Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 10

Buod ng Hudhud

Isang araw sa nayon ng Hannanga, isang sanggol na lalaki ang isinilang sa mag-asawang Amtalao at Dumulao.
Ang pangalan niya ay Aliguyon. Siya ay matalino at masipag matuto ng iba’t ibang bagay. Katunayan, ang
napag-aralan niyang mahahalaga mula sa mga kasaysayan at pangaral ng kanyang ama ay marami. Natuto siya
kung paano makipag-bakbakan nang mahusay, at paano umawit ng mga mahiwagang gayuma (encantos,
magic spells). Kaya kahit nuong bata pa, tiningala na siya bilang pinuno, at hanga ang mga tao sa kanya.

Nang mag-binata si Aliguyon, ipinasiya niyang sagupain si Panga-iwan, ang kaaway ng kanyang ama, sa nayon
ng Daligdigan. Subalit ang sumagot sa kanyang hamon ay hindi si Pangaiwan. Ang humarap sa kanya ay ang
mabangis na anak nito, si Dinoyagan na bihasa rin sa bakbakan tulad ni Aliguyon.

Hindi naaling, pinukol ni Aliguyon ng sibat si Dinoyagan. Kasing bilis ng kidlat, umiktad si Dinoyagan upang
iwasan ang sibat. Wala pang isang kurap ng mata, binaligtad ni Dinoyagan ang sibat at hinagis pabalik kay
Aliguyon. Umiwas din si Aliguyon at sinalo rin ng isang kamay sa hangin ang humahagibis na sibat. Binaliktad
din niya at ipinukol uli kay Dinoyagan.

Pabalik-balik at walang tigil, naghagisan at nagsaluhan ng sibat si Aliguyon at Dinoyagan. Umabot na ng ilang
taon ay hindi pa rin tumigil ang bakbakan, at walang nagpakita ng pagod o pagsuko sa dalawa. Subalit sa
bangis at dahas ng kanilang paghahamok, kapwa sila humanga sa giting at husay ng kalaban, at pagdaka’y
natuto silang igalang ang isa’t isa.

Biglang bigla, tumigil sina Aliguyon at Dinoyagan at sa wakas ay natigil ang bakbakan. Nag-usap at nagkasundo
sila ng payapa. Buong lugod na sumang-ayon ang lahat ng tao sa nayon ng Hannanga at Daligdigan, at
ipinagdiwang nila ang pagkakaibigan ng dalawa.

Sa paglawak ng katahimikan, umunlad ang dalawang nayon. Naging matalik na magkaibigan sina Aliguyon at
Dinoyagan. Naging asawa ni Aliguyon si Bugan samantalang napangasawa naman ni Dinoyagan ang kapatid na
babae ni Aliguyon, si Aginaya.

Ang dalawang pamilya ay iginalang ng lahat sa Ifugao at namuhay ng masaya.


Buod ng Biag ni Lam-ang

Sa lambak ng Nalbuan sa baybayin ng Ilog Naguilian sa La Union ay may mag-asawang kilala sa pangalang Don
Juan at Namongan.

Nang malapit nang magsilang ng sanggol si Namongan, nilusob ng tribo ng Igorot ang nayon at pinatay ang
maraming tauhan ni Don Juan. Sa laki ng galit, nilusob naman ni Don Juan ang mga Igorot upang ipaghiganti
ang mga tauhan niya. Hindi na nakabalik si Don Juan sa kanyang nayon. Ang naging balita, siya ay pinugutan ng
ulo ng mga Igorot.

Isinilang ni Namongan ang kanyang anak. Ang sanggol ay nagsalita agad at siya na ang pumili ng pangalang
Lam-ang at siya na rin ang pumili ng kanyang magiging ninong.

Nang malaman ni Lam-ang ang masakit na nangyari sa kanyang ama, sumumpa siyang ipaghihiganti niya ito. Sa
gulang na siyam na buwan pa lamang, ay malakas, matipuno at malaking lalaki na siya. Ayaw man siyang
payagan ng kanyang ina upang hanapin ang bangkay ng kanyang ama, ay nagpilit din si Lam-ang na makaalis.

