Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 4

BULACAN PRIVATE SCHOOLS ASSOCIATION

OFFICIAL CONTEST PIECE FOR TULA 2019


KINDERGARTEN

BAYANI NG BUHAY KO
NI G. Ariel Reyes Inocencio

I
Sa isang tahanang aking namulatan
Puno ng paggalang at pagmamahalan
Sa yakap ni Ina kami’y idinuyan
Ang bisig ni Ama , gabay na hagdanan

II
Ang una kong guro ay ang aking ina
Dunong na taglay ko’y sa kanya nakuha
Kagandahang-asal dalhin daw tuwina
‘Yan ang habilin ng mutya kong ina

III
Kay amang aruga kami ay lumaki
Kasipagang taglay buhay akong saksi
Moog s’yang sandigan , sandalan parati
Siya ang takbuhan kung may umaapi

IV
Sila ang bayani nitong aking buhay
Anumang daluyong hindi uurungan
Lalo na’t pamilya ang nakasalalay
Hahamakin lahat , buhay iaalay

BULPRISA ExeCom 7.12.19


BULACAN PRIVATE SCHOOLS ASSOCIATION
OFFICIAL CONTEST PIECE FOR TULA 2019
ELEMENTARY LEVEL 1

ANG BAYANI SA PISO


NI G. Leomicio Offemaria Corpuz

Sa piso makikita, / larawan ng bayani,

Buhay ay inialay / sa pagbangon ng lipi.

‘Sinuko yaong yaman, / dunong, pati sarili,

Kapalit ng paggising, / pagmulat ng marami.

Sa piso nakaukit, / marangal mong pangalan.

Martir na halimbawa / sa tanang kabataan.

Hindi mo man sa laban, / sigaw ang kagitingan,

Kung ‘di pananagutan / sa kapwa at sa bayan.

Noong batang paslit pa, / sa gasera’y nakita,

Gamugamo na ligaw , / sa liwanag, nahalina.

Laman ng iyong dibdib, / panata sa tuwina,

Masunog man ang pakpak… / ang bayan ay lalaya!

Ngayon ay nararapat, / bayani’y kilalanin,

Sundan kanilang yapak,/ gintong aral, gamitin,

Maraming Jose Rizal… / nabubuhay sa atin,

Matapat kung maglingkod! Malinis ang hangarin!

BULPRISA ExeCom 7.12.19


BULACAN PRIVATE SCHOOLS ASSOCIATION
OFFICIAL CONTEST PIECE FOR TULA 2019
ELEMENTARY LEVEL 2

GURONG-BAYANI
NI G. Ariel Reyes Inocencio

I
Katulad ni ina, ang guro kong giliw
Mat’yaga’t mabait laging masayahin
T’wina ang salubong ngiting may paggiliw
Sa isang tulad kong anak kung ituring

II
Sa loob ng aming silid- karunungan
Hangad n’ya’y matuto kaming mag -aaral
Magsulat, magbasa, at saka magbilang
Iba’t ibang kwemto sa kanya’y nalaman

III
S’ya ang dakilang guro sa ‘ming puso
Sa tuwid na landas kami’y tinutungo
Magandang bukas daw aming matatamo
Kung ang pagmamahal lalagi sa puso

IV
Dapat s’yang ituring na Gurong-Bayani
Buhay n’ya’y inalay sa lahing kayumanggi
Talino’y hinandog walang pagtatangi
Hindi naghihintay ,munti mang papuri

V
Ngayo’y panahon nang sila’y parangalan
Ang bayani’y hindi lang yaong nangamatay
Sa Lahat ng laban walang inurungan
Mga Gurong -Bayani, dangal ka ng bayan

BULPRISA ExeCom 7.12.19


BULACAN PRIVATE SCHOOLS ASSOCIATION
OFFICIAL CONTEST PIECE FOR TULA 2019
JUNIOR HIGH SCHOOL

BAYANING KABATAAN
NI G. Ariel Reyes Inocencio

I
Kabataan buklatin mo, ang aklat ng kasaysayan
At ang mga pangungusap, basahin mo sa pagitan
Doo’y iyong mababasa ng buo at ubod linaw
Na ang bansang Pilipinas , sa bayani’y hindi kulang

II
Pakinggan mo sa kahapon ang sigaw sa Balintawak
Iyong dinggin sa nagdaan , ang madugong Pasong-Tirad
Ang gunita ng Malolos , malasin mong walang kurap
Sa dahon ng kasaysayan na sa dugo isinulat

III
Sa pagsulong ng panahon, daang taon ang lumipas
Ang kirot ng kahirapan ay nagdugong mga sugat
Karaniwang pangitain sa lansangang malalawak
Ay gusgusing kabataang naghihintay ng paglingap

IV
Sa ganitong kalagayan ang puso ko’y nangangamba
Ga-higanteng mga lakas sa kabataa’y humihila
Ang buhay ba ay hahantong sa malungkot na Plegarya
O, sila ba’y sasalubong sa liwayway ng umaga

V
Kabataan panahon nang magkaisa tayong lahat
Pananagutang Panlipunan tahakin mo na may galak
Bilang bayaning kabataan tayo ay maghawak-hawak
Taas noong salubungin ang maningning nating bukas

VI
Kaya’t ikaw kabataan …Bagong bayani kung turingan
Gumising na at magbangon at mangabay sa paghakbang
Suliranin nitong bayan, sabay nating tutugunan
Bukas nati’y paunlarin sa larangang Panlipunan.

BULPRISA ExeCom 7.12.19

You might also like