Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 6

Pagpili ng mga Salita

Ano ang kailangan mong gawin?

Gumamit ng mga salita na may paggalang at kinakikitaan ng kabaitan, na madaling maunawaan, na


nagbibigay ng iba’t ibang kulay sa iyong pagsasalita, at naghahatid ng angkop na puwersa at damdamin.
Gumamit ng mga salita na kaayon ng mga alituntunin ng balarila.

Bakit ito mahalaga?

Ito’y nagpapakita ng paggalang sa mensaheng iyong ipinahahayag at nagsisiwalat nang malaki hinggil sa
iyong saloobin sa mga tao na iyong kinakausap. Ito’y nakaiimpluwensiya sa reaksiyon ng iba sa iyong
sinasabi.

ANG mga salita ay mabisang kasangkapan sa komunikasyon. Subalit upang maisakatuparan ng ating mga
salita ang isang espesipikong layunin, kailangang maingat nating piliin ang mga ito. Ang isang salita na
maaaring angkop sa isang pagkakataon ay maaaring magkaroon ng masamang epekto kapag iba na ang
mga kalagayan. Kapag hindi wasto ang paggamit, ang isang pananalitang nakatutuwa ay maaaring
maging “isang salitang nakasasakit.” Ang paggamit ng gayong mga pananalita ay maaaring hindi pinag-
isipan, anupat nagpapakita ng kawalan ng konsiderasyon. Ang ilang termino ay may dalawang kahulugan,
at ang isa rito ay nakasasakit o nakaiinsulto. Sa kabilang panig, “ang mabuting salita”—isang salita na
nagpapatibay-loob—ay nagdudulot ng kagalakan sa puso ng isa na pinagsasabihan nito. Ang paghahanap
ng wastong mga salita ay nangangailangan ng pagsisikap, kahit na sa isang matalinong tao. Sinasabi sa
atin ng Bibliya na batid ni Solomon ang pangangailangang humanap ng “nakalulugod na mga salita” at
“wastong mga salita ng katotohanan.”

Sa ilang wika, may mga salitang ginagamit sa pakikipag-usap sa mga nakatatanda o sa mga nagtataglay ng
posisyon ng awtoridad, samantalang naiibang pananalita naman ang ginagamit kapag nakikipag-usap sa
mga kaedad o sa mas nakababata. Ang hindi paggamit ng gayong mga salita ng paggalang ay itinuturing
na kagaspangan. Hindi rin naman angkop na ikapit sa sarili ang mga pananalita ng paggalang na
nakareserba lamang para sa iba ayon sa lokal na kaugalian. Hinggil sa pagpapakita ng paggalang, ang
Bibliya ay nagtatakda ng mas mataas na pamantayan kaysa sa maaaring hilingin ng batas o ng lokal na
kaugalian. Hinihimok nito ang mga Kristiyano na “parangalan ang lahat ng uri ng mga tao.” Yaong mga
gumagawa nito mula sa puso ay nagsasalita sa mga tao na iba’t iba ang edad sa paraang nagpapakita ng
paggalang.

Sabihin pa, maraming tao na hindi tunay na mga Kristiyano ang gumagamit ng mga salitang magagaspang
at masasagwa. Maaaring ipinalalagay nila na ang gayong malalaswang pananalita ay nagdiriin sa kanilang
sinasabi. O baka ang kanilang paggamit nito ay bunga lamang ng napakalimitadong bokabularyo. Kung
nakaugalian na ng isa na gumamit ng gayong pananalita bago matuto ng mga daan ni Jehova, maaaring
maging mahirap sa kaniya na alisin ang gayong ugali. Subalit, iyon ay posible. Ang espiritu ng Diyos ay
makatutulong sa isang tao na mabago ang kinagawiang paraan ng pagsasalita. Gayunman, dapat na
naisin din ng indibiduwal na bumuo ng isang bokabularyong punô ng mabubuting salita—mga salitang
kanais-nais, mga salitang nagpapatibay—at pagkatapos ay gamitin ang mga ito nang regular.—Roma
12:2; Efe. 4:29; Col. 3:8.

Salitang Madaling Maunawaan. Isang pangunahing kahilingan sa mabuting pagsasalita ang pagiging
madaling maunawaan nito. (1 Cor. 14:9) Kung ang mga salitang ginagamit mo ay hindi madaling
maunawaan ng iyong tagapakinig, ikaw ay parang nagsasalita sa kanila sa isang banyagang wika.