Kasama niya sa pagtungo sa lupain ng mga Igorot ang isang mahiwagang tandang, ang tangabaran, at
mahiwagang aso. Baon rin niya ang kanyang talisman mula sa punong saging. Sa tulong ng kanyang talisman
ay madali niyang nalakbay ang mga kabundukan at kaparangan. Sa laki ng pagod ni Lam-ang, siya ay nakatulog.
Napangarap niya ang mga Igorot na pumatay sa kanyang ama na nagsisipagsayaw at nililigiran ang pugot na
ulo ng kanyang ama. Nagpatuloy si Lam-ang sa paglalakbay at narating ang pook ng mga Igorot. Nakita niya
ang ulo ni Don Juan na nasa sarukang, isang haliging kawayan.

Hinamon ni Lam-ang ang mga Igorot. Pinauwi ng mga Igorot si Lam-ang upang huwag siyang matulad sa
ginawa nila kay Don Juan. Sumigaw ng ubos lakas si Lam-ang at nayanig ang mga kabundukan. Ang tinig niyang
naghahamon ay narinig ng marami kaya’t dumating ang maraming Igorot at pinaulanan si Lam-ang ng kanilang
mga sibat. Hindi man lamang nasugatan si Lam-ang. Nang maubusan ng sibat ang mga Igorot ay si Lam-ang
naman ang kumilos. Hinugot niya ang mahaba niyang itak at para lamang siyang tumatabas ng puno ng saging,
na pinagpapatay niya ang mga nakalaban.

Umuwi si Lam-ang sa Nalbuan. Naligo siya sa Ilog Amburayan sa tulong ng mga dalaga ng tribu. Dahil sa dungis
na nanggaling kay Lam-ang, namatay ang mga isda sa Ilog Amburayan at nagsiahon ang mga igat at alimasag sa
pampang.

Matapos mamahinga ay gumayak na si Lam-ang patungo sa Kalanutian upang manligaw sa isang dilag na
nagngangalang Ines Kannoyan. Kasama ni Lam-ang ang kanyang mahiwagang tandang at mahiwagang aso.

Sa daan patungo sa Kalanutian ay nakalaban niya ang higanteng si Sumarang. Pinahipan ni Lam-ang sa hangin
si Sumarang at ito ay sinalipadpad sa ikapitong bundok.

Sa tahanan nina Ines ay maraming tao. Hindi napansin si Lam-ang. Tumahol ang mahiwagang aso ni Lam-ang.
Nabuwal ang bahay. Tumilaok ang mahiwagang tandang. Muling tumayo ang bahay. Napansin si Lam-ang.
Ipinagtapat ng tandang at aso ang kanilang layunin. Nais pakasalan ni Lam-ang si Ines. Hindi naman tumutol
ang mga magulang ni Ines kung magbibigay si Lam-ang ng panhik o bigay-kaya na kapantay ng kayamanan nina
Ines.

Nagpadala si Lam-ang ng dalawang barkong puno ng ginto at nasiyahan ang mga magulang ni Ines.

Si Ines at si Lam-ang ay ikinasal nang marangya at maringal sa simbahan. Pagkatapos ng kasalan, bilang
pagtupad sa kaugalian ng mga tao sa Kalanutian, kailangang manghuli si Lam-ang ng mga isdang rarang.
Nakikinikinita ni Lam-ang na may mangyayari sa kanya, na siya ay makakain ng pating na berkahan. Ipinagbilin
ni Lam-ang ang dapat gawin sakaling mangyayari ito.

Si Lam-ang ay sumisid na sa dagat. Nakain siya ng berkahan. Sinunod ni Ines ang bilin ni Lam-ang. Ipinasisid
niya ang mga buto ni Lam-ang. Tinipon ito at tinakpan ng saya ni Ines. Inikut-ikutan ng mahiwagang tandang at
mahiwagang aso. Tumilaok ang tandang at tumahol ang aso.

Walang anu-ano’y kumilos ang mga butong may takip na saya. Nagbangon si Lam-ang na parang bagong gising
sa mahimbing na pagkakatulog.

