Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 7

Sitsiritsit

NAGMAMAKTOL SI CORAZON

"Ang hirap saiyo", ang wika ni Fidel sa kaniyang katipan, " nasasaktan ka sa bawat sabihin ko.
Maramdamin ka, ngunit matigas ang ulo mo, wala kang nakikilala kundi ang sarili mong matuwid
lamang... Wala na akonbg kakapa-kapngyarihan sa iyo ngayon... Ibang -iba kana!"..

Nakakunit ang noo ni Corazon.

Hindi sumagot.

Isang palihim na irap ang iniukol sa nagsalita, samantala'y patuloy na pagluray sa kaniyang marikit na
pamaypay na tila siyang napag-iinitan sa pagkakayamot kay fidel.

"kilalang-kilala mo ang kalooban ko," ang wika parin ng binata. "Sinusunod ko ang lahat ng bawat
maibigan mo. Pinagbibigyan kita tuwina.."

"tse!... " ang ingos ni Corazon na napansin-dili ni Fidel. Talagang hindUK ako sang-ayon, hindi ko
kinalulugdan ang pagsama-sama mo sa pangkat nina Gng. PAngaldan,". Ang saad pa rin ni Fidel.

Padabig na sumagot si Corazon.

"Bakit, ano ba sa akala mo, gumagawa ako ng masama sa pagsama sa kanila?".

Namula si Fidel.

Hindi niya akalaing ganito ang marinig niya kay Corazon.

"Sinabi ko bang gayon?"

Nagdaramdam na lubos si Fidel, ngunit mahinahon ding gaya nang dati. Tinitipid sa kaniyang dibdib ang
kaniyang mga hinanakit. Lubhang napakamahal sa kaniya si Corazon. Mahal na mahal. Matimbang na
higit sa kaniyang buhay. Pinamuhunan ng mahabang panahon at madlang hurap bago niya napasagot ng
"oo" sa kaniyang pag-ibig.

"Masakit sa loob ko, Corazon, ang aking mga naririnig at katungkulan ko ang pagmamalasakit sa iyo.".

"Basta't wala akong ginagawang masama, tapos! Ikaw naman, para kang isang lalaking makaluma, lahat
nang sabi-sabi'y pinahahalagahan mo."

"Ang mata ng tao'y siyang humahatol sa ating mga ginagawa".

"Hindi ko ikinatitigatig ang mga sali-salitaan ng mga kung sino-sinong walang pinag-aralan! Ikaw, abogado
ka pa naman ay napakapusok ng loob mo."
"Aba, si Corazon! Bakit ka nagkakaganyan? Hindi ka dating ganyan? Ngayon lalo akOng naniwala na hindi
nakabubuti sa iyo ang pakikilahok sa politika; ngayo'y lalong nagtitibay ang paniniwala kong hadlangan
ang iyong mga hakbang."

"Hindi maaari! Walang makapagbabawal sa akin, sa aking mga hilig."

"wala na ba akong karapatan, Corazon?"

"Paano'y sa iyo nanggagaling ang ating pagkakagalit!"

"samakatuwid...?"

"sinabi ko na sa iyo: ipinagtapat ko na sa iyo.... Na ako'y lider na binabayaran, alam mo na."

"Ngunit Corazon, hindi mo kailangan ang halagang ibinabayad sa iyo, maging gaano man. Ang lalong
mahalaga'y ang iyong kaligtasan, ang kapanatagan ng aking loob."

"at ano ang ibig mo, huwag ko bang tulungan si Gng. Pangaldan? Hindi mo ba nalalaman na kinalulugdan
ng lahat ng aking mga talumpatikahit saan kaming makarating, at sinabi ni Gng. Pangaldan, na kung siya'y
magtatagumpay, ay ako ang magiging dahilan nh kaniyang pagwawagi? Biro mong karangalan, Fidel, ang
mauukol sa akin? Dapat kang magmalaki!".

"walang kailangan sa akin kung managumpay man o hindi si Gng. Pangaldan!" ang may katabangang
sagot ng abogado. "Hindi ko kinalulugdan ang pag-ungos ng mga babae sa talino at kapangyarihan ng
mga lalaki. Ang mga babae ay sa tahanan lang dapat mapaukol. Kayo ang tinnatawag ng reyna ng
tahanan."

"hindi mo nalalaman ang mga binabalak ni Gng. Pangaldan kaya ka nagsasalita ng ganyan."

