Ang Salitang Bayani

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

Ang Salitang “Bayani” sa Lipunan at Kasaysayan

ANG SALITANG bayani, gaya ng ibang mga salita, ay may sariling kasaysayan. Matatagpuan ang orijin
nito sa ilang mga pre-Hispanikong lipunan ng ating mga ninuno. Sa mga lipunang ito, kinikilala at
pinagpipitaganan ang isang espesyal na grupo ng mga tao – ang mga mandirigma. Ang trabaho ng mga
mandirigma ay manguna sa pagtatanggol ng pamayanan laban sa kinakaharap na kaaway o panganib.
Tinatawag sila sa magkakahawig na pangalan depende sa lugar: bagani, magani, bahani, bayani.

Bago mapabilang sa pili’t prestihiyosong pangkat na ito ay kailangang masubukan ang tapang ng
isang tao sa aktwal na pakikipaglaban. Kailangan siyang makapatay ng takdang bilang ng “kaaway” bago
makunsidera sa ganitong pusisyon. Hindi kailangan na ang kanyang mga biktima ay mapaslang sa
pakikidigma. Ang mahalaga ay nanggaling ang mga ito sa isang “kaaway” na tribo. Matapos mapatay ng
kandidato ang takdang bilang ng mga tao, magpupulong ang ibang mga bagani sa tribo at/o sa kalapit na
tribo para pagpasyahan kung igagawad ang naturang titulo. Samakatwid, hindi sapat na magpakita
lamang ng gilas ang isang tao para maging isang bagani.

May iba’t ibang antas ang pagkabagani o pagkamandirigma, depende sa bilang ng napatay at
papaboran (sasaniban) ng mga dyos. Ang mga antas na ito ay kinikilala sa pamamagitan ng kulay ng suot
ng mga mandirigma. Ang maniklad ang pinakamababang uri. Kailangan siyang makapatay ng isa
hanggang dalawang tao, bago makasuot ng putong na pula at dilaw. Limang kaaway naman ang
kailangang mapatay bago matanghal na hanagan at iyan ay kung siya ay magiging tagbusawan, ibig
sabihin, “sasaniban” ng kaluluwa ni Tagbusaw, ang dyos ng pakikidigma. Nalalaman na sinaniban ni
Tagbusaw ang isang tao kung siya ay pumailalim sa isang trans at kayang gampanan ang ilang ritwal,
tulad ng pagkain ng pusa at atay ng kaaway. Pagkatapos nito ay saka lamang siya maaring magsuot ng
pulang putong. Ang pagsuot ng pulang jaket ay karangalang laan sa kinaboan dahil sa pagpatay ng pito
hanggang 27ng kaaway. Samantala, ang pulang pantalong ay palatandaan ng luto na may 50-100ng
buhay nang kinitil. Sinasabing paborito raw ng mga dyos ang lumugum dahil nakasibat at nakapatay siya
sa loob mismo ng pamamahay ng kaaway. Itim ang kulay na maari niyang isuot.

Ayon kay Garvan(1931), ang tapang at galling ng bagani sa pagpatay ay utang niya sa proteksyon
ng mapandigmang dyos na si Tagbusau. Ang lahat ng bagani ay may anting-anting na iniingatan, at ang
bias nito ay ibayong nadadagdagan sa bawat buhay na kanyang makikitil. Ito ang magpapaliwanag kung
bakit tinutubog ng bagani ang kanyang agimat sa dugo ng kanyang kaaway. Samantala, sa bawat
pagpatay ay natitighaw naman ng bagani ang pagkauhaw sa dugo ng kanyang dyos na si Tagbusau.

