Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 6

Ang Lohika ng mga Bula ng Sabon [mula sa antolohiyang Impetu (1991)]

Luna Sicat-Cleto

Dumarating ang sandaling iyon, di inaasahan, di hinihingi, basta na lang sumusulpot,


parang isang bisita, isang bisitang hindi ko maitaboy, patutuluyin ko lang, pakakapehin, hindi
niya iinumin ang kape, hahaplusin niya lamang niya ang tenga ng tasa, at tititigan niya ako, mula
ulo hanggang paa, parang bata siya kung makatitig, at alam kong tinitimbang niya ako dahil ako
ma’y naninimbang rin, titingin siya sa bintana at may ibubulong siya tungkol sa panahon, tatango
ako, kunwa’y narinig ko ang kanyang ibinulong kahit hindi, matagal na akong nabingi, hindi ko
alam kung ano ang narinig kong ingay, hindi ko na alam kung kumakanta pa ang ibon tuwing
umaga, kung ano mang ingay ang aking narinig, sigurado akong nabasag na ang aking bahay-
luga, tumagos hanggang sa aking utak, ngunit nakatatawa, alam ko pa rin ang tunog ng aking
pangalan, at dito’y nabibigyan ako ng pag-asa, delikado ang pag-asa, sabi nila ito ang naguttulak
sa tao sa kabaliwan, at nang tawagin ng bisita ang aking pangalan, hindi ko alam kung ako’y
nananaginip, iniangat ko ang aking ulo at ako’y ngumiti, may sasabihin sana ako tungkol sa
panahon, o sa timbang namin, kung kami ba’y pumayat o tumaba, kaya lang nakalimutan ko na
ang aking sasabihin nang pisilin niya ang aking palad, doon sa may pulso, kung saan humimlay
ang latay ng blade, at ibinulong niya: tumakas ka, tumakas ka, at mauunawaan ko ang ibig
niyang mangyari, gusto na naman niyang sumiping, hindi ako tututol, ako pa nga ang aakay sa
kanya sa kama, at nararamdaman ko ang kanyang panginginig, huhubarin ko ang kanyang damit
at gagayahin niya ako at uumpisahan na namin ang aming paglalayag, ganoon ang tingin ko sa
aming pagsiping, isang paglalayag, hindi ako tututol, pipilitin kong hindi mag-isip, hahayaan ko
lang, babalik siya bukas, bukas ang aking pinto, hindi ako umaangal, pagkat gusto kong mapuno
ng aming supling ang buong mundo, ang buong sansinukob, para hindi ko na maramdaman ang
pag-iisa, hindi ba, Sandali, pagkat iyon ang kanyang pangalan, Sandali, wala siyang mga
magulang o kapatid, wala rin siyang permanenteng tirahan o trabaho, hindi siya nakatali sa kahit
ano, kahit sa panahon. Sandali, hindi bagay sa kanya ang pangalang iyon, marahil hindi ko na
siya dapat pang bigyan ng pangalan, katulad siya ng isang tula, walang pangalan ang tula, kapag
binansagan na ng tao na ang tula ay tula, nawawala ito, naglalahong parang bula, hindi
mahahawakan kailanman.
Madalas kong iniisip kung ang lahat ng tao’y binibisita ni Sandali, hindi ako sigurado,
gusto ko sanang ihinga sa ibang tao ang tungkol sa kanya, kaya lang, hindi ko alam kung
maiintindihan nila ako, naalala ko tuloy ang aking kaibigan na nagpari, hindi daw niya
maintindihan kung bakit katahimikan ang aking hiniling nang minsang dalawin namin ang
Monasteryo ng Sta. Clara, maaari ko naman daw hilingin ang iba pang bagay, isang
kumportableng buhay sa piling ng isang responsableng asawa, dalawang maganda at normal na
anak, at isang bahay na malinis at tahimik na lugar, hindi ko nakikita ang aking sarili sa ganoong
sitwasyon, sagot ko sa kanya, hanggang sa kami’y magkahiwalay ng aking kaibigan, isang araw,
sa telepono, ibinalita niya sa akin na nahanap na niya ang katahimikan, at ngayon lang daw niya
naintindihan ang pag-uukilkil ko sa aking sarili, ayaw ko sanang isipin niya na ako’y
nagmamalinis, hindi ko pa natitikman ang lahat, hindi ko pa nararanasan ang lahat, marami pa
akong hindi nauunawaan, akala ko noon, nakilala ko na ang lahat ng dapat kong kilalanin, ang
Diyos, ang katahimikan, ang pang-unawa, inakala kong may nalalaman ako pero wala naman
pala, isa pa rin akong mangmang.
