Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 26

Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.

2 (2013): 1–26

Loob at Kapwa: Mga Unang Hakbang Patungo


sa Isang Pilipinong Birtud-Etika Gamit si
Sto. Tomas de Aquino

Jeremiah A. Reyes

ABSTRACT

In this article we introduce a Filipino Virtue Ethics, or an Ethics of “Loob”


and “Kapwa” using the comprehensive philosophical resources of Aqui-
nas, on the one hand, and the research of Filipino scholars, on the
other. The result is a virtue ethics that is thoroughly relational and inter-
personal, in contrast with the more individual-based Thomistic ethics or
modern ethical systems. This new systematization of concepts allows
for a greater depth of interpretation of popular Filipino “values” (which
we insist are in fact “virtues”) such as “kagandahang loob,” “utang na
loob,” “bahala na,” “lakas ng loob,” and “hiya,” an interpretation which
enables us to bring out their truly positive characteristics.

KEY WORDS: Filipino Philosophy, Aquinas, Loob, Kapwa, Virtue Ethics

Sa akdang ito nais kong gumuhit ng isang Pilipinong Birtud-Etika


o kung babanggitin ang dalawang pangunahing konsepto nito, isang
Etika ng Loob at Kapwa. Ang unang hakbang para dito ay ang pag-tukoy
sa mahahalagang pagkakahawig ng Pilipinong konsepto ng “loob” sa
dalawang konsepto ni Sto. Tomas de Aquino, ang “anima” at “virtus.” Ang
paghahambing na ito ay inaasahang magpapalalim at magpapalinaw sa
ating pag-unawa ng konsepto ng loob, lalong lalo na dahil matagal na
ring nagsikap ang ating mga sariling pilosopo na bigyan ang konsepto ng
loob—at ang mga kaakibat nitong konsepto katulad ng “utang na loob,”
“kagandahang loob,” at “lakas ng loob”—ng isang pinong pilosopikal
na paglalawak. Sa aking pagtatalakay, nais kong hamunin ang pang-
karaniwang paglalarawan sa loob, bilang isang mahinang bersyon ng
“interiority” na kung isipin ng ilan ay may kinalaman sa “interiority” o
“subjectivity” na matatagpuan sa Kanluraning pilosopiya, halimbawa, sa

1
Jeremiah A. Reyes, “Loob at Kapwa”

modernong pilosopiya ni Descartes o Kant. Ang aking kontensyon ay hu-


wag dapat tayong madala sa isang literal na salin ng loob sa wikang Ingles
(bilang “inside”), at huwag nating hugutin ang konsepto na ito at iligaw sa
isang maka-Kanluran at modernong pananaw. Sa halip, manatili tayo sa
buhay na pagbubunyag ng konsepto ng loob sa ating pangaraw-araw na
pakikisalamuha—walang iba kung hindi sa mga birtud na nagbubunyag at
umaakit dito palabas, mga birtud katulad ng utang na loob, kagandahang
loob, at iba pa, na tunay na mga relasyonal na birtud, at hindi pansarili
o pang-indibidwal lamang, mga birtud na kung tutuusin, palaging may
kinalaman sa “kapwa” (ang pangalawang pinakaimportanteng konsepto
para sa atin).
Dito rin tayo dadako sa aking pangalawang punto, na kung mapa-
pansin ninyo ay ginagamit ko ang salitang birtud at hindi ang pangkara-
niwang value bilang kataga sa mga konseptong ito. Sapagkat naniniwala
ako na ang pagtalaga sa kanila bilang “values”—na kung matatandaan
natin ay pasimuno ng mga Amerikanong iskolar at pinalago ng kanilang
mga lokal na estudyante—ay isang pilosopikal na pagkakamali. Kung
tatanawin ang mahabang kasaysayan ng pilosopiya, ang pinaka-angkop
at katambal na sistema para sa mga konseptong ito ay hindi ang Siyen-
tipikong Sikolohiya, na kinatha nitong ika-dalawampung siglo lamang,
kung hindi ang antigo at tanyag na birtud etika na namunga bago pa ang
modernong pilosopiya, lalong lalo na sa birtud etika ni Sto. Tomas. Hindi
ko sinasabing eksaktong magkapares ang etika ni Sto. Tomas at ng mga
Pilipino—binabalak ko ngang ibunyag at itanghal ang kanilang katangi-
tanging pagkakaiba—ngunit kung mayroong magsisilbing pinaka-angkop
na pundasyon o panimula sa pilosopikal na diskusyon ng ating mga kon-
septo, halina at kausapin natin si Sto. Tomas, ang pilosopong siyang may
pinaka-komprehensibo at pinakamalawak na pagtalakay sa mga birtud,
kahit hanggang sa pangkasalukuyang panahon. Ang inaasahang resulta
ng imbestigasyong ito ay isang bukas na pinto patungo sa pagtatatag ng
isang Pilipinong birtud-etika, o katulad ng nabanggit ko na: isang Pilipi-
nong Etika ng Loob at Kapwa.

ANG LOOB AY NABUBUNYAG SA KAPWA

Bago tayo tumuloy sa mas buhay na usapan, pagpasensyahan muna


natin ang kaunting metapisika, sapagkat dito naman nakapundar ang
pilosopiya ni Sto. Tomas at naggawad ng talas sa kanyang mga pilosopikal
na kagamitan. Ang isang napahalagang konsepto na hihiramin natin
ngayon ay ang anima, na karaniwang sinasalin na “soul” sa wikang Ingles,

2
Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.2 (2013): 1–26

o “kaluluwa” naman sa wikang Filipino. Sa pangkaraniwang pagkakataon


ay wala namang problema sa mga salin na ito, lalo na kung ang madalas
na pag-uusapan ay ang pagtatangi sa pagitan ng anima/soul/kaluluwa at
ng corpus/body/katawan. Halimbawa, maraming naniniwala na nahihi-
walay ang kaluluwa sa katawan sa oras ng kamatayan.
Ngunit kung sisiyasatin nating mabuti si Sto. Tomas, mayroong es-
pesyal na aspeto ang anima sa kanyang sistema na hindi nahuhuli ng
salitang kaluluwa, ngunit—iminimungkahi ko—nahuhuli naman ng salitang
loob. Ito ay ang anima bilang “forma corporis”—porma ng katawan—na
nakaka-engkwentro at namamasdan at nauunawaan ng kapwa-tao. Ang
pagiging “buhay” ng tao, na mismong nauunawan ng ibang tao bilang
kanyang pagiging “buhay.” Ayon kay Sto. Tomas: “Ang anima ay tina-
tawag na forma corporis sa kanyang pagiging sanhi ng buhay, halintulad
sa forma bilang prinsipyo ng pagiging-kung-ano: sapagkat para sa mga
buhay na bagay, ang kanilang pagiging buhay ay ang kanilang pagiging-
kung-ano, katulad ng sabi ni Aristoteles sa Kab. II ng De Anima” (Quaes-
tiones Disputatae de Anima, A. 14, Ad Octavum; Ad octavum dicendum quod
anima dicitur forma corporis in quantum est causa vitae, sicut forma est
principium essendi: vivere enim viventibus est esse, ut dicit philosophus
in II de anima).1
Para kay Sto. Tomas, na sumusunod sa yapak ni Aristoteles, ang kahit
anong bagay ay nakikilala, nakikilatis, naiintindihan, at nauunawan sa
pamamagitan ng metapisikal na porma nito, na humuhubog sa painlalim
na metapisikal na materya. Bilang analohiya, para itong inukit na hugis
ni David mula sa marmol: ang porma ni David ay ang nakakatiyak na ito
nga, ito nga, ay rebulto ni David. Hindi siya rebulto ng aso. Hindi siya re-
bulto ng halaman, kung hindi rebulto ng isang tao, si David. Ano ba siya?
Si David. Kung wala ang porma na iyon, isang malaking bloke ng marmol
lang ang mumukha sa atin, at wala tayong makikilalang kahit ano. Ang
analohiyang ito sa konkretong mundo ay, ayon kay Aristoteles at kay Sto.
Tomas, siyang gumagana rin sa mas malalim na paraan sa larangan ng

1
Karagdagan: “Ang anima ay ang pangunahing pamamagitan ng ating paglaki,
pagramdam, at paggalaw sa lugar; at tulad nito, ang pangunahing pamamagitan ng
ating pag-intindi. Kaya itong prinsipyo na pangunahing pamamagitan ng ating pag-
intindi, na tinatawag na intelekto o anima intellectiva, ay porma ng katawan” (Summa
Theologiae, Q. 76, A. 1, Respondeo; anima enim est primum quo nutrimur, et sentimus,
et movemur secundum locum; et similiter quo primo intelligimus. Hoc ergo principium
quo primo intelligimus, sive dicatur intellectus sive anima intellectiva, est forma
corporis). Ang lahat ng mga sipi mula kay Aquinas ay batay sa Editio Leonina na
matatagpuan sa website ng Corpus Thomisticum. Akin lahat ang salin kay Aquinas.

