Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 6

Republic of the Philippines

House of Representatives
Quezon City

Eighteenth Congress

Eufemia C. Cullamat

IRESPETO ANG SARILING PAGPAPASYA NG


PAMBANSANG MINORYA SA LUPANG NINUNO
Pribilehiyong Talumpati ni BAYAN MUNA Rep. Eufemia Cullamat tungkol sa mga atake sa mga
katutubo at magsasaka
Hulyo 29, 2019

Ginoong Speaker, minamahal na mga kapwa mambabatas,

Magduw nu eydow.

Una sa lahat, gusto kong itala sa record, na wala sa aking hinagap o imahinasyon na makita ang
aking sarili, isang simpleng magsasakang Manobo mula sa komunidad ng mga Lumad sa
kabundukan ng Barangay Diatagon sa Lianga, Surigao del Sur, ang makapasok sa prestiyosong
bulwagan na ito, lalo na ang tumayo sa inyong harapan ngayon, bilang isa sa inyong kasamahan.

Naalala ko pa noong 2017 nang kaming mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao, ay
pumasok at umupo sa gallery ng bulwagang ito upang makinig kay dating kinatawan ng
Anakpawis Partylist, Ka Ayik Casilao, sa kanyang privilege speech patungkol sa aming kalagayan.
Kami ay kinausap noon para lumabas, Ginoong Speaker. Kahit ngayon, bilang inihalal na
kinatawan ng Bayan Muna Partylist, ako pa rin ay nangangamba, na ako’y muling paalisin.

Mr. Speaker, ang presensya ko dito ngayon, kasama ng lima (5) pang kinatawan ng Makabayan,
ay isang katibayan ng katapangan at katatagan ng aming mga myembro at tagasuporta. Sila, na
naggiit at napangibabawan ang malupit at malawakang panunupil, ay nakakuha ng 2,236,155 na
boto para sa mga partylist sa ilalim ng Makabayan Coalition at naghatid ng boses ng masang
Pilipino sa kongreso.

Ang tagumpay ng mga partylist ng Makabayan sa nakaraang eleksyon ay nakamit sa dugo at pawis
ng mga ordinaryong Lumad at iba pang pambansang minorya, mga magsasaka, mangingisda,
manggagawa, kabataan, propesyunal, mga simpleng kawani mga reliyoso at iba pang maralitang
mga sektor.

Mahaning no mgo boluntaryo no migbulig kanami no pighimatadan paduyog kani to sii no matikang no ugpaan.
Marami sa aming mga kasamahan, tagasuporta at boluntir ang pinaslang sa aming paglalakbay na
ito patungo sa kagalang-galang na bulwagang ito. Dahil dito, gusto ko silang parangalan ngayon,
ang aking mga kasama, na nag-alay ng buhay para sa paghahanap at pakikipaglaban sa

CONGRESSIONAL OFFICE: Rm. 611 South Wing Bldg., House of Representatives, Batasan Hills, Quezon City
Telefax: 931-5311 Tel.: 931-5001 loc. 7310 Email: kafemia.bayanmuna@gmail.com
NATIONA HEADQUARTERS: Lot 28 Block 33 J.P Rizal St., New Capitol Estate 1,
Commonwealth Ave. Batasan Hills Quezon City 1126 PH Tel.: +623 7181564
www.bayanmuna.net Facebook: fb.com/bayanmunapartylist Twitter: @bayanmuna
makatwirang panlipunang pagbabago. Ang mataas na parangal ay para kina Randy Malayao,
Councilor Toto Patigas, Atty. Ben Ramos, Neptali Morada, James Vinas, Peasant Leaders Larry
Suganob, Nonoy Palma, Human Rights Advocate Romano Baldoza. Kasama natin sila habang
nagpapatuloy tayo sa pakikipaglaban para sa mga karapatan ng mamamayang Pilipino. Muli, taas
kamao po akong nagpapasalamat sa mamamayang Pilipino sa tiwala at karangalang ito na maging
kinatawan nila dito sa Kongreso.

