Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Transportasyong Pilipino: Kontribusyon ng mga Amerikano

GALLERY

Araw-araw tayong sumasakay ng dyipni, taxi, bus, LRT at tren. Minsan sumasakay din tayo ng barko o
eroplano kung patungo sa malalayong lugar. Pero naitanong mo na ba sa iyong sarili kung paano
nagsimula ang sistema ng transportasyon sa ating bansa? Malaki ba ang pinagbago ng transportasyong
Pilipino sa pagdaan ng panahon? Masasabi nating nagsimulang umunlad ang transportasyong Pilipino sa
pagdating ng mga Amerikano. Bagamat may simple nang paraan ng paglalakbay noong panahon ng mga
Espanyol, lalo pa itong dumami, naging mabilis at sopistikado sa panahon ng mga Amerikano.

Mga Sasakyang Panlupa. Sa pagdating ng mga Amerikano, maraming mga daan at tulay ang nilikha upang
mapag-ugnay ang mga bayan, lalawigan at pulo ng bansa. Binago at ginawang mabilis ng mga Amerikano
ang paraan ng paglalakbay ng mga Pilipino kumpara sa panahon ng mga Espanyol. Pinalaganap ang
paggamit ng mga tren, tranvia, kotse at bus.

Noong 1917, ang Manila-Dagupan Railway na pagmamay-ari ng mga Ingles ay binili ng pamahalaang
Amerikano. Itinatag ito bilang Manila Railroad Co. na kilala ngayon bilang Philippine National Railways
(PNR). Pinahaba at pinalawak nito ang mga riles ng tren hanggang La Union sa hilaga at Albay sa timog.
Nagkaroon din ng mga linya ng tren sa Cebu at Panay. Sa kabuuan, tinatayang aabot sa 1,395 kilometrong
riles ng tren ang naitayo ng mga Amerikano sa ilalim ng kanilang pamamahala. Ang pagtatayo ng mga
linya ng tren ang nagpaunlad sa mga pook na dinaraanan nito. Ito rin ang naging dahilan ng pagdami ng
mga lungsod. Gayundin ang pag-usbong ng Maynila bilang sentrong komersyal ng bansa.

Ipinakilala naman ng Manila Electric and Railroad Co. o MERALCO ang de-kuryenteng tranvia. Ito ay kaiba
sa tranvia na hila-hila ng mga kabayo noong panahon ng mga Espanyol. Aabot sa 24 na katao ang
maisasakay ng isang tranvia. Masasabing ito ang unang mass transport system sa Kamaynilaan dahil
halos lahat ng bahagi ng lungsod ang siniserbisyuhan nito.

REPORT THIS AD
Dumating naman ang unang auto o kotse sa Maynila noong 1903. Isa itong benzine-fueled French-made
Brazier. Ang kotse ang nangungunang transportasyon noong panahong iyon partikular na sa mga
maykaya sa buhay.

Noong 1924, ipinakilala naman ng MERALCO sa Maynila ang mga Atlas-General Electric trackless trolley
bus. Ito ang nagpasimula ng bus transport system sa bansa.

Lumaganap naman ang mga autocalesa o mga de-metrong taxi noong mga 1930s. Maaari itong
magsakay ng apat hanggang anim na pasahero. Bagamat mahal ang pasahe rito, ito ang naging
pinakamainam at pinakamabilis na pampublikong transportasyon noong panahong iyon. Lumaganap din
ang paggamit ng mga trak at motorsiklo sa paglalakbay. Ang dyip pangmilitar naman ang sinasabing
pinagmulan ng pampasaherong dyipni na lumaganap pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Mga Sasakyang Pantubig. Umunlad din ang transportasyong pandagat noong panahon ng mga
Amerikano. Ang mga mababagal na bangka, kaskos at batel na ginagamit noong panahon ng mga
Espanyol ay napalitan ng mga mabibilis na bangkang de-motor, lantsa, steam tugboats at mga inter-
island steamer. Pinasimulan din sa panahong ito ang paglalayag ng mga international steamships sa iba’t
ibang panig ng mundo. Dahil dito, dumami ang pagbukas ng mga daungan o seaports sa bansa. Isa na
rito ang Port of Manila na sinasabing pinakamalaking daungan sa Asya noong panahong iyon.

Mga Sasakyang Panghimpapawid. Ipinakilala naman sa mga Pilipino sa unang pagkakataon ang eroplano
noong 1911. Ito ay pinalipad ni ‘Lucky’ Baldwin bilang bahagi ng isang palatuntunan sa Manila Carnival
City. Noong 1930, sinimulan naman ng Philippine Aerial Taxi Co. o PATCO ang unang komersyal na
eroplano sa bansa. Dito unang naranasan ng mga Pilipino na maglakbay sa pamamagitan ng himpapawid
sa iba’t ibang bahagi ng ating kapuluan. Sinundan naman ito ng pagtatag ng Iloilo-Negros Air Express Co.
o INAEC noong 1933. Sinasabing ang dalawang kompanyang ito ang naging Philippine Airlines matapos
ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang paglapag naman ng China Clipper ng Pan-American Airways sa
Maynila noong Nobyembre 29, 1935 ang itinuturing na unang trans-Pacific air travel mula California, USA
hanggang Pilipinas. Ito rin ang nagpasimula sa internasyunal na paglalakbay ng mga Pilipino sa
pamamagitan ng mga eroplano.

Sa paglipas ng panahon, masasabi nating unti-unting nagbabago at umuunlad ang sistema ng


transportasyon sa bansa. Mula sa isang simple,ito ay naging moderno at sophistikado. Bagamat lagi itong
pabagu-bago, dapat nating tandaan na ang pagkakaroon ng isang malawak at mabilis na sistema ng
transportasyon ay isa sa mga salik na magbibigay-daan sa minimithing pag-unlad ng isang bansa.

You might also like