Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

Republic of the Philippines

House of Representatives
Quezon City

Eighteenth Congress

Eufemia C. Cullamat

IPAGTANGGOL ANG MGA TAGAPAGTANGGOL NG KALIKASAN


Pribilehiyong Talumpati ni BAYAN MUNA Rep. Eufemia C. Cullamat
August 6, 2019

Ginoong Speaker, mga Kapwa ko Kinatawan:

Kamakailan lang ay tinanghal ang Pilipinas bilang pinakamapanganib na lugar sa buong mundo para sa
mga tagapagtanggol ng kalikasan.

Ayon sa taunang report hinggil sa pagpaslang sa mga maka-kalikasan na nilabas ng international NGO na
Global Witness, nagtala ng pinakamaraming martir ng kalikasan noong 2018 ang Pilipinas sa di kukulang
30 kaso ng pagpaslang kumpara sa 24 ng Colombia, 23 ng India, at 20 ng Brazil. (ipakita ang Global
Witness graph)

Literal na ‘sing bigat ng bundok ang buhay na iniaalay ng mga tanggol-kalikasan. Naaalala ko nang
imasaker ang aking pinsan na si Dionel Campos, tiyuhin na si Datu Jovillo Sinzo, at ang direktor ng aming
paaralang Lumad na ALCADEV na si Emerito Samarca noong 2015 ng mga paramilitar na Magahat
Bagani at ng 75th Infantry Battalion ng militar.

Batid namin na nakaharang ang aming komunidad at paaralan sa mga naglalakihang proyekto, katulad ng
coal mining. Nais nilang maghawan ng landas para sa pagpasok ng mga makinarya ng Benguet
Corporation, Abacus Coal Exploration and Development, Great Wall Mining and Power, ASK Mining
and Exploration, at CoalBlack Mining sa 60,000-ektarya na Andap Valley Complex, ang lambak na
kinalulugaran ng aming lupaing ninuno.

Pinaslang si Dionel, Datu Jovillo, at Sir Emok para literal na agawin ang mga kabundukan ng aming
lupaing ninuno.

Tampok para sa Pilipinas sa ulat ng Global Witness ang isa na namang masaker—ang pagpatay sa mga
manggagawang bukid na binansagang ‘Sagay 9’ at ang karugtong na pagpatay sa kanilang abugado na si
Attorney Benjamin Ramos sa isla ng Negros. Marahas na tinapos ang buhay ng siyam (9) na kalalakihan,
kababaihan, at bata habang sila ay nagpapahinga sa kampuhan ng kanilang bungkalan.

Bungkalan ito sa gitna ng dagat ng plantasyon ng tubo na inukit nila Rene Laurencio, Morena Mendoza,
Marcelina Dumaguit, Angelife Arsenal, Eglicerio Villegas, Paterno Baron, Rannel Bantigue, Marchstel
Sumicad, Joemarie Ogahayon, at marami pang mga kasapi ng National Federation of Sugarcane Workers.

Ang magutom dahil sa Tiempo Muerto ang tanging kasalanan nila. Mauuna pang dumating si Kamatayan
kaysa sa pangakong ipapamahagi ang lupa ng Hasyenda Nene sa kanila, kung kaya’t nagpasya silang
okupahin at bungkalin ang bahagdan nito tungo sa pagtatanim ng organikong palay at gulay.

CONGRESSIONAL OFFICE: Rm. 611 South Wing Bldg., House of Representatives, Batasan Hills, Quezon City
Telefax: 931-5311 Tel.: 931-5001 loc. 7310 Email: kafemia.bayanmuna@gmail.com
NATIONA HEADQUARTERS: Lot 28 Block 33 J.P Rizal St., New Capitol Estate 1,
Commonwealth Ave. Batasan Hills Quezon City 1126 PH Tel.: +623 7181564
www.bayanmuna.net Facebook: fb.com/bayanmunapartylist Twitter: @bayanmuna
Kapalit nito, Mr. Speaker, diniligan ng bala at dugo ang kanilang bungkalan.

Ayon sa pambansang alyansa na Kalikasan, Mr. Speaker, tinatayang nasa 1.48 milyong ektarya ng bundok,
gubat, bukirin, baybayin, at karagatan ang suma total ng ipinagtatanggol ng 106 na namartir na maka-
kalikasan sa ilalim ng administrasyon ni Presidente Rodrigo Duterte mula 2016 hanggang 2018.

Tulad ng obserbasyon sa iba-ibang bansa ng Global Witness sa kanilang ulat, dumarami na rin ang kaso
ng kriminalisasyon sa mga tagapagtanggol ng kalikasan sa Pilipinas. Sistematikong sinisiraan, binabantaan
at tinatakot, nire-red tag, at sinasampahan ng gawa-gawang kaso ang mga katutubo, magsasaka, at iba
pang maka-kalikasang aktibista upang maikatuwiran ang pagpatay sa kanila.

Ganito ang naging karanasan nila sa Negros. Ganito ngayon ang hinaharap ng iba pang mga lugar kung
saan iginigiit ng mga maka-kalikasan ang demokrasya sa kanilang mga lupain at kapaligiran.

Mula sa 55 na paaralang Lumad sa Davao na nagtuturo sa kanilang estudyante ng sustenableng agrikultura


at proteksyon ng kalikasan, hanggang sa barikadang bayan ng mamamayang Novo Vizcayano laban sa
iligal na operasyon ng Oceanagold mining corporation, papatindi ang panggigipit ng malalaki at dayuhang
Negosyo at ng Estado mismo sa mga katutubo, magsasaka, at mamamayang lumalaban.

Sa ganang ito, Mr. Speaker, nananawagan kami sa Kongresong ito na maglunsad ng imbestigasyon sa mga
kaso ng pagpaslang ng mga tagapagtanggol ng kalikasan sa buong Pilipinas.

Nananawagan kami na suriin at usigin ang mga malalaking minahan, plantasyon, dam, imprastruktura, at
iba pang mga ekstraktibo at mapanirang mga proyekto na may track record ng paglabag sa karapatang
pantao ng mga komunidad na apektado ng kanilang operasyon.

Nananawagan kami na himukin ng Kongreso ang gobyernong Duterte na harapin na ang mga kaso ng
pagpatay sa mga tagapagtanggol ng kalikasan. Sa partikular, imbitahan na dapat ng pamahalaan ang mga
ekspertong imbestigador ng United Nations upang sipatin ang kasalukuyang kalagayan.

Nananawagan kami na ubos-kayang ipasa ng Kongreso ang House Bill 240 o ang Human Rights
Defenders Bill, upang mapalakas ang proteksyon sa karapatan ng mga tagapagtanggol ng karapatan,
kabilang ang karapatan sa kalikasan.

Daghang salamat, Mr. Speaker, sa pagkakataong mabigyang boses ang mga kapwa ko tagapagtanggol ng
kalikasan mula sa buong Pilipinas.#

2 | IPAGTANGGOL ANG MGA TAGAPAGTANGGOL NG KALIKASAN. BAYAN MUNA Rep. Eufemia C. Cullamat. Agosto 6, 2019.

You might also like