Tungkol ito sa mga dating Filipinong babae na asawa lang
dapat ng kalalakihan. Napakagandang nobela na kung saan malalaman ang mga nangyari sa lipunan ng panahong isinulat ito at ang katatagan ng isang ina na may dalawang anak sa magkaibang lalaki. Noong panahon sunud-sunuran lamang ang mga kababaihan sa Pilipinas sa kanilang mga asawang lalaki at mga kaibigang kalalakihan. Gumaganap lamang ang mga babae bilang ina na gumagawa lamang ng mga gawaing bahay, taga pag- alaga ng mga pangangailangan ng asawa o kaya ng mga bata, wala silang karapatan at hindi nararapat na makielam ayon sa nakaugalian hinggil sa paksa at usaping panghanap-buhay at larangan ng politika. Subalit nabago ang gawi at anyo ng katauhan ng mga kababaihan sa lipunang kanilang ginagalawan sapagkat nagbago rin ang lipunan. Nabuksan ang mga pintuan ng tanggapan para sa mga babaeng manggagawa, nagkaroon ng lugar sa pakikibaka para mapakinggan ang kanilang mga daing hinggil sa kanilang mga karapatan, na buhay ang kanilang kaisipan na may tinig sila sa loob at labas man ng tahanan. Sinalaysay sa nobelang ito ang buhay ni Lea, isang nagtatrabahong ina na may dalawang anak, -isang lalaki at isang babae. Kung kaya’t makikita rito ang paglalarawan ng pananaw ng lipunan tungkol sa kababaihan, pagiging ina at kung paano gaganapin ng ina ang kaniyang pagiging magulang sa makabagong panahon. Sa pamamagitan ni Lea, ipinakita ng manunulat na hindi sa lahat ng panahon magiging tahimik ang buhay ng isang tao, kailangang magpasya at makibaka sa agos ng buhay. Patuloy tayong naghahanap ng kalayaan, tulad ni Lea na ayaw manatili sa kaniyang maliit na papel na pagiging asawa lang ng kalalakihan mas mainam na sa kaniya ang magkaroon ng silbi sa lipunang kaniyang ginagalawan. Ngayong modernong panahon, ang mga kababaihan ay masasabi nang karamay ng kalalakihan sa lahat ng bagay, kaya na nitong gawin ang kahit na anong trabaho ng isang lalaki.