Siyanga pala, walang nakakaalam tungkol sa aking bisitang si Sandali, matagal na akong
namumuhay mag-isa, sa isang apartment sa Quezon City, maliit, masikip, maraming agiw,
walang tubig at kailangan mong buhusan ng tubig ang inidoro tuwing gagamitin mo, bumibili na
lang ako ng ulam sa labas dahil hindi ako marunong magluto, nasubukan ko na’ng mabuhay sa
de-lata at Skyflakes, kung minsan dinadalaw ko pa ang aking mga magulang at kapatid, pero
kaagad akong umaalis kapag naghahain na sila pagkat ayokong sumabay sa kanila, hindi ko alam
kung bakit, binibigyan ko ang aking ina ng pera mula sa aking sweldo, panggastos sa grocery,
naidaing niyang matataas ang presyo ng bilihin at habang nagtatalumpati ang announcer sa
tunog-lata niyang AM radio, gusto ko na itong ihagis sa bintana, nagbabasa ng diyaryo ang aking
ama, ni hindi siya lumingon nang sinabi kong aalis na ko, tinitigan kong muli ang bote ng
vitamins na nakatanghod, pampalakas, panlaban sa pagtanda, tuwing itatanong ng aking ina kung
kailan ako muling dadalaw, sasabihin kong sa susunod na linggo, kahit hindi totoo, dahil matagal
ko na’ng binura ang konsepto ng lingguhang bisita, basta na lang akong susulpot sa bahay, tulad
ni Sandali.
Kung minsan tuloy, naiisip kong mas madalas kong nakakasama si Sandali kaysa sa
ibang tao, ni hindi ko alam kung tao nga ba siya o kathang-isip ko lamang, kung ibang tao siguro
ang makakaalam tungkol dito, sasabihin siguro nila na kailangan ko nang magpatingin, noong
bata ako, mayroon akong kaibigan na ako lamang ang nakakakita, si Eugene, nagtatago siya sa
likod ng kurtina, nawala si Eugene, hindi ko alam kung bakit, baka nagtampo, hindi naman ako
nauubusan ng mga ganoong kaibigan, mga imaginary friends, kung tutuusin, mas naging
kumplikado ngayon dahil nagkaroon na ako ng mga kathang-isip na kaaway at kalaguyo.
Ganoon si Sandali, imaginary friend, lover and enemy, ang tindi ano, hindi naman ako
drug addict pero ganito ako mag-isip, bangag, maraming natatakot sa akin dahil weird daw ako,
sa tingin ko karaniwang sakit ito ng mga taong makikitid mag-isip, katulad lang sila ng mga
taong nagsasabing mabubuntis ka kapag umihi ka sa inidorong inihian ng lalaki, hindi lang ako
sumasabay sa kanila, ang utak ko pitik lang nang pitik, parang isang kamera, basta na lang
kumukuha ng litrato, hindi na nagpapaalam, kaya naiinis sila sa akin, masyado daw akong
candid, kung totoo, minsan isa akong anarkista, napakabayolente ko kung mag-isip, nang
minsang makakita ako ng lalaking tumatawid ng kalye iniisip ko kung ano kaya kung
masagasaan siya ng isang trak at gumulung-gulong ang kanyang ulo na parang barya, hindi lang
ako nagpapahalata na ganito ako mag-isip, kunwari, nasa isip ko ang dagat, ang bibilhin kong
damit, tumitingin ako sa kalawakan, nagkukunwang umiibig.
