Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Ang Misteryo sa aking buhay

Hindi ko inalintana ang katok na umalingawngaw sa aking kwarto, maging ang natapon
na kape sa aking lamesa at mga nagkalat na muwebles sa silid. Parang wala ako sa sarili sa mga
oras na iyon. Hinayaan kong dumausdos ang malamig na tubig sa aking katawan. Pilit kong inaalis
sa aking isipan ang mga nangyari.

“Hindi ‘to totoo. Panaginip lang ito Vie,” pangungumbinsi ko sa aking sarili.

Paulit-ulit kong kinukuskos ang katawan ko. Isang kalabog na naman ang narinig ko.
Kailangan kong magmadali. Baka kunin nila ako. Hindi pa ako handa. Agad akong nagbalot ng
roba, kahit ramdam ko pa ring tumutulo ang basa kong buhok sa sahig.

Napahawak ako sa dibdib. Bakit hindi ako makahinga? Napadako ang paningin ko sa
bintanang nakasara. Napaatras ako nang biglang pumihit ang seradura ng bintana. Kusa itong
nagbukas. Humampas sa akin ang malamig na simoy ng hangin.

“Nangyayari na naman.”

Ang iilang katok ay sinundan pa ng mga kalabog. Maging ang kalansing ng mga susi ay
naririnig ko na rin. Marahas na bumukas ang pinto. Iniluwa nito ang isang matabang babae na
nagpupuyos na sa galit. Ang mga litid nito sa leeg ay tila puputok na nang wala sa oras. Nanlilisik
ang kanyang mata at agad akong hinila patayo.

“T’yang, ‘wag po. Nagmamakaawa po ako. Ayaw ko po sa kanila,” pagmamakaawa ko.


Pilit akong nagpupumiglas, ngunit wala itong epekto.

“Manahimik ka Vie! Kailangan mo silang harapin. Wala ka na ngang ambag dito sa


pamamahay ko, sakit ka pa sa ulo! Pinag-aaral kita tapos ganito ang igaganti mo sa akin. Hindi
na sana kita kinupkop. Magbihis ka at pupunta tayo roon,” pasigaw na sabi ni Tiya Norma.

Wala akong nagawa sa mga oras na iyon. Dahil sa higpit na hawak ni T’yang Norma sa
aking braso ay nag-iwan ito ng pasa. Pilit ko nalang itong itinago sa mahaba manggas. Halos
mapudpod na ang suwelas ko sa pagkaladkad sa akin ni Tiya.

Pinigtitinginan na kami ng mga tao sa kadahilanang ito kumuyom ang aking kamao.
Narinig ko ang sigaw ng mga babae sa gilid namin, dahil biglang nabasag ang bombilya ng
posteng aming dinaraan. Lalong lumakas ang busina ng mga sasakyan.

Ang bungisngis ng mga tao ay napalitan ng sigawan. Ang mga tuyong dahon ay
nagliliparan. Lumakas ang ihip ng hangin, tilang may bagyong paparating. Lalong humigpit ang
hawak sa akin ni T’yang Norma at bumilis ang aming mga hakbang. Lakad takbo na ang ginawa
naming para lamang mabilis na makarating.

May isang lalaking naka-uniporme ang sumalubong sa aming pagdating. Inanyayahan


n’ya kaming pumasok sa isang silid.

“Malinaw naman po sa inyo ang nilabag ng pamangkin niyo. Nasa hospital yung dalawang
biktima,” pagpapaliwanag ng isang lalaking naka-uniporme.

“Hindi ko po siya tunay na pamangkin. Kinupkop ko lang noong bata pa siya. Palaboy-
laboy kasi,” pagpapaliwanag ni T’yang Norma.
Dumako ang paningin niya sa’kin. “Iha, nasa wastong edad kana, alam mo bang maaari
kang makulong dahil sa ginawa mo?” Hindi ako makatingin ng deretso. Kinukutkot ko nalang ang
mga daliri ko. Hindi dapat ako nandirito. Sila ang may kasalanan.

May dumating na dalawang babae sa silid. Nang nakita nila ako ay napagmasdan kong
nanginginig sila sa galit. Ramdam ko ang tensyon sa paligid. Walang pakundangang nilusob ako
ng dalawa.