Nandito ako ngayon, nakatindig sa inyong harapan, bilang kinatawan ng mahihirap, inaapi at
tinanggalan ng karapatan na nakikibakang mamamayan. Nandito ako ngayon upang ilahad ang
tunay na kalagayan ng mga mamamayang sadlak pa rin sa kahirapan, laluna ang mga katutubo at
pambansang minorya.

Ginoong Speaker, humihingi kami ng katarungan para sa mga biktima at kanilang


pamilya, sa pinakamasahol na paglabag sa karapatang pantao ng pambansang minorya,
mga katutubo at magsasaka. Mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2019, 250 na lider at
myembro ng mga progresibong organisasyon ang marahas na pinaslang at 392 ang mga
biktima ng frustrated extra judicial killings.

Sa mga biktimang ito, 207 ang mga magsasaka at Lumad na tumututol sa mapaminsalang
operasyon sa kanilang mga lupaing sinasaka at lupaing ninuno. Balik-tanawan natin ang
pagpaslang sa, tatlong (3) myembro ng Nagkahiusang Mag-uuma sa Laak noong March 2017,
dalawang (2) myembro ng Farmers Association in Davao City noong September 2017, tatlong (3)
myembro ng Compostela Farmers Association noong August 2018 at walong (8) myembro ng
T’boli-Manubo Sdaf Claimants Organization (Tamasco) sa Lake Sebu noong December 2017.
Noong January 2019 naman, dalawang (2) Lumad na magsasaka ang pinatay sa Lianga Surigao
Sur, isang (1) Lumad Leader ng Pigyayunga-An sa Bukidnon noon July 8, 2019. Ang lahat ng ito
ay nangyari sa ilalim ng Martial Law sa Mindanao.

Ang kamakailang mga masaker sa Negros, una sa Sagay kung saan siyam (9) ang pinatay na
magsasaka kabilang ang dalawang (2) menor de edad, at ang ikalawa ay sa Kanlaon kung saan
labing-apat (14) na magsasaka ang pinatay, at noong isang linggo sa Gihulngan, kung saan apat
(4) ang magkakahiwalay na pinaslang, kabilang ang isang principal ng paaralan – ito ay mga
pagpatay sa ilalim ng counter-insurgency na kampanyang Oplan Kapayapaan. Noong 2017
hanggang sa kasalukuyan at nang naitatag ang Opan Sauron ng rehimeng Duterte meron nang
tatlumpu’t anim (36) na pinatay na walang kalaban laban sa kanilang operasyong militar. Sa
kabuuan, walumpu’t tatlo (83) na ang pinatay sa isla ng Negros.

Maging ako man, Mr. Speaker, ay naging biktima na rin ng paglabag sa karapatang pantao ng
Armed Forces of the Philippines at ng mga paramilitar. Saksi ako, kasama ang mahigit 200 pang
2 | IRESPETO ANG SARILING PAGPAPASYA NG PAMBANSANG MINORYA SA LUPANG NINUNO. BAYAN MUNA Rep. Cullamat. Hulyo 29, 2019.
mga Lumad na tulad ko kasama ang mga bata, sa marahas na pagpaslang sa aking pinsan na si
Dionel Campos, lider ng aming organisasyon na Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod
(MAPASU), aking tiyuhin na si Datu Jovillo Sinzo at si Sir Emerito ‘Emok’ Samarca, ang
Executive Director ng aming paaralang Lumad na ALCADEV, noong September 1, 2015 sa
Surigao del Sur.

Nanginginig akong nakadapa sa lupa habang walang habas na nagpapaputok ng kanilang mga
baril and mga sundalo at paramilitar. Kitang-kita ko kung paano pinadapa si Dionel ng isang
paramilitar sa lupa. Nakita ko nang sumabog ang kanyang utak matapos syang barilin sa ulo ng
iniangat nya ito para tingnan sila. Niyakap ko ang mga anak ni Dionel habang umiiyak sila sa wala
nang buhay at nilapastangang katawan ng kanilang ama. Nakita ko ang isa naming elder na si
Datu Bello na ilang beses hinampas ng kahoy na naging dahilan ng pagkabali ng kanyang binti at
mga braso, at pagbagsak nya ay binaril ng ilang ulit ng mga paramilitar habang ang mga sundalo
ay nasa paligid lang. Nakita ko ang tinortyur na walang buhay na katawan ng aming minamahal
na principal sa paaralan na si Sir Emok na nakahandusay sa loob ng isa sa mga silid-aralan ng
aming paaralang Alcadev. Ang kanyang katawan ay tinadtad ng bala at paso ng sigarilyo, hiwa ang
kanyang leeg.

