Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

Pagpapasiya—Isang Di-maiiwasang Hamon

“WALA nang mas mahirap, at samakatuwid ay mas mahalaga pa kaysa sa


matutong magpasiya,” ang minsang sinabi ni Napoleon Bonaparte, emperador ng
Pransiya noong ika-19 na siglo. Maaaring sumang-ayon ka sa dalawang bagay na
kaniyang sinabi, yamang karaniwan nang napakahalaga para sa mga tao na sila
ang nagpapatakbo sa sarili nilang buhay. Kasabay nito, alam din nila na kung
minsan ay napakahirap magpasiya.

Madali man o mahirap, hindi maiiwasan ang pagpapasiya. Napapaharap tayo sa


araw-araw na pagpapasiya. Pagkagising sa umaga, kailangan nating magpasiya
kung ano ang ating isusuot, kung ano ang ating kakainin sa almusal, at kung paano
gagawin ang maraming iba pang bagay sa maghapon. Ang karamihan sa mga
desisyong ito ay hindi gaanong mahalaga. Bihira nga nating pag-isipang muli ang
mga ito. Madalang tayong di-mapagkatulog sa pag-iisip kung ang mga ito ba ay
matalino o di-matalinong pasiya.

Sa kabilang dako naman, ang ilang desisyon ay may malaking epekto. Maraming
kabataan sa daigdig sa ngayon ang kailangang magdesisyon kung anong mga
tunguhin ang kanilang itataguyod. Baka kailangan nilang magpasiya kung ano ang
kailangan nilang pag-aralan at kung gaano katagal sila mag-aaral. Sa kalaunan,
magpapasiya ang karamihan sa kanila kung mag-aasawa ba sila o mananatiling
walang asawa. Yaong gustong mag-asawa ay kailangang magpasiya: ‘Nasa
hustong gulang na ba ako upang mag-asawa? Anong uri ng kapareha ang gusto
ko, o mas mahalaga, anong uri ng kapareha ang kailangan ko?’ Napakalaki ng
impluwensiya sa ating buhay ng pagpili natin ng mapapangasawa.

Sa importanteng mga bagay, mahalagang gumawa ng matalinong desisyon,


yamang ang kaligayahan ay lubhang nakasalalay sa paggawa natin nito. Maaaring
madama ng ilang tao na kaya nilang gumawa ng gayong pagpapasiya at maaaring
tumanggi pa ngang magpatulong sa iba. Matalino ba iyan? Tingnan natin.

You might also like