“Demonyo ka!” ramdam ko ang paghapdi ng anit ko. Maging ang damit ko ay halos
mapunit. Hindi man lang ako tinulungan ni T’yang Norma. Umawat naman ang lalaking kumausap
sa amin kanina.

“Maghunos dili po kayo,” sabi nito.

“Dahil sa babaeng ‘yan, nasa hospital ang anak ko! Demonyo ‘yan!” sigaw ng ale.

“Halimaw ‘yan! Hindi dapat sa kulungan dalhin yan!” dagdag pa nito.

Iba’t ibang klase ng masakit na salita ang ibinato nila sa akin. Hindi ako halimaw! Gusto
ko lang namang pigilan silang saktan ako. Hindi ko naman intensyong saktan sila.

“Halimaw ka! Mamatay kana!” paulit-ulit itong sumasagi sa isipan ko. Halo-halong boses
ang naririnig ko. Lalong tumindi ang pagkirot ng ulo ko.

“Tama na!” Kasabay ng pagsigaw ko ay ang pagkabasag ng mga salamin sa silid. Nakita
ko ring tumilapon sila. Maging ang bombilya ay pakislap-kislap na lamang. Ang mga bugbog ay
nagkalat sa sahig.

Agad akong lumapit kay Tiya. Punong-puno ito ng dugo. Nakita ko ang sarili ko sa
malaking bubog na nakatarak sa dibdib nito. Hindi ako ang may gawa nito.

“Hindi ako!” Nakita kong bumunot ng rebolber ang isa lalake. Nanginginig niya itong
kinuha at itinutok sa akin. Kita ko ang pangamba sa mukha niya. Bago pa ito pumutok ay
nahulugan na ito ng malaking ilaw na fluorescent.

Tumunog nang malakas ang sirena sa loob. Bago pa bumukas ang pintuan ng silid ay
minabuti kong tumakas galling sa bintana. Nakayapak kong tinungo ang bahay ni Tiya.
Nagmamadali akong nagpalit ng damit at agad-agad akong kumuha ng bag para mag-impake.
Alam kong anumang oras ay nandirito na sila.

“Kasalanan naman nila kung bakit sila nagkaganun,” bulong ng isipan ko.

Nilisan ko ang lugar na iyon. Hindi ko alam kung saan ako napadpad. Pero alam kong
malayo ito sa siyudad. May nakita akong gotohan, pero ubos na ang pera ko. Ramdam na ramdam
ko na rin ang kalam ng sikmura ko. Dumidilim na rin ang paningin ko dahil halos magda-dalawang
araw na akong walang kain. Bibigay na ang katawan ko.

Bago pa ako makahingi ng tulong ay nilamon na ako ng kadiliman.

May naririnig akong malumanay na boses. Boses ng babae. Dahan-dahan kong iminulat
ang aking mga mata, para malaman kung sino ang nagsasalita.
“Nakulbaan ako sa’yo, Day. Maayo at gising kana.” Isang babaeng ‘di pamilyar sa akin
ang bumungad. Naiintindihan ko naman ang sinabi niya. Bumangon sa pagkakahiga.

“Naku, pasensya na po sa abala,” paghingi ko ng paumanhin.

“Walang kaso sa’kin ‘yon Day. Kumain ka na. Alam kong gutom ka na,” alok nito sa akin.
Nagpasalamat naman ako rito. Habang kumakain ay nakikipagkwentuhan kami.

“Wala ka na palang magulang. Kaluoy man. ‘Di bali dumito ka muna sa balay ko.”

“Maraming salamat po manang.”

“Tiya Susan nalang.” Mabilis kong napaggaanan ng loob si Tiya Susan. Pinag-aral ako nito.
Itinuring na isang tunay na anak. Mas mabait s’ya kesa sa naunang mga kumupkop sa akin.

Laking pasasalamat ko kay Tiya Susan, ngunit ilap sa akin ang kanyang anak na babae.
Ilang taon ko itong pinakisamaan. Isang araw naulit na naman ang aking pinangangambahan.

You might also like