3
Jeremiah A. Reyes, “Loob at Kapwa”

metapisika: ang lahat ng bagay na nakikita natin ngayon ay may tiyak at


siguradong pagka-ano dahil meron itong metapisikal na porma na sumanib
at humubog sa kanyang metapisikal na materya. Iba pa itong metapisikal
na materya sa mga “atoms” o “molecules” o kahit “sub-atomic particles” na
nadidiskubre ng siyensya sa pangkalasukuyang panahon—mas malalim
pa, at mas mailap, sapagkat ang materya na walang porma ay hindi kayang
mahagilap ng ating isipan. Nakakaintindi tayo sa mundo sa pamamagi-
tan lamang ng porma, nalalaman lang natin kung ano ang isang bagay sa
pamamagitan ng porma nito—ang metapisikal na materya sa likod nito ay
nalalantad lamang, napaghihinalaan lamang, sa gawain ng porma.
Hindi rin dapat tayo matali sa analohiya ng rebulto sa ating pag-
iintindi ng anima, sapagkat mas malalim na antas ang metapisikal na
porma. Ang metapisikal na porma natin bilang tao ay hindi lamang ang
ating hugis-katawan (katulad ng hugis ng rebulto ni David), kung hindi
rin ang ating buong pagsasabuhay ng ating pagkatao. Ang ating pag-iisip,
pagpapasiya, pagnanasa, paglaki—lahat ito ay kapangyarihan ng ating
anima, na porma nga ng katawan. Ang ating mga kilos at galaw, ang
ating pananalita, ang ating personalidad—lahat ito ay kabilang sa ating
metapisikal na porma, samakatuwid, ang ating buong pagkatao. Iyan ang
ating anima at forma corporis. Kung hihiram tayo ng isang kasabihan
mula kay Wittgenstein, iyan ang ating “form of life.” Ginamit ni Wittgen-
stein ang kasabihang iyan upang ilarawan ang napakabuhay na aspeto
ng wika, ngunit ginagamit naman natin ito sa konteksto ng anima, upang
idiin na ang anima ay ang siyang buhay ng tao (kaya nga mayroon ding
Ingles na salitang animate o animation). Siguro makatutulong din kung aala-
hanin natin na tinatawag din ni Sto. Tomas ang anima na “actus corporis”
o “akto ng katawan” (Summa Theologiae, Prima Pars, Q. 76, A. 8, Ad secundum;
Dicendum quod anima est actus corporis organici).2 Ang “forma” ay siya
ring “actus.” Hindi na natin papasukin ngayon ang metapisikal na distink-
syon ni Aristoteles at Sto. Tomas sa “actus” at “potentia,” pero mahahalata
naman agad na, katulad ng sinasaad ng mga katumbas na salita nito sa
Ingles, ang actus ay ang pagkakasakatuparan sa mga natatagong kakaya-
han o potentia ng isang bagay. Sa parehong paraan, ang anima na actus
corporis ay ang naglalabas, nagmumukadkad—kung magagamit ko na

2
Kailangang idiin na ang anima ay akto ng katawang organiko. “At sa ganitong paraan
ang anima ay tinatawag na akto ng pisikal na katawang organiko, sapagkat ang anima ang
nagdudulot dito na maging (esse) katawang organiko, halintulad ng ilaw na nagdudulot
sa isang bagay na maging (esse) maliwanag” (Quaestiones Disputatae de Anima, A. 1, Ad
decimum quintum; Et hoc modo dicitur anima actus corporis organici physici, quia anima
facit ipsum esse corpus organicum, sicut lumen facit aliquid esse lucidum).

4
Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.2 (2013): 1–26

ngayon ang ating Pilipinong konsepto—ng natatagong “loob” ng isang tao.


Mas malapit pa ang Pilipinong konsepto ng loob sa konsepto ng potentia
ni Aristoteles at Sto. Tomas kaysa sa isang pribado o sikolohikal na “ego”
o “das Ich” ni Freud. Kapag narating na natin ang puntong ito, handa na
nating talakayin ng walang balakid ang loob.
Ngunit bago tayo pumunta sa loob, isa munang pag-amin: aaminin
ko (at maraming Pilipinong pilosopo ang sasang-ayon sa akin) na hindi
naman likas sa ating Pilipinong-pananaw ang metapisika mula sa tradi-
syon ng mga Griyego, na may matinding pagdiin sa paggamit ng rason
at katuwiran bilang hiwalay na kapasidad. Kitang-kita ito lalo na kung
gagamitin natin ang sariling wika, na kulang sa mga salitang lohikal o
analitiko. Hindi ko nais punahin ang mga nagsusumikap na ipasok ang
isipang Griyego sa kamalayang Filipino3—kahit naman ako ay may ganoon
ding hangarin sa aking pagtalakay kay Sto. Tomas—ngunit kailangan
din natin tanggapin ang ating kakaibang intelektwal na kasaysayan at
sitwasyon. Sa aking opinyon, kahit na sinakop tayo ng mga Kastila sa
loob ng napakahabang panahon, madali nga nilang naipasok sa atin
ang tradisyong Hudeo-Kristiyano (na hinalo naman natin sa isang Ani-
mistikong tradisyon), ngunit naiwan namang nakakubli sa kanila ang
tradisyong Griyego. Kahit na sabihin pang naitatag nila ang Pamantasan
ng Sto. Tomas noong 1611, na nagsilbi sanang bukal ng pilosopiya ni
Sto. Tomas at ng mga Neoskolastiko para sa mga Pilipino—isang mala-
lim na pagsasanib ng tradisyong Griyego at Kristiyano—nanatili lamang
ang kaalaman at kadalubhasaang ito sa pagitan ng mga paring Kastila
na marunong mag­Latin, katulad ng bantog na si Zeferino Gonzales,
may-akda ng Estudios sobre la filosofia de Sto Tomas na inilimbag sa Maynila
noong 1864. Ganoon na lang ang pagkagutom ng ating pinakatanyag na
ilustrado na si Jose Rizal para sa isang tradisyong rasyunal, kung kaya
mabilis niyang sinunggaban ang mga tema at ideya ng Rebolusyong
Pranses, na isa ring rebolusyon ng rason, ngunit hiniwalay na (isang ma-
dugo at literal na paghihiwalay—mahilig rin sila noon mamugot ng ulo ng
mga di sumasangayon) sa kahit anong tradisyun ng rebelasyon.4 Sa isang

3
Mataas ang respeto ko kay Fr. Roque Ferriols, SJ, at sa kanyang Pambungad sa
Metapisika. Paninindigan ko rin: ang pamimilosopiya sa sariling wika ang una at
pinakamahalagang paraan upang magkaroon ng tunay na Pilosopiyang Pilipino.
4
Tingnan ang Ideas and Ideals: Essays in Philippine Cognitive History ni Florentino
Hornedo, partikular ang kanyang mga kabanatang “Rizal and 19th Century European
Philosophy” at “The French Revolution and the Rise of Filipino Nationalism.” Positibo
ang kanyang pananaw sa Rebolusyong Pranses, sapagkat ito ay naging impluwensiya sa
mga rebolusyonaryong Pilipino at may idinulot sa kalayaan natin mula sa mga Kastila.

5
Jeremiah A. Reyes, “Loob at Kapwa”

kabalintunaan, masasabing mas nauna pa nating nayakap ang tradisyung


Griyego sa pampublikong edukasyon ng mga Amerikano, ngunit hindi
na sa skolastiko nitong anyo kung hindi sa moderno at siyentipikong
anyo, na may malayo na pagkakaiba na sa anyong skolastiko. Sa aking
palagay, may higit na distansya ito sa ating katutubong damdamin. Ang
punto ko lang ay hindi natin naangkin nang lubos ang tradisyong Griyego
at ang kanilang pamamaraan ng metapisika sa mga Kastila sa kanilang
napakahabang pananatili sa ating bansa. Kung mayroon ngang mas likas
na katumbas ang salitang forma o ορφή sa wikang Filipino, mas mainam
pa siguro ang salitang diwa, na nagmula naman sa tradisyong Sanskrit ng
India, at may mas mala-ispiritwal na oryentasyon.
Subalit hindi ko ituturing na balakid ang ganitong inteletkwal na
kasaysayan natin kung hindi isang pakakataon, isang pagkakataon para
ipagmalaki ang ating tanging kalakasan. Kulang nga tayo sa mga salitang
lohikal o analitikal, ngunit umaapaw tayo sa mga salitang pang-relasyon
sa kapwa-tao: pakikisama, pakikibagay, pagmamalasakit, pakikisalamuha, paki-
kiramay, pakikipagkapwa, pakikidalamhati, pakikiisa, at iba pa. Ang kalakasan
natin ay hindi sa lohikal o metapisikal na imbestigasyon ng mga bagay-
bagay kung hindi sa relasyong pantao, sa pakikipagkapwa, sa pakiki-
pamilya, sa pakikitungo sa iba—na iniiwasan ko ring tawaging “etika,”
sapagkat kadalasan kapag etika na ang pag-uusapan, nangunguna na
ang impersonal na rason, katuwiran, o teorya, at nawawala ang masiklab
na elementong personal, natural, madamdamin. Kahit ang salitang etika
ay nagmula sa tradisyung Griyego, kaya kailangang gamitin ito ng may
bahid ng pag-iingat. Dahil hindi pumasok sa ating unang kasaysayan
ang tradisyung Griyego, hindi rin pumasok ang pakahulugan ng tao
bilang ζῷο   ογ ό (rasyonal na hayop), na pinatalas naman sa medy-
ibal na “individua substantia rationalis naturae” (o sa Ingles, individual
substance of a rational nature), na pinaliko naman ni Descartes sa moder-
nong pilosopiya sa kanyang “cogito ergo sum,” at sa pangkasalukuyang
panahon, namumunga (o naagnas?) bilang radikal na indibidwalismo
mula sa Amerika at Europa (o lalong nakatatakot sa ating “post-modern”
na panahon, ang “übermensch” o angat-tao ni Nietzsche). Sa halip, ang
daloy noon ng ating kamalayan sa mundo ay nagsimula sa eksperyen-
sya o karanasan ng “tayo,” “magkasama”—“pamilya,” “angkan,” “baran-

Ang pananaw ko naman ay negatibo ang Rebolusyong Pranses, sapagkat isa ito sa mga
dahilan, kasama ng Enlightenment ng Aleman, sa paghina ng moral at espiritwal na
integridad ng Espanya, at pumutol sa kanilang Gintong Panahon ng pamamalakad sa
Pilipinas. Tingnan ang Growth and Decline ni John Schumacher, kung saan tinukoy niya
ang taong 1700–1768 bilang Gintong Panahon.