Wala akong boyfriend, maliban kay Sandali, siya lang ang nakakaalam ng aking amoy,
ang bawat tao ay may amoy, ang nanay ko amoy gatas na hinaluan ng ihi, ang tatay ko amoy
langka na inaanay, si Bituin amoy ng dahong malapit na isiga, ang amoy ko’y alam ng lahat
ngunit hindi matukoy, ewan ko kung bakit, hindi ako kagaya ng mga babae na amoy baby
powder o amoy pabangong kulay-luya, kung minsan ka-amoy ko ang bagong tabas na damo, ang
mumo sa lamesang nilalangaw, ang malalansang isda sa palengke, lalo na tuwing may regla ako,
sana hindi na lang nagreregla ang babae para tipid sa gastos sa napkin, si Sandali may regla din,
hindi nga lang siya gumagamit ng napkin, kasi wala namang dugo, alam ko lang na nireregla siya
kapag hinahawakan niya ang kanyang kamay, na parang hinuhugasan, nagtatatanggal ng di
makitang dumi doon, parang may hinuhugasang kasalanan, wala akong mortal na kasalanan,
hindi ako nakiapid sa lalaking may asawa, hindi rin ako nagnakaw o pumatay, hindi ko rin
sinuway ang aking mga magulang, siguro ang pinakamabigat na kasalanang maiisip kong ginawa
ko at ginagawa ko ay ang hindi ko paglimot sa mga kasalanan ng iba sa akin, ayokong
magmalinis, pero heto ako, ginagawa ko ang ritwal na pagmamalinis.
Kasalanan kaya ang pagsiping ko kay Sandali, hindi naman niya ako pinapasukan, ni
hindi pa ako nabibiyak, katulad ako ng isang dalanghitang lamog pero hindi pa nababalatan,
paano naman niya papasukan, e hindi ko naman siya talaga nahahawakan o nakikita o naaamoy
sa kumbensyunal na paraan, ihahambing ko siya sa hangin, ang hanging malaswa, na
humahaplos sa buhok at binti at dibdib, malaswa ba talaga ang hangin, hindi siguro, hanging
mapusok, hanging malambing, tayo ang malaswa, tayo naman ang nagbibigay ng kulay sa lahat,
ang kulay mismo’y walang kulay, ang pula ay hindi simbolo ng gamit, ang bughaw ay hindi
kalmado at misteryoso, ang dilaw ay hindi duwag, tayo ang gumagawa ng kulay, kung minsan
hindi ko alam kung naaawa si Sandali sa akin, dahil ako’y hinahalikan niya sa noo, dilat ang
kanyang mga mata, hindi niya ipinipikit, masarap humalik si Sandali, para kang kumakagat ng
isang bagong pitas na bayabas, isang bayabas na ninakaw mo mula sa bubong ng inyong
kapitbahay, na sinusuputan ng inyong pinsan para hindi pitasin ng iba pero pinipitas mo pa rin
para maasar siya, at maiisip mo na lang, bakit kaya niya sinusuputan ang bayabas, at para mo na
ring tinanong, bakit may mga taong gustong angkinin ang lahat, pati ang hangin?
