Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 8

Ang Babae sa Nam-Xuong

(MAIKLING KWENTO)

Isinulat ni: Le Huy Hap

Salin ni: Diane Quisido

May mag- asawang nasa kabataang gulang pa na maligayang naninirahan sa isang


pook na malapit sa Nam- Xuong. Kapiling nila sa kanilang maliit na tahanan ang isang
taong gulang na anak na lalaki. Ang mag-asawa ay kuntento na sa kanilang buhay
kahit ano pa man ang kalagayan ng panahon. Sa gabi'y magkapiling silang nauupo
sa harap ng liwanag ng kanilang ilawang langis. Tahimik ang babae at ibig niyang
pakinggan ang tinig ng asawa. Habang nagkukwento ang lalaki ay nananahi naman
ang babae. Mahal na mahal nila ang kanilang anak na lalaki. Saan man sila
magtungo ay kasama nila ito at palagi rin nila itong nilalaro sa kanilang maliit na
tahanan.Isang araw ay tinawag ng hukbo ang lalaki upang maglingkod na sundalo.
Nagpaalam siya sa asawa upang tumupad sa tungkulin at nagsabing lagi niyang
babalitaan ang asawa ng kanyang kalagayan. Gayon na lamang ang kalungkutan ng
babae nang magpaalam ang asawa. Nagtataka ang batang lalaki kung bakit hindi
siya maaaring sumama sa kanyang ama sa pag- alis nito. Labis na nangungulila ang
mag- ina sa pag- alis ng lalaki. Lumipas ang mga araw at buwan ngunit walang balita
mula sa lumisang lalaki. Tuwing gabi, sa tuwing sisindihan ng babae ang ilawang langis
ay nagugunita niya ang asawa at labis siyang nalulumbay. Waring nakikita niya ang
kabiyak ng puso na nakaupo sa silyang palagi nitong inuupuan noong kapiling pa nila.
Sa maikling panahon ay nakaliutan na ng batang lalaki ang kaanyuan ng ama.

Lumipas ang tag- init.Sinundan ng taglagas, hindi pa rin bumabalik ang lalaki. Nang
kalagitnaan ng taglamig ay bumaba ang temperatura. Umulan ng yelo at lubhang
lumalakas ng hangin. Umuga ang kanilang maliit na tahanan, namatay ang langis at
bumukas ang pinto sa lakas ng hangin. "Ina, natatakot ako!" ang sigaw ng batang
lalaki. Niyakap ng ina ang anak. Sinindihan niya ang ilawang langis at isinara ang pinto.
Ibinalik nang maayos sa higaan ang batang lalaki. Naupo ang ina sa dulo ng kama ng
anak at tiningnan ang lokasyon ng liwanag ng ilaw na nakapatong sa ibabaw ng
mesa. Inayos niya ang sarili na nakatalikod siya sa liwanag at sinabi sa anak na tumigin
sa dingding sa tabi nito. Tinignan niya ang anino at sinabi sa anak na, "Huwag kang
matakot. Tignan mo, narito ang iyong ama upang pangalagaan ka." Nakatulog nang
mahimbing ang batang lalaki. Nang sumunod na gabi sa oras ng pagtulog ay
nagtanong ang bata, "Darating bang muli si Ama ngayong gabi?" Binalot ng blanket
ng ina ang anak at sinabing "Narito na siya, tumingin ka sa dingding." Ang natutuwang
bata ay tumingin sa dingding, ipinikit nag mga mata at matiwasay na natulog. Nang
sumunod na gabi ay sinabi ng bata sa ina na handa na siyang matulog. Binalot niya
ng blanket ang sarili at tinanong ang ina, "Darating ba si Ama?" "Narito na siya," ang
sagot ng ina. Ang anino ng babae ay nasa dingding na katabi ng bata. Ngumiti ang
batang lalaki at natulog na. Ang ina ay nasiyahan na sa mga ganoong pangyayari.
Tuwing gabi, mga ilang sandali kapag tulog na ang anak, ay nananatili siya sa tabi ng
anak na may anino sa dingding na sinabi niya sa anak na ama nito. Sa mga ganoong
pagkakataon ay nadarama niyang kapiling nilang mag- ina ang kanyang asawa.