6
Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.2 (2013): 1–26

gay,” “bayan.” Kaya paulit-ulit na iginigiit ng ating mga iskolar ang mga
konseptong kalaban ng radikal na indibiwalismo mula sa kanluran—ang
“sakop” ni Leonardo Mercado, ang “kapwa” ni Virgilio Enriquez, and
“pantayong pananaw” ni Zeus Salazar. Ang mga karanasan ng pagkakaisa
na pinanghahawakan noong unang panahon, sa primitibong anyo ng
pagkakaisa ng isang tribo o barangay (kung sabagay, kung mag-isa ka
noon mabilis ka lang maaalipin o mamamatay), ay minana at pinalawak
naman ng Kristiyanismo, na nagpatindi sa ating pinakadakila at malaman
na konsepto—ang kapwa—ang tinawag ni Virgilio Enriquez na “core value”
(Enriquez 75). Sa aking palagay, kung mayroon mang lugar kung saan
eksakto ang salitang “value,” dito na iyon, sapagkat katulad ng ipakikita
ko mamaya, ang kapwa ang direksyon kung saan nakatutok ang lahat ng
mga Pilipinong birtud. Ito ang tunguhin o “telos” ng lahat ng mga birtud-
loob: ang kapwa at pagkakaisa sa kapwa. Siyempre, may babala pa rin
sa paggamit ng salitang value, dahil alam naman natin na hindi “value”
ang kapwa kung hindi iyang tao mismo, na may mukha at pangalan, na
may kanyang sariling loob at—inaasahan natin—isang tao na gusto rin
sanang makipagkapwa at makipagkaisa sa atin. Ang pakikipagkapwa ay
hindi pang-isahan, kung hindi pandalawahan o mas marami. Kapag ito
ay pang-iilan, ito ay pakikipagkapwa; kapag ito ay pinalawak pa ng husto,
ito ay nagiging “bayan.” Kapag ito’y lumawak pa kaysa sa bayan (lalo na
sa panahon ngayon ng globalisasyon at pagkagiba ng mga pambansang
hangganan)? Hindi pa natin alam kung ano maaaring kalabasan, ngunit si
Virgilio Enriquez ay may mga butil ng pangarap noon pa na ang kapwa ay
hindi lamang pang-Filipino, kung hindi para sa lahat ng tao. Ngunit kung
panaginip lang iyon o anuman, ito ang malinaw na pagkakaiba natin sa
pilosopiyang kanluranin: ang pangunahing pundasyon natin ay hindi ang
hiwahiwalay na indibidwal kung hindi ang kapwa at pakikipagkapwa.
At nakatatawa nga ng bahagya, dahil kung mamasdan ang iilang
kontemporaryong tema sa pilosopiyang kanluranin ngayon, mapapansin
na halos ngayon lang nila kinakapa muli ang pakikipagrelasyon sa iba
(Martin Buber, Emmanuel Levinas), dulot na rin siguro ng kanilang mat-
inding pagkabigo—na sa kabila ng kanilang mga tradisyong rasyunal,
kanilang husay at katalinuhan, hindi isa kung hindi dalawang beses nang
nagkaroon ng Digmaang Pandaigdig—dalawang beses na sila nagpati-
wakal. Mapapansin din na ang dalawang sikat na Pilosopo ng relasyong
pantao ay mga Hudyo, silang mga nakaranas ng matinding kasamaan
at pagkabasag-kapwa ng mga Nazi. At kahit ngayon, kung titingnan ang
demograpiya ng mga kanluraning bansa: ang pagbawas ng panganganak,
ang pagkawasak ng mga pamilya, ang kawalan ng pag-asa para sa susunod
na henerasyon—patuloy pa rin ang kanilang pagpapatiwakal. Hindi sapat

7
Jeremiah A. Reyes, “Loob at Kapwa”

ang rason o talino lamang; kinakailangan ang pakikipagkapwa. At para sa


atin hindi naman iyan ang pahabol sa ating pilosopikal na naratibo kung
hindi ang tanging panimula. At kahit ngayon, kahit nariyan ang boses ni
Levinas, nakatali pa rin ito sa indibidwalismo, sapagkat para sa kanya ang
pakikipagtagpo o pagkikilatis sa “l’autre” o “iba” (hindi ito talaga kapwa),
ay may halubilong walang-hangganang pagkakaiba at distansya, ang
“infini”(Levinas). Para sa kanya walang pag-asa ang tunay na pagkakaisa
sa iba. Ngunit para sa atin, kaya nga tinawag na kapwa, dahil kahit pa-
pano, kahit bahagyang mahina pa, mayroon nang hibla ng pagkakaisa,
kaya nga nakakabit na ang unlapi na ka-, at ang inaasahan ay madadala
ito balang araw sa isang mas matibay at matapat na pagkakaisa.
Sa ngayon siguro, pagkatapos ng aking mahabang kuwento, iiba ang
tingin natin sa halaga ng anima bilang forma corporis. Ang tinutugunan
ko ng pansin ay hindi ang mismong aspetong metapisikal o abstrakto
nito, kung hindi ang aspetong relasyonal, lalong lalo na ang relasyonal
na aspeto nito patungo sa kapwa. Kung bibigyan ko ng isang simpleng
pakahulugan: ang loob ng isang tao ay ang kanyang forma corporis
qua relasyonal na pakikitungo nito sa kapwa, isang “forma ad aliam
personam” o isang “relational soul.” Na may ganito ngang natatagong
kasangkapan sa pilosopiya ni Sto. Tomas ay muhasay na pinalabas ni
Norris Clarke. Pagkatapos ng kanyang pananaliksik ay inimungkahi niya
na mas nararapat gamitin ang “substance-in-relation” bilang pang-ilalim
na istruktura sa pilosopiya ni Sto. Tomas, at hindi lamang ang mag-isang
“substance” (Clarke, “To Be Is to Be Substance-in-Relation”). Si Norris
Clarke din (na minsang dumalaw sa bansa) ay may mga mahalagang
nai-ambag sa Tomistikong perspektibo tungkol sa tao, lalo na sa kanyang
tanyag na lektyur na “Person and Being” (Clarke, Person and Being). Kung
pagsasamasamahin ang kanyang mga ideya para sa ating pangangailangan,
maaari tayong bumuo ng isang larawan ng “person-in-relation,” na medyo
kahawig ng ating pinag-uusapan: isang “loob-patungo-sa-kapwa o loob-
na-nakikipagkapwa.”5
Ngayon kapag nakikita ko ang loob ng tao, nakikita ko hindi lang
ang loob niya, pero kadalasan pati na rin kung anong klaseng loob meron
siya—patungo sa akin at sa ibang tao. Kahit naman sa ating wika, hindi
natin ginagamit ang salitang loob (na tumutukoy sa tao) na mag-isa lang,
kung hindi laging kaakibat ng ibang salita, katulad ng mabuting loob, kagan-

5
Ang kontekstong pinanggagalingan ni Norris Clarke ay may halo ring teolohiya,
sapagkat ang Trinidad ng Diyos ang saligan ng pagkakaisa ng tao bilang “communio
personarum” o “communion of persons.” Karagdagan, siya’y madalas na sinasali
sa Thomistic Personalism Movement na kinabibilangan din ni Karol Wojtyla, o ang
yumaong Santo Papa Juan Pablo II.

8
Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.2 (2013): 1–26

dahang loob, at utang na loob. Kapag may nakilala akong bagong tao, habang
nakakahalubilo ko siya, habang nakakausap ko siya, nakikita at naiintin-
dihan ko ang kanyang pagkatao—ang kanyang loob na naibubunyag sa
aming pakikitungo sa isa’t isa, at sa prosesong iyon, nadidiskubre rin niya
ang kulay ng loob ko. Ang loob ay mahirap maitago sa kapwa.
Marami na rin ang tumukoy na mga lokal na iskolar sa konsepto ng
loob, katulad ni Albert Alejo, Leonardo Mercado, Dionisio Miranda, Jose
de Mesa, at Reynaldo Ileto. Marami silang naambag sa pagpapahalaga
natin sa mga katutubong konsepto, at malaki ang utang na loob natin
sa kanila sa kanilang pagsisikap na panatilihin ang interes sa mga kon-
septong ito. Ngunit nais ko sanang humiwalay sa kanila sa kahit anong
pananaw sa loob bilang isang espasyo na nakatago sa sarili, bilang isang
pribado o natatagong “interiority,” isang bahid ng kanluraning perspek-
tibo, katulad kapag sinabi ni Miranda na “loob as a synthetic concept is
the individual’s unique interiority” (3). Para sa akin, kung hihiramin ko
muli ang lengguahe ni Wittgenstein, ang loob ay walang pribadong wika—
ang loob ay laging pampubliko. Ngunit sumasangayon ako sa kanila sa
lahat ng pagsasalarawan nila sa loob bilang isang konseptong relasyunal,
katulad nang pagkasabi ni Jose de Mesa: “Loob, one may say, is a relational
understanding of the person in the lowland Filipino context” (de Mesa, In
Solidarity with the Culture: Studies in Theological Re-Rooting 46).
Para sa akin, kung maaari kong gawing malinaw at radikal ang aking
opinyon, mas mauuna pang makita ng aking kapwa ang aking loob kaysa
sa akin. At kung makikilala ko ang aking loob, ito ay sa pamamagitan lang
ng aking pakikipagkapwa. Kung wala ang kapwa, hindi ko kailanman
makikita ang tunay kong loob. Hindi ako maaaring gumamit ng intros-
peksyon para makilala ang aking loob, o ng sikolo-analitikal na analysis
(maaari mo sigurong makilala ang ego mo gamit ang mga konseptong
ito, pero iba ang “ego” sa loob). Ang konsepto ng loob ay may kahulugan
lang sa konteksto ng kapwa at pakikipagkapwa. At kapag naintindihan
na natin ito, maaari na nating talakayin ang mga birtud ng loob—lahat
sila ay patungo sa kapwa.

