Paghahabi NG Landas MVRio Apigo

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 18

Paghahabi ng Landas: Tugon sa hamon ng Ganap na

Pag-unawa sa Filipinolohiya.
MVRio-Apigo (2002)

.
.

Pilipinolohiya at Filipinolohiya sa usapin ng konsepto,


karunungan at kamalayang Pilipino.

Hindi lingid sa kaalaman natin na ang kapwa natin pang-


estadong unibersidad ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) ay may
programa ring tinatawag na may lohiya sa dulo gaya ng sa atin, na
Filipinolohiya sa atin at Pilipinolohiya sa kanila. At marahil tulad
ng iba madalas ang tanong natin ay may pagkakatulad o pagkakaiba
o kaya’y pagkakaugnay ang dalawa o baka naman sa P o F na tunog
sa simula ng terminolohiya?

FILIPINOLOHIYA
Kahulugan

Disiplina ng karunungan na nakasalig sa maka-agham na pag-


aaral sa pinagmulan, kalikasan at ugnayan ng wika, panitikan,
kultura, lipunan, kasaysayan, komunikasyon at iba pang batis ng
karunungang Pilipino, gayundin ay nililinang nito ang mga
karunungang ambag ng mga Pilipino sa daigdig ng mga karunungan
(nasa tesis ni MV Apigo-2001 batay sa panayam kay Prop. Gandhi
G. Cardenas).

Nakatuon sa pagpapakadalubhasa sa pagtuturo at pagkatuto


ng wikang Filipino gayundin sa holistikong pag-uugnay nito sa iba
pang batis ng karunungang Pilipino na bumubukal sa panitikan,
kultura, kasaysayan, antropolohiya, agham sikolohiya, pilosopiya at
iba pang disiplina na nangangahulugan ng pagtataglay nito ng
interdisiplinaryong paraan ng pag-aaral (mula sa artikulong isinulat
ni Prop. Cardenas sa pahina ng Dalubwika o The Lingguist (opisyal
na pahatid-kalatas ng KWL, p. 5, 2001).

PILIPINOLOHIYA
Kahulugan
Sistematikong pag-aaral ng Kaisipang Pilipino, kulturang
Pilipino (Wika at Sining) at Lipunang Pilipino (Dr. Prospero Cubar,
na kay Bautista at Pe-Pua, p. 37, DAPP, UP, 1991).

Disiplinang bubuo ng isang pantayong pananaw o


pambansang diskurso para sa mga Pilipino sa loob ng isang
nagsasarili, malawak at matatag na kabihasnang Pilipino (Dr. Zeus
Salazar, na kay Bautista at Pe-Pua, p. 7, 1991).
May katutubong kamulatan at kamalayan na nakaugat sa
pananaw ng mga Pilipino upang makabuo ng pambansang
kabihasnan at hindi lamang upang pag-aralan ang mga pangyayari
sa Pilipino at sa bansa (p.44).

Sa Pagsisimula

Nagmula sa pangarap ng mga guro sa dating Dalubhasaan ng


Kolehiyo ng Agham (CAS) na magkaroon ang kanilang kolehiyo ng
Programang Doktorado sa Agham Panlipunan. Sa pamamagitan ni
Dekano Domingo, sa salita nalikha ang lupon ng mag-aaral ukol sa
nasabing mungkahi. Pinamunuan ang nasabing lupon ni Dr. Armado
Bonifacio noong Enero 24, 1973.

Taon-aralan 1974-75 Unang Semestre matapos dumaan sa


maraming talakayan at maaprubahan ng Sanggunian ng Unibersidad
tumanggap na ng mga mag-aaral ang Programang Doktorado sa
Araling Pilipino (Phd in Philippine Studies), sa ilalim ng pamumuno
ni Dr. Armado Bonifacio- unang naging tagapangulo ng nasabing
programa na nagtagal sa nasabing tungkulin hanggang Enero 1982.

Sumunod na naging tagapangulo ng nasabing programa ay si


Dr. Vivencio Jose (na siya ring unang nakapagtapos sa nasabing
programa noong 1977). Nanungkulan siya mula 1982-1986
katuwang si Dr. Prospero C. Cubar sa pagpaplano at pagpapaunlad
pa ng nasabing programa.

