Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

Pagkakaisa sa Panalangin

(Isang Pagsamo at Paanyaya)

Ang mga kapatid natin na sina Arsobispo Socrates Villegas, Obispo Pablo Virgilio David, Obispo
Teodoro Bacani, Jr. at Obispo Honesto Ongtioco ay nahaharap sa mahirap na sitwasyon.
Nagsimula na ang mga proseso kaugnay ng kasong sedisyon na isinampa laban sa kanila.
Pinagsusumite na sila ng kanilang kontra-salaysay hinggil dito. Bilang mga kapatid na Obispo,
nagtatanong kami kung ano ang magagawa namin para sa kanila? Binanggit ko sa aking naunang
pahayag tungkol sa kanilang kalagayan na nalunglungkot ako at nababahala sa mga pangyayaring
ito. Kilala ko ang mga obispong ito. Naglingkod ako kasama ang dalawa sa kanila: Ako ay naging
ikalawang pangulo ni Arsobispo Villegas noong siya ang pangulo ng CBCP, at si Obispo David
naman ang aking ikalawang pangulo ngayon. Hindi kapani-paniwala para sa akin na sila ay
paratangan ng sedisyon at iba pang mga kasong kriminal.

Binanggit ko rin na “ipagdarasal ko ang aking mga kapatid na Obispo; nakakabahala ang ganitong
sitwasyon para sa kanila. Ipinagdarasal ko na manatili silang panatag at matatag at sa bandang
huli ay mapatunayan na sila ay walang sala. Ito ang idinadalangin ko sa Panginoon, kasama ang
Mahal na Ina na ating tagapamagitan.

Ipagkatiwala natin sila sa Panginoon at sa ating Mahal na Ina.

Kung kaya’t ito ang aking pagsamo at paanyaya sa inyong lahat- mga kapatid kong Arsobispo at
Obispo at sa buong bansa- Magkaisa tayo sa pananalangin. Anyayahan natin ang mga pari, ang
mga relihiyoso, at ang sambayanan na makiisa sa atin sa pananalangin.

Sa ika-6 ng Agosto 2019 Dakilang Kapistahan ng Pagbabagong-anyo ng Panginoon, alalanin sila


sa Banal na Misa. Ipagdasal natin sila, isama sa ating mga pagninilay at homiliya, at sa panalangin
ng bayan. Ipagdasal natin sila at hilingin natin sa Panginoon na maramdaman nila na sila’y mga
minamahal na alagad. Nawa ay maramdaman din nila na minamahal natin sila, ang mga kapatid
nilang Obispo.

Sa ika-15 ng Agosto 2019, Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng


Maria, isama natin sila sa ating mga panalangin at Banal na Misa. Ipagkatiwala natin sila sa
makainang pangangalaga ng Ina ng Diyos, ang Ina ni Hesus, na Ina rin nating lahat.

Huwag nating kalilimutang isama sa mga panalangin sa mga espesyal na araw na nabanggit, ang
mga nasa pamahalaan na kasama sa mga proseso kaugnay ng pagsasampa ng kaso laban sa
mga Obispo. Ipagdasal natin sila sa Panginoon, kasama ang Mahal na Ina, na patnubayan sila
patungo sa katarungan at katotohanan.

+ROMULO G. VALLES, D.D.


Arsobispo ng Davao
Pangulo, Catholic Bishops’ Conference of the Philippines
1 Agosto 2019

You might also like