“VIRTUES” AT HINDI “VALUES”

Ngunit bago tayo tumuloy, ilang komento muna tungkol sa kasulu-


kuyang pagtatalakay sa mga Pilipinong birtud. Ang naging pangkarani-
wang tawag sa kanila ay “values,” na nagsimula sa kampo ni Frank Lynch
(Lynch and de Guzman II), isang paglalarawan na nagmula sa larangan
ng sikolohiya at antropolohiyang Amerikano nitong ika-dalawampung
siglo, at nagpatuloy sa kanilang mga disipulo at sa mga iskolar na nag-

9
Jeremiah A. Reyes, “Loob at Kapwa”

aral sa Amerika, kabilang na ang mga tanyag na si F. Landa Jocano at si


Virgilio Enriquez. Unang-una, isang malaking pasasalamat sa kanila sa
pagbibigay-pansin sa mga katangiang ito at sa pag-gugugol ng masinsi-
nang imbestigasyon. Malaking tulong ang naibigay nila sa paglatag ng
mga pundasyon. Isa pa, hindi naman sila masisisi sapagkat ang salitang
value lang ang konseptong pinapagamit sa kanila ng kanilang disiplina
(ang salitang birtud ay hindi kasama sa pangkaraniwang bokabularyo
ng antropolohiya o sikolohiya, at kahit sa pilosopiya, matagal din itong
kinalimutan). Ngunit para sa akin ang paggamit nila ng terminong value
ay problematiko. Unang-una, may obyektibong konotasyon ito, na nagtra-
trato sa “value” bilang isang obyekto, hiwalay sa sarili, na nais makamit—at
kung makamit man, hiwalay pa rin ito sa sarili. Pangalawa, mas mailap at
malabo pa ito kaysa sa kahit anong pisikal na obyekto, dahil hindi naman
ito materyal na bagay.
Ayon kay Clyde Kluckhohn, na pangunahing impluwensiya kay Frank
Lynch at sa mga sumunod sa kanya, “A value is a conception, explicit or
implicit, distinctive of an individual or characteristic of a group, of the
desirable which influences the selection from available modes, means
and ends of action” (Kluckhohn 395). Ang “value” ay isang kathang-isip
tungkol sa ating mga kagustuhan, na minsan pa nga ay “implicit” o hindi
pa naitutukoy. Dagdag ni Jaime Bulatao, na kasabay ni Frank Lynch sa
pagsulat ng Four Readings on Philippine Values: “The concept of ‘value’ is one
of those which, being very primitive and extremely fundamental to hu-
man life, are hard to define. . . . For practical purposes, one can best take
an operational description: a value is the object of a positive attitude . . . .
It is the thing that people want” (Bulatao 93). Mahirap bigyan ng paka-
hulugan, at kung bibigyan man, para itong isang produkto o bagay na
nais makamtan, parang damit o sapatos—pero hindi rin naman makita o
mahawakan. Ibang iba ito sa mga birtud, na hindi hiwalay sa sarili, kung
hindi ang klase ng pagkatao mo mismo—ikaw mismo ang nagiging taong
malakas ang loob, o maganda ang loob, o may utang na loob. At hindi
ito kathang-isip lamang kung hindi ang konkretong pagkatao mo, na
gumagalaw sa mundo at nakikisama sa ibang tao, nakikita, nakakausap.
Sa anggulong ito may malalim na pagka-eksistensyal ang birtud at loob.
Katulad ng sasabihin ni Kierkegaard, na ang katotohanan ay hindi dapat
hinihiwalay sa sarili, kung hindi ikaw mismo ang magiging katotohanan,
dito naman, ang birtud ay hindi dapat hinihiwalay sa sarili, kung hindi,
ikaw mismo ang magiging birtud na ito. Anong klase kang tao, sa kaibu-
turan ng iyong pagkatao? Ang birtud, ayon kay Sto. Tomas, ay “qualitas” ng
iyong anima, ang tunay na katangian ng iyong loob/kaluluwa—sa palagay

10
Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.2 (2013): 1–26

ko ito ang mas naaangkop na pag-intindi sa mga katangiang ito, bilang


birtud, at hindi “value.”
Mapapansin din natin na walang salita sa wikang Filipino ang may
parehong gamit ng salitang value na ginagamit sa siyentipikong sikolohiya.
Nais kunwari ni F. Landa Jocano sa Filipino Value System na gamitin ang
salitang halaga bilang katumbas ng salitang value, ngunit ito ay isang balik-
tarang pagsalin—nauna ang Ingles, at pagkatapos pinipilit umakma dito
ang isang salitang Filipino—upang mailarawan ang ating mga katangiang
Pilipino. Kung “halaga” talaga ang likas na takda sa mga katangiang ito,
dapat ay noon pa natin silang natawag na “halaga.” Ito ay impluwensiya
lamang ng banyagang terminolohiya, at napagsamantalaan ng literal na
salin. Ayon kay Juan Francisco, ang salitang halaga ay mula sa salitang
Sanskrit na argha, na tumutukoy sa presyo ng produkto o kalakal ( J.
Francisco 42). Ganito rin ang salitang mahal, na maaaring nanggaling
sa salitang Sanskrit na mahargha o mataas ang presyo. Sa pag-unlad ng
wika natin, kaya na rin natin sabihin na mahalaga ang kapwa o isang
tao. Ngunit para sabihin na “halaga” ang kagandahang loob at utang na
loob—hindi ito likas na gamit. Sa katunayan hindi na natin kailangang
lumakbay pa para malaman ang sekreto ng kagandahang loob at utang
na loob sapagkat kitang-kita na ito—ang loob, na isa sa pinakalaganap na
salita sa ating bokabularyo. At nais kong idiin, sa pilosopikal na pananaw,
ang loob ay mas malapit sa birtud. Ang salitang birtud man ay hiram
mula sa wikang Kastila, na nag-ugat sa wikang Latin, hindi ito malaking
problema sapagkat ang salitang loob ay ang kanyang likas na katumbas
sa wikang Filipino.

BIRTUD PARA SA KAPWA: ANG URI NG AKING LOOB

Dahil natalakay na natin ang loob bilang “forma corporis” na may


kinalaman sa relasyon patungo sa kapwa, maiintindihan natin kung
ano ang ibig sabihin ng mga katangiang loob bilang birtud. Ang sistema
ng birtud ni Sto. Tomas ay may napakahaba at tanyag na kasaysayan,
simula kay Plato, Aristoteles, Cicero, hanggang umabot kay Pilip
Chanselor, San Alberto, at kay Sto. Tomas, na siyang nagsikap na bigyan
ito ng pinakakomprehensibong organisasyon (Houser 6–7). Ganun na
lang kakapal ang libro ni Sto. Tomas sa mga birtud, sapagkat tinangka
niyang pagsama-samahin ang ilang siglo ng karunungan tungkol sa mga
birtud at bigyan ito ng pino at maayos na organisasyon. Mapalad tayo
dahil ngayon nabubuhay muli ang interes sa birtud-etika ni Sto. Tomas,

11
Jeremiah A. Reyes, “Loob at Kapwa”

maraming salamat kay Alasdair MacIntyre.6 Naniniwala ako na ang birtud


etika ng mga sinaunang Griyego at ng mga medyibal na pilosopo—hindi
man sila pareho sa birtud etika ng Pilipino—ay tiyak na mas malapit
naman sa sensibilidad ng Pilipino kaysa sa mga modernong etika, katulad
ng deyontolohikal na etika ni Kant, o utilitaryanismo ni J.S. Mill, sapagkat
ang pananaw ng mga Pilipino ay “pre-modern” rin. Kaya nga mas pipiliin
ko pang makipag-diyalogo sa medyibal na pilosopong katulad ni Sto.
Tomas kaysa sa mga modernong etikista sa proyektong ito.
Para kay Sto. Tomas, ang birtud ay isang mabuting “habitus” (kasan-
ayan) o espesyal na “qualitas animae” (klase ng loob). Bilang habitus,
may kinalaman ito sa ayos ng sarili patungo sa mga partikular na gawain
(Summa Theologiae, Prima Secundae, Q. 49, A. 3). Ang birtud ay nagdudulot
ng mabubuting gawa (na sa malawak na pananaw ni Sto. Tomas ay in-
aasahang hahantong sa pagkakapiling sa Diyos, na siyang rurok ng ka-
butihan natin), at ang bisyo naman ay nagdudulot ng mga masasamang
gawa na makasalanan at pumipinsala sa ating pagkatao. Kung tatanungin
kung anong klaseng tao ka, ang pangunahing titingnan ni Sto. Tomas ay
ang estado ng ating mga birtud at bisyo. May mga birtud na teolohikal,
na nagmumula lamang sa Diyos, at mayroon namang mga natural, na
maaaring makamtan ng kahit sinong magsisikap kamtin ito. Ngayon,
isang kapansin-pansin sa listahan ng mga birtud ni Sto. Tomas ay lahat
halos ng mga birtud ay para sa indibidwal na tao, at kaunti lamang ang
patungo sa iba, pangunahing halimbawa ang hustisya: “Nararapat lang
sa hustisya, sa gitna ng ibang mga birtud, na gabayin ang tao sa kanyang
pakikipagugnayan sa iba pang tao. . . . Samantalang ang mga ibang birtud
ay nagpapabuti sa tao doon lamang sa mga bagay na may kinalaman sa
kanyang sarili” (Summa Theologiae, Secunda Secundae, Q. 57, A. 1, Respondeo;
Justitiae proprium est inter alias virtutes ut ordinet hominem in his quae
sunt ad alterum. . . . Aliae autem virtutes perficiunt hominem solum in
his quae ei conveniunt, secund seipsum).
Ang aking mungkahi ay ang pangunahing pagkakaiba ng mga birtud
ni Sto. Tomas sa ating mga Pilipinong birtud ay ito: kung kay Sto. Tomas
ang hustisya lang ang nakatutok sa kapwa, para sa atin ang lahat ng
mga birtud ay nakatutok sa kapwa. Pangunahing prioridad ang birtud
patungong kapwa, at pangalawa lang, kung sakaling mayroon, ang mga
pansariling birtud. Hayaan ninyong ilarawan ko muna ang pitong pan-

6
Tingnan ang trilohiya ni MacIntyre na (1) After Virtue, (2) Whose Justice Which
Rationality?, at (3) Three Rival Versions of Moral Inquiry: Encyclopedia, Genealogy, and
Tradition, kung saan pinapakita niya ang kakulangan ng mga modernong etika, at
pinapaburan ang birtud etika sa tradisyon ni Sto. Tomas.

12
Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.2 (2013): 1–26

gunahing birtud ni Sto. Tomas—ang tatlo ay mga teolohikal na birtud, at


ang apat ay mga kardinal na birtud:

Caritas
Spes
Fides

Prudentia

Justitia

Fortitudo Temperantia Kapwa


Larawan 1. Ang pitong pangunahing birtud ni Sto. Tomas.