"Hindi na rin kailangan ko pang malaman ang kaniyang balak."

"Ihaharap niya sa kapulungan ang balak na batas hinggil sa diborsyo. Malulunasan na ang kaapihan ng
mga babae!"

Masiglang-masigla ang tinig ni Corazon. Hindi pansin ang paghihirap ng loob ng kaniyang kaharap

"Nakita mo na!... Hindi pa man ay pagwawasak na ng mga tahanan ang iniisip ni Gng. Pangaldan. Iyan ba
ang sinasabi mong mahalagang gagawin ng mga babae sa paninnungkulan?"

"At ano? Babait ang mga lalaki, makikita mo."

"Ang deborsiyo ay hindi angkop sa kaselananng mga babaeng pilipina."

"Mabuting lunas sa mga kamalian ng mga babaeng nakahirang ng mga lalaking bulastog, tamad at
malupit."

Napapailing si Fidel.
"Bakit ka napapailing?"

"WLa. Ibig ko'y huwag ka nang makihalubilo sa politika."

"Bakit, ikaw ba'y hindi kasalamuha ng pangkay nina Canseco? Hindi ba kilusab din sa politika ang
kinahuhumalingan mo?"

"Corazon, ako'y lalaki."

Tila pa nagitla si Corazon.

"Aba! At ano ang palagay mo sa akin? Hangal ba akong sa panahong ito'y magpapakabulok lamang sa
bahay? Bakit? Ano't nagkaroon pa ng karapatang makaabuto ang babae kung ako'y mahuhuli rin lamang
sa kilusan ng kababaihan?"

"Ipinagbabawal ko sa iyo," ang may himig kapangyarihan nang wika ni Fidel.

"Hindi mo pa ako...asawa Fidel. Wala ka pang kapangyarihan na saklawin ang aking kalayaan," ang
matigas din namang sagot ni Corazon.

"Magkatipan tayo, kung di ako nagkakamali..."

"Oo nga," ang pakling nakangiti pa ni Corazon, "Ngunit kung maghihigpit ka ng laban sa kalooban ko
ngayon pa... Ay kapwa tawad na tayo."

" Samakatuwid?" ang putol na tanong ni Fidel.

"Ikaw ang bahala! Nasa iyo ang kadahilanan. Kung gayon ang iyong ibig ay ikaw ang masusunod."

Napakagat-labi na lamang si Fidel. Siya pa ang ibig sisihin ni Corazon.

Sitsiritsit, alibambang!

Salaginto, salagubang

Ang babae sa lansangan

Gumigiring... Parang tandang!

Kabi-kabila'y ganyan yata ang inaawit ng mga bata kung nakikita ang langkay-langkay ng mga babaeng
nagdaraang patungo sa mga hayag na miting. Sambuntong lalaki naman ang kasunod ng mga babaeng
ito. Sa halip na magalit ang mga nakakarinig, maging babae't maging lalaki'y natatawa pa sa awit-
lansangang ito na kung pakatutuusin ay tila masakit-sakit di ang kahulugan.
Ngunit kung si Fidel ang nakakarinig ng gayong wari'y palipad-hangin, damdam niya'y nahihimay ang
kaniyang puso, at tila sa wari niya'y si Corazon ang pinag-uukulan ng mga pangit na pangungusap.
Datapwat si Corazonay malayong-malayo na sa kaniya. Kalas na ang sumpaang kanilang pinagbuhol,
nakalimot na yaong sintang pinakamahal-mahal at itinangi sa lahat.

Galak na galak ang kalipunan ng mga babae sa Lawaan. Nagtagumpay si Gng. Salud Candelaria
Pangaldan, laban sa tatlong lalaking nakatunggali sa halalan. Siya ang kauna-unahang babaeng naging
kinatawan sa kapulungan ang lalawigang lawaan. Sa mga kinatang babae, si Gng. Pangaldan ang siyang
namumukod, at umuungos sa lahat. Siya ang lider, sanggunian, at siya pang ipinaglaban sa pagka-espiker.

Si Corazon Kalawag ang kaniyang kalihim.

"Makapagmamalaki na sita," ang sabi ni Fidel sa kaniyang matalik na kaibigan. "Samantalang sila'y nasa
himpapawid, ako'y narito sa ibaba, dito sa aking maliit na tanggapan.... Bukas makalawa, si Corazon ay
punong-lalawigan ng Lawaan, kung di man maging kinatawan."

"Magkabagay na magkabagay na kayon talaga," ang sabi ng kaibigan ni Fidel.

