Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 8

Probinsyano sa Maynila

Ni: Ynna Ysabelle Ramos

KABANATA I: Ang Pagkakataon

Wala talaga sa ating mga kamay ang kapalaran at tadhana. Kahit ilang beses kita hinahanap-hanap, tila
bang iniiwasan mo ako nang kusa. Ilang taon na nga ba ang nakalipas? Dalawa? Tatlo?

Apat.

Apat na taon simula noong lumayas ka papuntang Maynila para doon mag-aral sa isang magandang
paaralan. Nakaukit pa rin sa puso ko ang pait at sakit na ipinadama mo sa akin. Hindi mo man lang naisipang
bumisita. Kung bumisita ka man, baka hindi mo ibinalitang naroon ka.

Ang saklap naman. Kinalimutan mo na ba kami rito nang makatungtong ka sa mga aspaltong kalye sa
Maynila? Kinalimutan mo na baa ng probinsiyang kinagisnan mo nang makapasok ka sa paaralang
pinapangarap mo? Wala akong karapatang magsabi nito pero mukhang oo na yata. Wala akong naririnig na
balita na bibisita ka sa barrio. Sila Lola Esme at Lolo Kiko? Hanggang ngayon, labis pa rin silang nalulungkot
mula nang kuhain ka na ng nanay at tatay mong nagsakripisyong magtrabaho sa Maynila habang ikaw ay
nanirahan dito. Ngayon naman----

“Ron, lumabas ka na diyan! Nandito sina Tita Kikay at Tito Ray. Kagagaling lang nilang Maynila,”
sigaw ng ate ko, si Ate Marga, mula sa pinakaibaba ng hagdan.

“Teka!” sigaw ko nang tumayo ko mula sa kama at nagsuot ng salawal.

Kumaripas ako ng takbo pababa ng hagdan at tumungo agad ako sa sala kung saan naghihintay doon
ang tita ko at ang kanyang asawang Manilenyo.

“ROOONROOOON, binata ka na!” bati sa akin ni Tita habang papalapit na ako sa kanya. Tumayo siya
mula sa kinauupuan niya at niyakap ako nang mahigpit.

“Kumusta ka na?” bati sa akin ni Tito Ray nang makatayo na siya. Nagmano naman ako sa kanya.

“Maayos naman ho kami dito kay lola at lolo,” ngiti ko.

Lahat kami ay tumahan na at napaupo na sa mga sofa.

“May nais kaming ibalita sa inyo. Napag-usapan na namin ito kasama sila Nanay at Tatay,” panimula ni
Tita Kikay na may halong pagkasabik.

“Ano ‘yon, tita?” tanong ko.

“Gusto naming bigyan ng pagkakataon si Ronaldo na makapag-aral sa Maynila para sa kolehiyo,” saad
ng tita ko.
Ahhh sa Maynila.

Teka.

SA MAYNILA???

“Tita, totoo ba ‘yan?” laking gulat kong pagtanong.

“Mukha ba akong nagbibiro? Syempre totoo! Tonyo, nakakita ako ng potensyal sa iyo. Tutal wala naman
kaming anak at gusto naming makapag-aral ng bata, bakit hindi kamag-anak lang naming ang paaralin?”
paliwanag ni Tita.

“Doon ka na rin maninirahan, Tonyo, kasama mo kami ng tita mo,” dagdag pa ni Tito Ray.

“Teka lang po. Ba’t ‘di na lang si Ate Marga?” tanong ko.

“Tonyo, nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo. Mahihirapan pa ako kung lilipat pa ako,” sabi ni Ate
Marga na nakangiti sa akin.

“Mabuti naman. Para sa ikabubuti ng pamilya natin ‘yan,” ngiti ng lol ako ngunit alam kong nalulungkot
‘yan sa loob-looban niya.

“Nandito ako palagi para tulungan kayo! Ang bigat lang kasi ng pinagdaanan natin, nung namatay si Ate
Leona at Kuya Jaime. Naisipan kong bigyan ng pagkakataon makapag-aral kahit isa sa mga anak ni Ate. Alam
kong kung nagkaroon lang sila ng pagkakataon ay baka nadala na nila yung buong pamilya sa Maynila,” sabi
ni Tita na may halong kalungkutan ang boses nang mabanggit sina Mama at Papa.

