Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

PATIMPALAK SA MADULANG PAGBIGKAS

ANG WIKANG FILIPINO


AT ANG DANGAL NG PILIPINO
ni Abel C. Icatlo

“Mga kasama! May paparating na barko na babangga sa atin!”


“Mga kasama gising! Kailangan nating maghanda!”
“Mga kasama binangga na tayo! Nakita ko sa ibabaw nila ang bandera ng Tsina!”
“Lumulubog na ang bangka natin! Kapit tayo sa mga lumulutang na bahagi ng
bangka!”
“Madilim wala akong makita!”
“Tulong! Tulong! Tulong!”

Mga kababayan, naaalala niyo pa ba ang nangyari sa mga mangingisdang Pilipino na


halos mamatay na dahil sa pagbangga ng barkong pag-aari ng mga Tsino?

Naganap ito noong ika-9 ng Hunyo ng taong kasalukuyan. Ang kanilang sinapit ay
kalunos-lunos. Dalawampu’t dalawang mangingisda ang hinayaang lumulutang
lutang, kumakakampay kampay, lumalangoy, halos maubusan na ng hininga.

Madilim ang buong kapaligiran ng karagatan. Ni-hindi nila alam kung may
magsasaklolo sa kanila. Kung ilang oras silang palutang lutang, nakakapit lang sa
iilang bahagi ng bangka na tumagilid at tumaob na.

Nagsisigaw sila at humihingi ng tulong. Wari’y mga huni ng ibon ang kanilang tinig
sa kawalan. Naganap ang sakuna nang magmadaling araw. Kaya walang halos
makaaninag sa dalawampu’t dalawang mangingisda.

Sa kabutihang palad, may dumating na bangka na pag-aari ng mgamangingisdang


Vietnamese. Sila ay sinagip isa-isa.

Nakasakay sila sa isang bangkang dayuhan na nagkataong napadaan sa kanilang


kinalalagyan.

Ang kinasadlakang trahedya ng mga mangingisdang Pilipino na sakay ng F.B. Gem-


Ver ay isang nakaririmarim na karanasan. Umiiyak ang dalawampu’t dalawang
mangingisdang Pilipino habang isinasalaysay nila ang kanilang karanasan sa mga
peryodista.

Dalawang bagay ang naging paglabag ng mga Tsino na bumangga sa kanila. Una, ang
pinangyarihang lugar ng karagatan na tinatawag na Reed Bank ay sakop ng
Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. Kung kaya dapat wala sila sa lugar na iyon.

Pangalwa, nang nabangga nila ang F.B. Gem-Ver, dapat ay tinulungan nila at sinagip
ang mga tripolanteng Pinoy. Ito ang isinasaad ng United Nations Convention on the
Laws of the Sea o UNCLOS. Ayon dito, ang sino mang naglalayag sa anumang bahagi
ng mundo at may nakitang mga nangangailangan ng tulong at palutang lutang sa
dagat ay dapat isalba at tulungan. Hindi ito ginawa ng mga Tsinong bumangga sa
mga Pilipino. Bagkus pinatay pa nila ang ilaw nila at mabilis na tumakas.

Ang pinaka masaklap nito, tayo na nga ang inapi, tayo na nga ang binusabos ng mga
Tsino, tayo pa ang lumalabas na nagsisinungaling. At ang ating mga pinuno ng
pamahalaan ay tila ba wala man lang simpatya sa kapwa nila Pilipino.

Sobra nang niyuyurakan ang ating pagkatao. Halos hinubaran na ng dignidad ng


mga Pilipino. Kanino pa tayo hihingi ng tulong? Kung ang mismong mga pinuno
natin ay minamaliit lamang ang mga pangyayari at tila ba isang tuta na hinihimod pa
ang paa ng bansang umapi na nga satin.
Nababatid ba ninyo kung paano tayo unti-unting sinasakop ng bansang Tsina? Ang
ating mga isla at karagatan sa West Philippines Sea ay kanila nang inukupa. At
ngayon heto at ginawan pa tayong mga Pilipino ng isang pagyurak sa ating dignidad.
Ito ang bagong uri ng kolonyalismo.

