Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Sa gitna ng isang malawak na gubat sa labas ng kaharian ng

Albanya na nababagtas ng ilog Kositong makamandag ang


tubig, ay nakagapos ang isang kaawa-awang tao sa isang
puno ng Higera. Siya si Florante, anak nina Duke Briseo at
Prinsesa Floresca. Unti-unting pinapanawan ng buhay si
Florante dahil ang gubat ay sadyang nakakatakot. Mga
mababangis na hayop ang gumagala dito, ang huni ng mga
ibon ay nakakalunos at ang malalaking punongkahoy ay
tunay na nakakasindak.
Sa isang di sinasadyang pagkakataon, napapunta ang isang
Persyanong Moro sa dakong kinalalagyan ni Florante. Ito ay
si Aladin, anak ni Sultan Ali-adab, na nagpaka-layu-layo sa
sariling bayan dahil sa sama ng loob sa ginawang pang-
aagaw ng ama sa kanyang kasintahang si Flerida. Nadinig
lahat ni Aladin ang mga panaghoy ni Florante tungkol sa
kanyang mga kahirapan at siya ay lubos na naawa. Tinunton
niya ang pinanggagalingan ng tinig at nakita ang
dalawang leong naka-akmang pumaslang kay
Florante. Mabilis na pinaslang ni Aladin ang mga
leon. Kinalagan niya ang gapos ni Florante at pinagpilitang
pahimasmasan siya. Yayamang dumidilim na noon, dinala
ni Aladin si Florante sa may dakong pinasukan nito sa gubat
at doon ay magdamag siyang binabantayan. Kinabukasan ay
nagkakuwentuhan silang dalawa.

Nagkwento si Florante ng kanyang naging buhay. Kinakitaan


daw siya, mula nang pagkabata, ng mga katangiang
pangmaharlika; isinalaysay niya kung paano muntik nang
madagit siya ng isang buwitre kung hindi lamang napana ito
ng kanyang pinsang si Menalipo, na taga-Epiro; binanggit din
niya ang paghatid ng isang ibong arkon sa kanyang dibdib
ng isang kupidong diyamante. Ipinadala siya sa Atenas
upang doon ay mag-aral. Dito ay nadatnan niya si Adolfo,
anak ng Konde Sileno na taga-Albanya din, na hinahangaan
ng mga guro at mga kamag-aral dahil sa katalinuhan niya at
pagka-uliran sa pagkilos at pananalita. Labing-isang taong
gulang lamang noon si Florante at si Adolfo ay labing-tatlo na;
ngunit sa loob ng anim na taong masugid na pag-aaral,
nadaig ni Florante si Adolfo sa karunungan at
kagalingan. Hindi naglaon at lumabas ang likas na pagkatao
ni Adolfo. Kinasuklaman niya ang mga tagumpay ni
Florante. Kaya nga sa isang dulang itinanghal, sa halip na
sundin ang hinihingi ng papel, tinotohanan niyang saksakin si
Florante. Mabuti na lamang at nailigtas siya ni Menandro,
pamangkin ng kanyang gurong si Antenor. Kinabukasan din
ay pinauwi si Adolfo sa Albanya.
Namalagi pa ng isang taon si Florante sa Atenas. Samantala,
nakatanggap siya ng masamang balita mula sa kanyang ama
na namatay ang kanyang mahal na ina. Kahit na siya ay
nagdadala ng malaking sama ng loob, hinintay pa niya ang
pasiya ng kanyang ama. Dumating lamang ang isang sulat
makatapos ang dalawang buwan na nagsasabing umuwi na si
Florante sa Albanya.
Ipinatawag ni Haring Linseo ang Duke Briseo sa Albanya
sapagka't ang kaharian ng Krotona ay sinalakay ng hukbo ng
Persiyanong Heneral Osmalik. Sa unang pagkikita ng Haring
Linseo kay Florante, itinanong agad nito kung sino si
Florante. Sinabi nitong napanaginipan daw niya ang taong
mamumuno sa hukbo ng Albanya laban sa kaaway at ito'y
kamukhang-kamukha ni Florante. Ipinakilala ng Duke ang
kanyang anak sa hari. Nagsipagpulong ang mga pinuno at
napagpasiyahang si Florante nga ang magdadala ng hukbo
ng Albanya. Samantala, sa palasyo ay napukaw ang puso ng
binata ng magandang anak ng hari, si Laura. Namalagi ng
tatlong araw si Florante sa palasyo; nguni't naging kasintahan
lamang niya si Laura pag-alis na niya. Ito ay nagpabaon ng
luhang tanda ng pagmamahal niya sa binata.

Nakasagupa nina Florante ang mga kalaban; limang oras na


naglaban sina Florante at Osmalik. Hindi nagtagal, bangkay
na itinanghal ang ganid na Persiyano. Nanatili pa ng limang
buwan si Florante sa Krotona. Labis siyang nanabik kay Laura
kaya't nagdumaling bumalik sa Albanya. Sa kanyang
pagdating, ikinagulat niya ng husto nang makitang bandila na
ng mga Moro ang nagwawagayway sa kaharian ng
Albanya. Pinatigil niya agad sa paanan ng isang bundok ang
kanyang hukbo. Nakita niya dito ang isang babaeng
pupugutan na lamang ng ulo ng mga kalaban. Kanyang
mabilis na sinagip ang inuusig. Anong laking pagkamangha
nang makita ng lahat ang babae: si Laura! Nagsipagtakbuhan
ang hukbo ng kalaban, napinamumunuan pala ni
Aladin. Nabawi ang palasyo nina Floranate at nailigtas ang
mga ibinilanggo : sina Haring Linseo, Duke Briseo at Adolfo.
Hindi pa halos natatahimik ang kaharian ng Albanya ay may
isang hukbo na naman ang sumalakay; ito ay ang hukbong
pinamumunuan ni Miramolin. Sa madugong paglalaban ay
nagapi nina Florante ang mga kalaban. Nguni't may sunod-
sunod pang mga hukbo ang nagtangkang sumalakay sa
kaharian. Labimpito silang lahat; at lahat din sila ay pawang
natalo ni Florante!

