dagat. Ang bathala ng langit ay si Kaptan. Ang bathala ng dagat ay si Magwayen. May anak si Kaptan. Ang pangalan ay Lihangin. May anak si Magwayen. Ang pangalan ay Lidagat. Ipinakasal nila ang kanilang mga anak. Nagkaanak ang mag-asawa ng apat na lalaki. Ang mga pangalan ay Likalibutan, Ladlaw, Libulan at Lisuga. Nang lumaki ang mga bata hinangad ni Likabutan na maging hari ng sansinukob. Nahikayat niya si Ladlaw at Libulan na salakayin ang langit. Pinilit nilang buksan ang pinto ng langit. Galit na galit si Kaptan nang malaman ang ginawa ng tatlo. Pinaalpasan niya ang mga kulog at ihinampas ito sa magkakapatid. Naging bilog na parangbola sina Libulan at Ladlaw. Ang katawan ni Likalibutan ay nagkadurog-durog at kumalat sa karagatan. Dumating si Lisuga at hinanap ang kanyang mga kapatid. Nagpunta siya sa langit. Galit pa rin si Kaptan kaya pati si Lisuga ay hinambalos din niya ng kulog. Ang katawan ni Lisuga ay nahati at lumagapak sa ibabaw ng mga pira-pirasong katawan ni Likalibutan. Lumipas ang panahon pati na rin ang galit ni Kaptan. Kaya binuhay niya ulit ang mga pinarusahan. Si Ladlaw ay ginawang Adlaw (araw) si Libulan ay naging Bulan (buwan). Si Likalibulan ay tinabuan ng mga halaman at naging sanlibutan. Si Sibulan ang pinagmulan ng unang babae at lalaki na tinawag na si Lalak at si Babay. Ang iba namang alamat ng daigdig ay sinasabing nagmula sa mga nandayuhang Indonesyo. Noong unang panahon ay wala kundi langit, dagat at isang ibong lipad ng lipad sa pagitan ng langit at dagat. Sa katagalan ay napagod ang ibon ngunit wala siyang madapuan upang makapagpahinga. Naisipan ng ibon na pag-awayin ang langit at ibon. At natupad nga ang kanyangplano. Nagalit ang langit at naglaglag ito ng maraming bato sa dagat. Sa mga batong ito dumapo ang ibon. Sa katagalan ang mga bato ay tinubuan ng mga puno at halaman. Isang araw habang lumilipad ang ibon, napansin niya ang kapirasong kawayan na lulutang-lutang sa tubig. Tinuka nang tinuka hanggang sa mabiyak. At sa isang bahagi ay lumitaw ang unang babae na ang ngalan ay si Babay at sa kabila ay ang unang lalaki na ang pangalan ay si Lalak. ALAMAT NG BULAKLAK Noong unang panahon may isang prinsesang may napaka-gandang buhok na iba’t iba ang kulay. Siya’y nagngangalang Prinsesa Buna na umiibig ng palihim sa kanilang hardinero na si Lakal. Araw-araw ay pumupunta ang prinsesa sa hardin. Iniisip ng kanyang ama na mahilig lamang talaga ang prinsesa sa mga bulaklak kaya ito ay laging naroroon. Ngunit lingid sa kaalaman ng ama ay hindi iyon ang pinupunta ng kanyang anak sa hardin. Pinupuntahan ng prinsesa si Lakal na laging gumagawa ng sari-saring pabango na gustong- gusto niyang amuyin at gamitin dahil sa kakaibang amoy ng pabangong gawa nito. Ngunit isang araw, nahuli ng hari ang dalawa na naglalakad sa hardin ng magkahawak ang kamay. Agad na nagalit ang hari dahil ang isang prinsesa ay umiibig sa isang hardinero kaya isinikreto niya sa kanyang anak ang plano niyang pamamaslang kay Lakal. Inutusan ng hari ang isang kawal na pagdating ng gabi ay dapat ipatapon si Lakal sa kagubatan at iwanan doon hanggang mamatay. Ginawa ng kawal ang utos ng hari at agad na iniwan si Lakal sa gitna ng gubat. Si Lakal ay namatay at ang prinsesa ay inintay ang pagdating ni Lakal sa hardin ngunit hindi niya nakita ang binata hanggang magdilim. Ilang araw na nag-intay si Buna at hindi siya kumain o naligo. Ni hindi rin siya natulog at kinaumagahan ay inaantay pa rin nya si Lakal. Isang araw ay naisipan ng prinsesa na umalis sa palasyo at hanapin si Lakal. Ngunit siya’y nang hihina na. Paglipas ng ilang araw ay hinanap ng hari ang kanyang anak na si Buna. Pumunta siya sa hardin kung saan nagpupunta si Buna upang intayin si Lakal. Ngunit ang nasilayan niya lamang ay ang isang malagong halaman na may iba-t ibang kulay at iba’t ibang uri. Napansin din niyang ito ay kakulay ng buhok ng kanyang anak. Kasing bango rin ng mga gawang pabango ni Lakal ang mga halaman. Nasa huli plagi ang pagsisisi. Nalungkot ang hari at walang nagawa kundi alagaan ang natitirang bunga na naiwan bilang alaala sa anak. Pinangalanan niya ang halaman na Bunalak at kalaunan ay tinawag na Bulaklak