Noong unang panahon sa isang maliit na isla ng Pumpol ay wala kang
makikita kahit isang dahon sa alin mang mga puno. Bagama’t ang islang ito ay kakikitaan lamang ng ilang mga uri ng puno, hindi naman ito naging isang mabigat na problema sa tribong Agayatay. Ang mga tao sa isla sa pamumuno ng isang datu at ang kanyang kanang-kamay na babaylan ay palaging gumagawa o nag-iisip ng mga paraan upang mapanatili ang ganda at kaayusan ng kanilang isla at magiliw naman itong sinusunod ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang pagtutulungan. Payak lamang ang pamumuhay sa isla, wala silang ano mang uri ng pinagkakakitaan bukod sa pag-aalaga ng halaman at baybaying dagat, kaya’t ‘di nila batid kung ano ang pera, tanging pagpapalitan lamang ang kanilang ginagawa. Kabilang sa mga utos ng hari ang pagsasaayos ng mga halaman tuwing umaga, kasama na ang mga halamang nakakain at mga halamang palamuti na kinagigiliwang tingnan ng lahat kahit na di nila batid na wala itong mga dahon, walang kulay berde na bumuhay sa kulay ng mga halaman, ngunit likas na likas ang pagpapahalaga at pag-aalaga ng mga nakatira sa lugar na iyon. Pagdidilig, pagtatanggal ng mga natuyong sanga, pagbubungkal ng lupa at maging ang pagkanta sa mga halaman ay iniutos ng kanilang datu. Masaya naman ang buong pamayanan sa kanilang ginagawa. Pagsapit ng tanghali, magiliw nilang pinagsasalo-saluhan ang kanilang mga inani mula sa mga bungang-kahoy sa kanilang tanim. Minsan nagdesisyon na magdaos ng isang patimpalak sa pasarapan ng lutong bungang-kahoy at pagandahan ng pagsasaayos ng mga halaman si Datu Asijca kasama ang babaylan na si Mebmeb. “Bilang bahagi ng ating pagpapasalamat kay Bathala sa langit at sa mga bathala ng mga halaman sa lupa, magsasagawa tayo ng paligsahan sa pasarapan sa pagluluto ng mga bungang-kahoy at pagandahan ng pagsasaayos ng mga halaman.” Wika ng datu Nagbulungan ang mga tao at agad na nagpakita ng kanilang kagustuhan sa anunsyo ng kanilang datu. “Ano po ang aking matatanggap kung sakaling ako po ang papalaring manalo sa patimpalak?” Tanong ng isang lalaki na nasa gawing kaliwa ng mga nagkukumpulang mga tao. “Bibigyan ko kayo ng mga malulusog na binhi ng masasarap mamungang punong-kahoy at magagandang tela para sa inyong tahanan.” Tugon ng babaylan. Naghiyawan sa galak ang mga tao dahil lubhang kinagigiliwan nila ang mga masasarap ng bungang-kahoy bilang pagkain sa araw-araw. Isang araw bago idaos ang paligsahan ay abalang-abala na ang mga tao sa pagsasaayos ng kanilang lulutuin sa paligsahan at ang mga pagsasaayos ng mga halaman. Sa paglilibot ng datu at ng babaylan ay nakikita nilang napakagaganda ng mga ginagawa ng mga tao sa kanilang isla. Kinakabahan na ang datu at ang babaylan sa papili ng mga mananalo sa patimpalak na kanilang isinagawa dahil pawang lahat sa kanilang paningin ay panalo na. “Napakaganda ng kanilang mga gawa.” Sambit ng datu. “Mahal na datu, lahat ng kanilang mga ginagawa ay pawang magaganda.” Tugod ng babaylan. “Paano tayo pipili kung sino ang mananalo? Nakahahabag naman ang mga matatalo dahil lahat sila ay pawang mga mahuhusay!” Muling sabi ng datu. “Hayaan mo aking mahal na datu, idudulog ko sa bathala ng langit at bathala ng halaman sa lupa ang ating suliranin mamaya