Ang ilang salita ay may pantanging kahulugan sa mga tao na nasa isang partikular na propesyon. Ang
gayong mga termino ay maaaring ginagamit nila sa araw-araw. Subalit ang paggamit mo ng mga ito sa di-
angkop na pagkakataon ay maaaring makahadlang sa iyong kakayahang magtawid ng ibig mong sabihin.
Karagdagan pa, kahit na ang ginagamit mo ay ang pang-araw-araw na bokabularyo, kapag napasobra ka
sa pagbibigay ng di-kinakailangang mga detalye, maaaring ibaling na lamang ng iyong mga tagapakinig
ang kanilang isip sa ibang mga bagay.

Ang isang makonsiderasyong tagapagsalita ay pumipili ng mga salitang mauunawaan kahit na niyaong
mababa ang pinag-aralan. Bilang pagtulad kay Jehova, siya’y nagpapakita ng konsiderasyon sa “maralita.”
(Job 34:19) Kung makita ng tagapagsalita na kailangang gumamit ng isang di-pamilyar na salita, kung
gayon ay nararapat na gamitin niya ito kaugnay ng simpleng mga parirala na magpapaliwanag sa
kahulugan nito.

Ang simpleng mga salita na piling-pili ay nagpapahayag ng mga ideya taglay ang matinding puwersa. Ang
maiikling pangungusap at simpleng mga parirala ay madaling unawain. Ang mga ito ay maaaring isalit sa
ilang mahahabang pangungusap upang ang pagpapahayag ay hindi maging paputul-putol. Subalit para sa
mga ideya na nais mong pantanging matandaan ng iyong tagapakinig, pumili ka ng mga salitang simple at
mga pangungusap na maiikli.

Pagkasari-sari at Katumpakan ng Pananalita. Hindi kukulangin ang magagamit na mabubuting salita. Sa


halip na gumamit ng parehong mga pananalita para sa bawat situwasyon, gumamit ng iba’t ibang salita.
Sa gayon ay magiging kapana-panabik at makahulugan ang iyong pagsasalita. Paano mo mapalalawak
ang iyong bokabularyo?
Kapag nagbabasa, markahan ang anumang salita na hindi mo lubos na nauunawaan, at tingnan ang mga
ito sa isang diksiyunaryo kung mayroon nito sa iyong wika. Pumili ng ilan sa mga salitang iyon, at
pagsikapang gamitin ang mga iyon kapag naaangkop. Tiyakin mong bigkasin ang mga iyon nang tama at
gamitin sa konteksto na doo’y madaling mauunawaan at hindi upang makatawag lamang ng pansin. Ang
pagpapalawak ng iyong bokabularyo ay magdaragdag ng sari-saring kulay sa iyong pahayag. Subalit
kailangan ang pag-iingat—kapag mali ang pagbigkas o paggamit ng isang tao ng mga salita, maaaring
isipin ng iba na talagang hindi niya alam ang kaniyang sinasabi.

Ang layunin natin sa pagpapalawak ng ating bokabularyo ay upang magbigay ng impormasyon at hindi
upang pahangain ang ating mga tagapakinig. Ang masalimuot na pangungusap at mahahabang salita ay
nagtutuon ng pansin sa tagapagsalita. Dapat nating hangarín na maibahagi ang mahalagang
impormasyon at gawin itong kapana-panabik para sa mga nakaririnig nito. Tandaan ang kawikaan sa
Bibliya: “Ang dila ng marurunong ay gumagawa ng mabuti dahil sa kaalaman.” (Kaw. 15:2) Ang paggamit
ng mabubuting salita, angkop na mga salita na madaling maunawaan, ay tumutulong upang ang ating
pagsasalita ay makaginhawa at makapagpasigla sa halip na maging nakababagot at hindi kawili-wili.

Habang pinalalawak mo ang iyong bokabularyo, bigyan ng maingat na pansin ang paggamit ng tamang
salita. Ang dalawang salita ay maaaring magkahawig subalit may bahagyang pagkakaiba ng kahulugan
para magamit sa magkaibang kalagayan. Kapag kinilala mo ito, mapasusulong mo ang kalinawan ng iyong
pagsasalita at makaiiwas na makasakit sa iyong mga tagapakinig. Makinig na mabuti sa mga taong
mahusay magsalita. Itinatala ng ilang diksiyunaryo sa ilalim ng bawat salita ang mga synonym nito (mga
salitang may pagkakahawig, bagaman hindi parehong-pareho ang kahulugan) at mga antonym (mga
salitang ang kahulugan ay siyang kabaligtaran). Kaya naman makikita mo hindi lamang ang iba’t ibang
pananalita para sa iisang ideya kundi maging ang pagkakaiba-iba ng kahulugan. Napakalaking tulong nito
kapag naghahanap ka ng tamang salita para sa isang partikular na kalagayan. Bago ka magdagdag ng
salita sa iyong bokabularyo, tiyaking alam mo kung ano ang kahulugan nito, kung paano bibigkasin ito, at
kung kailan dapat gamitin ito.