Nagyakap si Lam-ang at si Ines. Kanilang niyakap din ang aso at tandang. At namuhay silang maligaya sa
mahabang panahon.
Buod ng Ibalon

Si Baltog ay nakarating sa lupain ng Ibalon dahil sa pagtugis niya sa isang malaking baboy-ramo. Siya’y
nanggaling pa sa lupain ng Batawara. Mayaman ang lupain ng Ibalon at doon na siya nanirahan. Siya ang
kinilalang hari ng Ibalon. Naging maunlad ang pamumuhay ng mga tao. Subalit may muling kinatakutan ang
mga tao, isang malaki at mapaminsalang baboy-ramo na tuwing sumasapit ang gabi ay namiminsala ng mga
pananim. Si Baltog ay matanda na upang makilaban. Tinulungan siya ng kanyang kaibigang si Handiong.

Pinamunuan ni Handiong ang mga lalaki ng Ibalon upang kanilang lipulin ang mga dambuhalang buwaya,
mababangis na tamaraw at lumilipad na mga pating at mga halimaw na kumakain ng tao. Napatay nila ang
mga ito maliban sa isang engkantadang nakapag-aanyong magandang dalaga na may matamis na tinig. Ito ay
si Oriol. Tumulong si Oriol sa paglipol ng iba pang mga masasamang hayop sa Ibalon.

Naging payapa ang Ibalon. Ang mga tao ay umunlad. Tinuruan niya ang mga tao ng maayos na pagsasaka. Ang
mga piling tauhan ni Handiong ay tumulong sa kanyang pamamahala at pagtuturo sa mga tao ng maraming
bagay.

Ang sistema ng pagsulat ay itinuro ni Sural. Itinuro ni Dinahong Pandak ang paggawa ng palayok na Iluad at ng
iba pang kagamitan sa pagluluto.

Si Hablon naman ay nagturo sa mga tao ng paghabi ng tela. Si Ginantong ay gumawa ng kauna-unahang
bangka, ng araro, itak at iba pang kasangkapan sa bahay.

Naging lalong maunlad at masagana ang Ibalon. Subalit may isang halimaw na namang sumipot. Ito ay
kalahating tao at kalahating hayop. Siya si Rabut. Nagagawa niyang bato ang mga tao o hayop na kanyang
maengkanto. May nagtangkang pumatay sa kanya subalit sinamang palad na naging bato. Nabalitaan ito ni
Bantong at inihandog niya ang sarili kay Handiong upang siyang pumatay kay Rabut.

Nalaman ni Bantong na sa araw ay tulog na tulog si Rabut. Kaniya itong pinatay habang natutulog.

Nagalit ang Diyos sa ginawang pataksil na pagpatay kay Rabut. Diumano, masama man si Rabut, dapat ay
binigyan ng pagkakataong magtanggol sa sarili nito. Pinarusahan ng Diyos ang Ibalon sa pamamagitan ng isang
napakalaking baha.

Nasira ang mga bahay at pananim. Nalunod ang maraming tao. Nakaligtas lamang ang ilang nakaakyat sa
taluktok ng matataas na bundok. Nang kumati ang tubig, iba na ang anyo ng Ibalon. Nagpanibagong buhay ang
mga tao ngayon ay sa pamumuno ni Bantong.
Buod ng Darangan

Mayroong isang hari sa isang malayong kaharian sa Mindanao ang may dalawang anak na lalaki. Ang
nakatatanda ay si Prinsipe Madali at ang nakababata ay si Prinsipe Bantugan. Sa murang edad ay nagpakita si
Prinsipe Bantugan ng magagandang katangian na higit sa kanyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe
Madali. Laging sinasabi ng kanilang guro sa kanilang ama na si Prinsipe Bantugan ay napakatalino. Mabilis
siyang matuto, kahit sa paggamit ng espada at palaso. Taglay niya ang lakas na kayang makipaglaban sa tatlo o
limang tao sa mano-manong labanan.

