Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

ANG MGA HIRARKIYA NG PAGPAPAHALAGA

Mula sa mga nabanggit na mga prinsipyo, nabuo ni Scheler ang Hirarkiya ng Pagpapahalaga. Tinawag niya ito na
“ordo amoris” o order of the heart. Sinasabi niyang ang ganitong hirarkiya ng pagpapahalaga ay hindi ganap na
mauunawaan lamang ng isip. Naniniwala siyang ang “puso” ng tao ay kayang magbigay ng kanyang sariling
katuwiran na maaaring hindi mauunawaan ng isip.
1. Pandamdam na mga Pagpapahalaga (Sensory Values). Itinuturing na nasa pinakamababang antas ng
pagpapahalaga, tumutukoy ito sa mga pagpapahalagang nagdudulot ng kasiyahan sa pandamdam ng tao. Kasama
dito ang pagbibigay-halaga sa mga bagay na tumutugon sa pangunahing pangangailangan ng tao tulad ng pagkain,
tubig, damit, tirahan at iba pang teknikal na mga pagpapahalaga. Kasama rin sa mga pagpapahalagang ito yaong
mga bagay na maituturing lamang na rangya o luho ng isang tao, katulad ng mamahaling alahas, magarang
sasakyan o mamahaling mga bag at sapatos na labis na hinahangad ng ilang mga tao.
2. Pambuhay na Pagpapahalaga (Vital Values). Ito ay mga pagpapahalagang may kinalaman sa mabuting
kalagayan ng buhay (well-being). Halimbawa, mahalaga sa tao ang makapagpahinga kung siya ay pagod dahil ito
ang makapagpapabuti sa kaniyang pakiramdam. Ang kumain ng masustansiyang pagkain upang matiyak na siya
ay malusog at hindi magkakasakit. Mahalaga sa atin na may makausap na taong mahalaga sa atin upang
mabawasan ang ating kalungkutan. Ang lahat ng nabanggit ay mga bagay na pinahahalagahan ng tao upang
masiguro niya ang kanyang kaayusan at mabuting kalagayan.
3. Mga Ispiritwal na Pagpapahalaga (Spiritual Values). Maituturing na mas mataas ang pagpapahalaga nito kaysa
sa dalawang unang nabanggit. Ang pagpapahalagang ito ay tumutukoy sa mga pagpapahalagang para sa
kabutihan, hindi ng sarili kundi ng mas nakararami. May tatlong uri ang pagpapahalagang ito ayon sa aklat na
Problems of a Sociology of Knowledge na isinulat ni Max Scheler: a. Mga pagpapahalagang pangkagandahan
(aesthetic values) b. Pagpapahalaga sa katarungan (value of justice) c. Pagpapahalaga sa ganap na pagkilala sa
katotohanan (value of full cognition of truth)
4. Banal na Pagpapahalaga (Holy Values). Ito ang pinakamataas sa lahat ng antas ng mga pagpapahalaga.
Tumutukoy ito sa mga pagpapahalagang kailangan sa pagkamit ng tao ng kaniyang kaganapan upang maging
handa sa pagharap sa Diyos. Ang pagkilos tungo sa kabanalan ang katuparan ng kaganapan hindi lamang ng
materyal na kalikasan ng tao kundi maging ng kaniyang ispiritwal na kalikasan.
Ayon kay Scheler, ang moral na kilos ay nagaganap kung ang isang tao ay pumipili ng isang pagpapahalaga kapalit
ng iba pang mga pagpapahalaga. Ang paghuhusga sa pagiging mabuti o masama ng kilos ng tao ay nakasalalay
sa pagpili ng pahahalagahan. Sa mga gawaing maituturing ng sariling konsensya bilang mabuti, nakikita na mas
pinipili ang mataas na pagpapahalaga kaysa sa mababang pagpapahalaga o positibong pagpapahalaga kaysa
negatibong pagpapahalaga. Sa kabilang banda, maituturing na masama ang isang gawain kung mas piniling gawin
ang mas mababa kaysa sa mataas na pagpapahalaga o negatibong pagpapahalaga kaysa sa positibong
pagpapahalaga. Maaaring gamiting halimbawa ang paninigarilyo lalo na sa isang kabataang katulad mo. Ito ay
maaaring nagdudulot ng kasiyahan sa pakiramdam at pagtanggap mula sa iba pang mga kabataan.
Ngunit maituturing bang mas mataas na pagpapahalaga ang kasiya-siyang pakiramdam at pagtanggap kaysa sa
pagpapahalaga sa sariling katawan na itinuturing na templo ng Diyos? Masama ang pandaraya sa pagsusulit
(cheating) dahil pinili ang negatibong pagpapahalaga kaysa sa positibong pagpapahalagang katapatan. Sa kabilang
dako, may mga taong ibinubuwis ang sariling buhay dahil sa paglilingkod sa kaniyang kapwa na nangangailangan.
Halimbawa nito ang taong sumagip sa buhay ng isang tao katulad ng batang si Rhona Mahilum na noon ay pitong
taong gulang na sinagip ang mga kapatid sa nasusunog nilang bahay. Kahit nailagay ang sarili sa panganib ay
nananatili pa ring mabuti ang kaniyang gawain dahil mas mataas ang pagpapahalaga sa pagtulong sa kapwa kaysa
sa sarili.
Ang pananaig ng paggawa ng mabuti, na nangangahulugan ng pagpili ng mas mataas na mga pagpapahalaga,
laban sa masama, ang nakapagpapataas sa pagkatao ng tao. Ayon kay Manuel Dy, hindi dapat kalimutan ang
pagiging obhektibo ng pagpapahalaga. Maaaring hindi magtagumpay ang isang tao sa pagtugon sa isang
pagpapahalaga; ngunit hindi nito mababago ang pagpapahalaga lalo na yaong nasa mas mataas na antas. Ngunit
sa ganitong mga pagkakataon, hindi nasisira ang pagpapahalaga kundi ang taong hindi tumugon dito. Katulad na
lamang ng halimbawa ng kahalagahan ng kalusugan. Hindi man ito pahalagahan ng isang kabataang patuloy na
naninigarilyo, hindi niya masisira ang kahalagahan ng kalusugan kundi ang buhay niya ang kanyang sinisira dahil
sa kanyang paninigarilyo.

You might also like