Ang mga pananalitang espesipiko ay nagbibigay ng mas malinaw na larawan kaysa doon sa
pangkalahatan. Maaaring sabihin ng isang tagapagsalita: “Nang panahong iyon, maraming tao ang
nagkasakit.” O maaari niyang sabihin: “Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, sa loob lamang ng ilang
buwan, mga 21,000,000 tao ang namatay dahil sa trangkaso Espanyola.” Pansinin ang malaking
pagkakaiba nang buong-linaw na banggitin ng tagapagsalita kung ano ang ibig niyang sabihin ng “nang
panahong iyon,” “maraming tao,” at “nagkasakit”! Upang makapagpahayag ka ng ganito, kailangang may
kaalaman ka sa mga detalyeng kaugnay ng iyong paksa bukod pa sa maingat na pagpili ng mga salita.
Ang paggamit ng tamang salita ay makatutulong din sa iyo na masabi agad ang punto nang walang
maraming salita. Ang paggamit ng masyadong maraming salita ay nagpapalabo ng diwa. Dahil sa pagiging
simple, nagiging mas madali para sa iba na maunawaan at matandaan ang mahahalagang katotohanan.
Ito’y nakatutulong sa paghahatid ng tumpak na kaalaman. Ang pagtuturo ni Jesu-Kristo ay namumukod-
tangi dahil sa pagiging simple ng mga salita nito. Matuto mula sa kaniya. (Tingnan ang mga halimbawang
nakaulat sa Mateo 5:3-12 at Marcos 10:17-21.) Insayuhing maipahayag ang sarili sa maikling paraan sa
piling-piling mga salita.

Mga Salitang Nagbabadya ng Puwersa, Damdamin, Kulay. Habang pinalalawak mo ang iyong
bokabularyo, isipin hindi lamang ang mga bagong salita kundi gayundin ang mga salita na may partikular
na mga katangian. Halimbawa, isaalang-alang ang mga pandiwa na nagpapahayag ng puwersa; mga
pang-uri na nagbabadya ng kulay; at mga pananalitang nagpapakita ng damdamin, may himig ng
kabaitan, o nagbabadya ng kataimtiman.

Ang Bibliya ay punô ng mga halimbawa ng gayong makahulugang mga salita. Sa pamamagitan ni propeta
Amos, humimok si Jehova: “Hanapin ninyo ang kabutihan, at hindi ang kasamaan . . . Kapootan ninyo ang
kasamaan, at ibigin ang kabutihan.” (Amos 5:14, 15) Ipinahayag ni propeta Samuel kay Haring Saul:
“Pinunit ni Jehova mula sa iyo ngayon ang maharlikang pamamahala sa Israel.” (1 Sam. 15:28) Nang
nakikipag-usap kay Ezekiel, gumamit si Jehova ng salita na mahirap malimutan, sa pagsasabing: “Lahat
niyaong nasa sambahayan ng Israel ay matitigas ang ulo at matitigas ang puso.” (Ezek. 3:7) Bilang
pagdiriin sa bigat ng kasalanan ng Israel, si Jehova ay nagtanong: “Pagnanakawan ba ng makalupang tao
ang Diyos? Ngunit ninanakawan ninyo ako.” (Mal. 3:8) Sa paglalarawan sa isang pagsubok sa
pananampalataya sa Babilonya, maliwanag ang pag-uulat ni Daniel na “napuno ng pagkapoot si
Nabucodonosor” sapagkat ayaw sambahin nina Sadrac, Mesac, at Abednego ang kaniyang imahen, kaya
ipinag-utos niya na sila ay gapusin at ihagis sa “nagniningas na maapoy na hurno.” Upang matulungan
tayo na maunawaan ang tindi ng init, iniulat ni Daniel na ipinag-utos ng hari sa kaniyang mga tauhan na
“painitin ang hurno nang pitong ulit pang higit kaysa sa kinagawiang pagpapainit nito”—ganiyan na
lamang ang init anupat nang sila’y mapalapit sa hurno, ang mga tauhan ng hari ay namatay. (Dan. 3:19-
22) Sa pagsasalita sa mga tao sa Jerusalem mga ilang araw bago ang kaniyang kamatayan, madamdaming
sinabi ni Jesus: “Kay dalas na ninais kong tipunin ang iyong mga anak, kung paanong tinitipon ng inahing
manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit hindi ninyo ibig. Narito! Ang
inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.”—Mat. 23:37, 38.