Ang unang tanda na siya ay magiging isang magaling na sundalo ay nang makita siya nang mapatay niyang
mag-isa ang isang malaking buwaya na nakapatay sa ilang taong-bayan. Hindi makapaniwala ang mga taong-
bayan sa kanilang nakita pagkatapos ng pagtutuos.

“Napakalakas niya!” ang sabi ng isang matandang lalaki nang makita ang patay na buwaya.

“Paano nakaya ng isang tao na ganito kabata na patayin ang buwaya? Sinasapian siguro siya ng mga diyos!”
sabi naman ng isa.

“Halika, pasalamatan natin ang prinsipe sa pagpatay niya sa halimaw!” sabi ng pinuno ng bayan.

Nang umabot na si Prinsipe Bantugan sa kanyang kabinataan, siya ay naging pinakamagaling na sundalo sa
kaharian. Lagi niyang pinamumunuan ang mga sundalo sa labanan. At lagi silang nagwawagi laban sa mga
kalabang kaharian. Ang kanyang pangalan ay naging bukambibig ng lahat ng mga sundalo ng mga kalapit na
kaharian. Hindi nagtagal ay wala nang kaharian na nangahas kumalaban sa kanila. Kapayapaan at pag-unlad
ang naghari sa kaharian dahil natamo nilang respeto at pagkilala ng mga kalapit kaharian.

Nang mamatay ang kanilang ama, ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Madali ang hinirang na
bagong hari. Nagkaroon ng protesta ang mga nasa ranggo. Nais nila na si Prinsipe Bantugan ang maging
bagong hari. Kahit ang mga ordinaryong mamamayan ay nagsasabi na si Prinsipe Bantugan ang mas karapat-
dapat maging hari sa dalawang prinsipe.

“Si Prinsipe Bantugan ay matapang at malakas, kaya niya tayong protektahan laban sa mga kaaway!” sabi ng
isang matanda sa pamilihan.

“Sang-ayon ako sa iyo”, sagot ng matandang lalaki.

Hindi ito pinansin ni Prinsipe Bantugan. Alam niya na ang kanyang kapatid ang karapatdapat na tagapagmana
ng trono dahil si Prinsipe Madali ang panganay sa kanilang dalawa. Siya mismo ang nagpatunay para sa
kanyang kapatid.

“Nararapat lamang na ang kapatid ko ang maging bagong hari dahil napag-aralan na niya kung paano
magpatakbo ng gobyerno”, sinabi niya sa kapwa niya sundalo at mga ministro sa kaharian. “Alam niya kung
paano ang pamamalakad sa ugnayang panlabas. At marami siyang magandang ideya upang mapaganda ang
buhay ng bawat mamamayan!”
Tumango na lamang ang mga ministro at mga kawal. Ngunit nagkaroon ng isang bitak sa pagitan ni Prinsipe
Bantugan at Prinsipe Madali. Sapagkat si Prinsipe Bantugan ay hindi lamang matapang at malakas, siya rin ay
napakakisig. Maraming magagandang babae sa kaharian ang nahuhumaling sa kanya. Kahit ang mga babaeng
gusto ng kanyang kapatid na si Prinsipe Madali ay sumuko sa kanyang gayuma. Dahil sa galit at inggit,
nagpahayag ang hari ng kautusan.

“Hindi ko gusto na kahit sino, kahit sino, ang makikipag-usap sa aking kapatid na si Prinsipe Bantugan. Sino
man ang makita na nakikipag-usap sa kanya ay ipapakulong o kaya ay parurusahan ng malubha.”