Ang “caritas” ay teolohikal na birtud na ang pangunahing obyekto ay


ang Diyos, at pangalawa lang ang kapwa, alang-alang sa pangunahing pag-
mamahal sa Diyos. Dahil dito, masasabi siguro na ang “justitia” lang ang tu-
nay na birtud pang-kapwa sa sistema ni Sto. Tomas. Ngayon ano ang itsura
ng birtud etikang Pilipino kung ihahambing sa ayos na ito ni Sto. Tomas?
Ang magandang maidudulot ng paghahambing na ito ay maaari nating
isaayos ang mga birtud Pilipino katapat ng mga birtud ni Sto. Tomas:

Kagandahang loob

Pakikiramdam

Utang na Loob

Lakas ng Loob Hiya


(Bahala Na) Kapwa

13
Jeremiah A. Reyes, “Loob at Kapwa”

Larawan 2. Mga birtud Pilipino.

Hindi man eksakto (sapagkat iniwasan kong maghanap ng pilit na


kaparis para sa ibang teolohikal na birtud), masasabing may hawig, at may
korespondensya ang ating mga birtud sa birtud na itinala ni Sto. Tomas.
Ngunit sa halip na para sa sarili, ang lahat ay nakatutok at nakatuon sa
kapwa. Kaya nga sang-ayon ako sa pagdiin ni Enriquez na ang kapwa ay
ang “core value” (Enriquez 75), sapagkat kitang-kita naman natin kung
ano ang pinapahalagaan ng mga birtud na ito: ang kapwa at ang pakiki-
pagkapwa. Kailangan ko ring linawin na ang mga birtud Pilipino na na-
banggit ay pinili lamang dahil katumbas at kahawig sila ng mga birtud na
linista ni Sto. Tomas, at dahil doon maaari natin silang iparis sa isa’t isa.
Di hamak na marami pang ibang birtud na binabanggit sa ating literatura.
Hindi man sila kasali sa ngayon, inaasahan na maliliwanagan pa rin sila
ng bahagya sa pamamagitan ng ating kasalukuyang talakayan.

Ang Puso (Dinamiko) ng Pakikipagkapwa: Kagandahang Loob at


Utang na Loob

Kapansin-pansin talaga ang utang na loob, at isa ito sa pinaka-kilalang


birtud Pilipino. Kung taga-labas o dayuhan ka, maaaring pagkamalan
ito bilang isa lamang impormal na kontrata sa pagitan ng dalawang in-
dibidwal. Katulad halimbawa sa hustisya ni Sto. Tomas, mayroon siyang
tinatawag na “justitia commutativa,” na hustisyang pagitan sa dalawang
tao, na may karakteristikong aritmetiko:

Pero sa kommutasyon, may bagay na binabayaran sa isang indibidwal


ayon sa bagay na natanggap, katulad ng namamasdan sa pagbili at pag-
benta, kung saan pangunahing nakikita ang paraan ng komutasyon:
kailangan ipantay ang isang bagay sa isang bagay. . . . Kung sa simula
ang dalawang tao ay may lima, at isa sa kanila ay makatanggap ng isa
mula sa kabila, itong isa ay magkakaroon ng anim, at yung isa naman
matitirhan ng apat. Magkakaroon ng hustisya kung pareho ay maibaba-
lik sa kapantayan, kung saan ang isa ay kukunin mula sa may anim, at
ibibigay sa may apat. Sa ganitong paraan pareho ay magkakaroon ng
lima, na siyang kapantayan.7

7
Sed in commutationiabus redditur aliquid alicui singulari propter rem ejus quae
accepta est, ut maxime patet in emptione et venditione, in quibus primo invenitur ratio
commutationis; et ideo oportet adaequare rem rei. . . . Si ergo a principio uterque habeat
quinque, et unus eorum accepit unum de eo quod est alterius, unus (scilicet accipiens)

14
Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.2 (2013): 1–26

Isa itong posibleng pagkakamali sa interpretasyon ng utang na loob,


at lalong posible kung ihihiwalay ang utang na loob sa ibang mga birtud at
sa prioridad sa kapwa. Ang “justitia commutativa” ni Sto. Tomas ay parang
isang transaksyon o propesyonal na kontrata (“I scratch your back, you
stratch mine”). Ngunit, katulad ng natuklasan agad ni Charles Kaut, ang
utang na loob natin ay hindi kontrata lamang.

Utang na loob cannot be treated in the same fashion as a commercial


transaction (utang). It can be repaid only by means of something other
than the activating gift and must involve manifestly selfless behavior on
the part of the debtor. Since selfless actions ipso facto create utang na loob,
the relationship becomes a never-ending one involving reciprocal gift
giving and a constantly alternating state of indebtedness. (Kaut 260)

Itong “selfless behavior” na nabanggit ni Kaut ay natukoy ni Leonardo


de Castro bilang kagandahang loob (de Castro). Para kay de Castro, kai-
langan maintindihan ang utang na loob bilang kaparis ng kagandahang
loob. Ang kagandahang loob ay ang boluntaryo at kusang pagtulong sa
kapwa dahil lamang siya ay kapwa—wala nang ibang rason. Ang kaganda-
hang loob na humihingi ng kapalit ay hindi tunay na kagandahang loob.
Posibleng alam mo na babayaran ka ng tao balang araw, pero kahit hindi
niya kaya, tutulungan mo pa rin. Kung ganoon, paano nagkakaroon ng
utang na loob ang isang tao? Maganda ang pagkakaintindi ni de Castro
na ang utang na loob ay “self-imposed”: ang siyang taong nakatanggap ng
malaking tulong ang siyang tutulak sa sarili na bayaran ito (tingnan din
mamaya ang birtud ng hiya)—at kung kaya niya, hihigitan pa niya ito.
Ang dinamiko ng kagandahang loob at utang na loob ay hindi parang
transaksyon lamang, kung hindi parang isang sayaw na patuloy na nag-
bibigayan. Kung ako’y nangangailangan at makatanggap ako sa kapwa ko
ng lima, sa aking utang na loob babayaran ko balang araw ang lima—pero
dahil ako ay may kagandahang loob rin, hihigitan ko pa yun at gagawin
kong anim. At kung nais niyang ipagpatuloy ang “sayaw” at palalalimin
ang aming pakikipagkapwa, baka balikan niya ako ng pito. At mamaya-
maya baka balikan ko siya ng walo. Ito ang ideyal, kung saan ang kagan-
dahang loob at utang na loob ay nagpapalalim at nagpapatibay sa aming
samahan at pakikipagkapwa. Siyempre mahirap ikuwenta sa numero ang

habebit sex, et alii relinquentur quatuor. Erit ergo justitia, si uterque reducatur ad
medium, ut accipiatur unum ab eo qui habet sex, et detur ei qui habet quatuor; sic enim
uterque habebit quinque, quod est medium (Summa Theologiae, Secunda Secundae, Q.
61, A. 2, Respondeo).

15
Jeremiah A. Reyes, “Loob at Kapwa”

mga bagay-bagay at serbisyo na hinahandog. Talento naman iyon ng paki-


kiramdam, na paguusapan natin mamaya. Pero ang punto ay lumalaki at
umaamo ang mga loob namin sa isa’t-isa. Maaaring umabot sa punto kung
saan handa akong ibuwis ang aking buhay para sa aking kapwa, at siya
naman para sa akin (may mga panahon pa nga, sa oras ng sakuna, kung
saan ang sakripisyo ng buhay ay nagiging unang akto ng kagandahang
loob—tunay na hindi humingi ng kapalit). Ang pagkakaroon ng kusang
loob na magsakripisyo para sa kapwa, lalo na sa gitna ng kanyang lubhang
pangangailangan, ay ang siyang diwa ng kagandahang loob.
Totoong hindi palaging nababayaran ang utang na loob, lalo na
kung sa pagitan ng mayaman at mahirap. Ngunit sa mga sitwasyong ito,
minsan ang konsolasyon na lang ay nais talagang bayaran ng mahirap
ang kanyang utang na loob, kung may pagkakataon lang siya. Totoo rin
na ang kagandahang loob at ang utang na loob ay maaaring maabuso.
Ganun naman ang sitwasyon sa lahat ng birtud—maaaring mabaluktot
at abusuhin. Sa mundo natin ang kapwa ay madalas abusuhin ng mga
masasamang loob, mga walang utang na loob, mga walang hiya, at mga
makakapal ang mukha (mga tumpak na bisyo sa sistemang ito, salungat
sa mga katumbas nilang birtud), kaya mahalaga rin ang matalas na
pakikiramdam, upang makilatis kung abusado na ang isang tao. Ngunit
ipagpalagay nating gumagana at malusog ang parehong kagandahang
loob at utang na loob, hindi ba napakaganda rin tingnan? Hindi ba
lumalabas na ang pakikipagkapwa ay hindi istatiko lang kung hindi
buhay at dinamiko? Isa itong umiikot na gulong ng pagmamalasakit at
pagmamahal. Tumitibok ito na may ritmo. Ang dinamiko ng kagandahang
loob at utang na loob ang nagsisilbing “puso” ng pakikipagkapwa.
Ngayon kailangan kong banggitin ang pinagmumulan ng dinamikong
ito. Ang kagandahang loob at ang utang na loob ay pangunahin nararana-
san sa loob ng pamilya, sa pagitan ng magulang at anak, lalong lalo na sa
pagitang ng ina at ng anak. Ang relasyon ng ina at ng anak ang paradigma-
tikong larawan ng kagandahang loob at utang na loob. Tama si Mary Holn-
steiner: “The children should recognize, in particular, that their mother
risked her life to enable each child to exist. Thus, a child’s utang na loób
to its parents is immeasurable and eternal. Nothing he can do during his
lifetime can make up for what they have done for him” (Holnsteiner 76).
Ang ina ang siyang pangunahing imahe ng kagandahang loob, sapag-
kat binigay niya ang lahat para sa kanyang anak. Pagkamulat ng mata ng
isang sanggol, hindi pa man niya maunawaan o mabigkas, kusa na niyang
nararanasan ang realidad ng kagandahang loob, sa pagtanggap ng mga
haplos at halik, sa pag-inom ng gatas. At dito sa relasyong ito nahuhubog