Sa wakas ay umuwi na rin ang ama ng tahanan. "Salamat sa ating mga ninuno sa
Nam- Xuong at nakauwi ka na," ang naibilas ng babae. "Kukuha ako ng ating pagkain
habang inaayos mo ang altar." Bagama't hindi nakikilala ng bata ang ama, siya'y
masaya sa piling na lalaking bagong dating. "Pakibantayan mo ang bata habang
wala ako," ang patuloy ng babae. Samantalang inaayos ng lalaki ang altar ay
tinawag niya ang anak, "Halika, anak, umupo ka sa tabi ng iyong ama." "Hindi ikaw
ang aking ama," ang sagot ng bata. "Bakit mo nasabi iyan?" ang tanong ng lalaki.
"Sapagkat hindi ikaw ang lalaking nakikita ko gabi- gabi sa tabi ng aking higaan," ang
tugon ng bata. Hindi nalaman ng ama ang isasagot. Naghinala siya na may lalaki ang
kanyang asawa na dumadating sa kanilang tahanan gabi- gabi. Inakala niya na
mahal siya ng asawa at hinihintay ang kanyang pagbabalik. Iyon pala ay nakatagpo
na ito ng ibang lalaki na ipapalit sa kanya. Sinakmal siya ng panigbuho at nanalaytay
sa kanyang mga ugat ang matinding poot. Kumulo ang kanyang dugo sa kanyang
anak at sa nagpanggap na ama nito. Nagmamadaling umuwi ang babae sa
pananabik na makapiling ang asawa, gayon na lamang ang kanyang pasasalamat at
ligtas itong nakabalik. Nagtaka siya kung bakit hindi pa natatapos ayusin ng lalaki ang
altar at itinanong niya ang dahilan. Sa halip na sagutin ng lalaki ang tanong ng asawa
ay nagmamadali siyang lumabas at pabalagbag na sinara ang pinto. Dumaan ang
mga araw, hindi na bumalik ang lalaki. Hindi nakayanan ng babae ang pangungulila
sa asawa kaya binalot ng babae ang anak at inihabilin sa isa nilang kapitbahay.
Pagkatapos ay nagmamadali siyang lumisan bago dumaloy ang mga luha sa
kaniyang mga mata. Mabilis siyang tumakbo at nagtungo sa ilog. Lumundag siya sa
malamig na tubig at nalunod. Nang nalaman ng lalaki ang ginawa ng asawa ay
umuwi siya. Kumakatok sa pinto ng kapitbahay na pinag- iwanan ng babae sa bata at
ibinigay sa ama ang bata. Gabi na noon kaya hiniga na ng lalaki ang anak sa kama
nito. Umupo siya sa bahagi ng higaan na palaging inuupuan ng babae noong buhay
pa ito.
Ang mga Bagay na Ipinadala Mo sa Akin

(TULA)

Isinulat ni: Nguyen Kho Diem

Salin ni: Mykel Andrada

Kaninang umaga, pagkalaya ko mula sa bilangguan,

Sumapi ako sa hukbo,

Walang nakapansin sa akin

Wala ni isang matang nanipat

Maging ako, sa aking salawal,

Ay di nagbusisi ng sarili.

Binigyan ako ng mga kasama ng isang A.K.*

Ang tumbong nito’y napingasan ng bala

Na siya ring kumitil sa isang kadre namin

Habang nakalapat ang pisngi ko sa baril,

Tila kapagkit ng pisngi ko ang pisngi ng namatay.