Mga labing tatlong gulang na ako nang mangyari ang aksidente nina Mama at Papa sa isang banggaan
sa Maynila. Labing limang taon palang si Ate Marga at siyam na taong gulang sina Antonio at Attina na
kambal nang mangyari ito. Napunta sa matinding kapighatian ang buong pamilya. Si Mama ang panganay sa
kanilang apat na magkakapatid at pangatlo si Tita Kikay. Silang dalawa ang pinakamasipag at pinakamatalino
sa kanilang magkakapatid. Si Papa naman ang matiyaga naming ama na gagawin ang lahat para lamang may
makain kami sa araw-araw. Nagtrabaho siya bilang isang manager ng isang kainan sa Maynila at si Mama
naman ay nagtuturo ng Araling Panlipunan sa isang kilalang unibersidad. Labis na nagsumikap sina Mama at
Papa sa Maynila, kahit na puno ng lungkot dahil malayo sila sa aming mga anak nila. Nais din nilang dalhin
kami roon at paaralin magkakapatid ngunit ang pangarap na ito ay nasira dahil sa isang matinding aksidente.

Nag-iba ang ihip ng hangin sa bahay ilang araw matapos dalhin dito ang katawan nina Mama at Papa.
Nagpighati sina Lola at Lolo at tila bang walang kabuhay-buhay sina Tita Kikay, Tito Marvin, at Tito Kerwin.
Sina Tito Marv at Tito K ay lumuwas papuntang Canada pagkatapos ng libing nina Mama at Papa at doon
nagkaroon ng sarili nilang pamilya.
Mga ilang buwan matapos ang libing, tumungo si Tita Kikay sa Maynila dahil baka doon ang kapalarang
naghihintay para sa kanya. Nakapagtrabaho roon si Tita bilang isang accountant at napangasawa si Tito Ray
na ubod ng bait.

“Tita, hindi ba’t mas mabuti na lang kung hindi aalis si Kuya?” sumbat ni Attina. Mangiyak-ngiyak na
siya nang masabi niya iyan.

“Tina, mag-aaral lang naman ako doon. Sisiguraduhin kong dadalawin ko kayo,” sagot ko na malungkot
ang ngiti.

“Hindi ka magiging tulad ni Ate Via na hindi na bumalik dito sa atin?” tanong ni Tonio. Natamaan ako
nang sobra at bumalik lahat ng mga alaalang aking nais makalimutan.

“Tonio, ;wag kang magsabi ng ganyan!” sumbat ni Lolo.

“Pamilya ko kayo. Paano ko kayo makakalimutan?” sabi ko na medyo naiiyak, pero nilalabanan ko lang
ang pagpatak ng mga luh ako.

“Mama, Papa, alam kong biglaan ito ngunit makukuha ko ang permiso niyong makitira sa amin si Ron
sa Maynila?” tanong ni Tita Kikay.

“Oo naman, Kikay,” sagot ni Lolo na pinisil ang mga kamay ni Lola na halos mangiyak-ngiyak na, “Ang
tanong, kung gusto ba ni Ron na sumama sa inyo?”

“Tita, sasama ako para sa pamilya ko,” sagot ko at doon bumigay si Lola at tuluyang humagulgol.

“Mama, tahan na,” sagot ni Tita habang nakayakap kay Lola.

“Uuwi kami papuntang Maynila sa susunod na lingo. Ron, payo ko sa ‘yo ay mag-impake ka na ng mga
gamit mo,” sagot ni Tito Ray.

“Maraming salamt, Tito, Tita!” sabi ko. Niyakap ako nang mahigpit ng magkambal at tahimik sila’y
umiyak sa mga braso ko.

“Mga ma’am at ser, kain na po. Nakahanda na po ang hapunan sa lamesa,” sabi ni Ate Celis, ang
kasambahay namin, galing sa kusina.

“Tara. Kain na muna tayo at pag-usapan natin ito sa hapunan,” sabi ni Lola na tumahan na.
KABANATA II: Balik-Tanaw

Sa susunod na kinaumagahan, napag-isipan kong pumunta kina Lola Esme at Lolo Kiko, ang lola at lolo
ni Via.

Bagaman ay wala pa akong naikwekwentong mahalaga tungkol kay Olivia Bermudez, halata namang
nakaukit pa rin sa puso ko ang pangalan niya. Kaibigan ko siya mula nang pagkabata. Mas nauna pa naming
makilala ang isa’t isa kaysa matutong magsalita. Matatalik na kaibigan ang mga magulang namin kung kaya’t
napalapit na rin kami sa isa’t isa. Nagbago ang pagtingin ko sa kanya noong bakasyon matapos ang ikalimang
baiting. Biglang lumiliwanaga ng mundo ko at tila bang siya ang pinakaklaro saa king paningin. Tila
sumasabay ang buhok niya sa hangin at nagniningning ang kanyang mga mata tulad ng mga tala sa langit
tuwing gabi.

Maganda. Matalino. Masipag. Matiyaga. Mahinhin. Mabait. Talentado. Marunong sa bahay pati na rin
sa paaralan. Saan ka pa makakahanap ng babaeng ganyan?