Sa maraming mga pamayanan sa Mindanaw, ang bagani ay hindi lamang mandirigma kundi
siyang pinakadatu ng tribo. Ito ay totoo, laluna sa mga grupong Manuvu, Mandaya, Bukidnon at Bagobo.
Bilang pinuno ng tribo, hindi lamang kailangan ng bagani na maging pinakamatapang at pinakamalakas
sa pakikibaka. Kailangan din niyang mag-angkin ng mga kabangian ng isang pulitikal na puno, puno sa
relihiyon at punong manggagamot. Ang ganitong mga katangian ay kinabibilangan ng pagiging matatas
sa pagsasalita, maalam sa tradisyunal na mga batas, makatarungan at mabait sa kanyang mga
kababayan at “malakas” sa mga dyos. Siya ang nagpapatawag at nangungulo ng kahimunan o ang
pagtitipun-tipon ng mamayan para kolektibong magpasya sa mga isyung kinakahanap ng tribo. Bukod sa
pagiging tagapamagitan at tagahatol ng mga alitan at sigalot ay siya rin ang nangunguna sa mga ritwal
na pangrelihiyon. Siya ang itinuturing na pinakaparing namamagitan sa mga dyos at ng mga tao sa lupa.
Bagamat pinagpipitaganan ay hindi nagtatamasa ang bagani ng anumang espesyal na
pribilehiyong pampropriedad at pangmateryal. Hindi siya uring naghahari at nangingibaibaw kundi
totoong lingkod-bayan, isang supertaong hindi maaring magkait ng tulong sa sinumang
mangangailangan at hinihingi nito. Obligado siyang tumulong sa nangangailangan nang walang
hinihintay na kapalit.

Makikita kung gaano ang pagmamahal ng mamamayan sa kanilang mga mandirigma sa salaysay
na matatagpuan sa Boxer Codex na lumabas noong 1590. Ayon ditto, tinatawag na “bayani” ang mga
“palabang” ito dahil sa putong na “dalawang sungay ng kalabaw” na nababalutan ng ginto. Kasama daw
sa mga apisyo ng mga ito ang “pagdalaw at pagsayaw sa mga kasal at mga kapistahan,” kaya sila
iniimbitahan ng lahat sa ganitong mga okasyon. Itinuturing na malaking karangalan ang makapagdaos ng
piging para sa bayani, sapagkat ang sinumang makagagawa nito ay “binibiyayaan ng dyos” at
“minamahal ng taumbayan”

Aspetong Linggwistikal Ng Salitang ‘Bayani’: Kogneyt, Semantiks, at Derivativ

Ang kulturang bagani ay hindi lamang nilimita Manuvu, Mandaya, at Bagobo, kundi lumaganap
sa buong Kamindanawan at Pilipinas. Makikita natin ang malalim na impluwensya ng kulturang ito sa
pagkakaroon ng maraming mga kogneyt, ibig sabhin, mga salitang magkakapareho ang anyo at
kahulugan, bokabularyo at panitikan ng ating mga etnolinggwistik na grupo. Ang mga kogneyt ay
tumutulong sa atin para makagawa ng rekonstraksyon hindi lamang ng protoform kundi ng kumpletong
semantika nito.

Halimbawa, sa A Maranao Dictionary, ni Howard MacKaughan na lumabas noong 1967 ay


makikita natin ang apat na entri na pawing kogneyt sa salitang bagani na tumutukoy sa magkakaugnay
na tema ng “kawalang-takot”, “katapangan” “kasiglahan” at “kahalagahan”

Bagani, vim, vigour, anger


Bagania, strong, vigorous, powerful
Baraniq, worth, courage
Sambaraniq, courageous

Makikita ang importansya ng datos, laluna kung isasalang-alang na ang Maranaw ang
pangunahing wika ng mga Muslim sa Pilipinas, at base sa bilang ng tagapagsalita ay pangsyam na
pinakamalaking wika sa buong bansa. Ang magkakatulad na konsepto ay ipinapahayag din sa
Magindanaw (barani bravery; heroism’) at Sulu (balani ‘courage, worth’).

Ang katandaan ng salitang bayani sa Tagalog ay pinatutunayan ng mga pagbanggit ditto sa


tatlong sinaunang diksyunaryong Tagalog. Sa Vocabulario de Lengua Tagala ni San Buenaventura na
lumabas noong 1613 ay matatagpuan ang nag-iisang entri:
Valiente, bayani (pp) y de
Niercas, ang pagcabayani ni
Santos, la valentia de S a n t o s,
Bayani cang tavo eres hombre
Valiente. Walang cabayaning
Tavo es hombre muy valiente

Ang diksyunaryo nina Juan de Noceda at Pedro San Lucar na lumabas noong 1754 ay nagbigay
ng isa pang kahulugan para sa naturang entri, bukod sa “matapang.” Ang ikalawang kahulugan ay
tumukoy sa “sama-samang gawa” o “gawaing panlahat” (obra komon). Bagamat hindi nagbigay ng
detalye sina Noceda at San Lucar, malamang na tinutukoy dito ay ang kolektibong pagtutulungan ng tao
para sa gawaing bayan na noong panahong sinauna ay pinangungunahan ng mga bayani.