Ang masaker na iyon ay malinaw na naglalayong takutin kami upang payagan ang pagpasok ng
minahan ng coal sa aming lupang ninuno. Sa pananalita ng isang paramilitar, “Ug sugot kow pa no
ug sid kan mga dudugi no mgo kompaniya to mina, kuna kow podom ug ka angod to sie.” (Dili unta ni
mahitabo sa inyo kung mosugot mo sa mina) o ‘Hindi ito mangyayari kung pumayag kayong
pumasok ang minahan.’ Hanggang ngayon ay wala pa ring hustisya. Malaya pa rin ang mga
pumatay sa aming dalawang lider at executive director.

Ang mga larawang ito ay mananatili sa aking isipan habang ako ay nabubuhay. Lalo ko silang
naalala tuwing may magsasaka, o isa pang katutubo, abogado, o titser, human rights worker, o
reliyoso ang pinaslang dahil lamang sa paggigiit at pagtatanggol sa kanilang mga karapatan.

Ang mas masakit pa, Mr. Speaker, ay ang mga karumal-dumal na atakeng ito ay
ginagawa rin sa mga paaralan ng Lumad, sa aming mga guro, sa aming mga anak.
Hindi lamang nila winawasak ang aming mga paaralan, sinasampahan pa ng gawa-
gawang kaso ang mga guro at tagasuporta at ikinukulong sila. Nilalapastangan nila,
winawasak, sinusunog ang mga paaralang pinagsakripisyuhan, pinaghirapan naming
itinayo.

Sa loob ng maraming dekada, ang pambansang minorya ay pinagkaitan ng batayang serbisyo


kasama na ang edukasyon. Kami ay ilang ulit na naging biktima—una, sa kakulangan ng
edukasyon, at ikalawa, sa kahirapan sa pagkamit nito sa kapatagan.
3 | IRESPETO ANG SARILING PAGPAPASYA NG PAMBANSANG MINORYA SA LUPANG NINUNO. BAYAN MUNA Rep. Cullamat. Hulyo 29, 2019.
Masasabi ko, at aaminin ko na ako ay isa sa kakaunti o iilan na nagtapos lamang ng elementarya
na nakatuntong sa bulwagang ito bilang isang mambabatas, na hirap makaintindi ng salitang
Ingles, o kaya’y bumasa nito. Ako ay produkto ng kakulangan ng gobyerno na magbigay ng
nararapat na edukasyon dahil ang pinakamalapit na paaralan sa amin ay mahigit dalawampung
(20) kilometro ang layo.

Ganunpaman, nagsikap kami, nagbuhos ng dugo, pawis at luha at sa tulong ng simbahan at mga
non-government organizations, naitayo ang mga paaralan sa aming mga komunidad at kami ay
natutong magbasa, magsulat at magbilang. Dahil sa mga Lumad schools na ito, ang aming mga
anak ay nakakuha ng edukasyon na akma sa aming tradisyon, kultura at pangangailangang
paunlarin, lalo na ang agrikultura para kami ay mabuhay sa aming lupa habang pinoprotektahan
ang lupang ninuno para sa susunod na henerasyon.

Marami sa mga mag-aaral ng mga paaralang ito, ang ilan ay nakatuntong ng kolehiyo, ay bumalik
sa mga komunidad at naglingkod sa mga kapwa naming Lumad bilang mga guro, agriculturist,
health worker at organizers. Sila ay napagkakatiwalaang lider ng aming mga komunidad,
epektibong tinutulungan ang mga di nakapag-aral na Datu ng Lumad para pamunuan ang aming
tribu.

Si Honorable Johnny Pimentel, dating gobernador ng Surigao del Sur at ngayon ay kagalang-
galang na Deputy Speaker at kasamahan ko dito sa kongreso, ay makakapagpatunay sa pag-unlad
ng aming mga komunidad dahil sa mga paaralang Lumad. Napuntahan nya ang aming mga
komunidad at paaralan noong sya ay gubernador pa at tinulungan kami sa mga panahon ng
kagipitan at kahirapan.