16
Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.2 (2013): 1–26

ang utang na loob bilang matinding utang na loob—sapagkat nanaisin


ng anak na ibalik ang pagmamahal ng kanyang ina, at higitan pa, ngunit
imposible. Nakatatak na sa kanya mula dito ang magkasabay na karana-
san ng kagandahang loob at utang na loob. Ngayon mula sa pangunahing
relasyon na ito, matatagpuan rin ang magkaparehong birtud sa ibang
relasyong pampamilya, sa pagitan ng ama at anak, o sa pagitan ng mga
magkakapatid. Itong dinamiko ang paliwanag sa maraming kaugaliang
Pilipino—kung bakit ang Pilipino ay nagiging OFW (Overseas Filipino
Worker) para sa pamilya sa Pilipinas, kung bakit inaasahan na ang mga
anak ang kukupkop at aaruga sa mga magulang kapag matanda na sila,
kung bakit hindi pa magpapakasal ang panganay na kapatid hangga’t
hindi pa niya napapagtapos sa pag-aaral ang bunso. Ang katotohanan, ang
mga birtud Pilipino ay nagmumula sa kalusugan ng pamilyang Pilipino.
Kung kaya ganoon na lang ang sitwasyon na ang unti-unting
pagkawasak ng integridad ng pamilya sa ating lipunan ang siya ring
pangunahing pupuksa sa ating birtud etika. Tingnan na lang ang
nangyayari sa Amerika at Europa. Kapag ikinamumuhi na ng babae ang
pagkakaroon ng anak, ano pang kagandahang loob ang aasahan ng isang
munting sanggol mula sa kanya? Kung ang sarili kong ina ay nagsisisi
na isinilang ako, at ninakawan ko daw siya ng kanyang pansariling
kaligayahan, bakit pa ako magtatangka na magpakita ng utang na loob
sa kanya o ibang tao, maliban na lang kung may kukupkop at aangkin sa
tungkulin ng aking naligaw na ina?
Ang kalaban ng etikang Pilipino ay ang radikal na indibidwalismo.
Ang radikal na indibidwalismo ay isa sa pinakamatagumpay na pilosopiya
ng kanluran, kung saan ang pinakamataas na prioridad ay ang pagtatag
sa sarili at sa sariling kaligayahan. Sa radikal na indibidwalismo walang
kinikilalang pagsasakripisyo para sa pamilya, kapwa, o bayan—pangalawa
na lang sila. Ang ina ay hinikayat na kitilin ang buhay ng sariling anak sa
sinapupunan kung tingin niyang hadlang ito sa pansariling kaligayahan.
Ang mag-asawa ay hinihikayat na maghiwalay kung hindi na sila masaya
sa piling ng isa’t isa. Kung ang pag-pasa ng Reproductive Health Bill nitong
2012 (at ang pagtulak ngayon ng Divorce Bill sa kongreso) ay sintomas
lang na nais nating tumulad sa “kaunlaran” ng Amerika at Europa, na
nais nating yakapin ang ganitong makasariling pilosopiya, napakalaking
pinsala ang ginagawa natin sa ating bayan.
Kalaban ng birtud-etikang Pilipino ang radikal na indibidwalismo.
Sapagkat ang nais ng birtud etikang ito ay, sa pamamagitan ng
pakikipagkapwa, sa salit-salitang galaw ng kagandahang loob at utang
na loob, tayo ay mapalapit sa isa’t-isa. Ang pangunahing prioridad ay hindi

17
Jeremiah A. Reyes, “Loob at Kapwa”

ang sariling kaligayahan, kung hindi ang pagsakripisyo ng aking sariling


kaligayahan para sa ikabubuti ng aking kapwa, o sa ikabubuti ng buong
bayan. Sa puno’t dulo, ang pagkakaisa natin ay inaasahan maging katulad
ng pagkakaisa ng isang matatag na pamilya o angkan.
Bago tayo tumuloy sa iba pang birtud, isang panghuling salita sa
utang na loob. Nakalulungkot man isipin, ngunit ang utang na loob rin
ang sanhi ng tensyon sa pagitan ng personal na hustisya at impersonal o
legal na hustisya sa ating lipunan. Sa gobyerno, halimbawa, ang katiwalian
ay madalas nagaganap sa pagitan ng mga magkakapamilya na may likas
na pinanghahawakang kagandahang loob at utang na loob sa isa’t isa.
Ayon kay Alfred McCoy, mas matatag at matagalan pa ang kapangyari-
han ng mga “family dynasties” sa lipunang Pilipino kaysa sa kahit anong
gobyerno o administrasyon (McCoy 7). Malakas din ang mga pabor,
panunuhol at lihim na pakikisama sa pagitan ng mga magkakaibigan o
magkakakilala sa gobyerno. Ganito ang nangyayari kung ang utang na
loob ay naabuso, o kung ang pakikipagkapwa ay pinapanatiling makitid—
kung hindi ito napapalawak para saklawan ang kapakanan ng buong
bayan. Isang solusyon, na sinikap na rin ng marami sa ating mga bayani,
ay ang pagpapalawak ng ating kamalayan upang palaging dalhin ang
kagandahang loob at utang na loob sa kabuuang antas ng bayan—lalo na
sa pamamagitan ng talinhaga ng “Inang Bayan” (Ileto 98).

Pakikiramdam

Ang pakikiramdam ay hindi kasing tanyag ng ibang birtud Pilipino,


ngunit natukoy ni Enriquez ang halaga nito, at inangat pa niya ito bilang
isang paraan ng pananaliksik sa sikolohiya. Ang depinisyon niya sa
pakikiramdam ay “shared inner perception; feeling for another; sensing
cues” (Enriquez 168). Sa ating sistema, ang pakikiramdam ang katapat
ng “prudentia” ni Sto. Tomas. Para kay Sto. Tomas ang prudentia ang
paghahanap ng gitna o ng katamtaman sa lahat ng bagay, gabay ng ra-
son (Summa Theologiae, Secunda Secundae, Q. 47, A. 7). Ngunit katulad nang
nadiin na natin, kung ang prudentia ni Sto. Tomas ay para sa indibidwal
na tao, ang pakikiramdam naman ay para sa kapwa. At isa itong impor-
tanteng birtud o talento lalong-lalo na sa dinamiko ng kagandahang loob
at utang na loob, at pati na rin sa ibang birtud katulad ng hiya. Ito ang
paghahanap naman ng katamtaman sa loob ng pakikipagkapwa. Isa pa,
ang prudentia ni Sto. Tomas ay lubos na nakabase sa rason, samantalang
ang pakikiramdam ay may halong rason at emosyon/intuisyon.
Kailangan ang pakikiramdam upang, halimbawa, malaman kung
ano ang unang akto ng kagandahang loob na ibibigay mo sa isang ta-

18
Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.2 (2013): 1–26

ong nangangailangan. Nangangailangan siya ng pera para sa operasyon.


Magkano ang ibibigay mo—limang libo o limampung libo? Siya ba ang
klase ng tao na may utang na loob, na tutulungan ka rin balang araw, o
kalilimutan ka lang ba niya? Kailangan mong kilatisin, hindi naman para
lang makatanggap ng kapalit, ngunit upang malaman kung tunay siyang
marunong makipagkapwa. Kung ikaw naman ang may utang na loob, ang
pakikiramdam ang magsasabi sa iyo kung ano ang kailangan gawin upang
masabing nabayaran mo na ang utang na loob na iyon, lalo na kung hindi
makuwenta ang halaga ng utang, katulad sa isang tulong na serbisyo.
Kung sa birtud ng hiya naman, kailangan ang pakikiramdam upang
malaman kung umaabuso ka na sa kagandahang loob ng iba, o kung
umaabuso na ang iba sa kagandahang loob mo. Ilang beses ka nang
pinapakain sa bahay ng isang pamilya, hindi mo ba nararamdaman na
sumusobra ka na kung hindi mo sila imbitahin at pakainin din sa bahay
mo? Dalawang beses mo nang pinautang ang iyong kapitbahay at hindi
ka pa niya binabayaran. Hindi kaya abuso na ito kung papautangin mo pa
siya ng pangatlong beses? Depende. Kailangan mong pakiramdaman.
Sa totoo, ang pakikiramdam ay hindi naman malalim na bagay,
at hindi rin ito mekanikal na kalkulasyon. Isa itong pangkaraniwang
talento sa relasyong-pantao, na ginagamit natin araw-araw, at nahahasa sa
karanasan. Hindi ito nakabase sa sarili lamang, ngunit nakadepende rin
sa taong kasama mo—umiiba ang ating pakikiramdam kung tayo’y nasa
piling ng pamilya, o mga ka-opisina, o mga estranghero. Kung mayroon
tayong birtud na pinakamalapit sa rasyunal na aspeto ng pakikipagkapwa,
marahil ito na iyon.

Lakas ng Loob (at Bahala Na)

Madalas ituring ang lakas na loob na kasing kahulugan ng katapan-


gan. At mayroong din isa pang sikat na kasabihang Pilipino na hindi lubu-
sang maunawaan, ang “bahala na,” na madalas nabibigyan ng negatibong
interpretasyon. Ang aking intensyon ngayon ay ipakita na ang tamang
pag-unawa sa dalawang konseptong ito ay kung ipapaloob sila sa pang-
kasulukuyang etika—na lilitaw agad ang kanilang positibong dimensyon
kung titingnan lang sila sa konteksto ng pakikipagkapwa. At kabaligtaran
naman, kung ang mga birtud na ito ay titingnan bilang hiwalay sa kapwa,
doon naman lumalabas ang kanilang negatibong aspeto.
Para sa puntong ito, kailangan nating manawagan hindi sa mga isko-
lar, kung hindi sa mga bayani. Ang dakilang manipestasyon ng lakas ng
loob at bahala na ay makikita sa mga bayaning nagsakripisyo ng kanilang
buhay para sa kapwa, para sa bayan. Siguro ang dalawang pinaka-tanyag