Matapos ang isang depensiba, sa Baoquoc pagoda,

Binigyan ako ng isang pares ng sandalyas

Sunog ang mga istrap, may bahid ng dugo ang suwelas

Naitumba ang kadre sa unang putok ng atake

Masyadong masikip ang mga sandalyas

Naglalakad ako na tila ang paa ko’y paa ng naitumbang kasama.

Sumunod na araw, pagbalik sa base sa likod ng mga linya

Binigyan ako ng mahusay na kumot

Kumapit doon ang pawis ng isang nawawalang kasama

Nang gabing iyon, mailap ang pagkahimbing

Ang buong katawan ko’y siya ang naiisip

Parang…
Sa loob ng dalawampu’t limang araw

Ang naka-asul na unipormeng rekrut

Ay naging armadong kawal, may mga linya sa braso

At sa aming mga telang-ranggo

Salamat sa lahat ng ipinadala mo sa akin

Tinatanggap ako maging ng mga mamamayan:

“Pagbati, kasamang kadre ng paglaya!”


Mabait ka ba?

(TULA)

Isinulat ni: Lam Thi My Da

Salin ni: Mykel Andrada

Tulad ng pagtatanong ng palay sa lupa

Mabait ka ba?

Tulad ng pagtatanong ng puno sa hangin

Mabait ka ba?

Tulad ng pagtatanong ng ulap sa langit

Mabait ka ba?

Walang-hangganan ang aking langit

Kung saan namamaybay ang mga ulap mo

Di mauubusan ang aking hanging-hininga

Sa pagsuyo sa iyong mga puno

Malalim ang aking lupa

Sa ibabaw nito’y nakayukyok ang mga palay

Kaya bakit mo pa

Pinahihirapan ang iyong sarili

Sa pag-iisip kung

Mabait ako?
Ang Bahay ng Aking Ina

Isinulat ni Huu Thinh (Vietnam)

Salin ni Mykel Andrada

Uuwi na ako sa iyo, ‘Nay

Tumitibok ang tiket ko sa tren tulad ng aking puso.

Muling nakasalo ang puwet ko sa kawayang upuan

Kung saan ka nananahi habang kinakalas ni Tatay ang kaniyang sandalyas

Sa isang iglap, nalalabusaw ang layo at distansiya

Nagkakapakpak ang saya at nagbibigay ng bagong buhay sa katre

Hayaan mong ako ang sumalok ng tubig

Magiging sisidlan mo ito ng panighaw sa uhaw

Hayaan mo akong magsaing — nang hindi ikinukubli ang usok*

Hayaan mo akong pasalamatan ang apoy sa sigaan

Na nagpakalma sa ‘yo nung ako’y malayo sa tahanan

Narito, tulad ng dati, ang sampayang nakatali sa poste

Araw-araw, tumataas ito para sa iyo

Isinampay ko ang aking damit, ipinaalala nito ang nagdaang mga araw

Tumatangis ang sampayan noong wala ang anak ng Ina

Malalim ang ukit ng gera sa buhay namin

Puno ng tubig ang isang butas sa aming delantera

Humapon na akong muli sa aming tahanan

Fraternal na pagbati ang isinalubong sa akin ng sapot sa dingding

Upang malabusaw ang distansiya, ang isang payak na manlalakbay

Ay kailangan lamang magbalik sa kaniyang pinagbuhatan

At yumungyong muli sa mga bisig ng Ina

Ngunit para sa aktibong kawal tulad ko,

Ang muling-paghahanap ng sarili ay nangangahulugan ng pagsulong


Pagpunyagi sa mga balakid at panganib

Upang makita ka roon sa daang pataas

Tulad ng pagkamasid ko sa ‘yo, ‘Nay.

Di pa man ako nakatutungtong sa delantera ng ating bahay

Nang sunud-sunod na agad ang putukan sa may harapan

‘Nay, maliit na istasyon ng tren ang ating bahay, ang ating mga buhay

Kami, na iyong mga anak, ay lumalagos roon, paulit-ulit, paulit-ulit.

You might also like