Mga minamahal kong kasamahan, nakakapagsalita ako ngayon ng Filipino o Tagalog sa inyong
harapan dahil sa mga paaralang ito ng Lumad. Ipagpaumanhin mo, Mr. Speaker, kung may di
tama akong nabibigkas sa aking pagbasa at pananalita sa inyong harapan.

Ang mga guro ng Tribal Filipino Program of Surigao del Sur (o TRIFPSS) at ng Alternative
Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (o ALCADEV) at ang aking mga
anak na doon nag-aral, ang nagturo sa akin at sa marami pang magulang o matatanda sa aming
komunidad na bumasa, umunawa at magsalita ng pambansang wika. Ang iba pang katutubo sa
mga komunidad na may kaparehong paaralan ay natuto ring magbasa, magsulat at magbilang.

Ginoong Speaker, sa kabila o dahil marahil ang mga Lumad ay nakakapag-aral o


‘literate’ na ngayon, kung kaya tumitindi ang atake sa mga paaralang Lumad. Ngayong
July 2019 lamang, limampu’t lima (55) na Lumad school na pinatatakbo ng Salugpongan Ta'tanu
4 | IRESPETO ANG SARILING PAGPAPASYA NG PAMBANSANG MINORYA SA LUPANG NINUNO. BAYAN MUNA Rep. Cullamat. Hulyo 29, 2019.
Igkanugon Learning Center sa probinsya ng Davao ang sinuspinde ng DepEd sa ilalim ni
Secretary Briones dahil sa sulsol ng National Security Adviser na si Gen. Hermogenes Esperon.
Inaakusahan ni General Esperon and Salugpongan schools, tulad ng pag-akusa nya sa mga
paaralang pinatatakbo ng CLANS, MISFI, TRIFPSS at ALCADEV, na nagtuturo daw sa mga
bata na lumaban sa gobyerno, hinahasa daw silang maging mandirigmang NPA, paano bumaril at
magdismantel ng armas. Ang lahat ng ito ay purong kasinunghalingan na naglalayong
isara ang aming mga paaralan at durugin ang mga organisasyon ng mga Lumad.

Bago pa ang whole of nation approach ng administrasyong Duterte kung saan ginagamit ang mga
ahensya ng gobyerno sa kanyang programang counter-insurgency, ang ilan sa mga paaralang ito
ay tumanggap na ng mga pagkilala at mga award na iginawad mismo ng Department of
Education.

Lubos ang sakit na nararamdaman ko, Ginoong Speaker, na si Pangulong Duterte, na nanawagan
ng hustisya para sa mga atake sa mga Lumad ng Mindanao at aming mga paaralan noong 2015 ay
nagpataw ng Martial Law, pinaigting ang militarisasyon at inuutusan ang AFP na ipagpatuloy ang
di-makataong trato sa mga magsasaka at pambansang minorya.

Malinaw sa amin ang mga dahilan ng lahat ng pamamaslang na ito, Ginoong Speaker.
Ito ay para patahimikin kami, tanggalin ang lahat ng may pagtutol sa walang-habas na
pandarambong at pagsira sa aming lupang ninuno, sa aming mga sakahan, ng mga
malalaking minahan, plantasyon at dam.

Ang presidente mismo ang nagsabi sa aming mga Lumad ng Mindanao, na siya na daw ang pipili
at magdedesisyon sa mga proyektong papasok sa aming mga lupang ninuno, na bobombahin nya
kami, kabilang ang aming mga paaralan at lahat kami ay maghanda na lumisan sa aming mga
komunidad. At ginawa nga niya ang mga ito, at ipinagpapatuloy na pinalawig ang Martial Law sa
Mindanao.