19
Jeremiah A. Reyes, “Loob at Kapwa”

na halimbawa ay si Jose Rizal at si Ninoy Aquino. Pareho silang martir


para sa bayan. Pareho nilang alam na maaaring humantong sa kamatayan
ang kanilang pagbalik sa Pilipinas, ngunit may taglay silang lakas ng loob.
Hindi man nila binigkas, para na rin nilang sinabi: “Bahala na.” Gayundin
ang ating pagtingin halimbawa kay Muelmar Magallanes, isang labing-
walong taong gulang na manggagawa, na nakapagligtas ng tatlumpung
katao mula sa baha na dulot ng bagyong Ondoy, kabilang ang isang ina at
ang kanyang sanggol, bago siya nasawi (Aurelio). Malakas ang loob para
tulungan ang kapwa, at may ugaling bahala na sa kanyang paglusong sa
tubig. Siya rin ay tinuturing na bayani. Sa mga sakripisyong ito makikita
ang pagsanib ng kagandahang loob at lakas ng loob.
Nakita ni Jose de Mesa na ang “bahala na” ay maaaring maging ma-
rangal na birtud sa ganitong paraan nang sabihin niya, “Bahala na without
active concern for others is a superficial kind of risk­taking, but with mala-
sakit it becomes a Christian risk-taking after the example of Jesus himself”
(de Mesa, And God said, “Bahala na!”: The Theme of Providence in the Lowland
Filipino Context 124). At totoo nga, kung hindi nakakabit ang bahala na
sa pagmamalasakit sa kapwa, ito’y nagiging fatalism lamang—pagsuko
sa sitwasyon sa buhay—o mas masaklap, ang pagiging walang pakialam
sa buhay. Ngunit kung ilalagay natin ito sa konteksto ng bayanihan at
sakripisyo, ito ay nagiging tunay na birtud. Tandaan rin natin na ang
salitang bahala ay nagagamit din sa pag-aangkin ng responsibilidad para
sa ibang tao: “Huwag kang mag-alala. Ako ang bahala sa iyo,” o sa pag-
suko natin ng ating sariling kagustuhan sa iba: “Sige, ikaw na ang pumili
kung saan tayo pupunta. Ikaw ang bahala.” Bihira ko lamang makita sa
literatura ng mga iskolar ang ganitong malinaw na tambalan ng salitang
“bahala” sa “bahala na,” ngunit importante ito.
Ganoon din ang sitwasyon ng lakas ng loob. Ang lakas ng loob na nag-
iisip lang sa sarili ay nagiging katumbas ng kapal ng mukha: “Ang lakas
ng loob mong humingi, pero kahit kailan hindi mo kami tinulungan!”
Ngunit muli, ang lakas ng loob na nagsasakripisyo para sa bayan ay ang
pangunahing katangian ng bayani.
Ang katapat ng lakas ng loob at bahala na sa sistema ni Sto. Tomas ay
ang “fortitudo,” na katatagan na manatili sa tama at tiisin ang kahit anong
pagsubok, o harapin ang kahit anong panganib (Summa Theologiae, Secunda
Secundae, Q. 123, A. 7). Katulad nang ating maaasahan, ang fortitudo ay
pangunahing umiikot sa sarili, hindi sa kapwa. Ngunit may binabanggit
din si Sto. Tomas tungkol sa mga martir na nagtaglay ng lakas ng loob
upang harapin ang kamatayan para sa kanilang pananampalataya (Summa

20
Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.2 (2013): 1–26

Theologiae, Secunda Secundae, Q. 125). Ang ating mga bayani ay madalas ding
tinatawag na martir para sa bayan.

Hiya

Ang konsepto din ng pagsasakripisyo para sa iba ang susi upang tu-
nay na maintindihan ang hiya. Madalas nga itong ilarawan lamang bilang
“social graces” o “propriety” kung tawagin, na sumusunod lang tayo sa
mga kaugaliang kinasanayan sa lipunan, para manatiling maayos ang
pakikitungo natin sa isa’t-isa. Itong mababaw na interpretasyon ay bunga
ng “Smooth Interpersonal Relationships (SIR)” ni Frank Lynch, kung saan
ang pinaka-importanteng “value” ng Pilipino ay ang magkaroon lamang
ng panlabas na anyo ng kaayusan o pakikisama. Para kay Lynch, ang hiya
ay isang negatibong emosyon: “the uncomfortable feeling that accompa-
nies awareness of being in a socially unacceptable position, or performing
a socially unacceptable action” (Lynch 16).
Kung ganito na lang ang ibig sabihin ng hiya, medyo mababaw nga
sapagkat inuudyok nito ang pagkukunwari at pagiging di-makatotohan-
an para lang sa pakitang-tao. Minsan din natin marinig ang bansag na
“plastik” para sa mga taong may magandang pakitang mukha, ngunit
ibang-iba naman kapag tumalikod ka na. Pero muli, katulad ng lakas ng
loob at bahala na, ang positibing aspeto ng hiya ay lalabas kung isasama
natin ito sa pangkasalukuyang sistema ng etika. Kung titingnan natin ang
hiya bilang pagsasakripisyo ng sariling kagustuhan para sa kapakanan
ng kapwa—bilang pag-kontrol o pagpigil sa mga natural na inklinasyong
pansarali, para sa nakararami, ito ay nagiging birtud.
Ang pangkaraniwang manipestasyon ng hiya sa hapag-kainan, kung
saan walang kumukuha ng huling piraso ng ulam, ay may ganitong ibig
sabihin sa mas malalim na lebel: na ayaw kong ipakita na inuuna ko ang
sarili ko, na iniisip ko ang sarili ko, pero iniisip ko ang mga kasama ko—sa
kanila na lang sana itong huling piraso ng manok. Ang hiya ay importan-
teng salik din sa utang na loob, sapagkat ang hindi pagbayad o pagkalimot
ng utang na loob ay nangangahulugang mas iniisip ko ang aking sariling
kapakanan kaysa sa pag-unlad ng aming relasyong pangkapwa. Kumbaga
ang hiya ay ang paglaban sa natural na inklinasyon na isipin lamang ang
sarili, upang isipin ang kapakanan ng kapwa. Ang kahawig nito sa sistema
ni Sto. Tomas ay ang “temperantia” at “continentia.” Ang “temperentia” ay
ang birtud na kayang hanapin ang katamtaman sa mga kagustuhan ng
katawan, at ang “continentia” ay ang birtud na kayang pumigil sa isang
mapusok na pagnanasa ng katawan, kapag ito’y lumitaw (Summa Theolo-
giae, Secunda Secundae, Q. 141, A. 3 at Q. 155, A. 1). Para kay Sto. Tomas, may

21
Jeremiah A. Reyes, “Loob at Kapwa”

kinalaman ang pareho sa pisikal na katawan, lalong lalo na sa senso ng


paghipo o sa kaligayahang sekswal. Iba nga ang hiya sapagkat hindi ito
pangsariling birtud kung hindi birtud na may aspetong sosyal.
Ang hindi pagsabi nang direkta sa kapwa ng iniisip, kung sakaling
ito’y makakasakit sa kanya, ay manipestasyon din ng hiya, sapagkat mas
pipiliin ko na lang tumahimik, palampasin ang kanyang mga pagkasala,
kaysa magkaroon kami ng direktang komprontasyon na maaaring pumin-
sala sa aming pakikipagkapwa. Ngunit aminin natin na ito’y madalas
nagiging malaking problema, sapagkat kadalasan ang ginagawa ng tao
para makapaglabas ng sama ng loob ay ikuwento ang lahat ng hinanakit
sa ibang tao.8 Ang resulta ay tsismis, at maririnig na lang ng kabila ang
reklamo mula sa bibig ng iba, at lalong lalala ang di-pagkakaunawaan.
Ang solusyon dito ay gamitin naman ang isang dinamiko ng hiya
at kagandahang loob—na kung ang kabutihan ng kapwa ang tunay na
hinahangad natin, aabot rin sa punto na kailangan natin sabihin nang
direstsahan ang katotohanan sa kanya. Maganda ang diskusyon ni Sto.
Tomas tungkol sa “fraterna correctio,” o ang pagwawasto sa isang “ka-
patid.” Para sa kanya mas mahalaga pa ito kaysa kung lulunasin natin
ang kanyang sakit-katawan, sapagkat ito’y humahangad ng ikabubuti ng
kanyang loob at kaluluwa (Summa Theologiae, Secunda Secundae, Q. 33, A.
1).9 Ang punto dito ay dapat nating pagsamahin ang birtud ng hiya sa iba
pang birtud, lalo na sa kagandahang loob, at huwag silang ihihiwalay. Sa
ganitong paraan tunay na mapagsisilbihan ang kapwa.
Panghuli, ang ating paliwanag ay makapagbibigay-linaw rin kung
bakit masakit ang tatak na “walang hiya,” na minsan din ay nagsisilbing
mura. Kung emosyon lamang ang hiya, hindi siguro magiging ganoon
kalakas ang puwersa ng kasabihang “walang hiya”; ngunit kung titingnan
natin ayon sa buong sistema, ito ang negatibong paglalantad na ikaw pala
ay walang iniisip kung hindi ang sarili lamang, na handa kang gamitin
o tapakan ang iba para lang makamtan ang iyong pribadong inaasam,
at dahil dito, kabaligtaran ka ng kapwa. Isa ito sa mga tatak ng bisyo sa
sistemang ito, kasama ang pagiging masamang loob, manhid, o walang
utang na loob. Ang lumalabas ay hindi ka marunong makipag-kapwa.

8
Ang pagkuwento ng mga hinanakit sa ibang tao ay nakakatukso din lalo na kung
ito’y nagpapalakas ng kanilang pakikisama at pagkamalapit sa isa’t-isa bilang isang
pribadong grupo, na pinag-isa sa kanilang inis doon sa taong pinaguusapan.
9
Mayroon pa siyang mas mahabang pagtalakay sa kanyang Quaestiones Disputatae
de Correctione Fraterna.

22
Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.2 (2013): 1–26

KONKLUSYON

Sa katapusan, ano ang hangarin o “telos” ng etika ng loob at kapwa?