"Hindi. Lalo na akong maaalangan sa kaniya, ang sabihin mo."

"Kalihim lamang siya ng isang kinatawan, alangan kana sa kainya? Ikaw na yata naman ang talagang
lumalayo!"

"Alam mo naman, Ismael, ang ugali ko," ang matamlay na pakli ni Fidel.

"At paano, talaga bang tuluyan na ang inyong pagkakagalit?"

"Ang pakiramdam ko'y gayon."

"Pagkaraan ng limang taong pagmamahalan!"

"Oo!" ang lalo pang tila naging malungkot na tugon ng abogado

"Talaga ka ba namang kalaban ng pag-unlad ng kababaihan?"

"Aywan ko. Marahil ay gayon na nga. Sa ganang akin, ang babaeng Filipina ay lubhang kapita-pitagan.
Ang tingin ko baga'y bumababa ang uri sa mga hayag na pook kung kahalubilo ng mga lalaki. Sa isang
salita, ibig ko'y manatili sila sa dating dambana: sa sinapupunan ng tahanan. Ngunit hindi ako ang
masusunod... Sila'y may kalayaang gumawa ng inaakala nilang sa kanila'y siyang maghahatid pa sa rurok
ng kaluwalhatian."

Ang mga huling pangungusap ay lubhang mapait, at lipos ng pagdaramdam ang kaniyang dibdib nang
kaniyang bigkasin.

Sa kabilang dako, di Corazon ay tila isang maningning na tala sa kaniyang pagsikat. Nasa kaniya na ang
lahat ng magagandang katangian ng isang babaeng makabago. Ganda, yaman, at talino ay napisan nang
lahat mandin sa kaniyang katauhan.
Magunita na niya si Fidel Arce Villa. At kung magunita ma'y tila palibak pa at may halong paghamak sa
isang lalaking makaluma.

"Si Fidel? Darating ang araw na paluhod siyang lalapit sa akin. Makikta niyang makararating ako
hanggang sa dako pa roon ng aking mga pangarap."

Napangiti ang kinatawang Pangaldan na nakarinig ng sinabi ni Corazon.

"Ganyan ang babae! Buhay na loob! May tapang! Makakarating ka Corazon, sa ibig mong marating.
Tutulungan naman kita. Mga katulad mo ang kailangan ng isang bayang nagbabagong-buhay. Hindi
nababagay sa iyi ang isang lalaking kung matalino ma'y hintakot sa anino ng kaniyang kabiguan."

Kalat na ang bulumbulungan.

Umiiyak ang ina ni Corazon.

"Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa iyo! Matigas ang ulo mo. Malakas ang loob mo. Ngayon, hayan! Lahat
ng kahihiyan ay nasa mukha na natin. Mamamatay ako sa dalamhati! Sa hininga ko.... Kung ano ang
masusunod, kailangang makasal ka sa iyong kinarapaan."

"Maulit naman pala kayo, Inay! Sinabi ko na sa inyo... Walang nawawala sa akin... Wala akong
kinarapaang sukat pagbangunan."

"Ano bang wala? Nakita kang nanaog sa bahay ng isang lalaking kilala ng lahat sa kalikutan... May
nangyari, walang nangyari, mapipigilan mo pa ba ang bibig ng tao?"

"Sinasagot ko naman ang mga nagsisipagdalahira a! Ano pang liwanag ang kailangan? Ibig akong
gahasain ng tsuper, salamat at may nagtanggol sa akin; pinatuloy niya ako sa kaniyang bahay sapagkat
alangan na sa oras ng gabi. Ano pa? Kayo naman, Inay, para kayong walang sariling bait, pinakikinggan
ninyo ang balanang satsat nang satsat sa inyo. Hindi kayo makapangatwiran....."

"A, Corazon, kung di ka masuwayin ay tahimik sana ang ating buhay."

"Ano ang ibig ninyo?"

"Tumigil ka na sa bahay. Hindi ka mamamatay sa gutom dito sa atin. Sa lahat ng nangyaring iyan, ngayon,
ay ano ang niloloob mo? Maaatim mo bang habang panahon ay ikaw ang pag-usap-usapan ng tao?"

Pulang-pula si Corazon noon sa galit.

"Bayaan ninyo't matitigil din ang bunganga ng mga nagdadalahirang iyan."

"Ano ang gagawin mo? Mahalay sa isang babae ang makipagbasag-ulo."

