dahilan ito upang ipatapon si Isabelo sa Espanya at ipakulong sa
Barcelona. Nang lagdaan ang Pact of Biak na Bato noong Disyembre 1897 ay pinalaya ang
mamamahayag. Hindi nabalewala ng mga Kastila ang talino ni Isabelo kaya binigyan siya ng posisyon
bilang Consejero del Ministerio de Ultramar. Ang paglilingkod niya sa mga dayuhan ay
nangangahulugang ipinagbili ng mamamahayag ang kaluluwa niya bilang Pilipino. Noong 1899 ay muli
niyang ipinalimbag ang kaniyang La Sencesional Memoria sa Madrid.
Sa pagpapahalaga niya sa mga Pilipinong pari, tinanggap niya ang pakiusap ng Filipino Ecclesiastical
Assembly na makipagnegosasyon sa Santo Papa na ipatupad na ang sekularisasyon ng mga paring
Pilipino. Nang hindi tanggapin ang kaniyang pakiusap ay lalong ipinaggiitan niya sa mga pahayag niya
ang kampanya laban sa mga prayleng Espanyol.

Ang propagandista mula 1899 hanggang 1902 ay nanindigan din sa pagpuna nito laban sa mga
Amerikano na kumalaban sa Republika ng Pilipinas. Ang mga puna niya laban sa Amerika ay nalathala
sa kaniyang aklat na Independencia y Revolucion at sa mga pahayagang El Defensor de Filipinas at
Filipinas Ante Europa na inilathala niya sa Madrid.

Nagbalik siya sa Maynila noong 1901. Inorganisa niya ang Union Obrera Democratica Filipina kung saan
siya ang naging unang presidente. Pinasimulan niya ang pagdiriwang ng "Araw ng Paggawa" noong
Mayo 1, 1902. Sa nasabing okasyon, ipinalabas niya ang unang pahayagang pangmanggagawa, ang La
Redencion de Obrero.

Sa pamumuno niya sa pinakamalaking pag-aaklas ng mga manggagawa ng Fabrica de Tabacos sa


Malabon ay nasentensiyahan siyang makulong ng apat na buwan. Saludo ang manggagawang Pilipino
sa katapatan nito sa ipinakikipaglabang layunin.

Dalawang ulit na nahalal na konsehal ng Maynila ang propagandista. Ang una ay noong 1912 at ang
ikalawa ay noong 1919. Sa talino at paninindigan bilang Pilipino, nahalal siyang senador na kumatawan
sa mga lalawigan ng Ilocos mula 1922 hanggang 1928.

Namatay si Isabelo noong Oktubre 10, 1938.

Sa katapatan ni Isabelo de los Reyes sa mga makabayang prinsipyong ipinakipaglaban, mahuhusgahang


isang bayani rin siyang dapat na parangalan.

Pinoy Edition © 2019 - All rights reserved.

Source: https://www.pinoyedition.com/talambuhay-ng-mga-bayani/isabelo-de-los-reyes/

You might also like