Disyembre, 1984 nahati ang dating dalubhasaan ng Agham sa


tatlong dalubhasaan, ito ay sa Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL),
Dalubhasa ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (DAPP) at
Dalubhasaan ng Agham (DA). Sinasabing ang unang dalawa ay
nagpatuloy sa pag-oofer ng programa sa Araling Pilipino, Ang KAL
ay ang Masteral at Doktoradong lebel samantalang ang DAPP ay sa
Doktorado lang. Samantalang nasa panahon ng kalagayan
kahihiwalay ng 3 yunit na dating kabilang sa isang dalubhasaan ay
nagsilbing tagapag-ugnay ng programang Araling Pilipino ng KAL
at DAPP si Prop. Ernesto Cubar mula sa panahong 1987-89.

Bago matapos ang dekada 80, nagkaroon ng bagong dekano


ang DAPP sa katauhan ni Dr. Zeus A. Salazar. Sapagkat nakatuon
ang kanyang programang pang-akademya sa pagpapaunlad ng
katutubong agham panlipunan, pinangunahan at napagtagumpayan
niyang palitan ang pangalan ng programang pandoktorado sa
Araling Panlipunan ng DAPP ng katawagang PILIPINOLOHIYA
upang mabigyang diin ang pananaw ng programa na nakaugat sa
katutubong kamulatan at kamalayan ng mga Pilipino.

Nagpatuloy ang pakikipag-ugnayan ng programang


Pilipinolohiya sa DAPP sa Programang Araling Pilipino ng KAL at
ng Sentrong Asyano (Bautista, 1991). Katunayan ayon kay Dr. P.
Cubar, ay may tatlong antas ang Pag-aaral ng Pilipinolohiya sa
buong sistema ng UP, ang BA, MA at Phd, idinagdag pa niya na
nag-oofer kapwa ng doktoradong digri sa Pilipinolohiya ang DAPP,
KAL at Sentrong Asyano.

Katangian at Kasaklawan bilang isang Programang Pang-


akademiko.

Ang Araling Pilipino na kalaunan ay tinawag na ngang


Pilipinolohiya, bilang isang Programang Pandoktorado ay
nagtataglay o nagtaglay ng mga sumusunod na katangian (ayon kay
Dr. Violeta Bautista):
1. Pagsasanay ng mga mag-aaral ng higit sa isang disiplina
2. Pakikilahok ng iba’t-ibang departamento sa konsorsyum ng 3
yunit
3. makatugon ang programa sa pangangailangan ng bansa.

Alalaon bagay batay ito sa katangian ng programa na


binigyang deskripsyon sa mga sumusunod na pangungusap:
“ As the title of the program suggests, the focus is on the
Philippine. Its principal objective is to train students who are able to
look at Philippine problems from a multidisciplinary point of view.
Students of this program are expected to gain valuable insights from
various participating disciplines and to bring this insights to bear on
problems that pertain to the Philippine situation. The program is
predicated on the principle that on this stage of our history we need
scholars trained along multidisciplinary lines just as we need those
whose training is on a single and specific discipline” (catalogue
CAS UP 1974, na kay Bautista p. 24).

Ayon sa pag-aaral ni Bautista, mula 1974 hanggang 1989 ay


nakapagtala na ng 55 doktorado sa Programang Pilipinolohiya ang
DAPP. 30 sa mga ito ay nagtapos noong 1986-89 kung saan ang mga
katawagang Pilipinolohiya ay sinisimulan ng palaganapin sa
nasabing kolehiyo. Isinasaad din ng pag-aaral ni Bautista na sa 55
na nagtapos ng nasabing programang pandoktorado, 32 dito ay mga
guro sa UP at sa mga gurong ito ay may 7 at pinakamalaking bilang
ang mga guro ng Departamento sa Filipino at panitikan ng Pilipinas
ng KAL ng UP.

Sa Usapin ng Pagpapahalagang Pangwika.

Sinabi ni Dr. Cubar, na mula ng gamitin nila ang katawagang


Pilipinolohiya noong 1989 kapalit ng Araling Pilipino o Phil.
Studies ay Pilipino na, hanggat maaari ang gagamiting wika sa
pagtuturo at pagsulat ng disertasyon. Dinagdagan pa ito ng punto ni
Dr. Salazar ng kanyang pananaw na dapat nasa wikang F/Pilipino
lamang ang mga pag-aaral na ukol sa kabihasnang Pilipino na
mauunawaan, mapapalalim, pag-iibayuhin at mapapalawak ng
Pilipinolohiya.