Sa kasalukuyan, isa sa pinakamatinding apektado ng mga pag-atakeng ito ang mga komunidad na
nasa kabundukan ng Pantaron. Ang mga komunidad ng Lumad-Manobo ng Talaingod, kasama
ang mga Bagobo, Mansaka at Mandaya na naninirahan sa Pantaron Mountain Range ay inaatake
dahil sa kanilang likas-yaman sa loob ng lupang ninuno. Ang Pantaron ay sumasaklaw sa mga
erya ng Bukidnon, Davao del Norte, Davao del Sur, Misamis Oriental, Agusan del Norte, at
Agusan del Sur. Ito ay tahanan ng natitirang 1.8 milyon na ektarya ng virgin forest na
nagsusuplay ng tubig sa malalaking ilog ng Mindanao. Ang mga Lumad sa lugar na ito ay tutol sa
mining operations ng Apex Mining Co., Crew Gold Corporation at Mapula Creek Gold.

5 | IRESPETO ANG SARILING PAGPAPASYA NG PAMBANSANG MINORYA SA LUPANG NINUNO. BAYAN MUNA Rep. Cullamat. Hulyo 29, 2019.
Ang mga komunidad naman ng Lumad-Manobo sa Andap Valley Complex sa Surigao del Sur
kabilang ang kabundukan ng Lianga, San Agustin, Marihatag, Tandag, Tago at San Miguel ay
militarisado. Ang mga Lumad sa lugar na ito ay tumututol sa operasyon ng labinlimang (15) coal
mining companies. Ang mga Lumad sa Agusan del Sur sa loob ng 200,000 ektarya na target na
expansion ng plantasyon ng palm oil, ay inaatake din.

Subalit Ginoong Speaker, ang mga pag-atakeng ito sa mga komunidad ng mga katutubo ay hindi
lang nangyayari sa Mindanao. May mga pag-atake din sa mga komunidad ng pambansang
minorya na tumututol sa mga proyekto sa ibang bahagi ng bansa—ang mga Dumagat ng Quezon
na tutol sa itatayong Kaliwa Dam, mga Igorot ng Kalinga at ang mga karatig na probinsya na
tutol sa Chico River Irrigation Pump Project. Ang mga proyektong ito ay magpapalayas sa mga
katutubo sa kanilang lupang ninuno.

Sa kabila ng lahat ng ito, kami, ang mga pambansang minorya ay magpapatuloy sa pagdepensa sa
aming lupang ninuno, ang pinagmumulan ng aming buhay at kabuhayan. Magpapatuloy kami sa
pagsisikap na depensahan ang aming mga paaralang Lumad para sa edukasyon ng aming mga
anak. Magpapatuloy kami na maghanap ng hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa
karapatang pantao.

Hinihingi namin, Ginoong Speaker, na pangunahan ng Kongresong ito ang imbestigasyon sa


mga atake sa mga paaralang Lumad at mga samahan at organisasyon ng Lumad na ginagawa ng
mga ahensya ng gobyerno tulad ng DepEd, DSWD, DILG, PNP, AFP. Sa partikular, ay
hinihingi ng kinatawang ito ang kagyat na imbestigasyon sa sapilitang pagpapasara ng DepEd sa
55 na Salugpongan schools sa Davao Region.

Nananawagan kami ng imbestigasyon sa malalaking operasyon ng pagmimina at mga plantasyon,


laluna sa Mindanao, na nagpapalayas sa mga pambansang minorya at sumisira sa aming lupang
ninuno na nagdudulot ng mga pagguho ng lupa at pagbabaha.

Nanawagan kami, Ginoong speaker, na itigil na ang Martial Law sa Mindanao dahil kaming mga
pambansang minorya, mga progresibong grupo at ang mga magsasaka ang direktang biktima
nito.

Nananawagan kami na ihinto na ang mga proyektong Kaliwa Dam at Chico River Pump Project
at mga proyektong magpapaalis sa mga katutubong mamamayan at mga magsasaka sa kanilang
lupain, sumisira sa ating Inang Kalikasan at magbabaon sa mamamayang Pilipino sa mas
malaking utang.

Ito lamang po, Mr. Speaker. Daghang salamat at mapagpalayang gabi sa ating lahat.
6 | IRESPETO ANG SARILING PAGPAPASYA NG PAMBANSANG MINORYA SA LUPANG NINUNO. BAYAN MUNA Rep. Cullamat. Hulyo 29, 2019.

You might also like