Ang ilang derivative ng bayani na binanggit nina Noceda at San Lucar ay: magbayani,
magpanggap bilang bayani (ibig sabihin, pwedeng huwadin ang pagkabayani); pagbayanihan na
tumutukoy sa taong nilalabanan ng bayani; ipabayani na narerefer sa dahilan ng pagbabayani, at
bayaning tipi na umano’y nangangahulugan daw ng ‘napakatapang’ (muy valeroso). Gayunman, sa
Diccionario Tagalog Hispano ni Pedro Serrano Laktaw na lumabas noong 1914 ay matatagpuan ang mas
“kumpletong” kahulugan.

Bayani intrepido, da esforeado, da; alentado, da; animoso, sa. Adj. arrogante,
tieso, sa; trafalmejo, ja adj.// guerrero, ra; aguerrido, da; belicoso, sa. Adj.//
Campeon. M=tipi, met. Muy templado; sumamente intrepido. Kabayanihan
Intrepidez; audacia f.// serenidad f.// Esfuerzo; denuedo. M – Pagkaanyong
bayani. Marcialidad f. Sino nimo de pinga; puinga.

Kasabihan: Ang bayaning nasugatan nag-iibayo nang tapang

Bugtong: Ang kumot nang bayani sinasakbi-sakbibi (Espada en cinto)

May dalawang tampok na pagkakaiba ang entri sa akda ni Serrano Laktaw sa naunang dalawang
nabanggit. Una, ang pagsama ng ‘mandirigma’ (guerrero), ‘bihasa sa digmaan’ (guerrido) at
‘mapandigma’ (belicoso) sa depinisyon. Ang kasabihan at bugtong na idinugtong niya ay nagpapalakas sa
karaniwang imahe ng bayani bilang mandirigma. Pati tikas o kasuotang mulitar ay may banggit. Dagdag
dito, naglagay pa siya ng sinonim na pinga, na matatagpuan sa parehong diksyunaryo na may
kahulugang “nacion belicosa”, ibig sabihin, ang buong nakikibakang bayan. Itong huli ay naglilinaw sa
konsepto ng bayani bilang lider-militar sa halip na nagsosolong tagapagligtas. Ang ikalawang tampok na
fityur sa entri ni Serrano-Laktaw ay iyong pagrefer nito sa mahinahong temperament (templado) ng
bayani, at ito’y kinukumpirma ng glos na “serenidad” para sa derivativ kabayanihan. Isa itong
pagpapatunay pa rin na hindi lamang sapat na maging mahinahon at matalino sa pagpapasya at
pamumuno, hindi padalus-dalus, at hindi mainitin ang ulo.
Mga Kasalukuyang Kahulugan at Gamit

Ang kasalukuyang kahulugan at gamit sa salitang bayani ay makikita sa Diksyunaryo Tesauro


Pilipino-Ingles ni Panganiban na lumabas noong 1972. Sinabi ni Panganiban na may apat na kahulugan
ang naturang salita. Una, iyong kahulugang katumbas sa ‘hero’ ng Ingles. Ang form nito ay bayani sa mga
wikang Bikol, Kapampangan, Sebwano, Samar-Leyte at Tagalog, samantalang ito naman ay baganihan sa
Hiligaynon, banuar sa Ilokano at palbayani sa Panggasinan.

Ang ikalawang kahulugang ibinigay niya ay ‘cooperative endeavor, mutual aid’, na malamang ay
ginamit sa parehong diwa tulad ng sa obra komun sa diksyunaryo ni Noceda at San Lucar. ‘Tulungan’,
‘usungan’ at ‘damayan’ ang mga sinonim na ibinigay niya sa naturang salita.