Nalungkot si Prinsipe Bantugan sa iniutos ng kanyang kapatid. Nakita niya ang sarili na parang mayroong
nakakahawang sakit. Lahat ay lumalayo sa kanya, kahit ang mga kababaihan. Kahit ang mga taong kanyang
minahal. Walang gustong kumausap sa kanya sa takot na baka makulong maparusahan ng hari. Dahil hindi na
niya matagalan ang mga ito, nagpasiya ang prinsipe na lisanin ang kaharian at manirahan sa malayong lugar
kung saan siya nanirahan habambuhay
Buod ng Hinilawod

Ang salaysay na Labaw Donggon ay nagsimula sa kaniyang pamilya. Isa siyá sa tatlong mala-bathalang anak
nina Abyang Alunsina, isang diwata, at ni Buyung Paubari, isang mortal. Mga kapatid niya sina Humadapnon at
Dumalapdap. Pagkapanganak sa kaniya ay naghanap si Labaw Donggon ng mapapangasawa. Una niyang
nakuha si Abyang Ginbitinan, ikalawa si Anggoy Doronoon. Ikatlo at pinakamahirap ang pakikipagsapalaran
niya ay si Malitong Yawa Sinagmaling na asawa ni Saragnayan, tagapag-alaga ng araw. Dahil may agimat din si
Saragnayan, natalo niya si Labaw Donggon sa labanan na tumagal ng maraming taon. Ibinilanggo ni
Saragnayan si Labaw Donggon sa kulungan ng baboy sa silong ng bahay niya. Samantala, nanganak ng
dalawang lalaki ang dalawang asawa ni Labaw Donggon, sina Asu Mangga at Buyung Baranugan. Hiananap ng
magkapatid ang ama, nakaharap si Saragnayan, ngunit ngayo’y natuklasan ni Baranugan ang lihim ng
kapangyarihan ni Saragnayan kayâ napatay ang asawa ni Malitong Yawa Sinagmaling. Pinawalan ng
magkapatid si Donggon at pinaliguan. Ngunit nagtago ito sa loob ng isang lambat. Sina Humadapnon at
Dumalapdap naman ang humanap kay Labaw Donggon at nakita nilá ito sa loob ng lambat ngunit halos bingi
at lubhang matatakutin. Gayunman, pinagtulungan siyáng gamutin nina Abyang Ginbitinan at Anggoy
Doronoon pagkatapos mangako na pantay-pantay siláng ituturing na asawa kasama ni Malitung Yawa
Sinagmaling. Sinundan pa ito ng mga pakikipagsapalaran nina Humadapnon at Dumalapdap na nakuha din ng
kani-kanilang asawa.

Buod ng Tuwaang: Ang Dalaga ng Langit Buhong

Sa “Ang Dalaga ng Langit Buhong”, pumunta si Tuwaang sa lugar ni Batooy upang pakasalan ang kararating
lamang na dalaga ng Langit Buhong. Matapos ang mahabàng paglalakbay, nagpahinga si Tuwaang malapit sa
dalaga, at naikuwento nito na may isang higanteng binata ng Pangumanon na nais siyang pakasalan. Nang
hindi pumayag ang dalaga sa kahilingan ng binata, sinunog ng lalaki ang kaharian ng babae. Tumakas siya sa
kalupaan upang magtago. Nang matapos ikuwento ito ng dalaga ay dumating ang binata ng Pangumanon,
pinatay ang mga tao, at hinamon si Tuwaang sa labanan. Natalo ni Tuwaang ang taga-Pangumanon.

Buod ng Tuwaang: Ang Pagdalo ni Tuwaang sa Kasalan

Sa “Ang Pagdalo ni Tuwaang sa Kasalan”, naimbitahan si Tuwaang sa kasalan ng Dalaga ng Manawon at ng


Binata ng Sakadna. Dumating si Tuwaang sakay ng gungutan, isang malaking ibon. Nang dumating ang lalaki sa
Manawon, minasama ng binata ng Sakadna ang pagdalo ni Tuwaang. Sinabi ni Tuwaang na isa rin siyang
bagani kung kayâ nása kasalan. Nang sinimulan na ang paghahandog ng mga regalo, hindi naibigay ng Binata
ng Sakadna ang gintong gitara at plawta. Sinagip ni Tuwaang ang binata at siya na ang nagbigay ng mga ito.
Lumabas ang dalaga at inutusan ang lalagyan ng kaniyang nganga na magbigay nito sa mga bisita. Huminto ang
mahiwagang lagayan ng nganga sa tapat ni Tuwaang. Tumabi pa ang dalaga kay Tuwaang. Nagalit ang binata
ng Sakadna at hinamon si Tuwaang na maglaban. Matagal ang labanan at nahirapan si Tuwaang bago
natuklasan ang lihim ng lakas ng kalaban. Sakay ng gungutan, umuwi si Tuwaang sa kaniyang kaharian kasama
ang dalaga ng Manawon.
Buod ng Ullalim

