Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

Ang Sukatan ng Tagumpay

Gemiliano Pineda

Isang guro sa pamantasan ang kamakailan ay nagpahayag ng ganito sa kanyang tinuturuan. “ Ako’y hindi mayaman. Hindi ako
tanyag. Ngunit sa ngayon ay ipinalalagay ko na ako’y isang tagumpay. Itinuturing kong ang aking sarili’y isang tagumpay,
sapagkat kumikita ako ng ikabubuhay at ng ikatutustos ng aking kaanak sa pamamagitan ng sarili kong pagsisikap sa isang
paraang malinis at marangal. Napag-aaral ko ang aking mga anak Kami’y kumakain ng hindi sumasala sa oras. Nakapagdaramit
kami nang katamtaman. At nakadadalo rin kami sa mga kasayahan. Oo, sa kabila ng kawalan naming mag-anak ng isang
magarang tahanan, ng isang sariling sasakyan, ay itinuturing kong ako’y isang tagumpay, sapagkat ako’y tahimik sa sariling
pamamahay. Wala akong kaaway. Ngunit marami akong kaibigan. Kaya para sa akin, ako’y isang tagumpay.”

Sa palagay ko’y walang makatututol sa sinabi ng gurong iyon – isa nga siyang tagumpay. At dahil sa pahayag na iyan ay
napag-isip kong ang tagumpay ay maraming sukatan. Ang tagumpay ay hindi isang bagay na may isang sukatan lamang, yao’y
nag-iiba ng anyo. Nagugunita ko tuloy ang panahon noong ako;y nag-aaral pa lamang sa mataas na paaralan. Noon, ayon sa
aking pagkamalas sa buhay, ang aming guro ay isang sagisag ng tagumpay. Isa siyang halimbawang dapat tularan. At kung ako
lamang ay makatutulad sa kanya ay masasabi kong sumapit sa ako sa tugatog ng aking mga pangarap. Datapwat, napatunayan
kong ang tao, habang tumatanda ay nadaragdagan ang karanasan at nagbabago ang nilalayon. Kaya naman, yaong mga bagay
na lubhang kaakit-akit para sa akin noong bata pa ay nawalan ng dating ningning nang mapagmalas buhat sa paninging
nakarating sa iba’t ibang paligid. Dahil dyan, ang sukatan ng tagumpay ay pabagu-bago, hindi palagian sa habang panahon sa
buhay ng tao. May mga tagumpay na nagiging sanhi ng lalong paghahangad ng ibayong tagumpay. At sa pagiging tao natin ay
taglay ang makataong kahinaan: ang ‘di pagiging kuntento sa mga bagay na nasa ating paligid at mas lalong paghahangad pa.
Kung talagang tutuusin, hindi lamang yaong mga taong naging dakila, nabantog, yumaman, o nangaging bayani ang
masasabing nagsipagtagumpay sa buhay. Hindi itinanhanang ang lahat ay maging dakila. Mangyari pang may mga tao – ang
malaking bahagi ng sangkatauhan – na mananatiling lingid at ‘di-kilala ngunit patuloy na nabubuhay sa paraang ikinasisiya nila.
At para sa akin, ang taong nabubuhay nang mapayapa ay tagumpay rin kaipala’y higit pa kaysa sa mga mayayaman at mga
bantog na ang buhay ay lubhang magusot at puno ng alalahanin. Sa gayon, hindi natin dapat pakahangarin ang lubos na
kadakilaan o kabantugan.sapat nang sa ating sarili ay nalalaman nating tayo’y marangal at may malinis na kalooban, at tayo’y
nabubuhay sa pamamagitan ng sariling pagsisikap upang maipalagay na sa buhay na ito ay ganap tayong nagtagumpay.

Ang mga magsasakang tahimik na nagbubungkal ng lupa at nag-aani, ang mga manggagawang sa araw-araw ay nagbabanat
ng buto upang pagdating ng hapon ay umuwi sa kani-kanilang mga tahanan nang may dalang pasalubong sa mga anak, ang
mga kawaning nagsisipaglingkod sa pamahalaan at iba pang bahagi ng ating lipunan, ay para-parang mga tagumpay sa buhay
ng ito, sapagkat ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa abot ng kaya. Saka lamang maaaring sabihing tayo ay mga bigo kung
sa ating paggawa’y pabaya, kung ang ipinagagawa sa atin ay hindi natupad. Ngunit habang ito’y natutupad, habang sa ating
tungkuli’y ipinakikita nating tayo;y buong-pusong nagsusumikap sa ikauunlad ng gawain at ng ating sarili, naniniwala akong taas-
noo nating masasabing tayo’y para-parang tagumpay sa daigdig na ito. Ang bawat isa sa atin ay may kani-kaniyang tungkulin sa
buhay at nakatadhanang landas sa bawat isa. Hindi maaaring lahat ay maging dakila o yumaman ngunit sa patuloy nating
paghakbang, sa patuloy na pagkilos ng ating mga paa, at sa pagtupad ng tungkulin ng bawat isa sa atin, tayo;y nagiging
tagumpay. Ang mag-aral sa paaralan ay maituturing na ring mga tagumpay kung sa kanilang pag-aaral ay iniuukol ang
pagsisikap na kinakailangan. Maging ang bata – kung ganap na tutupad sa papel ng pagiging bata ay tagumpay din. Kaya
naman yaong mga matatandang nagpipilit na maging bata, ay itinuturing na mga bigo sa buhay na ito sapagkat lumalabag sila
sa kanilang tungkulin – ang pagiging matanda – at sila’y kakatwa. Sa pamamagitan ng sukatang iyan ng tagumpay – na pansarili
ko lamang at hindi ipinaaangkin sa iba pa – ay walang dapat ikainggit ang sino man sa iba. Kung ganito sana ang
pagpapakahulugan natin sa tagumpay, walang tunggaliang magaganap at paghangad na makaangat sa iba. At kung mawawala
na nga ang palaluan na siyang sanhi ng sigalot at katiwalian sa lipunan, dito natin masasabing ang tagumpay ay hindi salitang
iniuukol sa ilan kundi isang katawagang maiuukol sa lahat, na gaya ng hangin, liwanag ng araw at buwan.

You might also like