Pagkakaiba ng Araling Pilipino at Pilipinolohiya sa Loob Mismo


ng UP

Ayon kay Dr. Salazar, may dalawang aspekto ng pag-aaral ng


Kapilipinuhan at mga bagay Pilipino. Ang una daw ay ang
tinagurian ng mga Amerikano na Philippine Studies (na siyang
tinumbasan ng katawagang Araling Pilipino) nangangahulugang
pagsusuri sa mga Pilipino at bagay Pilipino mula sa labas upang
maintindihan, mapakinabangan at magamit ng mga tagalabas ang
mga nakalap na datos. At ang ikalawa naman daw ay ang
Pilipinolohiya na ikinokonsidera niyang disiplina na bubuo sa isang
pantayong pananaw o pambansang diskurso para sa mga Pilipino sa
loob ng isang nagsasarili, malawak at matatag na kabihasnang
Pilipino. Pag-aaral na atin at sang-ayon sa ating pananaw upang
mabuo ang ating pambansang kakanyahan, ang isang pambansang
konsensus. Nakatuon sa pag-aaral ng kabihasnang Pilipino, bilang
katas ng mga kalinangang Pilipino (na katangian at buhay ng mga
ethnolinggwistikong grupo ng Pilipinas) at bilang tunguhin sa
pagbubuo ng bansa.

Idinagdag pa ni Dr. Cubar na ang dating Araling Pilipino o


Phil. Studies ay walang pantayong pananaw sapagkat nakatuon ito
sa pananaw ng mga banyaga at ng ilang Pilipinong nananaliksik
ayon din sa pananaw ng mga banyaga. Samanatala ang
Pilipinolohiya na may katutubong kamulatan at kamalayan ay
nakaugat sa pananaw ng mga Pilipino upang makabuo ng
pambansang kabihasnan at hindi lamang upang pag-aralan ang mga
nangyari sa Pilipino at sa bansa (p. 44).

Pagpapatibay ng Bungang-Isip

Matapos mailahad ang nasabing mga impormasyon, na


maaaring kulang pa sa panig ng Pilipinolohiya kaugnay ng
kalagayan nito sa kasalukuyang panahon, hindi maaari na bukod sa
P at F per se ay wala tayong nasipat na pagkakatulad, pagkakaiba at
pinakamahalaga sa lahat ay ang pagkakaugnay ng dalawa.

Kung ilalapat ang ginawang pagkakaiba ni Dr. Salazar sa


Pilipinolohiya ng DAPP at Araling Pilipino ng KAL, mahihinuhang
magkaiba ang direksyon ng dalawa bagamat parehong may layuning
pag-aaralan ang tungkol sa kaisipan, kultura at lipunang Pilipino.
Mula sa labas ang pokus ng sa KAL at sa loob naman ang tuon ng
sa DAPP. Sa huling binanggit mayroong higit na pagkakaugnay ang
tuon ng Filipinolohiya ng PUP. Alalaon baga’y ang Araling Pilipino
(tinawag na Pilipinolohiya) ng UP-DAPP ang may higit na
pagkakaugnay sa Filipinolohiya ng PUP.
Kaya’t sa mga susunod na bahagi ng mga talakay ay ipopokus
na lamang ito sa pagkakaugnay, pagkakatulad at pagkakaiba ng
Pilipinolohiya (UP-DAPP) at Filipinolohiya (PUP).

Pagkakatulad, Pagkakaiba at Pagkakaugnay


Batayang Pangkasanayan
1. Parehong nagsimula bilang isang programang pang-
akademiko. Bagamat Doktorado sa UP at batsilyer o BA sa
PUP.
2. Matagal na ang Pilipinolohiya sa UP, 1973 hanggang sa
kasalukuyan samantalang halos pa-apat na taon pa lang ang
Filipinolohiya sa PUP.
3. Kapwa isinilang sa ilalim ng sinag ng Agham at Sining. Ibig
sabihi’y kapwa nag-ugat sa kolehiyo ng Agham at Sining ang
mga dakilang palaaral na nagkonseptwalisa, ang DAPP at
KAL ng UP ay kapwa mula sa dating Kolehiyo ng Sining at
Agham (CAS) ng UP samantalang ang Kagawaran ng
Filipinolohiya na dating Departamento ng Filipino bagamat
nasa ilalim ng dating kolehiyo ng mga wika at
Komunikasyong Pangmadla ay nagsimula rin sa ilalim ng
kolehiyo ng Sining at Agham.