Sa Nibalya da Kalinga (Kasal ng Magkaaway), sinalakay nina Banna ang isang nayon para mamugot. Nagkaroon
ng madugong labanan at napahiwalay siyá sa mga kasáma. Dahil tinutugis ng mga kaaway, naisip niyang
tumalon sa ilog at magpatangay sa agos. Nakarating siyá sa isang kaaway na nayon at nakita ni Onnawa, na
dagling umibig sa kaniya. Nag-iisa noon si Onnawa dahil nása pamumugot din ang ama at mga kanayon.
Nagsáma sina Banna at Onnawa bago umuwi ang mandirigma. Nabuntis si Onnawa, at para mailihim ang
nangyari ay ipinaanod sa ilog ang sanggol na si Gassingga, kasáma ang mga handog sa kaniya ni Banna.
Mabuti’t nasagip ang sanggol ni Mangom-ombaliyon at pinalaking isang mahusay na mandirigma.

Si Banna naman ay nanligaw sa magandang si Laggunawa. Ngunit ang gusto ng ama ng babae ay ipakasal ito sa
sinumang makapapatay sa higanteng si Liddawa. Marami nang mandirigmang nabigo na mapugot ang ulo ni
Liddawa. Nabalitaan din ni Gassingga ang kondisyon ni Laggunawa at nagpasiyang lumahok. Nagdalá siyá ng
alak sa nayon ni Liddawa at hinámon ang lahat ng inuman. Nang malasing si Liddawa, pinugot ni Gassingga ang
ulo nitó at dinalá sa bahay ni Laggunawa. Ipinabalita ang kasal nina Gassingga at Laggunawa.

Nagalit si Banna sa nangyari at nagsadya sa bahay ni Laggunawa. Hinámon niya ang hindi nakikilalang anak.
Nag-isip ng paraan si Laggunawa para mapigil ang labanan. Binigyan niya ng pagsubok ang dalawa. Nagwagi sa
pagsubok si Banna. Ngunit kinain ng malaking sawá si Gassingga. Ipinasiyang iligtas si Gassingga. Pati si
Mangom-ombaliyon ay dumating. Nailigtas ni Banna si Gassingga at nakilala ang anak. Sa dulo, nagkaroon ng
dalawang kasalan. Binalikan ni Banna si Onnawa para pakasalan. Ikinasal din sina Gassingga at Laggunawa.
Buod ng Agyu

Ang mga bayaning sina Banlak, Agyu, at Kuyasu ay nakatira sa bayan ng Ayuman. Sa tradisyong Ilianon sila’y
magkakapatid na anak ni Pamulaw. Si Agyu ay may apat na kapatid na babae, ngunit sina Yambungon at
Ikawangon lamang ang binanggit sa epiko. Isang araw nagpadala si Agyu sa datung Moro ng siyam na komu-
buu-buong pagkit sa pamamagitan nina Kuyasu at Banlak. Nagalit ang datung Moro dahil kakaunti ang pagkit
pambayad, kaya’t kanyang ibinalibag ang pagkit kay Kuyasu na tumama sa may ulser. Gumanti si Kuyasu at
kanyang sinibat ang datu na tinamaan sa dibdib. Nahulaan ni Agyu na magkakagiyera dahil napatay ang datu.
Nagtungo sila sa Ilian at ipinasiya ni Agyu na magtayo ng kuta sa bundok ng Ilian. Ang mga mandirigmang
Morong nagdaan sa Ilog Palangi ay dumating at nakita ang kutang ginawa ng mga Ilianon. Nakipaglaban sina
Agyu sa mga Moro at halos naubos ang mga kaaway.

