Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

HELERA, Eunice Joyce PanPil 101 2019-21594

Pagninilay sa aking kamalayan sa pagbabasa

Bilang isang mambabasa na kamakailan lang natutong magbasa hindi lamang para sa
kwento ng manunulat, kundi pati na rin sa kung paano ito isinulat, kung bakit ito isinulat, o kung
ano pang mga tanong, para lang masubukan ko ang sarili kung kaya ko bang maging kritikal na
mambabasa, baguhan pa ako sa mga aspektong masasabi kong hindi ko dati nagagawa o
hanggang ngayon siguro ay hindi ko pa pormal alam kung paano ito ginagawa. Sa tingin ko, ang
aking pagsipat sa isang babasahin, ay madalas sa kung paano ito naikekwento ng manunulat, o
‘di kaya kung paano ko ito iniintindi. Madalas, kung ang aking binabasa ay nakabase sa isang
totoong pangyayari, naghuhudyat itong dapat kong basahin sa kung paano ito naikekwento ng
manunulat. Kung ang akda ay isang tula o mga prosa na mahirap maunawaan, naghahanap ako
ng mga salita na maaaring maging isang simbolo o mga elemento na hindi maaaring basahin sa
literal nitong kahulugan.

Para mas mapaunawa ko ang aking sinasabi, ibabahagi ko na lamang kung ano sa tingin
ko ang aking pagkakaintindi sa aking paboritong libro, The Stranger ni Albert Camus. Nung una
ko itong nabasa, lalo na sa una nitong linya na “Maman died today. Or yesterday maybe, I don’t
know.” (Camus, A. & Ward, M., 1988, p. 3) Naunawaan kong walang emosyon ang tono ng
kwento. At lalo na’t may kaunting kaalaman rin tungkol sa manunulat at sa kung paano ito mag-
isip, naging epektibo ang pagsasalarawan ng gustong iparating ni Camus, na para sa akin: ang
kawalan ng kahulugan ng mundo, at saysay ng buhay. Kung ano man ang totoong gustong
iparating ni Camus, masasabi kong hindi siguro ako makakasigurado, at maaaring kinakailangan
ko pang sumangguni sa mga eksperto na nagbabasa kay Camus, o ‘di kaya’t magsaliksik at
maghanap ng mga analisis na maaaring si Camus ang nakakapagbahagi ng kahulugan nito.

Mas nakakasiguro akong maiintindihan ko ang gustong sabihin ng manunulat, kung ang
pagsusulat nito ay nasa Creative Non-Fiction, tulad ng librong, What I talk about when I talk
about running ni Haruki Murakami. Sa akin, mas mabilis ko itong maiintindihan at mababasa,
dahil nagiging spoon-fed ang pagbabahagi ng manunulat. Sa aking kamalayan, hindi ko
kinakailangan ng malalim na pag unawa o ‘di kaya’t hanapin ang gusto nitong iparating, dahil
ito’y lantaran nang sinasabi. Na sa pamamagitan ng paghahalintulad ng pagtakbo, ay parehas sa
proseso ng kanyang pagsusulat. Parehas kinakailangan ng pag eensayong maging matatag
(Murakami, H. & Gabriel, J.P., 2009).

1
HELERA, Eunice Joyce PanPil 101 2019-21594

Para naman sa aking kamalayan sa salitang Panitikan, aminado akong hindi maganda ang
pagpapakilala nito sa akin. Dumating sa puntong inisip ko na ang Panitikan sa Pilipinas ay
napakababaw at kung sakaling may mga tanyag na akda, ay malamang gawa ito ng mga
maaaring hindi na kasabayan ng ating henerasyon. Pag naiisip ko ang panitikan parating ang mga
babasahin lamang noong hayskul ang alam ko. Florante’t Laura, Ibong Adarna, at ang mga gawa
ni Rizal, na iniisip ko bigla na hindi ko pala sineryoso at binasa ang mga kwentong ito dahil
walang pagpapahalaga o paghihimay ng mga akdang ito. Isa na rin siguro, nang magkaroon ng
isang internet platform na tinatawag na Wattpad, at lalong bumaba ang tingin ko rito noong may
mga akdang nailimbag at tuwing makikita ko noon ay sumasabay rin ang paraan ng pagsulat sa
pagsikat ng Jejemon. Sa katunayan nga, hindi talaga sumagi sa mga intelektuwal na diskurso ang
salitang Panitikan nung hayskul ako. Lagi lang itong nakasabit sa Filipino subject at kung hindi
pahapyaw na pag aaralan ng isang oras, ay madalas pinapasadahan lang at maaaring tatlong
question lang ito sa buwanang pagsusulit namin.

Noong nasa Senior High School ako, hindi pa rin masyado ito naipakilala sa akin ng
maayos, dahil ang aming Literature, Creative Non-fiction, at Creative Writing professors, ay
pare-parehas nakaangkla sa Ingles ang kanilang mga kaalaman sa tinuturo. Sinusubukan kong
alalahanin kung kailan ba ako unang nakahawak ng librong pampanitikan na alam kong binasa
ko’t inintindi, at nagsimulang mahumali sa pagbabasa. Mga bandang kolehiyo na siguro, nang
ipabasa sa akin ng kaibigan ko na philosophy major, ngunit sumasali sa mga NWW at isang
beses ay naibahagi niya ang kaniyang sinulat nung sumali sa ANWW. Doon siguro nagsimula
ang pagkahumali ko sa panitikan, at unang nakilala ang mga manunulat na sina Edgar Calabia
Samar, Allan Popa, at ang mga akda ni Fr. Roque Ferriols.

Ngayong kolehiyo, kung ako na ngayon ay tatanungin kung ano ang panitikan para sa
akin, maaaring masasabi kong ito ay mga piyesa o akda na naipapahayag gamit ng pagsasalita o
pagsusulat, na nailimbag ng mga Pilipinong manunulat. Maaari ring ito’y isinulat o sinasabi sa
Ingles, pero parte pa rin ito ng Panitikan. Sinisikap ko pa rin alamin ang depinisyon ng Panitikan
sa sarili, dahil hindi kongkreto ang kahulugan nito.

Sa panghuling katanungan, nahirapan akong ipagsama ang Teorya at Panitikan. Maaaring


alam kong pwedeng ipagsama at maiisip kong ginagamit ito sa mga literary criticism o ‘di kaya’t

2
HELERA, Eunice Joyce PanPil 101 2019-21594

sa mga scholarly articles. Ang Teorya ay masasabi natin isang sistematikong pag iisip sa isang
karanasan, at kung bakit ito nakarating sa kung ano ito ngayon. Maaaring sa panitikan ay
ginagamit ito upang maunawaan ang pinanggagalingan ng isang manunulat sa kanyang akda,
maaari rin natin malaman kung bakit ganoon ang pagsasaaayos niya ng daloy ng kwento, ng
istraktura ng mga salita, at pati na rin ang iba pang mga elemento gaya ng kanyang mga karakter,
ang lokasyon, mga pangyayari, at pati na rin kung siguro nasusubaybayan ng mambabasa ang
manunulat at ang kanyang mga akda, maitatanong rin at mapag-aaralan natin kung bakit napili
ng Manunulat magsulat ng mga ganoong akda. Maaaring may pinangagagalingan o ipinaglalaban
na idea na ibinahagi sa pamamagitan ng paglimbag ng mga ito.

Mga Tala at Sanggunian:

Camus, A., & Ward, M. (1988). The stranger. New York: Vintage International.

Murakami, H., & Gabriel, J. P. (2009). What I talk about when I talk about running: A
memoir. London: Vintage.

You might also like