Habang nasa Etolya si Florante, nakatanggap siya ng sulat


buhat sa monarka ng Albanya na nagsasabing madaling
magbalik sa Albanya. Nabigla si Florante pagdating
niya. Tatlumpung libong sandatahan ang dumakip sa kanya
at dali-daling ipiniit siya sa bilangguan. Hindi niya alam na sa
mga pakana ni Adolfo ay napatay pala nito ang mahal
na hari maging ang Duke Briseo at ito ang siyang umagaw sa
trono. Ikinulong si Florante nang labing-tatlong araw;
pagkatapos ay ipinag-utos na igapos siya sa gitna ng
kasindak-sindak na gubat upang doon ay masila ng
mababangis na hayop. Magdadalawang araw na siya sa
gubat na iyon.
Isinalaysay naman ni Aladin ang kanyang mga
karanasan. Siya ang anak ng balitang Sultan Ali-
adab. Napadpad siya sa gubat dahil sa matinding sama ng
loob sa kanyang ama. Ang kanyang kasintahang si Flerida ay
ninasang agawin sa kanya ng sariling ama. Sa tindi ng
pagnanasa ng sultan, naghanap ito ng dahilan upang masarili
ang dalaga. Sa pamamagitan ng pagsisiyasat, natuklasan
nitong nagpunta sa Persya si Aladin at iniwan ang kanyang
hukbo sa Albanya. Kaya nang maagaw ni Florante ang
Albanya at matuklasan niyong si Aladin ay umurong sa
labanan, ipinalagay ni Sultan Ali-adab na iyon ay isang
pagkamakasalanan, at hinatulang pugutan ng ulo ang sariling
anak. Nguni't nang gabi ding iyon, tumanggap si Aladin ng
isang mensahe na siya ay ipinatatapon sa ibang lupa. Ang
bilin ay huwag na siyang babalik sa Persya kung nais pa
niyang mabuhay. Ang paglilibot niya ay may anim na taon na
ngayon.
Habang nagku-kwentuhan sina Florante at Aladin, nadinig
nila ang pag-uusap ng dalawang tao. Ang isa ay
nagsasalaysay kung paano nalaman nitong ipapapatay ang
kasintahan nitong nasa bilangguan. Dahil dito pumayag itong
makasal sa hari. Pinawalan naman ang kasintahang
nabibilanggo. Noong gabing iyon ay tumakas ito sa
pagbabalatkayo bilang isang gerera. Madaming taon na ito
ngayong naglalagalag, haggang sa magkita ang dalawa sa
pook na ito. Samantala, dahan-dahang nilapitan nina Florante
at Aladin ang nagsisipag-usap. Anong laking tuwa nang
makita nilang ang nagsisipag-usap ay walang iba kundi sina
Laura at Flerida!

Ikinuwento ni Laura kung ano ang nangyari sa kanya. Sinabi niya


kung paano naagaw ni Adolfo ang trono, kung paano pinugutan
ng ulo ang hari. Sinabi din niyang pinadalhan niya ng sulat si
Florante sa Etolya upang ipaalam ang mga nangyayari sa Albanya
nguni't ito ay hindi nakaabot kay Florante. Samantala, natapos
na noon ang limang buwang taning ni Adolfo kay Laura upang
mapag-aralan ang handog na pag-ibig nito. Wala nang paraang
nalalabi kay Adolfo upang mahimok si Laura; kaya't sa kailaliman
ng gabi ay pinilit nitong dalhin siya sa gubat upang doon ay siraan
ng puri. Siya namang pagdating sa gubat ni Flerida. Nakita niyon
ang kabuktutan ni Adolfo. Sa isang pagsibat niyon ay napatay
agad si Adolfo.
Habang nagpapalitan ng kani-kanilang karanasan ang apat,
nagsidating sina Menandro, kasama ang buong hukbo ng
Albanya. Pinaghahanap nila si Adolfo upang maibalik ang dating
katahimikan ng Albanya. Nagsipagsigawan ang buong hukbo sa
tuwa nang makita ng lahat na buhay sina Florante at
Laura. Ipinagbunyi nilang lahat ang magkasintahan. Pagkaraan
ay nagbalik silang nagsisipagbunyi sa palasyo. Hindi nagtagal at
nakasal sina Florante at Laura. Itinanghal na hari ng Albanya si
Florante; si Laura, ang reyna. Sina Aladin at Flerida naman ay
pinag-isang dibdib din matapos mabinyagan upang maging ganap
na Kristiyano. Bumalik silang dalawa sa Persya nang mamatay
ang Sultan Ali-adab, at doon sila ay namuno sa sariling kaharian.

You might also like