Pagkatapos ng tagumpay, ipinasya ni Agyu na lumipat sa bayan. Pinili niya ang bundok ng Pinamatun.
Hanggang narating nila ang bayang Tigyandang at dito sila sinalakay. Lumaban ang mga tauhan ni Agyu sa
pampangin ng look ng Linayagon. Nang sila’y naubusan ng tauhan, ang batang anak ni Agyu na si Tanagyaw ay
nagprisintang sasagupa sa mga kaaway. Napatay niyang lahat ang kalaban nang ikaapat na araw. Narating ni
Tanagyaw ang bayang Bablayon. Nanghihilakbot ang mga tao rito at nang malaman niyang lulusubin sila ng
mga kaaway o mananakop nanlaban at napatay ni Tanagyaw ang mga mananakop. Dahil dito ay ipinakasal ng
datu ang kanyang anak kay Tanagyaw.

Di nagluwa’t ang bayan ni Agyu ay nanganib din sa mga mananakop na galing sa ibayong dagat. Ang mga lalaki,
bata at matanda ay sinabihang lumaban ngunit sila’y natalo. Hinulaan ng propeta ang malagim nilang wakas
ngunit sinalungat at pinarusahan siya ni Tanagyaw. Nagbihis siya ng sampung suson makasiyam ang kapal at
dinampot ang kanyang sibat at kalasag na hindi nasisira. Nilabanan niya ang mga mananakop sa dalampasigan.
Naghambalong ang mga patay, patung-patong, na parang bundok at burol.

Itinalaga ni Agyu ang bayan sa kanyang matagumpay na anak na nanirahan doon kasama ang kanyang kaakit-
akit na asawa.
Sandayo (Epiko ng Zamboanga)

Ang Sandayo ay epikong-bayan mula sa mga Subanon na naninirahan sa bulubunduking nasa hanggahan ng
Hilaga at Timog Zamboanga. Kinalap, itinala, at isinalin ito sa Ingles ni Virgilio Resma, isang pampublikong guro
sa Misamis, mula sa salaysay ng isang babaeng Subanon na kilala bilang si Perena, sa loob ng pitong
magkakasunod na gabi, simula ika-9 ng gabi hanggang ika-3 ng madaling-araw, noong ika-9 hanggang ika-16
ng Hunyo 1980. Una itong nailatlahala sa pamagat na Keg Sumba Neg Sandayo sa Kinaadman: A Journal of the
Southern Philippines noong 1982. Pinamagatan naman itong Sandayo sa salin sa Filipino ni Antolina T. Antonio
bilang pagkilála sa bayani ng epikong-bayan.

Pangunahing tauhan ng epikong-bayang ito si Sandayo, anak nina Datu Salaria at ng asawa nitong si Salaong ng
Tubig Liyasan. Gayunman, hindi siya iniluwal ng kaniyang ina kundi nahulog sa buhok nito sa ikasiyam na ulit
na pagsuklay. Sa pagsapit ng kaniyang unang buwan, ipinasiya ni Sandayo na maglakbay at mula roon ay
masasaksihan ang katapangan at kahusayan ng bayani sa pagharap sa mga hamon at labanan.

Binubuo ng 4,843 taludtod, isa ang Sandayo sa tatlong epikong-bayan ng mga Subanon. Ang dalawa pang
nailathala na rin ay ang Ang Guman ng Dumalinao na binubuo ng 4,063 taludtod at ang Ag Tobig Nog
Keboklagan na binubuo ng 7,960 taludtod. Kilalá rin ito sa tawag na guman na tumutukoy hindi lámang sa
epikong-bayan ng mga Subanon kundi maging sa paraan ng pag-awit nito. Nagaganap ang pagsasalaysay nito
sa isang buklog, ang isang linggong pagdiriwang na kinapapalooban ng awitan, sayawan, at kainan. Kaugnay
nitó, pinaniniwalaan ng mga Subanon na kapag may isang ibong dumapo sa bubong sa panahong inaawit ang
epiko, ito ay ang kaluluwa ni Sandayo–ang bayaning mangangalaga sa kanilang mga lupain at tubigan at
magpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng pamayanan.

You might also like