Ang piling-piling mga salita ay makapagbibigay ng maliwanag na impresyon sa isip ng iyong mga
tagapakinig. Kung gagamit ka ng mga salitang makapupukaw ng pandamdam, “makikita” at “mahihipo”
ng iyong mga tagapakinig ang mga bagay na iyong sinasabi, “malalasahan” at “maaamoy” ang mga
pagkain na iyong tinutukoy, at “maririnig” ang mga tunog na iyong inilalarawan at ang mga tao na iyong
sinisipi. Ang tagapakinig ay magbubuhos ng buong pansin sa iyong sinasabi sapagkat ginagawa mong
buháy para sa kanila ang mga ito.

Ang mga salita na buong linaw na nagpapahayag ng mga ideya ay maaaring magpatawa o magpaiyak sa
mga tao. Ang mga ito ay nakapagbibigay ng pag-asa, anupat naglalaan sa isang taong nasisiraan ng loob
ng pagnanais na mabuhay at pinupukaw sa kaniyang damdamin ang pag-ibig para sa kaniyang Maylalang.
Ang mga tao sa palibot ng daigdig ay lubhang apektado ng pag-asang pinukaw ng mga salitang nasa mga
talata ng Bibliya gaya ng Awit 37:10, 11, 34; Juan 3:16; at Apocalipsis 21:4, 5.

Habang binabasa mo ang Bibliya at ang mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin,” makikita mo
ang napakaraming iba’t ibang salita at mga parirala. (Mat. 24:45) Huwag mong basta basahin na lamang
ang mga ito. Piliin yaong mga kasiya-siya para sa iyo, at ang mga ito ay gawing bahagi ng iyong pang-
araw-araw na bokabularyo.

Pagsasalita Ayon sa mga Alituntunin ng Balarila. Batid ng ilang tao na ang kanilang pagsasalita ay
maaaring hindi laging kaayon ng mga alituntunin ng balarila. Subalit ano ang magagawa nila hinggil dito?

Kung ikaw ay pumapasok pa sa paaralan, samantalahin ang pagkakataon ngayon na matuto ng tamang
balarila at ng maingat na pagpili ng mga salita. Kung hindi mo tiyak ang dahilan para sa isang partikular
na alituntunin ng balarila, magtanong sa iyong guro. Huwag kang mag-aral ng balarila upang makaraos
lamang. Mayroon kang minimithi na marahil ay wala sa ibang mga estudyante. Nais mong maging isang
mabisang ministro ng mabuting balita.

Kumusta naman kung ikaw ay nagkaedad na at lumaki sa pagsasalita ng isang wika na iba kaysa sa
ginagamit mo ngayon? O marahil ay hindi ka gaanong nagkaroon ng pagkakataon para sa higit na pormal
na edukasyon sa iyong sariling wika. Huwag masisiraan ng loob. Sa halip, gumawa ng tunay na pagsisikap
upang sumulong, na ginagawa ito para sa kapakanan ng mabuting balita. Ang karamihan sa nalalaman
natin tungkol sa balarila ay ating natututuhan sa pakikinig sa sinasabi ng iba. Kaya makinig na mabuti
kapag ang makaranasang mga tagapagsalita ay nagbibigay ng kanilang mga pahayag. Kapag nagbabasa ka
ng Bibliya at ng salig-Bibliyang mga publikasyon, pansining mabuti ang balangkas ng pangungusap, ang
mga salitang ginamit nang magkakasama, at ang konteksto ng pagkakagamit sa mga ito. Gawin mong
modelo sa iyong pagsasalita ang mabubuting halimbawang ito.
Ang kilalang mga artista at mga mang-aawit ay maaaring gumagamit ng mga pangungusap at istilo ng
pagsasalita na kasalungat ng balarila. Mahilig ang mga tao na tularan ang gayong mga indibiduwal. Ang
mga nagbebenta ng droga at iba pa na ang buong landasin sa buhay ay kriminal o imoral ay kadalasang
may sariling bokabularyo, na ang katuturan ng mga salita ay ibang iba sa karaniwang kahulugan. Hindi
isang katalinuhan para sa mga Kristiyano na tularan ang alinman sa mga taong ito. Ang paggawa nito ay
mag-uugnay sa atin sa mga indibiduwal na ito ng sanlibutan at sa kanilang paraan ng pamumuhay.—Juan
17:16.

Gawin mong kaugalian na gumamit ng mabubuting pananalita araw-araw. Kung magpapabaya ka sa


iyong pananalita sa pang-araw-araw na pakikipag-usap, huwag mong asahan na makapagsasalita ka nang
mahusay sa mga pantanging okasyon. Subalit kung gagamit ka ng mabuting uri ng pananalita sa pang-
araw-araw na buhay, ito’y madali at natural na darating sa iyo kapag ikaw ay nasa plataporma o kapag
nagpapatotoo sa iba hinggil sa katotohanan

You might also like