Kahulugan, Prinsipyo, Tuon o Pokus


1. May multidisciplinaryong inklinasyon ang Pilipinolohiya
samantalang interdisiplinaryo at holistiko ang tunguhin ng
Programang Filipinolohiya (ginamit ko ang tunguhin
sapagkat hanggang sa kasalukuyan sa ganang pagpapalagay
ay di pa ganap na natatamo ang ganitong layunin ng
Filipinolohiya.)
2. Kapwa pundasyon at gabay ng dalawang konsepto ang
siyensya o agham.
3. Bukod sa programa, ay pangalan din ng kagawaran ang
Filipinolohiya sa PUP. Hindi sa UP.
4. Kapwa nilalayon ng Pilipinolohiya at Filipinolohiya ang
makatugon sa pangangailangan ng bansa, bagamat higit na
nakapokus lamang sa mabisang pagtuturo at pagiging
praktisyuner sa midya ang pokus ng Filipinolohiya bilang
programa, samantalang ang Pilipinolohiya naman ay
nagsasaad na inaasahang ang mga mag-aaral ay magkaroon
ng kasanayan sa o higit sa isang disiplina. Inaasahan din na
ang mga magtatapos ng Pilipinolohiya ay makabuo ng
pambansang kabihasnan.
5. May pagpapahalaga sa paggamit ng sariling wika ang
Pilipinolohiya at Filipinolohiya. Bagamat mahihinuhang
bukas ang Filipinolohiya sa pag-aaral ng mga pandaigdig na
pananaw at karunungan, gayundin ng wikang Ingles
(mababasa ito sa paglalahad ng kurso). Ang Pilipinolohiya
bagamat may gayundin pagpapahalaga ay higit na
pinapahalagahan ang sariling karunungan, mahihinuha ito sa
pahayag ni Dr. Zeus Salazar na “Ang kabihasnang Pilipino
bilang katas ng mga kalinangang Pilipino at bilang tunguhing
pagbubuo ng bansa ang siyang dapat pagtuunan ng pansin ng
Pilipinolohiya. At mula sa kabuuang iyan ay maaari na tayong
tumingin sa labas at suriin ang ibat’-ibang bayan ayon sa ating
tinutungo at interes bilang bansa.”

Bilang Pang-akademikong Programa


1. May tatlong antas ng pag-aaral sa Pilipinolohiya sa UP, BA,
MA at PhD, ang Filipinolohiya BA lang.
2. May multidisciplinaryo at holistiko ang tunguhin ng
Programang Filipinolohiya (ginamit ko ang tunguhin
sapagkat hanggang sa kasalukuyan sa ganang pagpapalagay
ay di pa ganap na natatamo ang ganitong layunin ng
Filipinolohiya).
3. Kosorsyum ang isa sa naging hakbang para sa pagpapaunlad
ng Pilipinolohiya bilang isang programa at disiplina,
katuwang ng DAPP ang KAL at Sentrong Asyano. Ang sa
Filipinolohiya, minisyon lang at hindi pa nagkakaroon ng
katuparan.
4. Bukod sa pagiging programa ay kapwa ikinokonsidera din
ang dalawa bilang mga disiplina. Magkagayunman ang
PILIPINOLOHIYA ng DAPP bilang programa ay nilikha sa
ilalim ng pamunuan ni Dr. Salazar upang mabigyang diin ang
pananaw ng kanyang programa na nakaugat sa katutubong
kamulatan at kamalayan ng mga Pilipino samantalang ang
Filipinolohiya bilang programa ayon sa mentor nito na si
Prop. Gandhi Cardenas ay isang programa na nakasalig sa
makaagham na pag-aaral sa pinagmulan, kalikasan at
ugnayan ng wika, panitikan, kultura, lipunan, kasaysayan,
komunikasyon at iba pang batis ng karunungang Pilipino,
habang nilalayon din nitong malinang ang mga karunungang
ambag ng mga Pilipino sa daigdig ng mga karunungan.
5. Kapwa nilalayon ng dalawang programa na matuto ang mga
mag-aaral sa iba’t-ibang disiplina kaalinsabay ang layong
makatugon at makatulong sa pangangailangan ng bansa.
Sa Ganang Akin—Isang Pagtatangkang Humugpong

Matapos mailahad at mapagnilay ang mga nasabing


impormasyon, may nabuo akong kasagutan sa sarili kong
katanungan na marahil ay tanong din ng marami sa atin, ano nga ba
talaga ang Filipinolohiya?