Kung minsan gusto ko na lang sumama sa hangin, hindi ko nga alam kung makakayanan
ng hangin ang aking bigat, siguro pwede akong sumama sa ipoipo, alam kong sa dulo ng ipoipo
may lugar na maaari kong bagsakan, mabuti na lang hindi ako magaan dahil kung magaan ako,
tiyak na sasama ako sa ipoipong iyon habambuhay, gusto ko lang munang maglakbay at
kumawala, katulad ni Sandali, naiinggit ako sa kanya, marunong siyang makisama sa lahat, kaya
niyang magparami kahit wala ako, maghahanap lang siya ng ibang kaluluwang gaya ko, nagkalat
naman daw kami sa buong mundo, hindi ko lang daw alam iyon, dahil masyado akong nakatira
sa alapaap, doon ako natatakot, nakakatakot ang pagkilos ni Sandali, takot ako sa lahat, sino ba
ang kumportable sa mga sandali, ang mga guru, Zan Roshis, siguro yinayakap nila ang mga
sandali, katulad ng pagyakap nila sa mga ataul na walang laman, kanser, makalimuting mga
kaibigan, selda, sobinismo at sopistikasyon ng mga taong marunong umunawa ng mga masaya
dahil sila mismo’y masaya.
Kung kumilos si Sandali, para siyang daga, lalo na kapag kasama niya ang aming
supling, para silang mga dagang naghahabulan sa kisame, sa kisame ng aking utak, at
pinamumukha nila sa aking hindi ko sila matatakasan, na ang bawat isa sa kanila’y kailangan
kong pakapehin, patuluyin sa aking loob, hanggang sila’y dumami, sinusunod lang nila ang bilin
ng Testamento, humayo kayo at magparami, at hindi ako dapat tumutol, hahanapin nila ako kahit
saan ako magpunta, at sisisihin ko naman ang aking sarili, ang aking libog, alipin ako ng libog sa
Sandali, kaya hindi na ako masaya dahil palagi ko siyang hinahanap-hanap, gusto kong tapalan
ang lahat ng puwerta sa aking loob, mula sa aking mga mata, tenga, bibig hanggang sa aking
dakilang butas, pero walang silbi ang tapal, talaga namang wala akong alam sa vulcanizing kahit
noon pa man, isa lamang akong bulok na gulong, sarhan ko kaya ang mga pinto at bintana,
tapalan ko na kaya ang butas ng lumulundong kisame, tapalan ko kaya ang simento ng pader,
saan naman ako hahagilap ng simento, wala rin akong alam sa konstruksyon ng mga guni-guni at
panaginip at bangungot at multo, wala akong alam sa konstruksyon, nandiyan na sila, pabilis
nang pabilis ang kanilang mga kilos, hindi, wala, walang mangyayari, makakahanap pa rin sila
ng malulusutan, ang masaklap, naging kamukha ko silang lahat, at ako mismo’y nalilito sa aming
repleksyon sa salamin, punung-puno ng aking mga kawangis ang buong silid, ang buong
apartment, ang buong kalye, ang buong siyudad, ang buong planeta, ang buong sansinukob,
nandoon sila sa kusina, nagluluto, gumagawa ng omelette, may nagbubukas ng refrigerator at
kumukuha ng isang pitsel ng tubig, may naghuhugas ng plato, may nagta-tumbling sa sahig, may
naliligo sa banyo, may nagpapatugtog ng lumang plaka, may nagsasayaw, may humahalakhak,
wala, kahit saan ako magpunta, nandoon ang mga anak namin ni Sandali, hindi ako magtataka
kung bukas (umaasa pa rin akong isang bangungot lamang ito) kasabay ko sila sa dyip, at
kaharap ko sila sa aking klase, at matatanaw ko sila mula sa bintana ng aking klasrum, at
kasabay ko silang muli sa dyip pagkatapos ng trabaho, at kasabay ko sila sa aking pagtulog, kung
ako’y makakatulog, palaki nang palaki ang mga bilog ng aking mga mata, mga itim na bilog,
tanda ng aming pagsisiping ni Sandali, kailangang gawan ko ng paraan ang kanilang pagdami,
ngayon ko lang naiintindihan kung bakit kailangan ng population control, noon nakokornihan
ako sa mga taong nagdedemo ng contraceptives, dahil mukha silang tanga, pero sana may
contraceptives para dito, para hindi na dumami ang mga supling namin ni Sandali, kailangan
kong magdesisyon, kailangan ko silang patayin, ngunit natatakot akong pumatay, hindi ko rin
alam kung kinikilala nila ang kamatayan, dahil hindi naman nila kinikilala ang panahon, naiinis
ako sa sarili ko tuwing ako’y nagiging pilosopo, sana nag-aral na lang ako sa isang catholic
school, baka-sakaling may maiambag sila sa akin tungkol sa kabanalan ng buhay, ano kaya ang
ibig sabihin non, marami namang kolehiyalang nabubuntis, laglag belo na ang panahon ngayon,
naalala ko ang I Believe in God, may bahagi doon na sasabihin mong I believe in the communion
of saints, isang santo lamang ang aking hinahangaan, si St. Francis of Assisi, siya yung santong
marunong magpaamo ng mga mabangis na hayop, baka pwede akong humingi ng tulog mula sa
kanya para maigpawan ko na ang problema ko kay Sandali, pero hindi naman sila mababangis na
hayop, mababangis lamang sila kung kumilos, parang mga daga, dagang ngumangatngat ng
kisame ng aking utak.