Ayon kay Enriquez, “Pagkakaisa is also the highest level of interpersonal
interaction possible. It can be said that being one with another is a full
realization of pakikipagkapwa” (Enriquez 64).10 Sa ating kasaysayan, ang
1986 Rebolusyon ng EDSA ay tinaguriang pangunahing halimbawa ng
pagkakaisa sa antas ng bayan. Maaaring may tumutol, na kung ganito
pala ang direksyon ng mga birtud Pilipino, bakit pa rin tayo watak-watak
ngayon, bakit napakarami pa rin nating dibisyon? Hindi ba ang Pilipinas
ay kilala pa rin dahil sa korupsyon? Tunay na hindi pa naabot ang lubos
na hangarin ng ganitong klaseng etika, at lalo ngang mahirap gawa ng
mga naglalaban na pananaw, katulad ng nabanggit ko na makitid na
pakikipagkapwa o radikal na indibidwalismo. Ngunit ang sagot rin naman
dito ay halintulad sa sitwasyon ni Sokrates noon sinaunang panahon, na
pumuna sa mga taga-Atena dahil hindi sila nabubuhay ayon sa kanilang
pinagmamalaking mga birtud—ngunit kahit hindi nila ito nagagampanan,
hindi naman nangangahulugang hindi tunay ang mga birtud na iyon, na
madalas nilang pinagmamalaki, at minsan din naman ay nakakamtan.
Sa akda na ito, ano-ano ang ating naipakita? Una, na makakatulong
ang pilosopiya ni Sto. Tomas sa lalong malinaw at matalas na pag-uunawa
sa ating konsepto ng loob, at sa mga kaakibat nitong birtud pang-kapwa.
Marami siyang tinalakay tungkol sa anima at virtus na maaari nating ang-
kinin at gamitin para sa ating sariling pangangailangan, at mas malusog
ang hiraman na ito kaysa kung hihiram tayo sa modernong pilosopiya.
Sa pamamagitan ng pilosopikal na paghahambing kay Sto. Tomas, may-
roon ngayon tayong mga unang hakbang patungo sa isang sistematikong
Pilipinong birtud-etika, na gusto ko ring tawaging etika ng loob at kapwa,
base sa dalawang pinaka-importanteng konsepto nito. Ang pangunahing
kaibahan ng etikang ito ay hindi ito nakatutok sa indibidwal katulad ng
matatagpuan kay Aristoteles o Sto. Tomas, pero lahat ng birtud ay nakatu-
tok sa kapwa at pakikipagkapwa.
Karagdagan, isang malinaw na hamon itong akda na ito sa pangka-
raniwang pagtatalaga sa kagandahang loob, utang na loob, hiya, at iba pa
bilang “values.” Idinidiin ko na hindi sila mga “values” kung hindi sila ay
mga birtud. Hindi natin sila nakakamtan bilang mga di-tiyak na obyekto,
pero sila ay ang uri mismo ng ating loob o pagkatao. Mahalaga ang pun-
tong ito, sapagkat matagal na rin nating ginamit ang “values education”

10
Si Leonard Mercado rin ay may konseptong kahawig ng pagkakaisa sa kanyang
tinatawag na sakop. Tingnan ang kanyang Elements of Filipino Philosophy.

23
Jeremiah A. Reyes, “Loob at Kapwa”

sa ating mga paaralan—ngunit, ang mabuting balita, magbabago na raw


ito ng oryentasyon at magiging “virtue ethics” sa Edukasyon ng Pagpa-
pakatao na ipapatupad sa bagong K–12 na kurikulum, na may espesyal
na pagdiin sa pagmamahal sa pamilya, kapwa, bansa, at sa Diyos.11 Nasa
tamang direksyon ang mga pagbabagong ito, at hinahangad ko na sana
balang araw maisali ng husto ang mga Pilipinong konsepto at birtud sa
kanilang tinuturong “virtue ethics.”
Panghuli, katulad ng sinabi ko, preliminaryong guhit lamang ito, at
hindi ko sinasabing kumpleto na ang aking pagtalakay sa ganitong kla-
seng etika. Para maitayo ang isang birtud etikang Pilipino kailangan ko
ang tulong ng aking mga kapwa iskolar. Ang pagsulat nitong panimula
ay inaasahan kong mahuhusgahan lamang bilang bunga ng aking kagan-
dahang loob at utang na loob sa ating Inang Bayan. Sa katapusan, wala
namang halaga ang ganitong etika kung mananatili lamang sa lebel ng
teorya. Mas kailangan itong isabuhay.

MGA NABANGGIT NA AKDA

Ang lahat ng mga sipi mula kay Aquinas ay batay sa Editio Leonina na matatagpuan sa
Corpus Thomisticum. <http://www.corpusthomisticum.org/repedleo.html>. Web.
Aurelio, Julie. Judge on Jet Ski Saves 100; Teener Dies after Rescuing Baby, 30 Others. 29
September 2009. <http://newsinfo.inquirer.net/inquirerheadlines/nation/
view/20090929-227426/Judge-on-Jet-Ski-saves-100-teener-dies-after-rescuing-
baby-30-others>. Web.
Bulatao, Jaime C. “The Manileño’s Mainsprings.” Four Readings on Philippine Values. Ed.
Frank Lynch and Alfonso de Guzman II. Quezon City: Ateneo de Manila UP,
1973. 93–118. Print.
Clarke, William Norris. Person and Being. Milwaukee: Marquette UP, 1993. Print.
———.“To Be Is to Be Substance-in-Relation.” Explorations in Metaphysics: Being, God,
Person. By Clarke. Notre Dame: U of Notre Dame P, 1994. 102–122. Print.
de Castro, Leonardo. “Debts of Good Will and Interpersonal Justice.”Papel na binasa
sa Twentieth World Congress of Philosophy, Boston, Massachusetts, 10–15
August 1998. <http://www.bu.edu/wcp/Papers/Asia/AsiaDeCa.htm>. Web.
de Mesa, Jose. And God said, “Bahala na!”: The Theme of Providence in the Lowland Filipino
Context. Quezon City: Maryhill School of Theology, 1979. Print.
———. In Solidarity with the Culture: Studies in Theological Re-Rooting. Quezon City: Maryhill
School of Theology, 1987. Print.

11
“Ang Batayang Konseptwal ng Edukasyon sa Pagpapakatao ay batay sa pilosopiyang
Personalismo tungkol sa pagkatao ng tao at sa Virtue Ethics” (Kagawaran ng Edukasyon).

24
Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.2 (2013): 1–26

Dy, Manuel. “Outline of a Project of Filipino Ethics.” Values in Philippine Culture and
Education. Ed. Manuel Dy, Jr. Washington DC: The Council of Research in Values
and Philosophy, 1994. 19–26. Print.
Enriquez, Virgilio. From Colonial to Liberation Psychology. Quezon City: U of the
Philippines Press, 1992. Print.
Ferriols, Roque, SJ. Pambungad sa Metapisika. Quezon City: Office of Research and Pub.,
Ateneo de Manila University, 1991. Print.
Francisco, Juan. Indian Influences in the Philippines: With Special Reference to Language and
Literature. Quezon City: U of the Philippines, 1964. Print.
Holnsteiner, Mary. “Reciprocity in the Lowland Philippines.” Four Readings on Philippine
Values. Ed. Frank Lynch and Alfonso de Guzman II. 4th ed. Quezon City: Ateneo
de Manila UP, 1973. 69–92. Print.
Hornedo, Florentino H. Ideas and Ideals: Essays in Filipino Cognitive History. Manila: U of
Santo Tomas Publishing House, 2001. Print.
Houser, R. E. The Cardinal Virtues: Aquinas, Albert & Philip the Chancellor. Toronto:
Pontifical Institute of Medieval Studies, 2004. Print.
Ileto, Reynaldo. Payson and Revolution. Quezon City: Ateneo de Manila UP, 1979.
Print.
Jocano, F. Landa. Filipino Value System: A Cultural Definition. Quezon City: Punlad
Research House, 1997. Print.
Kagawaran ng Edukasyon. Gabay sa Kurikulum ng K to 12 Edukasyon sa Pagpapakatao.
Pasig City: DECS, January 2013. Print.
Kaut, Charles. “Utang Na Loob: A System of Contractual Obligation among Tagalogs.”
Southwestern Journal of Anthropology 17.3 (1961): 256–272. Print.
Kluckhohn, Clyde. “Values and Value-Orientations in the Theory of Action.” Towards
a General Theory of Action. Ed. Talcott Parsons and Edward A. Shils. Cambridge:
Harvard UP, 1951. 388–433. Print.
Levinas, Emmanuel. Totalité et Infini. La Haye: M. Nijhoff, 1961. Print.
Lynch, Frank and Alfonso de Guzman II. Four Readings on Philippine Values. 4th ed.
Quezon City: Ateneo de Manila UP Press, 1973. Print.
Lynch, Frank. “Social Acceptance.” Four Readings on Philippine Values. Ed. Frank Lynch.
Quezon City: Ateneo de Manila UP, 1968. Print.
MacIntyre, Alasdair. After Virtue. 2nd ed. London: Duckworth, 1985. Print.
———.Three Rival Versions of Moral Inquiry: Encyclopedia, Genealogy, and Tradition. Notre
Dame: U of Notre Dame P, 1990. Print.
———. Whose Justice, Which Rationality? Notre Dame: U of Notre Dame P, 1988. Print.
McCoy, Alfred W. “‘An Anarchy of Families’: The Historiography of State and Family in
the Philippines.” An Anarchy of Families: State and Family in the Philippines. Ed. Alfred
W. McCoy. Quezon City: Ateneo de Manila UP, 1994. 1–32. Print.
Mercado, Leonardo. Elements of Filipino Philosophy. Tacloban: Div ine Word U
Publications, 1976. Print.

25
Jeremiah A. Reyes, “Loob at Kapwa”

Miranda, Dionisio. Loob: The Filipino Within. Manila: Divine Word Publications,
1989. Print.
Schumacher, John. Growth and Decline: Essay on Philippine Church History. Quezon City:
Ateneo de Manila UP, 2009. Print.
Wojtyla, Karol. Person and Community: Selected Essays. Trans. Theresa Sandok. New York:
Peter Lang, 1993. Print.

Jeremiah A. Reyes is an Assistant Professor in Philosophy at the


University of the Philippines, Diliman. He is currently taking up his
PhD in Philosophy at the Katholieke Universiteit Leuven, Belgium. His
research interests include Aquinas, Filipino Philosophy, Kierkegaard,
and Wittgenstein.

<END-NOTHING FOLLOWS>

26

You might also like