Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Isang araw, may isang kayumanggi at walang lamang kahon ang naiwan sa isang sulok ng

tindahan. Maya-maya’y may isang lolong nagdikit ng papel sa kahong walang laman. Hindi
mabasa ng kahon ang nakasulat pero sabi ng kahon sa sarili, “Salamat at mayroon pa pala akong
silbi kahit isang basurahan”. Dati kasi siyang kahon ng sigarilyo.Dumaan ang ilang araw, isang
kasambahay ang naglagay ng isang manikang madumi ang damit at ang dilaw na buhok ay di
pantay ang gupit. Natuwa ang kahon dahil nagkaroon na siya ng laman, isang basurang
manika.“Kumusta, manika?” ang bungad na bati ni Kahon. “Sa hitsura mo’y parang pinaglaruan
ka yata ng batang sa iyo’y umampon..“Uy, kaibigan. Maigi ngang nandito ako sa loob mo,” sagot
ni Manika. “Kung alam mo lang ang aking kwento, pihadong pati ikaw’y manlulumo.”“Tutal,
dalawa lang naman tayo, makikinig ako sa kwento mo,” ngiti ni Kahon.“O sige. Ako’y isang
magandang manika noong una. Gintong mais ang aking buhok at mabango ang damit kong kulay
pula. Madami ang sa akin ay nagbakasakali ngunit sabihin nating mayamang bata ang nagmay-
ari. Ang hindi ko lang inaasahan, mayroon siyang panget na ugali. Kaming mga laruan ay hindi
iniingatan at madalas gawan ng kalokohan. Biruin mong ilublob ako sa putikan at gupitin ang
buhok kong ginintuan. Hay, nasayang lang ang aking ganda sa isang batang hindi marunong
magpahalaga.”“Masaklap pala ang iyong sinapit sa isang batang ugali’y malupit,” yun na lang ang
sinabi ni Kahon sa kanyang unang bisita.lang araw ang lumipas, may amang naglagay naman ng
isang asul na robot sa kahon.“Kamusta, Robot,” sabay na bati nina Kahon at Manika.“Hay, eto,
nakakahiya na ang hitsura. Bali ang isang kamay at lagyan man ng baterya ay di na gumagana.
Ano pa nga ba, isa na akong basura!” dismayadong sagot ni Robot.“Makikinig kami sa kwento
mo, tutal tatlo lang naman tayo,” ang paunlak ni Kahon.“O, sige. Ganito yun. Ako’y isang robot na
modelo ng isang sikat na robot sa telebisyon. Binili ako ng isang mabait na tatay para sa kanyang
bunsong anak. Tuwang-tuwa sa akin ang bunso, pero naiinggit naman sa kanya ang panganay na
kapatid.Nainis ang mas matanda kaya bigla akong hinaltak sa kanya. Pinag-agawan nila ako at
parehong ayaw magpatalo.”“Hay, may mga bata talagang dapat dinidisiplina,” sambit ni Manika.