Bagamat may pagkakatulad sa Pilipinolohiya ng UP ay may


ganap na kaibahan ang Filipinolohiya ng PUP. May distink o tangi
itong katangian, tunguhin at dinamismo bilang isang disiplina,
larangan at programa di lang sa loob ng akademya kundi sa buhay
ng Pilipinong Sambayanan na may pagkilala at pagpapahalaga di
lang sa pambansa kundi gayundin sa pangmundong pananaw at
karunungan na nakapokus sa Pilipinong kagalingan at kahusayan.

Ang Filipinolohiya ay agham na nakatuon sa pag-aaral ng


mga Pilipinong kalinangan at karanasan (na nakapaloob at
kinapapalooban ng Pilipinong kaisipan, Pilipinong kultura at
Pilipinong lipunan) tungo sa pagbuo ng karunungan at kabihasnan
na mula, tungo at para sa Pilipino.

Bilang disiplina at larangan ay magsisilbing kasangkapan,


tagapagtago o imbakan at daluyan nito ang wikang Filipino na
maituturing na siyang pinakanukleyo nito. Kasangkapan o midyum
na gagamitin sa pagsasaliksik at pag-aaral ng dati na, ng
kasalukuyan at ng darating pa sa Pilipinong isipan, kultura at
lipunan. Tagapagtago o imbakan ng mga ibubunga ng paghahanap
at pagsasaliksik ng dati na, ng kasalukuyan at ng darating pa sa
Pilipinong isipan, kultura at lipunan. Gayundin, ay bukal itong
dadaluyan ng mga binanggit na sa una upang maipasa ang mga
bungang-paghanap at saliksik sa kasunod na henerasyon.
Henerasyon na magmamana ng ganap na Pilipinong Karunungan at
Kabihasnan.

Multidisiplinaryo ang tuon ng Filipinolohiya na gagamitin ng


interdisiplinaryong dulog sa pag-aaral. Multidisiplinaryo ang mga
tuon ng pag-aaral sapagkat lahat ng mga sanga ng pag-aaral na nasa
ilalim ng likas at sosyal na agham o sayans ay gagawing timbulan
sa pagsasaliksik at pag-aaral sapagkat magiging malinaw na
timbulan nito ang magkakasanib pwersa ng prinsipyo at praktika ng
pilosopiya, sining at agham, upang matalunton ang landas tungo sa
pagbuo ng Pilipinong Kabihasnan at Karunungan.
Paano?

Yan ang mahirap na tanong. Subalit yan din po ang hamon sa


atin. Mahirap yan kung wala tayong gagawin, kung hindi tayo
magsasama-sama at magtutulungan. At pinaka sa lahat ng pinaka
ay kundi natin aalagatain na pahalagahan ang napasimulan na natin.
Nasa bukana po tayo, sana naman po ay maglooy na tayo. Sa
paanong paraan?

Pananaliksik ang Pangalan ng Unang Hakbang.

Magandang hiramin natin ang ideya ni Dr. Prospero Cubar na


sa pananaliksik ang metodo ay kailangang angkop at akma sa datos,
kung magkagayun aniya, dapat lang na ang datos ang nagdidikta ng
Metodo, hindi metodo ang maghahanap ng datos at hindi ang datos
ang kasangkapan ng metodo. Sa tiyakang sabi ay iminumungkahi
niya na maging malikhain tayo sa pag-imbento ng metodo ng
pananaliksik sa Filipinolohiya. Sa halip na magpakalunod kung
gayun sa paggamit ng mga metodong kanluran at galing sa ibang
lahi (na pilit nating ikinakapit at ipinangkakahon sa mayaman at
malawak na paksa ng pagsasaliksik at pag-aaral natin) ay mas
makabubuting lumikom, humanap at tumuklas ng mga
pamamaraang sarili at angkop sa ating sariling kaisipan, kultura at
lipunan. Gaya ng Pantayong Pananaw na nabuo ni Dr. Zues Salazar,
teyoryang Pakapa-kapa ni Dr. Virgilio Enriquez at iba pa.

