“Pagsulong ng Kadayawan Festival ng mga mamamayan sa Davao”
Ni: Crisaldo A. Recio, Jr.
Ang Pista ng Kadayawan sa Dabaw ay isang linggong selebrasyon ng pasasalamat para sa
masaganang ani. Ito ay ipinagdiriwang tuwing ikatlong linggo ng Agosto sa Lungsod ng Davao. Ang salitang “Kadayawan” ay nagmula sa katutubong salitang “dayao” na ang ibig sabihin ay “madayaw” – isang ekspresyon na ginagamit din upang ipaliwanag ang mga bagay na mahalaga, maganda, mabuti at kapaki-pakinabang. Sa Mandaya, ito ay tumutukoy sa isang magandang bagay na nagdadala ng suwerte.Noong dekada 70s, pinangunahan ni Mayor Elias B. Lopez ang pista ng mga tribo sa lalawigan. Ang mga kinatawan ng mga grupong Bagobo, Manobo, Mansaka at Mandaya, mga Muslim at iba pa, ay nagtitipon sa kapatagan upang mag-alay ng mga sayaw at ritwal ng pasasalamat.
Sila ay nagsasayawan at nag-aawitan upang ipagdiwang ang kanilang kasiyahan sa mga
biyayang natanggap. Iba’t ibang mga produkto sa pagsasaka tulad ng mga prutas, bulaklak, mga gulay, bigas at butil ng mais ay nakalatag sa banig habang ang mga katutubo ay nagbibigay pugay at paggalang at pasasalamat o” pahinungod” para sa kasaganaan ng taon.
Ang kapistahang ito ay nagsisimbulo ng pagdiriwang sa buhay, pasasalamat sa mga yaman at
biyayang natatamasa, masaganang ani ng mga pananim, at kapayapaan sa buhay. Noong una, ang kapistahang ito ay tinawag na “Apo Duwaling” na nanggaling sa pinakatanyag na mga simbolo ng Dabaw, ang Bundok Apo, prutas na Durian, at bulaklak na Waling-waling. Noong 1988, ang kapistahang ito ay pinalitan ng “Kadayawan” upang ipagdiwang ang masaganang ani ng Davao. Hanggang ngayon ang “Kadayawan” ay patuloy na ipinagdiriwang upang parangalan ang lungsod na mayaman sa iba’t ibang artistikong kultural at makasaysayang pamana sa isang enggrandeng pagdiriwang ng pasasalamat.