Ang ikatlo raw na kahulugan nito ay tumutukoy sa isang taong aniya’y ‘…who offers free service
in a cooperative endeavor’. Ibig sabihin. Sa mga taong nagtatrabaho sa isang kolektibong Gawain nang
hindi binabayaran. Ang ganitong katawagan ay kinukumpirma ng mga taga-Taytay, Rizal na inihalimbawa
sa may-akda na ang sinuman na may gusting ipagawa o ipaayos sa kanyang bahay (halimbawa, atip) ay
maaaring kumuha ng mga ‘bayani’ para sa ganitong gawain. Hindi swelduhan ang mga taong ito,
bagamat sila’y umaasang pakakainin ng may-patrabaho. Maaari ding ‘ipabayani’ ang ilang mga gawaing
pangnayon o pangbaranggay, tulad ng pagpapalinis sa kapaligiran. Anu’t anuman malinaw ang di-
swelduhang katangian ng mga gawain at ng gumagawa.

Ang ikaapat na kahulugan na ibinigay ni Panganiban ay para sa isang derivativ, ang mamayani,
na ayon sa kanya, ay isang verb na nangangahulugang to ‘prevail, predominate, be triumphant, or
victorious’.

May katibayan na nakakaabot ang salitang bayani sa hilagang bahagi ng Pilipinas. Sa Kordilyera,
ayon sa historical na linggwist na si Lopez, ang salitang unbalanak sa Igorot at balanni sa Apayao ay
pawing mga kogneyt, na nangangahulugang ‘kagilagilalas’ o marvel sa wikang Ingles.

May isa pang salita na kogneyt din (para kay Cecilio Lopez) pero higit na kalat kaysa mga salitang
bayani o bagani. Ito ang salitang nangangahulugan ng ‘magnet’ o ‘loadstone’ sa wikang Ingles at may
ganitong mga anyo sa sumusunod na wika: batobalani sa Tagalog, Sebwano, Bikol, Sambal, Ilokano,
Panggasinan, Aklanon at Hiligaynon; batumblani sa Bontok; batubarani sa Maranaw; at balan sa Sulu.
Naniniwala ang manunulat na ang ‘magnet’ ay ang ‘bato’ ng uring mandirigma, ang kanyang anting-
anting. Dahil sa magnetikong (“majikal” ,kung ibig ninyo) katangian ng nasabing element ay naniwala
ang ating mga ninuno na nanggaling ito sa mga dyos. Sapagkat galling ito sa mga dyos, maaari itong
gamitin bilang agimat. Sa Hamunuo English Dictionary ni Harold Conklin (1953), ang balani ay referent
para sa magnet, subalit isa rin itong anting-anting na ginagamit ng mga Mangyan para maging
matagumpay ang kanilang mga pangangaso at paghahanap ng mga pagkain. Idagdag dito, sa Bahasa
Melayo ang literal na kahulugan ng batu berani ay “matapang na bato”.
Kung paniniwalaan si Otto Dempwolff, naniniwala siya na ang salitang bayani ay hindi lamang
fityur ng kulturang Pilipino kundi ng kulturang Awstronesyan. Ang mga Awstronesyan ay tumutukoy sa
mga taong ang orihinal na tinubuang lupa ay Timog Tsina subalit naglakbay patungo sa Formosa, sa
Pilipinas, sa Indonesya hanggang sa marating nila ang Polinesya sa silangan at Madagaskar sa kanluran.
Natagpuan ni Dempwolff na ang Tagalog na bayani, Toba Batak barani, Java na wani, Malayo na berani
at bani Hova ay pawing magkakakogneyt at buhat ditto ay nirekonstrak niya ang protoform na bagaru
para kumatawan sa matandang salitang ito ng mga Awstronesyanong nangangahulugan ng “mawalan ng
takot (“to be intrepid, fearless”).

Malinaw kung gayon, na sa Pilipinas lamang nanatili ang orihinal na (mga) kahulugan ng salitang
bayani, para tumukoy hindi lamang sa isang matapang na tao kundi isang lider-mandirigma na ang
talmo, tapang, katapatan, at kakayahan ay nasubukan at napanday sa katwal na labanan. Kung ang
orihinal nitong kahulugan ang gagamiting pamantayan ay tiyak na marami ngayong nabansagang bayani
ay maituturing na nagbabaya-bayanihan lamang.

You might also like