“Oo nga. Ang nangyari, nahulog ako sa semento, nabali ang kamay at nabasag pa ang lagayan ng
baterya. Nang malaman ng ama, pinalo pareho ang dalawang bata at ako’y itinapon na lang. Ang
sabi ng ama, kayong dalawa ay dapat nagbibigayan. Itatapon ko na lang ang robot upang
kalimutan ang ugaling karamutan. At hindi ako bibili ng anumang laruan, hangga’t di ninyo
natututunan ang magbigayan ng anumang kagamitan,” ang malungkot na salaysay ni
Robot.“Kinabukasan, isang binata naman ang naglagay sa kahon ng isang magara at makintab na
itim na kotse-kotsehan.“Kamusta, Kaibigan,” ang bati nina Manika at Robot, “Maligayang
pagdating sa basurahan.”“Eto, malungkot, ” matamlay na sagot ng bagong dating.“Ha? Anong
ikinalulungkot mo? Sa hitsura mo, ika’y bagong-bago, ano ba ang kwento, kaming tatlo ay
makikinig sa ‘yo,” ani Kahon.“Ganito kasi yun. Hindi bata ang bumili sa akin. Isang binatang
mahilig bumili ng laruang sasakyan pero hindi naman niya nilalaruan. Itinatago sa istante, ayaw
maalibukan, walang pakinabang. Bumili nang bumili pero pandisplay lang. Hay, gusto kong
sabihin sa kanya, ako’y isang laruan. Tanging hiling ko’y may batang ngingiti habang ako’y
pinaglalaruan.”“Pero anong nangyari at napunta ka dito?” tanong ni Manika.“Ang binata kasi ay
sa ibang bansa na maninirahan, pinili niya ang pinakamagaganda niyang laruang-sasakyan upang
dalhin sa ibang bayan. At akong hindi napili, heto, napunta sa isang basurahan.”“Iyan ang isang
pinakamasaklap na mangyari sa isang laruan, ang hindi man lang mahawakan ng isang bata,”
nanghihinayang na nasabi ni Robot.Sumunod na araw, isang dalaga ang naglagay ng isang
laruang oso sa kahon.“Maligayang pagdating sa iyo, laruang oso,” sabay-sabay na bati nina
Manika, Robot, Kotse-kotsehan at Kahon.“Uy, marami na pala kayo dito, salamat naman at hindi
na ako mag-iisa,” wika ng kadarating na kulay rosas na laruan.“Apat pa lang naman kaming
nagkukuwentuhan, ikaw ba, pwede ka bang kahuntahan?” sambit ni Kahon.“Aba’y oo naman,
ganito ang aking karanasan. Ako’y isang laruang nagsilbing kaibigan. Isang dalagita ang sa akin ay
bumili at mga sikreto niya’y sa akin lang sinasabi. Nakakatuwa naman at ako’y kanyang
inalagaan. Ilang taon din kaming naging magkakwentuhan, pero..” napalitan ng lungkot ang
mukha ni Laruang Oso.“O, bakit, akala ko ba’y masaya ang iyong karanasan,” tanong ni Robot.
“Nagtataka nga ako kung bakit ako inilagay dito. Basta sabi niya sa akin, dalaga na siya. Matanda
na raw siya para sa kagaya ko, kung kaya’t ako’y kanyang pakakawalan. Bulong niya’y may
makapulot sa aking bata na ituturing din akong kaibigan.”“Mabuti naman at hindi naman pala
masama ang iyong karanasan.” ang sabi ni Kotse-kotsehan.Lumipas pa ang mga araw at malapit
nang mapuno ang kahong dating walang laman na naging basurahan. Parati kasing may
naglalagay ng mga kung anu-anong basura sa kanya. Iba-ibang laruan. Iba-ibang kulay. Iba-ibang
hugis. May bolang kupas at sombrero ng mangkukulam na butas. May espadang patpat at may
lumang trumpo. May laruang bus, gitara at barko. Mayroon pa ngang mga damit ng diwata, nars
at sundalo. Lahat ay may mga baong kwento.Sana ay may makapulot sa atin na mga batang
malilibang at matututo sa atin.” Iyun na lang ang nasambit ng mga lumang laruan sa loob ng
kahon.Nasa gayon silang pagkukuwentuhan nang tuluyang isinara ng lolo ang kayumangging
kahon. Natakot ang mga laruan dahil alam nilang sa Bundok ng Basura ang kanilang pupuntahan.
Sabay-sabay silang nagdasal.“Sana ay mapulot kami ng mga batang hangad ay kasiyahan at
paglilibang. Mahaba ang nilakbay ng kahon. Ang mga lumang laruan naman ay mistulang mga
batang naglalaro sa loob nito.Nawala sa isip nila ang pag-aalala sa pupuntahang Bundok ng
Basura.Hanggang ang kahon ay nakarating sa isang trak ng puno rin ng mga kahong kagaya niya.
At ngayon lang niya nabasa ang nakasulat.“Kahon ng Kasiyahan, Panahon ng Pagbibigayan.
Laruan Para sa Bahay-Ampunan.”At muling napangiti si Kahon. At sa isip niya’y gumuhit ang
masayang larawan ng mga batang sabik sa laruan at mga laruang sabik sa pagmamahal ng mga
kabataan.

You might also like