“Gawin mo akong alagad ng iyong katahimikan,” ang sabi ng aming mga anak ni
Sandali, kung saan may kumakaluskos, magkakaroon ng kapayapaan, o kung hindi man ito
magkatotoo, pag-ibig, pag-ibig ang solusyon, sa bawat mukha ng damdaming ito’y naroroon ang
kakayahan nitong magpahupa ng mga kaluskos na bumabagabag at lumiligalig sa puso ng tao,
bigyan niyo na ako ng katahimikan, sigaw ko sa kanila, parang wala silang narinig, mas matindi
ang kanilang pagkabingi kaysa sa akin, minura ko silang lahat, tang-ina niyo, natawa sila dahil
sarili ko ang aking minumura, natauhan ako, huminga ako nang malalim, nasaan ang iyong sense
of humor, tanong nila, hindi ka ba marunong tumawa, natatawa ako, aaminin ko sa kanila,
kahawig lang ng tawa na lumalabas sa aking bibig, linilipsync ko na lang ang tawang katulad ng
mga taong hindi marunong kumanta pero napipilitang kumanta, aalis kami basta kumanta ka,
sagot nila, peks man, mamatay man kami, kutya nila, wala akong maisip na kanta, kundi ‘yung
mais na mais na kanta ni Paul Williams, You and Me Against the World, pinaligirian nila ako,
nasa gitna ako ng kanilang bilog, paos ang aking tinig sa umpisa pero sa bandang huli na, bigay
na bigay, mapait pa rin ang lasa ng himig, paborito naming kanta iyon ni Bituin, kinakanta namin
pagkatapos kaming paluin ng tatay ko tuwing tanghaling tapat pag ayaw naming matulog, at
hindi ko namamalayan, nakakatulog na ang mga anak namin ni Sandali, isa-isa silang nahiga,
kanya-kanya ng puwesto, hanggang kami na lang ni Sandali ang naiwan sa silid, at may inabot sa
aking flashlight ang aking kalaguyo, maglalaro daw kami ng mga anino, kumuha ako ng kumot,
pinatay ko ang ilaw, naglaro kami ng mga anino, ginamit namin ang aming buong katawan,
ginuhitan ni Sandali ang mga iniwang bakas ng anino, nagsimula siya sa mga walang-buhay na
bagay at huminto siya sa akin, may inabot siya sa aking isang tabo, isang tabong may tubig na
hinaluan ng sabon at isang alambreng may bilog sa dulo, sa kanyang kanang kamay may dinurog
siyang mga talulot ng gumamela na hinalo niya sa tubig at sabon sa tabo, at hinipan niya ang
alambre at nagpabula, at isa-isang inakay ang mga bula, ang mga supling namin ni Sandali.
Ito ang paraiso, bulong ko sa aking sarili, ang paraiso’y isang babaeng naglalaro ng mga
bula ng sabon, kapiling ang kanyang mga anino, at kapiling ang kanyang Sandali.

You might also like