"Hu! Nalalaman ko ang gagawin ko."

Napabuntong-hininga na lamang si Aling Carmen.


Pahayagan na lamang ang nagbalita'y ano pa! Na sa Maynila idinaos ang kasal ni Corazon Kalawag at ni
Inocencio Yupangko. Gayon ma'y mabilis pa yata sa takbo ng elektrisidad, ang balita'y nakarating agad sa
Lawaan.

"Kung saan narapa'y doon din nagbangon," ang wika ng balana.

"Mabuti naman pala si Corazon at marunong magpahalaga sa kaniyang puri at karangalan anang iba
naman.

"Talagang mabuting babae si Corazon."

Salu-salungat ang mga kuro-kuro. May pumupuri sa kaniya, ngunit marami rin naman ang hindi
nasisiyahan.

"Kung siya'y tahimik sa pamamahay, hindi siya makakasal sa kahit sinong hindi niya kilala. Gaya niyan....
Ang Yupangko palang.... Yaon may asawa, hiwalay nga lamang..."

"Ba! E, paano ang mangyari kay Corazon? Hindibba niya alam?"

"Nalalaman niya."

"O, ay bakit pa siya napakasal?"

"Maghaharap daw siya umano ng kahilingan sa paghihiwalay."

"Din iyan pala'y asunto pa!"

"Bahala sila. Ano ba ang pakialam natin?

Nagkausapin nang di-oras si Aling Carmen. Si Fidel Arce Villa ang abogadong magtatanggol sa kahilingan
ng ina ni Corazon.

Natapos ang usapin. Napawalang kabuluhan ang kasal. Sa kasalanang bigamya'y naparusahan si
Inocencio Yupangko, at ibinalik ng hukuman si Corazon sa pagkadalaga.

Sa akala no Corazon ay nakapagbagong-puri na siya. Matitigil na ang usap-usap ng mga walang magawa.
Isang tsekeng kinatititikan ng halagang isang libong piso ang dinala ni Corazon sa tanggapan ni Fidel at di-
matapos-tapos ang pagpapasalamat.

"Walang anuman," ang sagot ng abogado, at ang tseke ay pinag-apat na bahagi."Pinaglingkuran kita hindi
dahil sa halagang ito, kundi sa nais kong maibalik sa iyo ang iyong kalayaan, gaya ng iyong nasa."

Nagkaroon ng malalim na kahilugan kay Corazon ang kaniyang narinig. Sumaloob niyang minamahal pa
rin pala siya ni Fidel.

"Ngayon ko lamang nakilala ang bigat ng pagkakasala ko sa iyo!" ang nabanggit lamang ni Corazon.

"Ang nakaraan ay nakaraan na, Corazon. Wala kang sukat-alalahanin sa akin."


"Nakalimot kana ba?"

"Hindi sana ako marunong lumimot... Ngunit pinag-aralan ko, alang-alang sa iyo!"

"Fidel! Ngayo'y malaya na ako, at ang kalayaang ito'y utang ko sa iyo."

"Malaya ka na nga. Ipahintulot mong ako naman ang bumati sa iyo ngayon."

"Pinatatawad mo ba ako?"

"Wala kang pagkakasala sa akin." Patapos na lahat ang mga sagot ni Fidel.

"Sabihin mong pinatatawad mo ako.... Alang-alang sa diyos!"

Halatang-halatang napilitan sa pagtango si Fidel. Humahalang sa dibdib niya ang mga pangungusap.
"Sabihin mong... Iniibig mo ako!" ang may lambing na hiling ni Corazon. "Nalalaman kong ako'y iniibig mo
pa, ngunit ibig kong marinig sa iyong bibig."

Nalalaman sa tinig ni Corazon ang isang pusong nakikiusap.

"Ako'y tapat...' ang mabagal na sagot ni Fidel pagkaraan ng ilang sandaling pag-aatubili, "Hindi ako
maaaring magsabi ng isang bagay na hindi ko dinaramdam... Ngunit huwag mong akalaing sinisisi
kita...kung nakinig ka lamang sa akin sana'y. ".

Kumaba ang dibdib ni Corazon. Alam na noya, humigit-kumulang ang ibig sabihin ni Fidel. Napayuko na
lamang siya't sukat. Inamin niya ang kaniyang pagkatalo. At noon di'y nanaog; iniwan si Fidel. Ngunit tila
naririnig pa rin niya, kahit walamg umaawit, ang kantang-lansangan

You might also like