Kaya naman bayan kong Pilipinas, panahon na upang maging mapanuri ka at


matalas ang isipan sa mga nangyayari sa ating lipunan.

Kung ang ating mga ninunong mga bayani ay hindi nagpaapi at lumaban sa mga
dayuhan, kahit na nga dehado sia, ano naman ang gagawin natin ngayon para
manindigan?

Hindi ba’t sinasambit natin sa ating pambansang awit na “SA MANLULUPIG, DI KA


PASISIIL?”

Nasaan na ngayon ang nasyonalismo? Nasaan na ngayon ang pag-ibig sa tinubuang


lupa?

Nakakahiya!

Nakakahiya sa ibang mga bansa sapagkat tayo ay nagsasawalang kibo na lamang


habang tayo ay binubusabos.

Ang sabi ng iilan, hindi natin kayang giyerahin o hamunin sa isang armadong
digmaan ang Tsina sapagkat tayo ay mahinang bansa. Subalit hindi naman digmaan
lang ang solusyon sa pambubusabos sa ating dignidad. Ang sagot sa “bullying” na
ginagawa sa ating bansa ay hindi giyera lamang. May mga paraang diplomatiko at
legal na naaayon sa mga umiiral na pandaigidigang mga batas o “International Law”.

Nakakahiya sapagkat tila baga ibinabandera pa natin ang ating karuwagan at


kawalan ng tibay ng dibdib sa buong mundo.

Nakakahiya sapagkat mismong ang mga pinuno pa ng ating bansa ang nangunguna
upang gawin tayong mga alipin at mga animoy tutang sunod-sunuran sa bansang
Tsina!

Nasaan na ang dignidad ng ating lahi?

Ang lahing kayumanggi ngayon ay parang isang tasa na lamang na hawak sa tenga at
maaring ihampas anumang oras kung nanaisin ng bansang Tsina.

Pinalala pa ang paglupig sa dangal at dignidad ng Pilipino nang ang mismong


Kataas-taasang Hukuman o ang Korte Suprema ay binigyan ng kapangyarihan ang
Commission on Higher Education o CHED na alisin at iwaksi na ang asignaturang
Filipino at Pantikiang Filipino sa pagtuturo sa kolehiyo.

Ang dahilan nia ay ititnuturo na daw ang mga ito sa Senior High School.

Napakasakit! Nakapanlulumo! Nakakawala ng respeto sa sarili.

Masakit mang isipin na ang dating mga mag aaral sa kolehiyo ay hindi na dadaan sa
pagtuturo ng mga asignaturang nagpapatingkad ng ating nasyonalismo at
pagmamahal sa bayan.

Malabnaw! Mababaw! Mabuway!

Malabnaw na ang nasyonalismo ng mga nasa Korte Suprema. Mababaw ang


katwiran ng CHED sa pagtatanggal ng Filipino at Panitikang Filipino sa kolehiyo.
Mabuway ang argumento na hindi naman daw mahalaga na pag aralan pa ang ating
Pambansang Wika.
Mga kababayan, ngayon, higit kailan pa man, dapat tayong manindigan para sa
bayan! Dapat tayong manindigan para sa Filipino! Dapat muli nating ibangon ang
dangal ng Pilipino. Dapat nating ipagtanggol ang bansang Pilipinas!

Tama na ang pagyurak sa Pilipinas! Sobra na ang pambubusabos sa mga Pilipino!


Manindigan na para sa tama at marangal! Upang ang ating bansa ay umuunlad,
sumulong at igalang ang kanyang soberanya.
Patuloy na lang ba tayong magbubulag-bulagan? Patuloy na lang ba tayong
magpapaapi? Patuloy na lang ba tayong magiging alipin ng bansang Tsina?

Sabi ni Rizal, “walang mng-aapi kung walang magpapaapi!” Gamitin natin ang
Wikang Pambansa para sa pambansang pagkakaisa. Gamitin natin ang Wikang
Pambansa para sa pambansang kalayaan. Gamitin natin ang Wikang Pambansa para
sa pambansang kaunlaran.

You might also like