Dalisayin mo ang aking paningin upang masumpungan ko ang kapayapaan Dalisayin mo ang aking isip upang maunawaan ko ang kapayapaan Dalisayin mo ang aking puso upang magmahal ako sa kapayapaan Dalisayin mo ang aking kamalayan upang makisangkot sa kapayapaan Ang kapayapan na bumubukal sa iyong pag-ibig at habag.
O Panginoon patatagin mo ang aking pananalig sa kapayapaan
Na nagmumula sa iyong kalooban Iba-iba man ang anyo ng iyong pagpapahayag ng sarili At pag-ibig sa sangkatauhan Isang bagay ang nananatili ang iyong walang maliw na pakikinig sa bawat isa, Sa lahat na walang itinatangi.
O Panginoon, gawin mo akong tanda ng iyong kapayapaan
Isang buhay na nakikiisa sa Iyo Upang maunawaan ang iyong karunungan sa katahimikan At makadaop-palad ka sa iyong pag-iral Isang buhay na kinikilala ang sarili Upang patuloy na masumpungan ang kahulugan ng aking buhay Isang buhay na nakiki-ugnay sa kapwa upang sila ay maging aking katuwang At kaisa sa pagpapayabong ng buhay
Isang buhay na nagpapahalaga sa kalikasan upang kalingain ang sanlibutan.
O Panginoon, pagkalooban Mo ako ng lakas ng loob Upang mabuhay sa kahalagahan ng pakikipagkaisa at pakikipagkasundo Sa gitna ng mga pagkakawatak-watak at mga hindi pagkakaunawaan. Ang maitaguyod ang kapayapaan sa piling ng mga tao Nang may katapatan at pananalig sa iyong pag-ibig at habag.