Lumaki siya dito sa Bulacan kasama ang lolo at lola niya habang nakikipagsapalaran ang kanyang mga
magulang sa Maynila, tulad ng mga magulang ko.

Lagi niya ako kasama pauwi galing paaralan at minsan ay kumakain siya ng hapunan saa min kapag
walang pasok. Ang pinakainaabangan ko sa lahat ay ang pagtuturo sa kanya na sumayaw. Manonood ako sa
sala nila habang tinuturuan siyang sumayaw ni Tiyo Grande, ang haciendero dito saa min.

May usang araw na tinuturuan niya si Via mag-waltz, ngunit dahil sa sorang katangkaran niya, ako ang
inatasang ka-partner ni Via doon. May mga lumilipad na paru-paro sa tiyan ko. Ang mga mata niyang
mapupungay ay tumitig sa akin at tinitigan ko siya pabalik.

“Grabe, Ron, ikaw ang pinakamatalik kong kaibigan. Ikaw lang ang gusto kong makasayaw habang
buhay,” ngiti niya sa akin habang tinuturuan kami kung paano mag-waltz.

Alam kong mga bata pa kami noon ngunit iba talaga kapag iniisip mo kung ano ang mga posibilidad.
Nahulog pa ako lalo Nguni napagtano ko ring hindi ito magtatagal.

Nang elementary graduation namin, nakita ko siyang umiiyak sa likod ng gym at kasama niya ang mga
magulang niya.Umuwi sina TitaYna at Tito Gelo para sa graduation niya at may pinag-uusapan silang seryoso.

Naaalala ko pa ang pagtangis niya habang tumatakbo siya palabas ng gym. Lumingon ako kina Mama
at Papa, “Ma, Pa, may kaibigan lang akong kakausapin.” Pinayagan naman nila ako. Tumakbo ako palabas
kasama sina Tita Yna at Tito Gelo.

“Ron, bumalik ka na sa mga magulang mo,” sagot ni Tita Yna.

“Paano po si Via?”
“Ron, mahiya ka naman. Minsan lang uuwi dito nanay at tatay mo tapos kaibigan mo aalalahanin mo?
Kami bahala kay Via. Usapang seryoso ito, iho. ‘Di ka dapat nakikisawsaw,” sagot ni Tito Gelo.

Napanghinaan ng loob, agad akong bumalik kina Mama at Papa. Kausap nila ang guro ko na halatang
magagandang balita ang hatid niya kina Mama at Papa tungkol sa akin.

“Ron, congratulations ulit! Tunay na magaling kang estudyante,” ngiti sa akin ni Ma’am Viscorde.

“Maraming salamat po, Ma’am,” sagot ko naman.

Matapos ang maikling kwentuhan ay agad kaming umuwi at doon nagsalo-salo, mula hapon hanggang
gabi, ngunit hindi ko man lang natanaw si Via. Isa-isa ako binati ng mga bisita namin dahil ako ang
salutatorian. Si Via naman kasi ang valedictorian. Maraming mga kaibigan ang lumapip sa ‘kin ngunit iisang
tao lamang ang hinahanap ng aking mga mata buong araw.

Nang natapos naa ng selebrasyon ng mga alas diyes ng gabi, tumakas ako habang tulog ang lahat at
kumaripas ng takbo pupunta kila Via. Kumuha ako ng mga maliliit na bato at pinagbabato ito sa bintana ng
kwarto ni Via. May nakita akong aninong gumalaw a binuksan ni Via ang kanyang bintana.

“Ron?” sabi niya habang pinupunas pa ang kanyang mga mata.

“Via, baba ka naman!” sabi ko. Nagsenyales siyang maghintay muna roon. Ilang mga minutong lumipas,
lumabas siya at nilapitan ako at bigla akong niyakap nang mahigpit.

“V-via?”

Bigla kong naramdaman ang pagbabasa ng aking balikat dahil sa pagpatak ng kanyang mga luha.
Kumawala siya mula sa aming yakap na ninais kong mas lalong tumagal pa.

“Ron, aalis ako.”

“Ahh, para sa bakasyon ba ‘yan?” tanong ko ngunit alam ko na ang paparating.

“Sa Maynila na ako titira kasama sina Mama at Papa,” sabi niya.

Biglang gumuho ang mundo ko. Gusto ko nang pakiusapan sina Mama at Papa na isama na rin ako sa
Maynila. Nawalan ng kulay ang mundo ko. Ang dati kong laging karamay, aalis na? May saysay pa kaya ang
buhay ko? Maraming mga tanong na tumakbo sa isip ko noong mga panahong iyon at kailanman, hindi umalis
sa isip ko kung kamusta na si Via ngayon.