rin pagsapit ng gabi sa oras ng aking pagdarasal.” Pabulong na sabi ng babaylan. Kinagabihan sa pagdadasal ng babaylan, unang kinausap ng babaylan ang bathala sa langit. Lumuhod ang babaylan sa isang malapad na bato sa isang liblib na parte ng kanilang isla. “O dakilang sa amin ay lumikha sa aki’y dumungaw nais kong makikaulayaw sa iyo at idulog ang aking suliranin.” Pagsusumamo ng babaylan. Walang ano-ano’y nilukuban ng liwanag ang kinaroroonan ng babaylan at umalingawngaw ang tinig makalangit. “Batid ko ang iyong suliranin aking anak. Lubos kong ikinagagalak ang inyong pangangalaga sa aking mga nilikha. Aking kakausapin ang bathala ng mga halaman sa lupa. Abangan mo bukas, kung ano ang aming magagawa.” Malumanay na tugon ng bathala sa babaylan. Kasunod nito’y nakangiting umuwi ng kubol ang babaylan, dala ang pangakong hatid ng bathala. Sa kabilang dako ang dalawang bathala ay nag-usap. “Bakit ako’y iyong tinawag bathala sa langit?” Nakangiting tugon ng bathala ng halaman. “Napansin mo ba ang ginagawang kabutihan ng mga tao sa isla pumpol?” Tugon ng bathala sa langit. “Opo at ito’y aking labis na ikinagagalak, bati ko rin ang kanilang patimpalak na isasagawa bukas din ng umaga.” Sabi ni bathala ng halaman. “Gung gayon, may naiisip ka na bang solusyon?” Tanong ni bathala sa langit. Tumango at ginantihan ng isang matamis na ngiti ni bathala ng mga halaman si bathala ng langit at payapa nilang nilisan ang isa’t isa upang bumalik sa kani-kanilang mga trono. Kinabukasan oras ng paghatol sa palighasan, lahat ay kapwa mga namangha sa kanilang mga gawa. Hindi na nagpakita ng pagkabahala ang babaylan at ang datu dahil sila ay may malaking pagtitiwala sa mga bathala. Maya-maya’y sumigaw ang mga tao at ipinahayag ang kanilang nais sabihin sa datu at babaylan. “Mahal na datu at babaylan, hindi na po namin ibig ang magpaligsahan, bagkus ay atin na lamang pong pagsaluhan ang gantimpalang ilalaan.” Sabi ng isa. “Pagka’t lubos pong magaganda ang aming mga ginawa, kapwa po kami namangha sa isa’t isa, kung mamarapatin po’y kami’y inyong mapakinggan.” Ngumiti ang datu at malugod na sinunod ang nais ng mga tao, ngunit bago pa man maikumpas ng datu ang kanyang mga kamay ay bilang umambon sabay ng isang malamyos at mabangong hangin. Nanlaki ang mga mata ng mga tao sa kanilang nakikita, utay-utay na nagsisiulputan ang iba’t ibang hugis sa kanilang mga halaman, may magaspang, madulas, mabango at mas kaaya-ayang tingnan at luntian ang kulay. Sa kalangitan ay may isang tinig ang sa kanila’y nangusap. “Labis kong ikinatuwa ang inyong pagmamahal sa mga halaman, bilang ganti, nais ko kayong gantimpalaa. Aking nilagyan ng dahon ng buhay ang inyong mga halaman, nang sa gayon ay habambuhay ninyong maaasahan. Sanay patuloy ninyong alagaan at paramihin ang mga halaman nang masilayan pa ng mga bata sa hinaharap, pangakong hindi ko ito babawiin, kayo na ang bahalang ito’y paunlarin.” Sa galak nilang lahat, sila ay napaluhod, lahat sila’y sumisigaw ng pasasalamat. Kaya’t hanggang sa ngayon ay nakikita natin ang mga dahon, kumakaway-kaway sa mga sanga nito at nagdudulot ng ganda sa kalikasan at sa tao. Kaya’t gaya sana ng tribong Agayatay, atin nawang alagaan ang ating mga halaman upang luntiang dahon nito ay di mamatay.