Ang Pangalawa ay Pakikipag-ugnayan sa Loob at


Labas ng Akademikong Yunit, sa iba pang Pang-
akademikong Institusyon sa pamamagitan ng
Pagdaraos ng mga gawaing Sikhayan gaya ng
talakayan, kolukyum, seminar at iba pang katulad nito.

Kung mababalikan ng ating gunita, nakapagdaos na ng


tatlong kolokyum ang ating yunit para sa Filipinolohiya, dalawa sa
ilalim ni Prop. Cardenas at isa sa ilalim ni Prop. Asinas na
kasalukuyang tagapangulo ng kagawaran. Komon na layunin ng
nasabing tatlong kolokyum ay ang pagpapakilala ng kung ano ang
Filipinolohiya ng PUP hindi lang sa mga kasama sa yunit kundi
maging sa ibang sangay ng ating institusyon at maging sa mga taga-
ibang institusyon.

May maganda ang kinalabasan subalit gaya ng anumang bago


pa lang, medyo hilaw pa ito at makikita pa rin ang maraming
kakulangan. Kakulangan na dapat ay matugunan na natin sa
kasalukuyan ng mga gawaing pampananaliksik upang ganap na
tayong makapaglunsad ng isang pambansang seminar upang ganap
na nating maibanyuhay ang Filipinolohiya bilang programa at
disiplina. Mainam na dugtungan na natin ang nasabing mga unang
gawain sa pamamagitan ng mahigpit at seryosong pakikipag-
ugnayan, una sa loob ng ating pamantasan lalo na sa mga yunit,
departamento at kolehiyo na may higit na kaugnayan sa ating
tunguhin gaya halimbawa ng kolehiyo ng Sining, Kolehiyo ng
Agham at iba pa.

Mungkahing tuon ng mga plano at gawain.

Kaugnay ng mga mungakahing hakbang ay minumungkahi


ko rin po ang ipinagpapalagay kong tatlong tuon o hati ng ating mga
gawain gaya ng isinasaad sa kasunod na talahanayan.

YUNIT/TUON pananaliksik Akademik program Extensyon


Pilipinong Kaisipan
Pilipinong Lipunan
Pilipinong Kultura

Batay sa mga nabanggit na mungkahing tuon ng mga gawain,


ay ihinahanay ko rin ang ilang mungkahing paksa na maaaring
saliksikin ng bawat isa sa atin:

Pilipinong Pag-iisip
 Sikolohiyang Pilipino
 Sikolohiya ng mga Pilipina
 Sikolohiya ng mga Pilipinong Manggagawa o Pilipinong
Ploretaryo
 Sikolohiya ng Pilipinong edukasyon
 Atbp.

Pilipinong Lipunan
 Pilipinong pamilya
 Pilipinong komunidad
 Pilipinong ekonomiya
 Pilipinong Politika
 Pilipinong pananampalataya o paniniwala
 Pilipinong edukasyon
 Atbp.

Pilipinong Kultura
 Pilipinong paniniwala
 Pilipinong Sining
 Pilipinong batas
 Pilipinong pagpapahalaga
 Pilipinong Paniniwala
 Pilipinong Tradisyon
 Atbp.
At sa aking pagwawakas...
Isa tayo sa may hawak ng susi para sa ganap na paglaya ng
Pilipinong Sambayanan sa busabos at mahirap nitong kalagayan.
Kapit-kamay nating harapin ang hamon na ito yayamang nasa
atin at kasama tayo sa katawan na nagsilang ng disiplinang
Filipinolohiya.

Bibliyograpiya:
Bautista, V., R. Pe-Pua. Pilipinolohiya: Kasaysayan, Pilosopiya at
Pananaliksik. DAPP, UP Dil. Q C, 1991

Cardenas , Gandhi. AB Filipinolohiya, Binuksan. Dalubwika, Vol.


1, Blg 1. P. 5, Hunyo-Agosto, 2001

Paolo at Rolda. Sociology and Anthropology, an Introduction.


Goodwill Bookstore, Ayala Makati Center. 1988.

Rio, Ma. Victoria C. Pagpaplanong pangwika sa Politeknikong


Unibersidad ng Pilipinas tungo sa Aktibong pagpaplano ng wikang
Filipino, KAL-UP Dil. Q C. 2001 (tesis).

You might also like