“Kailan kayo aalis?”

“Hindi ko pa alam. Baka bigyan pa ako ng mga iilang araw dito upang makapagpaalam.”

Paalam? Ano ‘yon? Ginawa mo ba? Hindi eh. Nakaukit sa aking isipan ang aking paghahabol sa kotse
nila. Halos ilabas ko na baga ako kasisigaw sa pangalan niya ngunit hindi siya lumingon sa akin.
Aalis na siya.

“Tao po! Lola Esme? Lolo Kiko?” alingawngaw ng boses ko sa bahay ng lola at lolo ni Via.

“Oh Ronron, napadalawa ka! Kamusta na, iho?” dungaw ni Lola Esme mula sa kusina. Lumapit ako sa
kanya at nagmano.

“Francisco, si Ronron napabisita!” sigaw ni Lola Esme.

Pumasok si Lolo Kiko sa kusina mula sa likurang pintuan. Marurumi ang mga kamay niya dala ng
pagtatanim niya sa hardin nila.

“Mabuti naman at dumalaw ka!” nagmano ako kay Lolo Kiko.

Umupo kami sa sala at nakaharap ako sa kanila.

“Oh, ba’t ka naman napadalaw?” tanong ni Lola Esme.

“Luluwas po ako papuntang Maynila sa susunod na lingo,” sabi ko. Lumingon silang dalawa sa isa’t isa
na tila bang naaalarma.

“Ah, mabuti naman. Sino magdadala sa ‘yo roon?” tanong ni Lolo Kiko.

“Sina Tita Kikay at Tito Ray,” sagot ko. Tumungo na lamag sila at nanatiling tahimik at walang masabi.

“May problema po ba?” tanong ko.

“Naaalala lang namin si Via,” mungkahi ni Lolo Kiko.

“Bumibisita po ba si Via dito?” tanong ko.

“Aaahh oo naman.”

“Hindi ko nga po siya nachechempohan kapag bumibisita siya eh,” sabi ko.

“Ay Ron kasi ano, maraming ginagawa si Via sa paaralan niya kaya dios mio dinadala pa niya rito ‘yong
mga ano kuwan mga gawain niya para sa eskwela, mga libro, ganon. Tas ‘di lumalabas ng bahay!
Pagpasensyahan mo na, Ron!” tawa ni Lola Esme ngunit kakaiba ito, parang may kutob akong may tinatago
siya.

“Ahhh, ganun po ba?”

“Oo ganon na nga.”

“May nais lang ako tanungin,” dagdag ko.

“Ano iyon?”

“Saang paaralan nag-aaral si Via ngayon?”


“Sa isang unibersidad siya, University of the Pacific tawag,” sagot ni Lola Esme.

“Ahh sige po.”

“Ron, huwag mo nang subukang hanapin si Via sa Maynila,” sabi ni Lolo Kiko na may halong
pagbabanta ang boses niya.

“Lolo Kiko, bakit naman po? Kaibigan ko po si Via at ang tagal na namin ‘di nagkikita!”

“Madidismaya ka lang,” pagalit na sabi ni Lolo Kiko at napaatras ako sa upuan sa takot.

“Francisco, tama na! Ron, ang sinasabi lang ni Lolo Kiko mo ay sana hayaan mo na lang si Via at hayaan
mon gang tadhana na lang ang maglalapit sa inyong dalawa. Kung ayaw ka na rin makita ni Via, sana
respetuhin mo na lang desisyon niya,” sabi ni Lola Esme.

Ayaw na niya ba akong… makita??

“Ako po gagawa ng sariling kong tadhana. Kung gusto ko hanapin si Via, hananapin ko po siya.
Magandang araw, Lola Esme, Lolo Kiko. Aalis na po ako,” sabi ko nang tumayo na ako at nagmano sa kanila.

“Mag-ingat ka. Isang mabangis na lungsod ang Maynila,” sabi ni Lola Esme.

“Tama Lola Esme mo. Lagi kang mag-iingat doon,” banggit ni Lolo Kiko.

Umalis na ako at umuwi na.


KABANATA III: Ang Paghahanda

Bukas na ako luluwas papuntang Maynila kasama nina Tita Kikay at Tito Ray. Nakabuka lang ang
bagahe ko at nagsisimula na akong mag-impake. Dumungaw si Lia sa pintuan ng kwarto ko.

“Lia, pwede ka naman pumasok,” sabi ko habang naghahagis na ako ng damit mula sa aparador
pupunta sa kama ko. Tumayo siya nang maayos at tinitigan lang ako.

“Lia, may problema ba?” huminto ako at tumingin sa kanya.

You might also like